“Gumawa ng mga inspiradong pagpili,” Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili (2022)
“Gumawa ng mga inspiradong pagpili,” Para sa Lakas ng mga Kabataan
Gumawa ng mga inspiradong pagpili
Sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, matatagpuan ninyo ang mga turo ni Jesucristo at ng Kanyang mga propeta. Gamit ang mga katotohanang ito bilang gabay ninyo, makakagawa kayo ng mga inspiradong pagpili na magpapala sa inyo ngayon at sa buong kawalang-hanggan.
Si Jesucristo ang daan tungo sa walang-hanggang kagalakan. Kapag ginamit ninyo ang inyong kalayaan na piliing sumunod kay Jesucristo, kayo ay nasa landas patungo sa walang-hanggang kaligayahan. Gawing pamantayan ninyo si Jesucristo, ang inyong matibay na pundasyon. Patatagin ang inyong buhay sa Kanyang mga turo, at suriin ang inyong mga desisyon ayon sa mga ito. Ang mga tipang ginagawa ninyo sa binyag, sa oras ng sakramento, at sa templo ang mga magpapatatag sa inyong matibay na pundasyon kay Cristo. Mahaharap pa rin kayo sa mga paghihirap at tukso, pero tutulungan kayo ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas na malampasan ang lahat ng ito.
Kayo ay mga minamahal na espiritung anak ng Diyos. Ginagawang posible ng Kanyang dakilang plano ng kaligayahan na lumago kayo sa espirituwal at umunlad ang inyong banal na potensyal. Kaya nga isinugo Niya si Jesucristo para maging Tagapagligtas ninyo.
Nagtitiwala sa inyo ang inyong Ama sa Langit. Binigyan Niya kayo ng malalaking pagpapala, kabilang na ang kabuuan ng ebanghelyo at mga sagradong ordenansa at tipan na nagbibigkis sa inyo sa Kanya at naghahatid ng Kanyang kapangyarihan sa inyong buhay. Kasama sa mga pagpapalang iyon ang dagdag na responsibilidad. Alam Niya na makakagawa kayo ng kaibhan sa mundo, at kinakailangan diyan, sa maraming sitwasyon, na maiba kayo sa mundo. Hingin ang patnubay ng inyong Ama sa Langit sa paggawa ninyo ng mga pagpili. Bibiyayaan Niya kayo ng inspirasyon sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Ang layunin ng Para sa Lakas ng mga Kabataan ay hindi para sagutin kayo ng “oo” o “hindi” tungkol sa bawat posibleng pagpili na maaari ninyong kaharapin. Sa halip, inaanyayahan kayo ng Panginoon na mamuhay sa isang mas mataas at mas banal na paraan—sa Kanyang paraan. Tuturuan kayo ng gabay na ito tungkol sa Kanyang paraan. Ipinaliliwanag nito ang mga katotohanang inihayag Niya. Gawin ninyong gabay ang mga katotohanang ito sa paggawa ng mga pagpili—malalaking pagpili, tulad ng paggawa ng mga tipan sa templo at pagmimisyon, gayundin sa araw-araw na mga pagpili, tulad ng kung paano tratuhin ang mga tao o paano gugulin ang inyong oras o panahon.
Bagama’t matutulungan kayo ng iba, ang inyong espirituwal na paglago ay personal. Ito ay sa pagitan ninyo at ng Panginoon. Alam Niya ang nilalaman ng inyong puso, at Siya lamang ang maaaring maging Hukom sa huli. Gawin ang lahat ng inyong makakaya para magpakabuti sa bawat araw, sundin ang mga utos ng Diyos at tuparin ang inyong mga tipan, at tulungan ang iba na mas mapalapit sa Tagapagligtas.
Tingnan sa Mosias 4:29–30 (di-mabilang ang mga paraan para magkasala, kaya kailangan nating bantayan ang ating sarili); Helaman 5:12 (patatagin ang inyong pundasyon kay Cristo); Doktrina at mga Tipan 45:57 (gawin ninyong gabay ang Banal na Espiritu); 82:15 (ibigkis ang inyong sarili sa Panginoon sa pamamagitan ng mga tipan).