“Ang iyong katawan ay sagrado,” Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili (2022)
“Ang iyong katawan ay sagrado,” Para sa Lakas ng mga Kabataan
Ang inyong katawan ay sagrado
1 Corinto 6:18–20
Ang iyong katawan ay kamangha-manghang kaloob ng iyong Ama sa Langit. Ibinigay Niya ito sa iyo para tulungan kang maging higit na katulad Niya. Ang pagkakaroon ng katawan ay nagbibigay sa iyo ng dagdag na kapangyarihang gamitin ang iyong kalayaang pumili. Matutulungan ka ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo na ituring ang iyong katawan ayon sa pananaw ng Diyos. At gumagawa iyan ng malaking kaibhan sa iyong mga pagpili kung ano ang gagawin mo sa iyong katawan at kung paano ito pangangalagaan.
Mga walang-hanggang katotohanan
Ang iyong katawan ay nasa wangis ng Diyos—ang pinakamaluwalhati at maringal na Nilalang sa sansinukob. Ikinukumpara ng mga banal na kasulatan ang ating katawan sa isang banal na templo, isang lugar kung saan maaaring manahan ang Espiritu. Mangyari pa, hindi perpekto ang iyong katawan sa ngayon. Pero ang mga nararanasan mo sa iyong katawan ay makakatulong sa iyo na maghandang tumanggap balang-araw ng isang perpekto, nabuhay na mag-uli, at niluwalhating katawan.
Ang iyong kaluluwa ay binubuo ng iyong katawan at iyong espiritu. Dahil dito, ang pisikal na kalusugan at espirituwal na kalusugan ay mahigpit na magkaugnay. Inihayag ng Tagapagligtas ang Word of Wisdom para ituro ang mga alituntunin ng pangangalaga sa iyong katawan—at para mangako ng pisikal at espirituwal na mga pagpapala.
Ang damdaming seksuwal ay isang mahalagang bahagi ng plano ng Diyos sa paglikha ng masasayang pagsasama ng mag-asawa at mga walang-hanggang pamilya. Hindi masama ang mga damdaming ito—sagrado ang mga ito. Dahil napakasagrado at napakatindi ng mga damdaming seksuwal, ibinigay sa iyo ng Diyos ang Kanyang batas ng kalinisang-puri para ihanda kang gamitin ang mga damdaming ito ayon sa nilalayon Niya. Nakasaad sa batas ng kalinisang-puri na sinasang-ayunan ng Diyos ang seksuwal na aktibidad sa pagitan lamang ng isang lalaki at isang babaeng ikinasal. Marami sa mundo ang nagbabalewala o kumukutya pa sa batas ng Diyos, pero inaanyayahan tayo ng Panginoon na maging Kanyang mga disipulo at mamuhay nang mas mataas kaysa sa sanlibutan.
Mga paanyaya
Tratuhin ang iyong katawan—at ang katawan ng iba—nang may paggalang. Habang gumagawa ka ng mga desisyon tungkol sa iyong pananamit, estilo ng buhok, at hitsura, itanong sa iyong sarili, “Iginagalang ko ba ang aking katawan bilang sagradong kaloob ng Diyos?” Nais ng Ama sa Langit na tingnan natin ang isa’t isa sa kung sino tayo talaga: hindi lamang sa pisikal na katawan kundi bilang Kanyang pinakamamahal na mga anak na may banal na tadhana. Iwasan ang mga estilong nagbibigay-diin o umaakit sa di-angkop na pagpansin sa iyong pisikal na katawan sa halip na sa kung sino ka bilang anak ng Diyos na may walang-hanggang hinaharap. Hayaang gabayan ng moral na kalinisan at pagmamahal sa Diyos ang iyong mga pasiya. Humingi ng payo sa iyong mga magulang.
Gumawa ng mga bagay na magpapalakas sa iyong katawan—na hindi makakasakit o makapipinsala rito. Masiyahan nang may pasasalamat sa maraming mabuting bagay na inilaan ng Diyos. Pero tandaan na ang alak, tabako, kape, tsaa, at iba pang nakapipinsalang droga at mga sangkap ay hindi para sa iyong katawan o iyong espiritu. Kahit ang mga sangkap na makakatulong, tulad ng mga iniresetang gamot, ay maaaring makapinsala kung hindi gagamitin nang tama.
Panatilihing sagrado ang seks at ang damdaming seksuwal. Hindi ito dapat maging paksa ng mga biruan o libangan. Sa labas ng kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae, mali ang hipuin ang mga pribado at sagradong bahagi ng katawan ng ibang tao kahit nakadamit. Sa iyong mga pagpili kung ano ang gagawin, titingnan, babasahin, iisipin, ipo-post, o ite-text, iwasan ang anumang bagay na sadyang pumupukaw ng pagnanasa sa iba o sa iyong sarili. Kabilang dito ang anumang anyo ng pornograpiya. Kung makikita mo na ang mga sitwasyon o aktibidad ay mas nagpapatindi sa mga tukso, iwasan ang mga iyon. Alam mo kung ano ang mga sitwasyon at aktibidad na iyon. At kung hindi ka sigurado, matutulungan ka ng Espiritu, ng inyong mga magulang, at ng inyong mga lider na malaman ito. Ipakita sa inyong Ama sa Langit na iginagalang at nirerespeto mo ang sagradong kapangyarihang lumikha ng buhay.
Mga ipinangakong pagpapala
Madaragdagan ang respeto mo sa sarili at sa iba kapag iginagalang mo ang iyong katawan sa pamamagitan ng iyong pag-uugali, hitsura, at pananamit.
Nangako ang Panginoon ng malalaking yaman ng kaalaman sa mga taong sumusunod sa Word of Wisdom. Ang malusog na katawan, na malaya sa adiksiyon, ay nagpapaibayo rin sa kakayahan mong tumanggap ng personal na paghahayag, mag-isip nang malinaw, at maglingkod sa Panginoon.
Ang pagsunod sa batas ng kalinisang-puri ay naghahatid ng pagsang-ayon ng Diyos at ng personal na espirituwal na lakas. Kapag may-asawa ka na, ang batas na ito ay magdudulot ng higit na pagmamahal, tiwala, at pagkakaisa sa pagsasama ninyong mag-asawa. Gagawing posible ng pagsunod sa batas na ito na sumulong kayo sa walang hanggan at maging higit na katulad ng inyong Ama sa Langit. Lalago ang iyong tiwala sa sarili habang namumuhay ka bilang disipulo ni Jesucristo.
Mga Tanong at mga Sagot
Ano ang pamantayan ng Panginoon sa pananamit, pag-aayos, mga tato, at pagpapabutas ng mga bahagi ng katawan? Ang pamantayan ng Panginoon ay na igalang mo ang kasagraduhan ng iyong katawan, kahit mangahulugan pa iyan na maiiba ka sa mundo. Hayaang maging gabay mo ang katotohanang ito at ang Espiritu habang gumagawa ka ng mga desisyon—lalo na ang mga desisyon na may mga walang-hanggang epekto sa iyong katawan. Maging matalino at tapat, at humingi ng payo sa iyong mga magulang at lider.
Paano ko mapaglalabanan ang mga tukso at masasamang gawi? May kapangyarihan ang Ama sa Langit at si Jesucristo na tulungan ka. Puspusin ang buhay mo ng mga bagay na nag-aanyaya ng kapangyarihang iyon sa buhay mo, tulad ng panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at paglilingkod sa iba. Bumaling kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo at makikita mo na ang mga kahinaan ay maaaring maging mga kalakasan. Humingi ng tulong sa mga magulang, lider, at propesyonal na tagapayo kung kinakailangan. Para sa mga may problema sa adiksiyon, ang Simbahan ay nag-aalok ng addiction recovery program. Ito ang mga pagpapalang ibinibigay ng Simbahan ng Tagapagligtas para tulungan kang muling makontrol ang buhay mo. Kailangan ng panahon, kaya maging matiyaga, at huwag sumuko kailanman.
Naaakit ako sa mga taong katulad ko ang kasarian. Paano naaangkop sa akin ang mga pamantayang ito? Ang pagkaakit sa kapwa babae o kapwa lalaki ay hindi kasalanan. Kung ganito ang nadarama mo at hindi ka naghahangad o kumikilos ayon sa mga ito, ipinamumuhay mo ang sagradong batas ng kalinisang-puri ng Ama sa Langit. Ikaw ay minamahal na anak ng Diyos at isang disipulo ni Jesucristo. Tandaan na nauunawaan ng Tagapagligtas ang lahat ng nararanasan mo. Sa pamamagitan ng iyong pakikipagtipan sa Kanya, makasusumpong ka ng lakas na sundin ang mga utos ng Diyos at tanggapin ang mga pagpapalang ipinapangako Niya. Magtiwala sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo.
Naabuso ako, at nahihiya ako. Nagkakasala ba ako? Hindi ka ginagawang makasalanan ng pagiging biktima ng anumang pang-aabuso o panggagahasa. Huwag ka sanang makonsiyensya o mahiya. Mahal ka ng Tagapagligtas. Nais ka Niyang tulungan, pagalingin, at bigyan ng kapayapaan. Maaari ding makatulong ang mga propesyonal na tagapayo, iyong mga kapamilya, at iyong mga lider.
Tingnan sa Genesis 1:27 (nilikha tayo sa wangis ng Diyos); Juan 14:18 (nangangako ng kapanatagan ang Tagapagligtas); Filipos 4:7 (ang kapayapaan ng Diyos ay hindi maabot ng pag-iisip); Doktrina at mga Tipan 88:15 (ang espiritu at ang katawan ay ang kaluluwa); 89 (ang Word of Wisdom); 121:45 (ang mga banal na kaisipan ay nakadaragdag sa pagtitiwala sa sarili).
Mga tanong para sa temple recommend
Sinabi ng Panginoon na lahat ng bagay ay dapat “gawin sa kalinisan” sa Kanyang harapan (Doktrina at mga Tipan 42:41). Sinisikap mo bang gawing malinis ang iyong kaisipan at asal? Sinusunod mo ba ang batas ng kalinisang-puri?
Nauunawaan at sinusunod mo ba ang Word of Wisdom?