“Paghahanap ng mga Sagot sa Iyong mga Tanong: Pambungad,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Paghahanap ng mga Sagot sa Iyong mga Tanong
Pambungad
Bago pa man lumuhod si Joseph Smith para manalangin sa Sagradong Kakahuyan, nailatag na niya ang pundasyon para sa kanyang espirituwal na pag-unlad. Gumugol siya ng maraming buwan sa pagdalo sa mga pagsamba, pagbabasa ng Biblia, at pakikibahagi sa mga panalangin ng pamilya. Kinausap niya ang kanyang mga kapamilya, kabilang na ang ilan na nag-aalinlangan sa organisadong relihiyon. Kinailangang masigasig na kumilos si Joseph para mahanap ang mga sagot sa kanyang mga tanong. Sa huli, sinagot ng Diyos ang panalangin ni Joseph. Ngunit hindi sinagot ng Unang Pangitain ang lahat ng tanong ni Joseph. Para kay Joseph, ang paghahanap ng mga sagot ay habambuhay na hangarin.
Ngayon, ang impormasyon tungkol sa kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay mas madaling makuha kaysa rati. Maaaring malaking pagpapala ito, ngunit hindi palaging madaling malaman kung aling sources ang mapagkakatiwalaan. At ang ilan sa mga bagay na natututuhan natin ay maaaring pagmulan ng mahihirap na tanong. Sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf na “maaaring nahihiya ang ilan o nadarama nilang hindi sila karapat-dapat dahil mayroon silang seryosong mga tanong tungkol sa ebanghelyo, ngunit hindi dapat ganito ang madama nila.” Itinuro niya, “Ang pagtatanong ay hindi tanda ng kahinaan; simula ito ng pag-unlad.”1 Ang mga artikulo sa resource na ito ay nagbibigay ng ilang mungkahi na makatutulong sa iyo na magkaroon ng kapayapaan habang naghahanap ka ng mga sagot sa iyong mga tanong.