Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Pagbabayad-sala ni Jesucristo
Ang sakripisyo ng ating Tagapagligtas at ang tanging daan natin pabalik sa Ama sa Langit
Kung nawalay ka na sa isang taong mahal mo, kung gayon nauunawaan mo—sa maliit na antas—kung bakit nais ng Diyos Ama na makabalik tayo at mamuhay sa piling Niya magpakailanman. Mahal tayo ng Diyos, at isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo upang maging Tagapagligtas natin. Pumarito si Jesus sa mundo upang ibalik tayo sa Diyos.
Isinagawa ito ni Jesus sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa at sakripisyo—ang tinatawag ng mga banal na kasulatan na Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, nadaig ni Jesus ang lahat ng ibinunga ng Pagkahulog ni Adan: pasakit at pagdurusa gayundin ang pisikal at espirituwal na kamatayan. Naghanda Siya ng daan para sa atin hindi lamang para makabalik sa piling ng Diyos kundi maging katulad ng Diyos. Sa ganyang paraan, mas mailalapit tayo ni Jesus sa ating Ama sa Langit kaysa noon.
Para mapag-aralan ang mga pangyayaring may kaugnayan sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, rebyuhin ang paksang “Mortal Ministry of Jesus Christ.”
Bahagi 1
Kailangan Natin ng Isang Tagapagligtas—si Jesucristo
Para maunawaan kung paano tayo inililigtas ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, makatutulong na pag-isipan kung bakit kailangan nating maligtas. Mula saan tayo inililigtas ni Jesus? Sa ibang salita, ano ang sanhi ng pagkawalay natin sa Diyos?
Ang Diyos ay perpekto, makapangyarihan sa lahat, at imortal. Tayo ay hindi perpekto, mahina, at saklaw ng kamatayan. Iyan ay bahagyang kasalanan natin—bunga ng ating mga kasalanan at maling pagpili. Ngunit bunga rin ito ng pamumuhay sa mundong puno ng kasamaan. (Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa paksang iyan, tingnan sa “Pagkahulog nina Adan at Eva.” Ang pag-aaral ng tungkol sa Pagkahulog ay tutulong sa iyo na maunawaan nang lubusan ang layunin at pangangailangan sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.)
Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, malilinis tayo ni Jesucristo mula sa kasalanan at maibabangon tayo mula sa mga patay. Mabibigyan Niya tayo ng “lakas [na higit pa sa ating sariling lakas].” Si Jesucristo ay pinili ng Diyos, bago pa nilikha ang daigdig, upang maging ating Tagapagligtas (tingnan sa Moises 4:1–2; Abraham 3:26–27). Sa katunayan, Siya lamang ang maaaring maging Tagapagligtas natin.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Kung may nagtanong sa iyo ng “Bakit ko kailangan ang isang Tagapagligtas?” ano ang sasabihin mo? Basahin kung paano sinagot ni Pangulong Dallin H. Oaks ang gayon ding tanong sa kanyang mensahe na “Ano ang Nagawa ng Ating Tagapagligtas para sa Atin?” Pagkatapos ay isiping isulat ang nadarama mo tungkol sa ginawa ni Jesucristo para sa iyo.
-
Itinuro ng propetang si Lehi na tayo ay makapananahanang kasama ng Diyos sa pamamagitan lamang ng “kabutihan, at awa, at biyaya,” ni Jesucristo (2 Nephi 2:8). Naisip mo na ba kung ano ang mga kabutihang iyon? Ano ang tungkol kay Jesucristo na naging dahilan para maging Siya—tanging Siya lang—ang maging Tagapagligtas natin? Pagnilayan iyan habang binabasa mo ang mga scripture passage na ito: Mga Hebreo 4:15; 2 Nephi 2:6–9; Doktrina at mga Tipan 20:21–25.
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Marahil ay makatutulong sa inyo ang isang object lesson para makita kung gaano natin kailangan ang isang Tagapagligtas. Halimbawa, maaari kayong gumawa ng isang kunwa-kunwariang daan na maraming sagabal at harang at ihambing ito sa ating buhay. O maaari kayo sigurong magbahagi ng mga karanasan noong wala kayong magawa o nanganganib kayo at kailangan ninyo ng isang taong magliligtas sa iyo. (Ang video na “Where Justice, Love, and Mercy Meet” [5:36] ay nagbibigay ng magandang halimbawa.) Maaaring makahikayat ito sa inyo na pag-usapan kung bakit kailangan nating lahat si Jesucristo para iligtas tayo.
Alamin ang iba pa
-
Tad R. Callister, “Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2019, 85–87
-
“For God So Loved the World” (video), Gospel Library
-
“Blessings from Jesus,” Friend, Peb. 2020, 8
Bahagi 2
Dinaig ni Jesucristo ang Kamatayan para sa Atin
May isang bagay na karaniwan sa bawat tao sa mundo: lahat tayo ay mamamatay balang-araw. Mula sa Kanyang mortal na inang si Maria, namana ni Jesus ang kakayahang mamatay. Ngunit bilang Anak ng Diyos, may kapangyarihan din Siyang daigin ang kamatayan. Nagbangon Siya mula sa mga patay, at sa paggawa nito ay kinalag Niya ang mga tanikala ng kamatayan na bumihag sa ating lahat. Dahil Siya ay nabuhay na mag-uli, lahat tayo ay mabubuhay din na mag-uli at magiging imortal (tingnan sa 1 Corinto 15:20–22). Isang paraan iyan para higit nating makatulad ang Ama sa Langit, na may niluwalhati at imortal na katawan.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Sa Aklat ni Mormon, ang mga turo ni Amulek tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ay nagpabago sa buhay ni Zisrom. Basahin ang Alma 11:42–46 para malaman kung ano ang sinabi sa kanya ni Amulek, at pagnilayan kung paano maaaring makaimpluwensya sa iyong buhay ang pag-unawa sa mga katotohanang ito.
-
Ang Gospel Library ay may koleksyon ng Easter videos na nagtuturo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo at sa pag-asa at kagalakang ibinibigay Niya sa atin. Maaari mong panoorin ang isa o mahigit pa sa mga video na ito. Ano ang nadarama mo para kay Jesucristo habang pinanonood mo ang mga video na ito?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Maraming propeta ang nagsalita tungkol sa “tibo” ng kamatayan (tingnan sa 1 Corinto 15:55–57; Mosias 16:7–8; Alma 22:14; Mormon 7:5). Bakit mistulang “tibo” ito kapag namatay ang isang taong mahal natin? Pag-usapan kung paano iniibsan ng inyong pananampalataya kay Jesucristo ang tibo at sakit ng kamatayan para sa inyo.
Alamin ang iba pa
-
D. Todd Christofferson, “Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2014, 111–14
-
Reyna I. Aburto, “Hindi Nagtagumpay ang Libingan,” Liahona, Mayo 2021, 85–86
Bahagi 3
Napagtagumpayan ni Jesucristo ang Kasalanan para sa Atin
Karamihan sa atin ay nagsisikap na maging mabubuting tao. Ngunit sa kabila ng pagsisikap natin, lahat tayo ay gumagawa ng mga bagay na alam nating hindi natin dapat gawin. Lahat tayo ay nagkakasala, at iyan ay humahadlang sa atin na manahan sa kabanalan at kadalisayan sa piling ng Diyos—hindi ito makatarungan (tingnan sa Alma 42:12–15). Ngunit nais ng Diyos na mabuhay tayo magpakailanman sa Kanyang piling, kaya maawain Siyang naghanda ng paraan para madaig natin ang mga epekto ng kasalanan: Isinugo Niya si Jesucristo upang pasanin ang mga kasalanang iyon sa Kanyang sarili. Samakatwid, lahat ng taos-pusong nagsisisi ay mapapatawad at makababalik sa piling ng ating Ama sa Langit.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Paano ginagawang posible ng plano ng Diyos na mabayaran ni Jesus ang parusa para sa ating mga kasalanan? Isiping pag-aralan ang Alma 42:9–27 na nasasaisip ang tanong na iyon. Anong mga ideya at espirituwal na impresyon ang dumating sa iyo?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Pinatototohanan ng ilang himno ang kapangyarihan ni Jesucristo na iligtas tayo mula sa ating mga kasalanan. Mahusay na nailalarawan ito ng mga himno ng sakramento (tingnan, halimbawa, sa, “Mapitagan at Aba” o “Ako ay Namangha”). Maaari ninyong sama-samang kantahin o pakinggan ang ilan sa inyong mga paborito. Mayroon bang anumang parirala sa mga himnong ito na nagpapalakas ng inyong pananampalataya sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala?
Alamin ang iba pa
-
Dallin H. Oaks, “Nalinis sa Pamamagitan ng Pagsisisi,” Liahona, Mayo 2019, 91–94
Bahagi 4
Si Jesucristo ay Nakauunawa at Matutulungan Tayo
Ang iyong mga karanasan—kabilang na ang pinakamahihirap na karanasan mo—ay iyo. Maaaring ganito rin ang naranasan ng iba, ngunit may isang tao lamang na lubos na nakaaalam sa nadarama mo. Si Jesucristo ay “[nagdanas] ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso.” Dinala Niya sa Kanyang Sarili “ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao” (Alma 7:11). Bakit Niya gagawin iyon? Upang “malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:12). Ginawa Niya ito para magkaroon ka ng isang taong mababalingan, isang taong nakauunawa, isang taong may kakayahan at lakas na tumulong, anuman ang iyong pagdurusa (tingnan sa Mga Hebreo 4:14–16).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Anong kaibhan ang nagagawa sa iyo na nalaman mo na “pinasan [ng Tagapagligtas] ang [iyong] mga karamdaman, at dinala ang [iyong] mga kalungkutan”? (Isaias 53:4). Ang mga scripture passage na ito ay makatutulong sa iyo na pag-isipan ang tanong na ito: Isaias 41:10; Juan 14:18, 27; Doktrina at mga Tipan 122:5–9.
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Naisip mo na ba kung ano ang ibig sabihin ng pagdurusahan ng Tagapagligtas “ang sakit ng bawat nilalang, kapwa lalaki, babae, at mga bata, na kabilang sa mag-anak ni Adan”? (2 Nephi 9:21). Marahil maaari mong talakayin kasama ang iba ang ilan sa mga pasakit na kabilang dito—tulad ng mga pisikal at emosyonal na pasakit na nadama mo, na nadama na ng mga mahal mo sa buhay, at mga narinig mo tungkol sa iba. Hindi matatapos ang listahan mo, pero paano nakakaapekto sa mga nasa listahan mo ang paraan ng pagbabasa mo ng Alma 7:11–13? Paano nakakaapekto sa nadarama mo kay Jesucristo ang pagkaalam mo na nagdusa Siya?
Alamin ang iba pa
-
Dallin H. Oaks, “Pinalakas ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Nob. 2015, 61–64
-
Neil L. Andersen, “Sugatan,” Liahona, Nob. 2018, 83–86; tingnan din sa video na “The Wounded Shall Be Healed” (Gospel Library)
-
“Saan Naroon ang Aking Kapayapaan?,” Mga Himno, blg. 74