Mga Kabataan
Ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo


“Ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili (2022)

“Ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan

Ipinintang larawan ng isang dalagitang may hawak na kandila at nakatingin sa kalangitan.

Ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo

Juan 8:32

Ang inyong Ama sa Langit ay isang Diyos ng katotohanan. Alam Niya ang lahat. Lahat ng katotohanan ay nagmumula sa Kanya at humahantong sa Kanya. Ipinapakita ninyo na pinahahalagahan ninyo ang katotohanan kapag naghahangad kayong matuto, namumuhay nang may integridad, at matapang na naninindigan sa alam ninyong tama—kahit kailangan mong manindigang mag-isa.

Isang binatilyong nakangiti.

Mga walang-hanggang katotohanan

Nais ng Ama sa Langit na laging natututo ang Kanyang mga anak na babae at lalaki. Mayroon kayo ng kapwa temporal at espirituwal na mga dahilan para hangarin at gustuhing matuto. Ang edukasyon ay hindi lamang tungkol sa pagkita ng pera. Bahagi ng inyong walang-hanggang mithiin ang maging higit na katulad ng Ama sa Langit.

Ang pamumuhay nang may integridad ay nangangahulugan na mahal ninyo ang katotohanan nang buong puso—nang higit kaysa pagmamahal ninyo sa personal na kapanatagan, katanyagan, o kaginhawahan. Nangangahulugan ito ng paggawa ng tama dahil lang sa tama iyon.

May mahalagang bagay kayong maibabahagi. Nasa ebanghelyo ni Jesucristo ang mga sagot sa mga tanong sa buhay. Ito ang daan tungo sa kapayapaan at kaligayahan. Maaaring hindi ninyo alam ang lahat, pero sapat ang alam mo para tulungan ang iba na maunawaan at mapahalagahan ang totoo at walang-hanggang mga alituntunin.

Mga paanyaya

Matuto palagi. Humanap ng mga pagkakataong palawakin ang inyong isipan at mga kasanayan. Maaaring kabilang sa mga pagkakataong ito ang pormal na edukasyon sa paaralan o vocational training pati na rin ang di-pormal na pagkatuto mula sa sources na pinagkakatiwalaan ninyo. Isali ang Panginoon sa inyong mga pagsisikap, at gagabayan Niya kayo. Habang nalalaman kayo tungkol sa mundo sa inyong paligid, alamin din ang tungkol sa Tagapagligtas, na lumikha ng mundo. Pag-aralan ang Kanyang buhay at mga turo. Gawing bahagi ng inyong habambuhay na pagkatuto ang seminary, institute, at personal na pag-aaral ng ebanghelyo.

Mahalin ang katotohanan upang hindi ninyo gustuhing magnakaw, magsinungaling, mandaya, o manlinlang sa anumang paraan—sa paaralan, sa trabaho, online, saanman. Maging tapat na alagad ni Jesucristo sa publiko at sa pribado.

Maging liwanag para sa iba. Ipakita sa inyong mga salita at kilos ang inyong pananampalataya kay Jesucristo. Maghanda ngayon para sa mga oportunidad sa hinaharap na ibahagi ang Kanyang maluwalhating ebanghelyo, bilang isang missionary at sa buong buhay ninyo. At maging handang sabihin sa sinumang nagtatanong sa inyo ang tungkol sa pag-asa at kaligayahang nadarama ninyo.

Mga ipinangakong pagpapala

Ang edukasyon ay nagdaragdag sa kakayahan ninyong maglingkod sa Panginoon. Tinutulutan kayo nitong pagpalain ang iba, lalo na ang inyong pamilya. Habang lalo kayong natututo, lalo kayong makakatulong na itayo ang kaharian ng Diyos at impluwensyahan ang mundo sa kabutihan.

Ang katapatan ay naghahatid ng kapayapaan at paggalang sa sarili. Kapag ang inyong mga salita at kilos ay nakaayon sa katotohanan, ipinapakita ninyo na mapagkakatiwalaan kayo—ng ibang tao at ng Panginoon.

Kapag nanindigan kayo para sa mga turo ni Jesucristo, ipagtatanggol Niya kayo. Maaaring hindi sumasang-ayon sa inyo ang iba, pero mapapansin ang inyong tapang at katapatan. Sinusundan man ng iba ang inyong halimbawa o hindi, lalago ang inyong patotoo, tiwala sa sarili, at pananampalataya kay Cristo.

icon ng mga tanong at mga sagot

Mga Tanong at mga Sagot

Mali bang magkaroon ng mga tanong tungkol sa Simbahan? Paano ko mahahanap ang mga sagot? Ang pagkakaroon ng mga tanong ay hindi tanda ng kahinaan o kawalan ng pananampalataya. Sa katunayan, ang pagtatanong ay makakapagpalakas ng pananampalataya. Nagsimula ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo nang magtanong nang may pananampalataya ang 14-na-taong-gulang na si Joseph Smith. Maghanap ng mga sagot sa mga banal na kasulatan, sa mga salita ng mga propeta ng Diyos, mula sa iyong mga lider at tapat na mga magulang, at mula sa Diyos mismo. Kung hindi darating kaagad ang mga sagot, magtiwala na matututo ka nang taludtod sa taludtod. Patuloy na mamuhay ayon sa nalalaman mo na, at patuloy na hanapin ang katotohanan.

Ipinintang larawan ni Joseph Smith na nakaluhod sa harap ng Diyos Ama at ni Jesucristo sa Sagradong Kakahuyan.

Paano ako maninindigan sa tama nang hindi sumasama ang loob ng mga taong iba ang mga paniniwala? Magsimula sa pagtiyak na ang iyong mga salita at kilos ay nahihikayat ng pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang mga anak. Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay hindi dapat gawin nang may diwa ng pagtatalo kundi nang may kalinawan, kaamuan, at kabaitan. Maaari kang maging mapagmahal sa iba kahit hindi ka sang-ayon sa kanilang mga pananaw.

Tingnan sa Mateo 5:14–16 (hayaang magliwanag ang iyong ilaw); Juan 14:6 (Si Jesus ang katotohanan); 1 Pedro 3:15 (maging handa palagi na ibahagi ang iyong pag-asa kay Cristo); Doktrina at mga Tipan 88:77–80 (mga bagay na nais ng Panginoon na matutuhan natin); 93:36 (ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan); 124:15 (ang kahulugan ng integridad ay mahalin ang tama); 130:18 (ang ating katalinuhan ay kasama nating babangon kapag tayo ay nabuhay na mag-uli).

icon ng templo

Mga tanong para sa temple recommend

Sinisikap mo bang maging tapat sa lahat ng iyong ginagawa?