Library
Pagkahulog nina Adan at Eva


“Pagkahulog nina Adan at Eva,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)

Adan at Eva

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Pagkahulog nina Adan at Eva

Dahil sa paglabag nina Adan at Eva, ang kasalanan at kamatayan ay dumating sa daigdig

Bagama’t pamilyar sa maraming tao ang salaysay ng Biblia tungkol kina Adan at Eva, kadalasan ay mali ang pagkaunawa dito. Ang mga katotohanan sa banal na kasulatan na ipinanumbalik sa ating panahon ay tumutulong sa atin na mas maunawaan ang mga kalagayan sa Halamanan ng Eden at ang pagpili ng ating mga unang magulang na humantong sa pagpapaalis sa kanila sa halamanan. Ang karanasang iyan ay kilala bilang Pagkahulog at nagdulot ng mga bunga na nakaapekto sa lahat ng anak ng Diyos.

Ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay hindi biglaang pangyayari sa Ama sa Langit. Ang Pagkahulog ay mahalagang bahagi ng plano ng Diyos para sa kaligtasan at kadakilaan ng Kanyang mga anak. Matapos mangyari ang Pagkahulog, sina Adan at Eva ay naging mortal at nagkaroon ng kakayahang magkaroon ng mga anak, ngunit sila rin ay naging saklaw ng kasalanan at kamatayan.

Dahil sa Pagkahulog, lahat ng bagay na may buhay ay daranas ng mga paghihirap, karamdaman, at kamatayan. Ang pagsalungat na ito ay bahagi ng plano ng Diyos para sa atin, at ito ay nakatutulong sa ating pagkatuto, pag-unlad, at kakayahang makadama ng kagalakan. Upang matubos tayo mula sa mga epekto ng Pagkahulog, naglaan ang Ama sa Langit ng isang Tagapagligtas—si Jesucristo. Si Cristo ay may kapangyarihang tubusin ang mundo at lahat ng naroon mula sa mga epekto ng Pagkahulog.

Ano ang Pagkahulog nina Adan at Eva?

Ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay tumutukoy sa pagpili nila na labagin ang batas ng Diyos, na naging dahilan upang makaranas sila ng kamatayan at ihiwalay sila mula sa Kanyang piling. Ang Pagkahulog ay naghatid ng pisikal at espirituwal na kamatayan sa mundo. Ito ay mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit dahil pagkatapos lamang ng Pagkahulog maaaring magkaroon ng mga anak sina Adan at Eva. Dahil sa Pagkahulog, magagawa ng Diyos na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).

Buod ng Paksa: Ang Pagkahulog nina Adan at Eva

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Kalayaang Pumili, Pagbabayad-sala ni Jesucristo, Paglikha, Buhay sa Mundo, Plano ng Kaligtasan

Bahagi 1

Ginamit nina Adan at Eva ang Kalayaang Pumili

Sina Adan at Eva na tila balisa

Sina Adan at Eva ang una sa mga anak ng Diyos na bumaba sa lupa. Nanirahan sila sa kalagayan ng kawalang-malay sa Halamanan ng Eden, ibig sabihin ay wala silang mga anak at hindi sila nakaranas ng kagalakan o kalungkutan (tingnan sa 2 Nephi 2:23). Dalawang punungkahoy sa halamanan ang napakahalaga—ang punungkahoy ng buhay at ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama. (tingnan sa Moises 3:9). Iniutos ng Diyos kina Adan at Eva na huwag kainin ang bunga mula sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama (tingnan sa Moises 3:17). Kung susundin nila ang kautusan, maaari silang manatili sa halamanan. Kung kakain sila ng bunga, daranas sila ng kamatayan.

Binigyang-diin rin ng Diyos na mayroon silang kalayaang moral, o ang kapangyarihang pumili (tingnan sa Moises 3:16–17). Dumating si Satanas para tuksuhin sina Adan at Eva na kumain ng bunga. Sinabi niya sa kanila na hindi sila mamamatay kundi magiging matalino na tulad ng Ama sa Langit (tingnan sa Moises 4:10–11). Nang piliin nina Adan at Eva na kumain ng bunga, namulat ang kanilang mga mata at nagkaroon sila ng kaalaman, ngunit nakaranas din sila ng espirituwal na kamatayan, at kalaunan ay pinaalis sa harapan ng Panginoon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:40–41). Sila rin ay naging mortal, daranas ng sakit, karamdaman, kamatayan, at iba pang mga karanasan ng makasalanang mundong ito.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Basahin ang 2 Nephi 2:15–16. Ano ang natutuhan mo tungkol sa kalayaang pumili sa pamamagitan ng pag-unawa pa ng tungkol sa mga kalagayan ng Pagkahulog? Ano ang natutuhan mo tungkol sa kahalagahan ng pangangailangan nating piliin ang mabuti para sa ating sarili kaysa sa kasamaan? Pansinin ang paggamit ni Lehi ng salitang “nahikayat” sa mga talatang ito. Paano tayo nahihikayat kapwa ng mabuti at masama ngayon? Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa pangangailangan natin sa isang Tagapagligtas?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks:

    “Itinuro ni Amang Lehi na kung hindi naganap ang Pagkahulog, sina Adan at Eva ‘ay [mananatili] sa kalagayan ng kawalang-malay, walang kagalakan, sapagkat hindi sila nakakikilala ng kalungkutan’ (2 Nephi 2:23). Kung walang pagsalungat sa buhay na ito, ‘lahat ng bagay ay talagang kailangang magkasama sa isa,’ kung saan hindi magkakaroon ng kaligayahan o kalungkutan (talata 11). …

    “‘Si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon; at ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan’ [talata 25].”1

    Ano ang natutuhan mo mula sa mga itinuro nina Pangulong Oaks at Lehi sa Aklat ni Mormon na kinakailangang may pagsalungat?

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Nadaig ni Jesucristo ang mga Epekto ng Pagkahulog

sina Adan at Eva kasama ang kordero

Ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay nagbunga ng pagkahiwalay nila sa Diyos, na kilala bilang espirituwal na kamatayan. Dahil naging mortal ang kanilang katawan, sila ay daranas din ng pisikal na kamatayan at pagsalungat sa mundong ito, kung saan posibleng magkasala. Ang espirituwal at pisikal na kamatayan at kasalanan kalaunan ay makahahadlang kina Adan at Eva at sa kanilang mga inapo sa pagbalik sa piling ng Diyos.

Sa Kanyang walang-hanggang pagmamahal para sa Kanyang mga anak, naglaan ang Ama sa Langit ng isang Tagapagligtas, na ginawang posible para sina Adan at Eva—at tayong lahat—ay makapagsisi ng kasalanan. Si Jesucristo ang magbabayad ng ating mga kasalanan. Daranasin din Niya ang mga pasakit ng bawat lalaki, babae, at bata na mabubuhay, kabilang na ang sakit na dulot ng ating mga kasalanan, pinsala, karamdaman, at kawalan. Siya ay mamamatay at mabubuhay na mag-uli upang muli tayong mabuhay. Sa pamamagitan ng walang kapantay na kaloob ni Jesucristo, ginawang posible ng Diyos na makapagsisi tayo ng mga kasalanan, matuto, umunlad, at sa huli ay makabalik upang makapiling Siya.

Matapos lisanin ang Halamanan ng Eden, sinunod nina Adan at Eva ang mga kautusan ng Panginoon, kabilang na ang pag-aalay ng mga panganay ng kanilang mga kawan sa Panginoon bilang sakripisyo. Nalaman nila kalaunan na ang layunin ng sakripisyong ito ay tulungan sila na maalaala na ibibigay ni Jesucristo ang Kanyang buhay bilang sakripisyo para sa ating lahat. (Tingnan sa Moises 5:4–8.)

Mga bagay na pag-iisipan

  • Basahin ang Moses 5:11. Sa talatang ito, ibinuod ni Eva ang natutuhan niya mula sa kanilang karanasan sa Pagkahulog. Bagama’t kadalasan ay itinuturing natin ang Pagkahulog bilang panimula ng pasakit at pagdurusa sa mundo, hindi niya binanggit ang mga bagay na ito. Sa iyong palagay, bakit pinili ni Eva na magsalita tungkol sa Pagkahulog sa gayong paraan? Ano ang matututuhan natin mula kay Eva tungkol sa mga layunin ng ating buhay?

    Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

    “Dahil nadaig ni Jesucristo ang makasalanang mundong ito, at dahil nagbayad-sala Siya para sa bawat isa sa atin, madaraig din ninyo ang mundong ito na puno ng kasalanan, makasarili, at kadalasa’y nakakapagod.

    “Dahil, sa pamamagitan ng Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala, tinubos ng Tagapagligtas ang bawat isa sa atin mula sa kahinaan, mga pagkakamali, at kasalanan, at dahil naranasan Niya ang bawat pasakit, pag-aalala, at pasaning naranasan ninyo, kapag tunay na nagsisi kayo at humingi ng tulong sa Kanya, madaraig ninyo ang maligalig na mundong ito.”2

    Paano natin madaraig ang makasalanan at mortal na mundong ito? Kailan mo naranasan ang tulong ng Tagapagligtas para madaig ang mundo?

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Basahin ang Juan 3:16 bilang isang grupo, at pagkatapos ay anyayahan ang mga kagrupo na ibahagi kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng talatang ito. Pagkatapos ay basahin ang Moises 5:9, na naglalarawan sa ginagampanan ni Jesucristo bilang ating Manunubos. Anyayahan ang mga kagrupo na ibahagi ang natutuhan nila mula sa mga talatang ito tungkol sa pagmamahal ng Diyos at ang kaloob na sakripisyo at Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo, na nagtutulot sa atin na madaig ang mga epekto ng Pagkahulog.

  • Basahin ang Alma 7:11–13 bilang isang grupo, na pinapansin ang bawat salita na naglalarawan ng isang bagay na nararanasan natin sa mundong ito na puno ng kasamaan. Halimbawa, maaari mong mapansin ang mga salitang “mga tukso” at “mga sakit.” Ilista ang mga salitang ito para makita ng mga kagrupo. Pagkatapos ay basahing muli ang scripture passage, sa pagkakataong ito ay pansinin ang mga salitang naglalarawan sa nagawa ni Cristo para sa atin. Isulat ang mga salitang ito sa pangalawang listahan sa tabi ng unang listahan. Ano ang itinuturo sa iyo ng pagsasanay na ito tungkol sa kaugnayan ng Pagkahulog nina Adan at Eva at ni Jesucristo bilang ating Tagapagligtas?

Alamin ang iba pa

Bahagi 3

Ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay Mahalaga sa Plano ng Diyos

sina Adan at Eva kasama ang mga anak

Dahil sa Pagkahulog nina Adan at Eva, lahat tayo ay may pagkakataong tumanggap ng pisikal na katawan at maranasan ang kagalakan at paghihirap sa buhay na ito. May mga pagkakataon din tayo araw-araw na gamitin ang ating kalayaang moral. Dahil nahiwalay tayo sa Diyos nang walang alaala ng ating premortal na buhay, dapat tayong matuto at lumago sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at sa pamamagitan ng sarili nating mga karanasan.

Lahat ng ito ay mahalaga sa plano ng Diyos para sa ating walang hanggang kaligayahan. Para makabalik sa Kanya at maging katulad Niya, dapat nating gamitin ang ating kalayaang pumili upang piliin ang mabuti kaysa masama. Habang natututo tayo, nakagagawa tao ng mga pagkakamali. Ngunit ginawang posible ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala na madaig natin ang ating mga kasalanan at mapatawad at maging malinis, na nagtutulot sa atin na makabalik balang-araw sa piling ng Diyos at maging katulad Niya.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Basahin ang 2 Nephi 2:11, 15, at pansinin ang ginagampanan ng pagsalungat sa plano ng Diyos. Ano ang natutuhan mo mula sa mga talatang ito na nagsasaad na kailangang may pagsalungat? Paano nakakaapekto ang pag-unawa sa layunin ng pagsalungat sa paraan ng pag-iisip mo tungkol sa iyong mga pagsubok?

  • Ang Pagkahulog ay nagdala sa mundo ng pagdurusa at ng kagalakan. Basahin ang 1 Corinto 15:21–22 at 2 Nephi 2:19–25, na inaalam ang mga pagpapalang natanggap ng lahat ng tao pagkatapos ng Pagkahulog. Ano ang natutuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa layunin ng buhay?

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Alam natin mula sa makabagong banal na kasulatan ang nadama nina Adan at Eva tungkol sa kanilang paglabag. Basahin ang Moises 5:10–11 bilang isang grupo. Maaaring epektibo na pumili ng isang lalaki na magbabasa ng talata 10 at isang babae na magbabasa ng talata 11, na makatutulong para maisip ng mga kagrupo na ang nagsasalita ay sina Adan at Eva. Ibahagi sa iyong grupo ang nadarama mo tungkol sa mga talatang ito. Paano nakatulong ang pananampalataya nina Adan at Eva kay Jesucristo kaya gayon ang pananaw nila sa kanilang paglabag?

  • Ano ang nagdudulot sa inyo ng kagalakan? Anyayahan ang mga kagrupo na ibahagi ang mga sagot nila sa tanong na ito. Pagkatapos ay basahin nang sabay-sabay ang 2 Nephi 2:25. Sa inyong palagay, bakit itinuro ni Lehi sa kanyang anak na “ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan”? Ano ang kinalaman ng Pagkahulog nina Adan at Eva sa kagalakan? Ipabahagi sa mga kagrupo ang kanilang mga ideya.

Alamin ang iba pa

Iba pang Resources tungkol sa Pagkahulog nina Adan at Eva