“Maging Mapagpasensya sa Iyong Sarili at sa Iba,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Paghahanap ng mga Sagot sa Iyong mga Tanong
Maging Mapagpasensya sa Iyong Sarili at sa Iba
Ang mga naunang Banal ay personal na nasaksihan ang tungkol kay Joseph Smith at ang Pagpapanumbalik. Nasaksihan nila ang mga himala—mga pagsasalin, pagpapagaling, at mga pangitain. Nakita rin nila ang mga hamon, pagkakamali, at kabiguan. Natutuhan nilang sundin ang propeta nang may “pagtitiis at pananampalataya.”1
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland: “Maging mapagpaumanhin sa kahinaan—sa inyong kahinaan gayundin sa mga [kahinaan ng mga] kasama ninyong naglilingkod sa Simbahan na pinamumunuan ng boluntaryo at mortal na kalalakihan at kababaihan. Maliban sa Kanyang perpektong Bugtong na Anak, mga taong di-perpekto ang tanging katulong ng Diyos sa gawain noon pa man.” Hinikayat tayo ni Elder Holland na maging “mapagpasensya [at mabait] at mapagpatawad” sa isa’t isa.2 Ang isang halimbawa ng pagpapasensya o pagtitiyaga ay ang kakayahang magtuon ng ating pansin sa makapagpapabuti sa atin sa loob ng mahabang panahon habang iniiwasan ang pagkainis at galit. Nangangailangan ito ng pagpapakumbaba, kabaitan, at pagdamay. Lumalago ang ating pananampalataya kapag nagpapasensya tayo sa ating mga kapatid at sa ating sarili. Isipin ang mga sumusunod na alituntunin:
-
Maging mapagpasensya sa iyong sarili. Maaaring nakalilito o nakakabalisa kapag may nalaman ka tungkol sa Simbahan o sa kasaysayan nito na salungat sa naunawaan mo noon. Bigyan ng oras ang iyong sarili na mas makita ang isang isyu nang mas malinaw at simulang unawain ang bagong impormasyon. Patuloy na mag-aral at manalangin. Maaaring matagalan bago mo madama na ikaw ay muling nasa matibay at maaasahang saligan. Ang mga nakaranas ng prosesong ito ay makapagpapatotoo na pinalalim nito ang kanilang pagbabalik-loob sa ebanghelyo.
-
Maging mapagpasensya sa mga miyembro ng Simbahan. Walang miyembro ng Simbahan na perpekto. Ang ating mga ward at branch ay puno ng matatapat na mananampalataya na kadalasang hindi nakatutugon sa pinakamataas na mga pamantayan ng ebanghelyo. Ang mga problemang nakikita natin sa mundo—di-mapagtanggap sa iba, pagkamakasarili, kahinaan ng moralidad, at iba pa—ay matatagpuan sa mga Banal sa mga Huling Araw. Kapag sama-sama tayong sumasamba at naglilingkod, masasaksihan natin ang mga pagkakamali at kakulangan ng isa’t isa. Dapat tayong magbigay ng puwang para sa biyaya ng Diyos habang sinisikap ng iba na magpakabuti, tulad din na kailangan natin ng kanilang pasensya sa pagsisikap nating makamit ang ating mga mithiin.
-
Maging mapagpasensya sa mga taong gustong tumulong. Ang mga taong may mga tanong o pagdududa ay madalas bumaling sa mga kapamilya, kaibigan, o lokal na lider para humingi ng tulong. Sa maraming pagkakataon, ang mga ugnayang ito ay nagbibigay ng kapanatagan at suporta. Nakalulungkot na kung minsan ang taong hinihingan natin ng tulong ay nagiging defensive o mapaghinala o hindi kinakikitaan ng pagdamay. Maaaring mahirap magpasensya sa iba kapag tayo ay nasa mabibigat na sitwasyon. Ngunit kailangan nila ang ating pasensya tulad din na kailangan natin ang pasensya nila.
-
Maging mapagpasensya o matiyaga sa mga lider ng Simbahan. Ang mga lider ng Simbahan na tinawag upang pamahalaan ang gawaing ito ay tapat ngunit hindi perpektong mga tao. Ipinahayag ni Elder Dieter F. Uchtdorf na “may mga pagkakataon na ang mga miyembro o mga lider ng Simbahan ay nagkakamali rin.”3 Totoo ito noon at totoo pa rin ngayon. Maaaring may masabi sa iyo ang isang lider ng Simbahan na lalong nagpaparamdam sa iyo na bigo ka o nag-iisa. Maaaring hindi sila kinakikitaan ng habag o pang-unawa na kailangan mo. Ang pagpapasensya sa mga lider ay hindi nangangahulugang kinukunsinti natin ang kanilang hindi makatwiran o mapang-abusong pag-uugali. Ngunit dapat tayong maging mapagsuporta, mapagmahal, at mapagpasensya sa karamihan ng mga lider ng Simbahan sa kanilang simple at di-perpektong pagtatrabaho para sa Sion.
-
Maging matiyaga sa itinakdang panahon ng Panginoon. Kapag may mga tanong tayo tungkol sa Simbahan, madalas tayong humihingi ng mabilisang sagot. Maaaring isipin natin na makatutulong na basahin ang lahat ng mahahanap natin tungkol sa isang isyu anuman ang source. O maaari nating isipin na mabilis na malulutas ng isang panalangin o pakikipag-usap sa isang lider ng Simbahan ang ating mga nararamdaman. Ngunit ang paghahanap ng kapayapaan ay mas mahabang proseso kadalasan. Ang di-pagkakatugma ng ating mga inaasam at ng kasalukuyang nangyayari sa atin ay maaaring masakit. Tulad ni Nephi, mapapanatag tayo sa kaalaman na “mahal [ng Diyos] ang kanyang mga anak” kahit na “hindi [natin] nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay.”4
Mahahalagang banal na kasulatan: Roma 5:3–4; Alma 7:23; Doktrina at mga Tipan 21:5