Library
Paglikha


“Paglikha,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)

paglubog ng araw na tanaw ang mga bituin sa ibabaw ng kagubatan

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Paglikha

Ang layunin ng Diyos sa paglikha ng lahat ng bagay para sa Kanyang mga anak

Kailan mo huling tiningnan ang mga bituin sa kalangitan sa gabi, pinakinggan ang mga alon sa dalampasigan, o nag-hiking sa labas? Nabubuhay tayo sa isang magandang mundo. Bagama’t hindi natin nalalaman ang maraming detalye tungkol sa paraan kung paano nilikha ang mundo, alam natin na nilikha ito ni Jesucristo sa ilalim ng pamamahala ng Diyos Ama. At alam natin kung bakit ito nilikha. Nalaman noon ng propetang si Moises sa isang makalangit na pangitain na nilikha ng Diyos ang mga daigdig na hindi mabilang (tingnan sa Moises 1:7–8, 27–29). Ipinaliwanag ng Diyos kay Moises na nilikha Niya ang mundo upang “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Kapag nauunawaan natin na ang Paglikha ay isinagawa sa patnubay at kapangyarihan mismo ng Diyos, nakikita natin kung gaano kahalaga ito sa Kanyang plano para sa ating kaligtasan.

Ano ang Paglikha?

Sa ilalim ng pamamahala ng Diyos Ama, nilikha ni Jesucristo ang langit at ang lupa at lahat ng bagay sa mundo. Nilikha ng Ama sa Langit sina Adan at Eva sa Kanyang sariling larawan, kaya naging posible na maisilang ang Kanyang mga anak sa mundong ito.

Overview ng paksa: Paglikha

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Plano ng Kaligtasan, Buhay Bago Isilang sa Mundo, Jesucristo, Pagkahulog nina Adan at Eva, Buhay sa Mundo

Bahagi 1

Nilikha ni Jesucristo ang Mundo sa Ilalim ng Pamamahala ng Ama sa Langit

ulo at balikat na larawan ni Jesucristo

Sa kapulungan sa langit bago tayo isinilang, ipinahayag ng Diyos Ama ang Kanyang plano na maghahanda ng isang mundo kung saan mararanasan ng Kanyang mga anak ang mortalidad (tingnan sa Abraham 3:24–25). Nakasaad sa mga banal na kasulatan na isinagawa ni Jesucristo ang Paglikha sa ilalim ng pamamahala ng Diyos Ama (tingnan sa Moises 2:1). Ang Paglikha ng mundo ay naganap sa anim na yugto, na tinatawag ng mga banal na kasulatan na “[mga] araw” (tingnan sa Moises 2:1–31; Genesis 1:3–31; Abraham 4:1–31). Hindi inihayag ng Panginoon kung gaano katagal ang bawat “araw” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 101:32–34). Ang mga banal na kasulatan ay nakatuon sa layunin ng Paglikha sa halip na sa mga prosesong ginamit ng Diyos para maisakatuparan ito. Lahat ng bagay tungkol sa Paglikha ay nagpapatotoo sa lumikha nito na si Jesucristo (tingnan sa Moises 6:63).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Basahin ang tatlong pangunahing salaysay sa banal na kasulatan tungkol sa paglikha sa mundo: Genesis 1:1–25; Moises 2:1–25; at Abraham 4:1–25. Ano ang matututuhan mo sa pagkukumpara ng mga salaysay na ito?

  • Basahin ang Doktrina at mga Tipan 101:32–34. Alam natin na napakarami pang ihahayag, kaya paano mo ginagamit ang mga bagay na inihayag na tungkol sa Paglikha upang palakasin ang iyong pananampalataya ngayon?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Bigyan ng papel ang bawat tao. Sabihin sa kanila na itupi ito sa kalahati nang tatlong beses at pagkatapos ay buklatin ito para makita na nahati na ito sa walong bahagi. Sabihin sa kanila na isulat o idrowing sa kanilang papel ang nangyari sa bawat araw ng Paglikha, isang araw sa bawat bahagi ng papel, habang nilalagyan ng bilang ang mga araw habang ginagawa ito. Sa pangwalong kuwadrado, sabihin sa kanila na magsulat o magdrowing ng isang bagay tungkol sa Paglikha na lubos nilang pinasasalamatan (halimbawa, kanilang pamilya, karagatan, mga hayop, niyebe, at iba pa).

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Ang Pinakadakilang Paglikha sa Lahat ay ang Sangkatauhan

pamilya na may tatlong anak na batang lalaki na namamasyal sa kalikasan

Sina Adan at Eva, ang unang lalaki at babae sa lupa, ay nilikha ng Diyos at binigyan ng mga katawan na kahalintulad sa ating mga magulang sa langit (tingnan sa Genesis 1:27). Sina Adan at Eva ay pinagbuklod ng kasal nang sila ay basbasan ng Panginoon (tingnan sa Moises 2:27–28). Inihahayag ng Doktrina at mga Tipan na ang isang banal na layunin ng mundo ay nauugnay sa plano ng Diyos na magpakasal at magkaroon ng pamilya ang Kanyang mga anak (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 49:15–17). Dahil sa Paglikha, ang mga espiritung anak ng Diyos ay magkakaroon ng pisikal na katawan at mararanasan ang mortalidad.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Basahin ang Genesis 1:27; Roma 8:16–17; Mga Hebreo 12:9; Doktrina at mga Tipan 20:17–18; Moises 2:26–27; 6:8–9. Ano ang magagawang kaibhan ng kaalamang tayo ay mga anak ng Diyos? Maaari mo ring basahin ang Eter 3:6–16; Doktrina at mga Tipan 110:1–4; 130:22.

  • Basahin ang talatang ito mula sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”: “Ang unang kautusan na ibinigay ng Diyos kina Adan at Eva ay tungkol sa kanilang potensiyal na maging magulang bilang mag-asawa. Ipinapahayag namin na ang kautusan ng Diyos sa Kanyang mga anak na magpakarami at kalatan ang lupa ay nananatiling may bisa. Ipinapahayag din namin na ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata ay nararapat lamang gawin ng lalaki at babae, na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas.” Paano makatutulong sa iyo ang kaalaman tungkol sa banal na layunin ng Paglikha upang maunawaan mo kung bakit may mga batas ang Diyos na namamahala sa kapangyarihang lumikha ng buhay?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Panoorin ang video na “God’s Greatest Creation” (2:51). Talakayin ang ilan sa mga katibayan na nilikha tayo sa larawan ng Diyos.

Alamin ang iba pa

Bahagi 3

Ang Mundo ay Isang Kaloob, at Tayo ay mga Katiwala Nito

pamilyang nag-uusap habang namamasyal sa labas

Binigyan ng Diyos si Adan ng “kapangyarihan” sa mga nilikha sa mundo (Moises 2:28; 5:1). Sa makabagong paghahayag, sinabi ng Panginoon na “lahat ng bagay na nanggagaling sa lupa” ay “para sa kapakinabangan at gamit ng tao” (Doktrina at mga Tipan 59:18). Ngunit sinabi ng Panginoon na ang mga yaman ng mundo ay dapat gamitin “nang may karunungan, hindi sa kalabisan, ni sa pagkuha nang sapilitan” (Doktrina at mga Tipan 59:20).

Itinuro ni Bishop Gérald Caussé: “Ang banal na kaloob na Paglikha ay may kaakibat na mga tungkulin at responsibilidad. Ang mga tungkuling ito ay pinakamainam na inilalarawan sa konsepto ng tungkuling mangalaga. Sa ebanghelyo, ang ibig sabihin ng buong katagang tungkuling mangalaga ay isang sagradong espirituwal o temporal na responsibilidad na pangalagaan ang isang bagay na pag-aari ng Diyos na pananagutan natin.”1

Mga bagay na pag-iisipan

  • Basahin ang Doktrina at mga Tipan 59:16–20 at isulat ang mga dahilan kung bakit ibinigay sa atin ng Panginoon ang mundo at lahat ng mga bagay na narito. Isipin kung anong mga nilikha ng Panginoon ang nagdulot sa iyo ng kagalakan.

  • Sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith na lahat ng tao ay “[pananagutin], bilang isang katiwala sa mga makalupang pagpapala, na aking ginawa at inihanda para sa aking mga nilalang” (Doktrina at mga Tipan 104:13). Paano ka magiging mabuting katiwala o tagapag-alaga ng mga likha ng Diyos? Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng babala ng Panginoon na gamitin ang mga bagay na ito “nang may karunungan, hindi sa kalabisan, ni sa pagkuha nang sapilitan”? (Doktrina at mga Tipan 59:20).

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Maglakad-lakad malapit sa inyong tahanan. Hanapin ang mga bagay sa kalikasan na maganda o nagpapasaya sa inyo. Sa inyong palagay, bakit ginawang maganda ng Diyos ang mundo?

Alamin ang iba pa

Iba pang mga Sanggunian tungkol sa Paglikha