“Huwag Mag-alinlangan, Kundi Maging Mapagpaniwala”
Seminaries and Institutes of Religion Annual Training Broadcast • Hunyo 12, 2018 • Conference Center Theater
Elder Dale G. Renlund: Nagpapasalamat kaming makasama kayo. Nagpapasalamat kami sa ginagawa ninyong pagtuturo at pagsuporta sa mga seminary at institute sa buong mundo. Sa paggawa nito, laging tandaan kung gaano ang kasiyahan ng Panginoon sa inyong paglilingkod. Kasama Siya sa inyong tagapakinig; sinamahan Niya kayo, kasama Ninyo Siya, Siya “ay magpapauna sa inyong harapan,” Siya ay “papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa,” at ang Kanyang “Espiritu ay papasainyong mga puso,” at ang Kanyang mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo.”1
Salamat sa inyo sa ngalan ng Panginoon at ng Kanyang Simbahan sa inyong katapatan. Salamat sa pagtanggap sa inyong mga responsibilidad. Salamat sa pagtulong sa mga anak ng Ama sa Langit na makabalik sa Kanya. Salamat sa pag-anyaya sa Kanyang mga anak na lumapit kay Cristo.
Sister Ruth L. Renlund: Salamat sa napakagandang korong ito na nag-ambag sa Diwa ng miting. Natitiyak kong napalakas tayo ng magagandang mensahe nina Brother Chad H Webb at Elder Kim B. Clark. Salamat din sa kanilang mga halimbawa ng pagiging disipulo. Masaya kaming makapagsalita sa inyo ngayon tungkol sa pananampalataya at pagdududa, isang paksang palagi ninyong pinag-uusapan.
Elder Renlund: Isiping kunwari ay tumaob ang isang bangka habang naglalayag sa karagatan. May suot kang life saver at ilang oras nang lumalangoy papunta sa inaakala mong pinakamalapit na dalampasigan, pero hindi ka sigurado. Nauubusan na ng tubig ang iyong katawan, kaya sa tuwing lalangoy ka, nahihilo ka. Sa tantiya mo, mga 30 kilometro pa ang layo ng dalampasigan, o 18 milya pa. Natatakot kang mamatay. Sa di kalayuan may narinig kang ugong ng makina. Parang papalapit sa iyo ang tunog; naisip mong maliligtas ka na. Nang tingnan mo, may papalapit na bangkang pangisda.
Sister Renlund: “Hay, salamat na lang,” naisip mo, nakikita ka ng kapitan! Tumigil ang bangka, at isang mabait, giniginaw nang mangingisda ang tumulong para makasakay ka sa bangka. Buong pasasalamat kang gumapang papunta sa upuan sa bangka, at napabuntong-hininga. Binigyan ka ng mangingisda ng tubig at ilang biskwit. Ang tubig at biskwit ay nagbigay ng kailangang pagkain para manumbalik ang lakas mo. Naginhawahan ka at napakasaya mo. Papauwi ka na.
Nang medyo nanumbalik ang lakas mo at gumaganda na ang pakiramdam mo, napansin mo ang ilang bagay na hindi mo napansin noong una. Ang tubig ay medyo di na masarap ang lasa at hindi ito ang gugustuhin mong inumin—Evian o Perrier. At ang talagang gusto mong pagkain ay karneng masarap ang pagkaluto na susundan ng chocolate croissant. Napansin mo rin na ang butihing mangingisda ay matanda na, luma na ang bota at maong na suot niya. Ang pamunas ng pawis na nasa sumbrero niya ay may mantsa, at medyo bingi na siya.
Elder Renlund: Napansin mo rin na ang bangka ay luma na at may mga gasgas sa kanang bahagi. Ang ilang pintura ay natanggal na, luma, at nababakbak. Napansin mo rin na kapag nakapahinga ang kamay ng mangingisda sa sagwan, kumakabig ang bangka sa kanan. Nagsimula kang mag-alala na baka hindi ka mailigtas ng bangkang ito at ng kapitang ito. Tinanong mo ang matandang mangingisda tungkol sa mga gasgas at sagwan. Sinabi niyang di siya masyadong nag-aalala sa mga bagay na iyon dahil matagal na niyang gamit ang bangka, sa parehong ruta, araw-araw, sa loob ng maraming dekada. Palagi siyang naitatawid nang ligtas ng bangka saan man siya magpunta.
Nagulat ka! Bakit di siya nag-aalala tungkol sa mga gasgas at sa pagsagwan? At bakit kaya hindi mo nagustuhan ang pagkain? Habang lalo kang nakatuon sa bangka at sa mangingisda, lalo kang nag-aalala. May duda ka na sa desisyon mong pagsakay sa bangka. Lalo ka pang nag-aalala. Sa huli, hiniling mo sa mangingisda na itigil ang bangka at hayaan kang lumusong muli sa tubig. Kahit na mahigit 20 kilometro o 12 milya pa ang layo mo mula sa dalampasigan, hindi mo makayanan ang ideya na nasa bangka ka. Kahit medyo nalulungkot, tinulungan ka ng mangingisda na bumalik sa karagatan.
Sister Renlund: Sa talinghagang ito, ang bangka ay ang Simbahan at ang mangingisda ay ang mga taong naglilingkod sa Simbahan.2 Ang tanging layon ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay tulungan ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa Kanilang gawain na isakatuparan ang kaligtasan at kadakilaan ng mga anak ng Ama sa Langit.3 Ano ang itinuturo sa atin ng bangka at ng mangingisda tungkol sa Simbahan? Ang mga gasgas at nabakbak na pintura ba sa Simbahan ay nagpapabago sa kakayahan nitong maglaan ng mga ordenansang nakaliligtas at nakadadakila para tulungan tayong maging katulad ng ating Ama sa Langit? Kung kailangang sumagwan ang mangingisda gamit ang dalawang kamay para manatili ito sa landas, nakababawas ba iyon sa kanyang kakayahan at sa kakayahan ng bangka na dalhin tayo sa ligtas na lugar na gusto nating puntahan? Hindi kayo kailangang maordenan bilang tagakita tulad ng asawa ko para malaman na ang pagbalik sa tubig sa halip na manatili sa bangka ay mapanganib.
Bawat miyembro ng Simbahan ay kailangang may sariling patotoo sa katotohanan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kung wala ang pagbabalik-loob na iyon, at ang malaking pagbabago ng puso, maaaring magtuon ang mga tao sa isinasagisag ng biskwit at nabakbak na pintura.
Elder Renlund: Nagsimula ang patotoo ko noong nakatira ako sa Göteborg, Sweden. Ako ay 11 taong gulang noon. Inanyayahan ng mission president ang lahat ng kabataan na basahin ang Aklat ni Mormon. Ang kuya ko, na hinahangaan at iginagalang ko, ay tinanggap ang hamong iyon. Gusto kong maging katulad niya, kaya sinimulan ko ring basahin ang Aklat ni Mormon. Habang nagbabasa, siguro nasa aklat ni Alma na ako noon, sinabi sa amin ng isa sa mga counselor ng mission president na dapat naming ipagdasal ang binabasa namin. Naaalala ko ang gabi nang ginawa ko ang paanyayang iyon. Naaalala ko ang apartment na tinirhan namin at ang silid na tinutulugan namin ng kuya ko. Nang makatulog na ang kuya ko, bumangon ako at lumuhod sa tabi ng kama at sinimulan ang napakasimpleng panalangin para malaman kung totoo ang Aklat ni Mormon.
Wala akong narinig na tinig, pero parang sinabi sa akin ng Diyos na, “Noon ko pa sinasabi sa iyo na totoo ito.” Nagbago ako dahil sa karanasang iyon. Binago nito ang buhay ko. Sinimulan nito ang proseso ng paniniwala, ng pagtahak sa landas ng tipan at pagsisikap na pagbutihin pa. Sa Göteborg ko natutuhan kung paano magsisi. Sa Göteborg ako nagsimulang humanga sa mga taong gumaganap na mabuti sa kanilang mga tungkulin at masipag na nagtrabaho para itayo ang kaharian ng Diyos. Doon ako nagsimulang humanga sa matatapat na Banal ng Diyos saan man sila nakatira. Ang Göteborg at ang gusali kung saan kami nagpulong sa Viktoriagatan ay naging espesyal na mga lugar sa akin.
Tungkol sa mga unang nabinyagan ni Alma, mababasa nating: “At ngayon ito ay nangyari na, na ang lahat ng ito ay naganap sa Mormon, oo, sa mga tubig ng Mormon, sa kagubatan na malapit sa mga tubig ng Mormon; oo, ang lugar ng Mormon, ang mga tubig ng Mormon, ang kagubatan ng Mormon, anong ganda nito sa mga mata nila na nakarating sa kaalaman ng kanilang Manunubos, oo, at labis silang pinagpala, sapagkat sila ay aawit ng papuri sa kanya magpakailanman.”4
Sa Göteborg ako nagkaroon ng kaalaman tungkol sa aking Manunubos. Ang Göteborg at Viktoriagatan ang naging “Mga Tubig ng Mormon” sa akin.
Sister Renlund: Saan kayo nagkaroon ng kaalaman tungkol sa inyong Manunubos? Ano ang nadama ninyo? Kung nalimutan na ninyo, hinihikayat namin kayong alalahanin at hikayatin ang mga tinuturuan ninyo na alalahanin kung ano ang nadama nila. Ang kaalaman at damdaming ito ang simula ng pananampalataya.
Ang pananampalataya ay pagpiling kailangang gawin ng bawat tao. Ang pananampalataya ay hindi pangangarap lang na magkatotoo ang isang bagay at kumbinsihin na lang ang sarili ninyo na totoo ito. Ang pananampalataya ay ang katiyakan ng pag-iral ng mga bagay na hindi natin nakita sa laman. Ito’y isang alituntunin din ng pagkilos. Marahil masasabing ang pananampalataya ay tila espirituwal na alaala ng ating premortal na buhay.
“Ang pananampalataya ay kailangang nakatuon kay Jesucristo upang maakay nito ang isang tao tungo sa kaligtasan. … Nagniningas ang pananampalataya sa pakikinig sa ebanghelyong itinuturo ng mga awtorisadong administrator [na gaya ninyo] na isinugo ng Diyos. Hindi nagbubunga ng pananampalataya ang mga himala, subalit nahuhubog ang malakas na pananampalataya sa pagsunod sa ebanghelyo ni Jesucristo. Sa madaling salita, nagmumula ang pananampalataya sa kabutihan.”5 Ang pananampalataya ay hindi nagmumula sa paghingi ng mga tanda mula sa Diyos kundi sa pagsunod sa Kanyang mga utos.
Elder Renlund: Nais ng Diyos na manampalataya tayo. Nais Niyang manampalataya tayo para mapagpala Niya tayo. Sinabi ito ni Alma sa mapagpakumbabang mga Zoramita: “At ngayon, masdan, sinasabi ko sa inyo, at nais kong inyong tandaan, na ang Diyos ay maawain sa lahat ng naniniwala sa kanyang pangalan; anupa’t ninanais niya, sa unang dako, na kayo ay maniwala, oo, maging sa kanyang salita.”6
Pananampalataya ang susing nagbubukas sa awa ng Diyos. At itinuro ni Alma na ang isang tao ay kailangang magpasiya na gusto niyang manampalataya at kumilos nang may pananampalataya bago lumago ang pananampalataya. Nagpatuloy si Alma: “Subalit masdan, kung kayo ay gigising at pupukawin ang inyong kaisipan, maging sa isang pagsubok sa aking mga salita, at gagamit ng kahit bahagyang pananampalataya, oo, kahit na wala kayong higit na nais kundi ang maniwala, hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa inyo, maging hanggang sa kayo ay maniwala sa isang pamamaraan na kayo ay magbibigay-puwang para sa isang bahagi ng aking mga salita.”7
Para lumago ang pananampalataya, kailangang piliin ng tao na manampalataya. Kailangang hangarin ng tao na manampalataya. Kailangang kumilos ang tao nang may pananampalataya.
Sister Renlund: Siguro mailalarawan ang bagay na ito. Mayroon ditong isang board na may pako. Mayroon din tayong 12 pang pako. Kaya, may ipapagawa ako sa inyo. Maaari ba ninyong balansehin ang 12 pang pako sa ibabaw ng pakong nasa board?
Elder Renlund: Ha, ano?
Sister Renlund: Kaya ba? Hayan, may isa na. Kailangan pa ng 11. Habang ginagawa ang palaisipang ito, maaaring ipatong ang isa at tumigil na.
Elder Renlund: May babolgam ka ba?
Sister Renlund: Maaaring isipin na hindi ito puwede. Marami ang titigil, iniisip na, “Imposible ito.”
Pero kung sasabihin mong, “Posible ba ito?”, baka subukan mo ang ibang paraan. Subukan mo ito. Ilagay sa harap mo ang isang pako. Tapos ipatong mo nang pahalang ang isa pang pako, na sa iyo nakaturo. Ipatong ang susunod na pako sa unang pako nang hindi nakaturo sa iyo. Patuloy na ipatong ang lahat sa unang pako maliban sa huling pako sa ganitong paraan.
Sa paggawa nito, makikita mong may paraan. At maiisip mong, “Ah, baka puwede ito.” Nadaragdagan ang pag-asa mo. Sa huli, halos tapos ka na.
Elder Renlund: Nadagdagan nga ang pag-asa ko.
Sister Renlund: Ipatong mo ang huling pako at iayon mo sa unang pako. Tama! Ganoon lang. Ngayon, buong ingat mong hawakan ang pako sa ilalim, iangat mong lahat at ilagay ang pako sa ilalim sa pako na nasa board.
Minsan hindi umuubra ang unang gawa. Tulad din sa maraming eksperimento, kailangan mong subukan ulit. Ganoon pa rin ang gawin mo. Ipatong ang huling pako sa ibabaw nang buong ingat—
Elder Renlund: Di mo sinabi iyan kanina.
Sister Renlund: Iangat mo ang lahat ng pako at balansehin mo. Ayos! Kapag alam mo nang gawin, makikita mo na ang solusyon.
Elder Renlund: Huwag kang hihinga!
Sister Renlund: Ganyan din sa pagkakaroon ng patotoo. Kapag alam mo na kung paano tatanggap ng sagot mula sa Diyos, tiyak na ang kalalabasan. Nakasaad ito sa pangako sa Aklat ni Mormon na sinunod ng asawa ko noong 11-anyos siya at ginawa rin naming lahat nang magkaroon kami ng patotoo. “At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”8
Kapag sinimulan mo sa tanong na, “Totoo kaya ang mga ito?”, nauuwi ito sa pananampalataya. Kung sisimulan sa tanong na, “Di kaya mali ito?”, nauuwi ito sa pagdududa. At ang pagdududa ay hindi humahantong sa pananampalataya.
Elder Renlund: Minsan habang bumibisita sa stake conference, hiniling ng stake president na kausapin ko ang isang lalaking tatawagin kong Stephen. Si Stephen ay matapat na miyembro ng Simbahan. Siya ay returned missionary at ikinasal sa templo. Matapat siyang naglingkod nang maraming taon pero nagsimulang magduda sa Simbahan. Nang kausapin ko si Stephen, sinabi niyang may mga problema siya sa katotohanan na nagsulat o nagdikta si Joseph Smith ng apat na bersiyon ng Unang Pangitain. Naisip niya na baka ibig sabihin nito ay gawa-gawa lang ito ni Joseph Smith.
Ipinakontak ko kay Stephen ang isang lalaking nagtrabaho sa Church History Department na nagsaliksik sa apat na bersiyong ito sa naunang mga dekada. Nakipagkita si Stephen sa researcher. Nang sumunod kong makausap si Stephen sinabi kong, “Ano na ang pakiramdam mo tungkol sa Unang Pangitain?”
Sabi niya, “Ayos naman po kasi nasagot ang mga tanong ko. Hindi na po ako nababahala rito. Pero ngayon nag-aalala ako tungkol sa poligamya na ginawa noon sa Nauvoo at pagkatapos ng Manipesto noong 1890. Nababahala po ako rito.”
Sinabi ko kay Stephen na makipag-usap sa isang tauhan ng Church History Department. Pagkatapos ng talakayang iyon, kinontak ko si Stephen at kinumusta ko siya.
Sabi niya, “Hindi na po ako nababahala tungkol doon. Naunawaan ko na ang nangyari, at nasagot na po ang tanong ko. Pero ngayon nag-aalala ako sa hindi pagbibigay ng priesthood sa mga taga-Africa.”
Sister Renlund: Si Stephen ay gaya ng marami. Pinili niyang patuloy na magduda. Sa paglipas ng panahon, kapag nalutas ang isang problema, may nakikitang isa pang problema. Kahit gaano sikapin ng sinuman na sagutin ang mga tanong na ito, may nakikita siyang isa pang paksang pagdududahan niya. Ang ginagawa ni Stephen ay isang eklesiyastikal na uri ng whack-a-mole. Iyong laro ng mga bata kung saan may susulpot na mole mula sa board at pagkapalo dito, lilitaw na naman ang isa pang mole.
Kakaiba ito sa situwasyon ng isang babaing nakilala namin sa Lubumbashi, sa Democratic Republic of the Congo. Ang pangalan niya ay Angelique. Isa siyang matapat na returned missionary. Siya ay may malakas na patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith. Minahal niya ang Aklat ni Mormon. Minahal niya ang lahat tungkol sa Simbahan.
Nang makilala namin siya, nagbabasa siya ng aklat na matagal nang isinulat ng isa sa mga lider ng Simbahan bago pa ito naging Pangulo ng Simbahan. Isinulat ang aklat bago ang paghahayag sa priesthood noong 1978 at nakasaad doon na dahil sa ilang bagay na ginawa sa premortal na buhay, ang mga lahing African ay hindi madadakila. Humingi ng tulong si Angelique para maunawaan kung bakit ganoon ang mangyayari. Sinabihan siya ng isang miyembro noon ng Korum ng Labindalawa na ang dating lider na ito ng Simbahan ay mali, ganoon kasimple, at isinaad lang nito ang kanyang opinyon, na isang maling opinyon. Nasiyahan si Angelique sa paliwanag. Kumilos siya nang may pananampalataya sa pananatili sa landas ng tipan at pagtitiwala sa Diyos.
Elder Renlund: Hindi pagdududa ang nauuna sa pananampalataya. Ang liwanag ay hindi nakadepende sa kadiliman para malikha ito. Si Pedro ay hindi sinabihan, nang palubog siya sa tubig matapos subukang lumakad sa ibabaw nito, “O Pedro, kung mas nagduda ka pa sana.” Hindi, ang sabi sa kanya, “Oh ikaw na kakaunti ang pananampalataya, bakit ka nagalinglangan?”9
Sa Lectures on Faith, ang pagkakaiba ng pananampalataya at pagdududa ay ipinaliwanag: “At kung saan mayroong pagdududa at kawalang katiyakan ay walang pananampalataya, ni magkakaroon nito. Dahil ang pagdududa at pananampalataya ay hindi sabay na umiiral sa iisang tao; kaya nga ang mga taong ang isipan ay nagdududa at nangangamba ay hindi magkakaroon ng di natitinag na pagtitiwala; at kung walang di natitinag na pagtitiwala ang pananampalataya ay mahina; at kung mahina ang pananampalataya hindi magagawa ng mga tao na makipaglaban sa lahat ng oposisyon, masaklap na karanasan, at kalungkutan na kailangan nilang harapin para maging mga tagapagmana ng Diyos, at kasamang tagapagmana ni Cristo Jesus; at mapapagod ang kanilang isipan, at madadaig sila ng kaaway at wawasakin sila.”10
Ito talaga ang nangyari kay Stephen. Hinayaan niyang mapuno ng duda at kawalang katiyakan ang kanyang isipan. Sa paglipas ng panahon, wala siyang lakas para harapin ang mga hamon na kinakaharap ng miyembro ng Simbahan. Napagod ang kanyang isipan, at naglaho ang kanyang pananampalataya.
Sister Renlund: Hindi ang pagkakaroon ng tanong tungkol sa Simbahan at sa mga doktrina nito ang problema. Ang pagpiling patuloy na magduda ang problema. Naunawaan ni Joseph Smith na nang mabasa niyang, “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya.”11
At nagpatuloy ito, “Nguni’t humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan.”12
Sa madaling salita, magtanong sa Diyos, nang walang duda na maibibigay Niya sa iyo ang sagot. Nagpatuloy pa ang talata, “Sapagka’t yaong nagaalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabikabila. Sapagka’t huwag isipin ng taong yaon na siya’y tatanggap ng anomang bagay sa Panginoon. Ang taong may dalawang akala, ay walang tiyaga sa lahat ng kaniyang mga paglakad.”13
Para matanggap ang uri ng sagot na hinangad ni Joseph Smith, para matanggap ang uri ng sagot na wala sa atin, kailangan tayong lumapit sa Diyos nang may mapaniwalang puso at isipan na hangad ang mga bagay na nais ng Diyos na ipaalam sa atin.
Elder Renlund: Gustung-gusto namin ang sinabi ni Elder John A. Widtsoe, isang Apostol noon sa dispensasyong ito na taga-Norway. Uulitin ko sa ibang paraan ang malinaw niyang sinabi: “Ang pagdududa, maliban na maging pagtatanong ito [mula sa tamang sources], ay walang halaga sa daigdig. … Ang magmalaki sa pagiging mapagduda … ang palaging nagdududa, na kontento sa kanyang sarili, na ayaw magsikap, para pagbayaran ang halaga ng [banal] na pagtuklas, ay tiyak na mawawalan ng paniniwala at mapupunta sa kadiliman. Ang kanyang mga duda ay lalagong tulad ng kabuting may lason sa madilim na mga anino ng kanyang isipan at kaluluwa. Sa huli, bulag na gaya ng munting hayop sa kanyang lungga, karaniwan niyang inihahali ang pangungutya sa katwiran, at katamaran sa kasipagan. Ang pinakasimpleng katotohanan ay katumbas ng halaga ng lahat ng gayong uri ng pagdududa. … Ang pagdududa ay hindi mali maliban kung dito ito magwawakas [mismo]. Nagkakaroon ito ng dignidad kapag ito ay nagiging aktibong [banal] na pagsasaliksik, at pagsasagawa ng, katotohanan. … Ang pagdududang iyon na umaasa at lumalago sa sarili nito, at, sa pagmamatigas, ay nanganganak ng marami pang pagdududa, ay masama.”14
Totoo pa rin ang mga salita ni Elder Widstoe. Ang walang pag-unlad na pagdududa ay hindi humahantong sa pagkakilala sa tunay na pagkatao ng Tagapagligtas na si Jesucristo; hindi ito humahantong sa kaalaman na mayroon tayong mabait, mapagmahal na Ama sa Langit. Maaari nating malaman ang katotohanan nitong gawain sa mga huling araw, pero kailangang piliin natin ang pananampalataya, hindi ang pagdududa, at lumapit tayo sa tamang pinagmumulan para sa mga sagot. Kailangang matanto natin na tayo ang pipili. Hindi ito panlabas na puwersa na ipinipilit sa atin kung tatanggapin ba natin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang nakapagliligtas na mga ordenansa sa ating buhay. Pinipili nating magtiwala sa Diyos.
Sister Renlund: Kung minsan nahaharap tayo sa pagpapasiya kung ang isang bagay ay totoo o hindi. Nagbigay si Mormon ng huwaran: “Anupa’t lahat ng bagay na mabuti ay nagmumula sa Diyos; at yaong masama ay nagmumula sa diyablo; … Ngunit masdan, yaong sa Diyos ay nag-aanyaya at nang-aakit na patuloy na gumawa ng mabuti; kaya nga, bawat bagay na nag-aanyaya at nang-aakit na gumawa ng mabuti, at ibigin ang Diyos, at maglingkod sa kanya ay pinapatnubayan ng Diyos. … Sapagkat masdan, mga kapatid, ibinibigay sa inyo na humatol, upang malaman ninyo ang mabuti sa masama; at ang paraan ng paghahatol ay kasingliwanag, nang inyong malaman nang may ganap na kaalaman, ng liwanag ng araw mula sa kadiliman ng gabi. Sapagkat masdan, ang Espiritu ni Cristo ay ipinagkakaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama; samakatwid, ipakikita ko sa inyo ang paraan sa paghatol; sapagkat ang bawat bagay na nag-aanyayang gumawa ng mabuti, at humihikayat na maniwala kay Cristo, ay isinugo sa pamamagitan ng kapangyarihan at kaloob ni Cristo; kaya nga, malalaman ninyo nang may ganap na kaalaman na iyon ay sa Diyos. Ngunit anumang bagay na humihikayat sa tao na gumawa ng masama, at huwag maniwala kay Cristo, at itinatatwa siya, at huwag maglingkod sa Diyos, kung magkagayon, malalaman ninyo nang may ganap na kaalaman na iyon ay sa diyablo.”15
Kaya, simple lang. Kung inaakay ka ng isang pagpili na gumawa ng kabutihan at maniwala kay Cristo, ito ay mula sa Diyos. Kung hinihimok ka ng pagpili na gumawa ng masama at itatwa si Cristo, ito ay sa diyablo. Sa pagtahak mo sa landas ng tipan, malalaman mo na ang mga bagay na naglilisya sa iyo sa landas na iyon, na humihimok sa iyong huwag maniwala kay Cristo, ay mali. Ang mga bagay na humihikayat sa iyong maniwala sa Diyos, na mahalin Siya, at sundin ang Kanyang mga utos ay mula sa Diyos.
Elder Renlund: Nakakatuwang isipin na ang pagtugon sa mga espirituwal na paramdam ay depende sa kung pinipili mong maniwala o magduda. Naaalala ninyo sa Mga Gawa kabanata 2 nang mangangaral ang mga Apostol. May narinig silang tunog mula sa langit, na gaya ng ugong ng malakas na hangin. “At silang lahat ay nangapuspos ng Espiritu Santo, at nangagpasimulang magsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkakaloob ng Espiritu na kanilang salitain. … At nang marinig ang ugong na ito, ay nangagkatipon ang karamihan, at nangamaang, sapagka’t sa kanila’y narinig ng bawa’t isa na sinasalita ang kaniyang sariling wika. At silang lahat ay nangagtaka at nagsipanggilalas, na nangagsasabi, Narito, hindi baga mga Galileong lahat ang mga nagsisipagsalitang ito? At bakit nga naririnig ng bawa’t isa sa atin, ang ating sariling wikang kinamulatan?”16
Dahil sa kamangha-manghang pangyayaring ito marami ang nabinyagan. Ngunit para sa iba, kakaiba ang tugon. Mababasa nating, “Datapuwa’t ang mga iba’y nanganglilibak na nangagsabi, Sila’y puno ng bagong alak.”17
Ang Espiritu ay pareho rin; ito ang Espiritu Santo na ibinubuhos sa mga Apostol na taga-Galilea na nangangaral tungkol kay Jesucristo. Sa araw ng Pentecostes, ibinuhos ang Espiritu nang sagana, gayunman hinamak ng ilan ang mga nabinyagan at pinangatwiranan ang karanasan. Bilang resulta, hindi nila naranasan ang makasaysayang pagbuhos ng Banal na Espiritu. Ano ang ipinagkaiba? Ang kanilang pagpili. Ang mga pumili sa pananampalataya at paniniwala sa halip na pagdududa ay nagkaroon ng kagila-gilalas na espirituwal na karanasan na humantong sa pagbabalik-loob.
Sister Renlund: Binanggit din ito ni Alma. Sabi niya, “At kaya nga, siya na magpapatigas ng kanyang puso, siya rin ang tatanggap ng higit na maliit na bahagi ng salita; at siya na hindi magpapatigas ng kanyang puso, sa kanya ay ibibigay ang higit na malaking bahagi ng salita, hanggang sa ibigay sa kanya na malaman ang hiwaga ng Diyos, hanggang sa kanyang malamang ganap ang mga ito. At sila na magpapatigas ng kanilang mga puso, sa kanila ay ibibigay ang higit na maliit na bahagi ng salita hanggang sa wala na silang malaman pa hinggil sa kanyang mga hiwaga; at pagkatapos, sila ay kukuning bihag ng diyablo, at aakayin ng kanyang kagustuhan tungo sa pagkawasak.”18
Balikan natin ang talinghaga, ang mga piniling manatali sa luma, medyo gasgas na bangka na bakbak ang pintura ay ang mga hindi nagmamatigas ng kanilang puso. Tinatahak nila ang landas ng tipan at nananatili doon. At, sa pagtitiis nila hanggang wakas, ang pangako na buhay na walang-hanggan ay nasa kanila. Ito ang pinakadakilang kaloob na maibibigay ng Diyos. Sa prosesong ito natin makikilala si Jesucristo, malalaman na Siya ay buhay, malalaman ang Kanyang pagmamahal at habag. Ang espirituwal na kaloob na ito ay ibinibigay sa lahat ng kuwalipikado.
Sabi sa Doktrina at mga Tipan, “Sa iba ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng Espiritu Santo na malaman na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, at na siya ay ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Sa iba ay ipinagkaloob na maniwala sa kanilang mga salita, upang sila rin ay magkaroon ng buhay na walang hanggan kung sila ay patuloy na magiging matapat.”19
Elder Renlund: Noong Abril 2009, ako ay sinang-ayunan bilang General Authority sa Simbahan. Noong Oktubre 2009, hinilingan akong magsalita sa pangkalahatang kumperensya. Bahagi ito ng “bagong General Authority hazing program.” Tuwang-tuwa akong mapapakinggan ng tatay ko ang kumperensya. Masipag siyang karpintero noon at buong buhay niya ay ganoon ang trabaho niya at, sa edad na 92, ay nagkaproblema siya sa likod. Hindi siya makapunta sa Conference Center. Kaya tiniyak ng isa sa mga kapatid kong babae na mapapanood niya ang sesyon sa TV sa kanyang tahanan sa Salt Lake City.
Pagkatapos ng kumperensya nagpunta ako sa bahay niya para alamin kung ano ang palagay niya sa mensahe ko. Siya ay taong hindi masalita at bihirang pumuri.
Sabi ko, “Dad, napanood n’yo po ba ang kumperensya?”
Sabi niya, “Ja.”
Sabi ko, “Dad, narinig n’yo ba ang mensahe ko?”
Sabi niya, “Ja.”
Sabi ko, “Dad, ano po sa palagay n’yo?”
Sabi niya, “O, ayos naman. Halos magmalaki ako.” At iyon na ang pinamagandang masasabi niya.
Pero nalaman ko na medyo nabahala siya noong hapong iyon, dahil gusto sana niyang ikuwento sa akin ang panaginip niya noong gabi bago iyon. Hindi siya laging nananaginip. Hindi mapaglaro ang isip niya. Hindi ko siya narinig na nagsinungaling kailanman. Palagi siyang diretsahang magsalita at tapat. Sabi niya, “Nanaginip akong namatay ako at nakita ko ang Tagapagligtas na si Jesucristo. Niyakap Niya ako at sinabing pinatawad ang mga kasalanan ko. At Dale, ang ganda ng pakiramdam.” Iyon lang ang sinabi niya, at hindi na ako nagtanong pa. Namatay siya makalipas ang dalawang buwan habang kami ni Ruth ay nasa Madagascar.
Ang tatay ko, matapos sumapi sa Simbahan sa Larsmo, Finland, sa edad na 24, ay namuhay ayon sa natanggap niyang liwanag at kaalaman. Ginawa niya ang lahat ng ipinagagawa sa kanya. Naging karapat-dapat siya sa kaloob na iyon ng Espiritu na malaman na si Jesus ang Cristo at ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan, at para sa kanyang mga kasalanan. Ang pagiging marapat sa kaloob na ito ay hindi batay sa kasarian at hindi batay sa katungkulan sa priesthood. Ito ay nakabatay sa pagiging marapat sa kaloob na iyon sa pamamagitan ng pagpili sa pananampalataya, sa pagpili sa landas ng tipan.
Sister Renlund: Mga kapatid, sa pagtulong ninyo sa mga indibiduwal na madaig ang pagdududa at pagkakaroon ng pananampalataya, isinasagawa ninyo ang sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson na gawin natin sa Simbahan. Sinabi niya, “Ang ating mensahe sa mundo ay simple at taos-puso: inaanyayahan natin ang lahat ng anak ng Diyos sa magkabilang panig ng tabing na lumapit sa kanilang Tagapagligtas, tanggapin ang mga pagpapala ng banal na templo, magkaroon ng walang-hanggang kagalakan, at maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan.”20 Ang pagtanggap sa paanyayang ito ay pagpapakita ng pananampalataya.
Sa pagtuturo ninyo, tinutulungan n’yo rin ang mga umalis sa landas ng tipan. Nagtuturo kayo para sa kanila, sa kanilang mga anak, mga apo, at baka sa mga apo-sa-tuhod. Nanghikayat ang Tagapagligtas, “Sapagkat sa mga yaon kayo ay patuloy na maglilingkod; sapagkat hindi ninyo alam kung sila ay magbabalik at magsisisi, at lalapit sa akin nang may buong layunin ng puso, at pagagalingin ko sila; at kayo ang magiging daan ng pagdadala ng kaligtasan sa kanila.”21
Panahon ito para sa positibong pananaw sa Simbahan. Ang katotohanang natago sa maraming siglo ay inihayag. Napakarami na ng mga templo sa mundo. Ipinapangaral ng mga missionary ang mensahe ng malaking kagalakan sa halos bawat bansa. Bilang mga Banal at disipulo ng Panginoong Jesucristo, nagkakaisa tayo sa ministering sa “mas banal na paraan,” gaya ng sinabi ni Pangulong Nelson, at pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang “gawain sa panahon nito.”22 Kasama natin sa paggawa ang Panginoon ng ubasan.23 Ang itinuturo ninyong mensahe ay mensahe ng malaking kagalakan at kaligayahan na isang pagpapala sa matatapat.24
Elder Renlund: Ang unang responsibilidad ko bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa ay humayo at sabihin sa Church History Department na papalitan ko si Elder Jeffrey R. Holland bilang advisor sa kanilang departamento. Gaya ng nakikinita ninyo, nagkaroon ng “pagtangis, at panaghoy, at pagngangalit ng mga ngipin”25 nang malaman nilang papalitan ang mahal nilang advisor. Nagkulang ng Kleenex.
Bilang bahagi ng aking assignment bilang advisor sa Church History Department, binasa ko ang lahat ng tomo ng The Joseph Smith Papers. Nabasa ko rin ang unang tomo ng salaysay ng kasaysayan ng Simbahan, na may pamagat na Saints. 26 Ang pagbabasa sa lahat ng isinulat o iniulat na sinabi ni Joseph Smith ay nagpalakas sa aking patotoo sa kanyang papel bilang propeta, na pinili ng Diyos na magpanumbalik ng Kanyang gawain sa mundo.
Si Joseph Smith ay hindi kailanman nagpanggap na impostor na nakipagsabwatan para manlinlang. Naniwala si Joseph Smith na nakita niya ang sinabi niyang nakita niya, ang ating Diyos Ama at si Jesucristo; si Moroni; Juan Bautista; sina Pedro, Santiago, at Juan; Moises; Elias; at Elijah. Kumilos siyang gaya ng taong mayhawak sa mga laminang ginto at isinalin ang mga sinaunang tekstong iyon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Kumilos siyang gaya ng taong tumanggap ng paghahayag mula kay Jesucristo mismo. Kumilos siyang gaya ng taong tumanggap ng priesthood at ng mga susi ng banal na pagka-Apostol.
Alam ko sa mas makapangyarihang paraan at maaasahan kaysa sa kayang malaman at ipahayag ng aking limang pandamdam na nakita ni Joseph Smith ang sinabi niyang nakita niya, isinalin ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, at natanggap ang priesthood at kaukulang mga susi nito para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Alam kong ito ay totoo. Alam kong ang mga susing iyon ay nasa mundo ngayon at na si Pangulong Nelson ang marapat na kapalit ni Joseph Smith sa mundo.
Ang itinuturing nating mga gasgas at bakbak na pintura sa lumang bangka ay maaaring ang kinasihan ng langit at may patnubay ng langit ayon sa walang-hanggang pananaw. Maaaring ang Panginoon ang may gawa ng mga gasgas at bakbak na pintura o ginagamit Niya ang mga ito para sa Kanyang sariling layunin. Alam ko sa sarili ko na ang Panginoong Jesucristo ang gumagabay sa Kanyang gawain sa mundo ngayon. Kilalang-kilala Siya ng Kanyang mga lingkod. Kilala ko Siya.
Sister Renlund: Natutuwa akong idagdag ang patotoo ko na alam kong si Jesucristo ang ating Tagapagligtas. Kapag sumasampalataya tayo, hindi nagdududa, sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo at sa mga bunga ng Pagbabayad-salang iyon, ang buhay natin ay pagpapalain sa habampanahon. Nagpapasalamat ako na ipinanumbalik Niya ang Kanyang Simbahan ngayon pati ang mga buong pagpapalang maibibigay sa mga anak ng Diyos sa lupa.
Elder Renlund: Ang mensahe natin ay “huwag mag-alinlangan, kundi maging mapagpaniwala.”27 Narito ako bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo. Narito ako para magbigay ng espesyal na patotoo sa pangalan ni Jesucristo, na Siya ay buhay at Siya ang Tagapagligtas ng mundo. Pinatototohanan ko ang Kanyang pambihirang habag, pagmamahal, at malasakit sa lahat ng anak ng Diyos. Pinatototohanan ko ang Kanyang walang katulad na nagbabayad-salang sakripisyo para sa inyo at sa akin. Nang makilala ko ang Tagapagligtas, nalaman ko ang matinding hangarin Niyang ayusin ang mga bagay, tulungang gumaling ang mga sugat, pagalingin ang mga pusong nalulumbay. Ito ay ilan sa Kanyang pambihirang mga katangian.
Dalangin ko na mapasainyo ang mga pinakapiling pagpapala ng Diyos, sa inyong mga pamilya, mga estudyante, na tulungan ninyo silang magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo upang “huwag silang mag-alinlangan, kundi maging mapagpaniwala.”
© 2018 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Version 1, 3/18 Pagsasalin ng “‘Doubt Not, but Be Believing.’” Tagalog. PD60006246 893