Mga Taunang Brodkast
Ang Plano ng Kaligtasan at ang Bagong Henerasyon


2:3

Ang Plano ng Kaligtasan at ang Bagong Henerasyon

Seminaries and Institutes of Religion Annual Training Broadcast • Hunyo 12, 2018 • Conference Center Theater

Nagpapasalamat akong makapagsalita sa inyo ngayon. Ikinararangal ko kayong lahat sa dakilang gawaing ginagawa ninyo. Kayo ay kumikilos para sa Panginoon upang tulungan ang bagong henerasyon na matutuhan nang lubos ang ebanghelyo ni Jesucristo. Sa pag-iisip sa gawaing iyon, napili kong magsalita ngayong araw tungkol sa pagtuturo ng plano ng kaligtasan sa mahuhusay na mga kabataang ito.

Tinawag tayong lahat ni Pangulong Nelson na humayo sa mga dakilang pribilehiyo na ibinigay ng Diyos sa atin.1 Ang gawaing ito ay para sa atin at sa bagong henerasyon. Alam ko na marami pa tayong kailangang gawin para tulungan ang mahahalagang kabataang ito na matutunan nang mas mabuti ang plano ng Ama sa Langit. Kailangan nila itong malaman at maintindihan sa kanilang puso at isipan; kailangan nila itong mahalin at isabuhay; at kailangan nilang magawa ang mga bagay na inorden ng Ama na gawin nila. Sa lakas ng Panginoon at kapangyarihan ng Espiritu Santo, magagawa natin ang dakilang gawaing ito. Alam kong iyan ay totoo.

Maraming taon na ang nakalipas, nagmisyon ako sa Germany. Sa mga panahong iyon, gumamit kami ng mga flannel board at ginupit na mga bilog upang ituro ang plano ng kaligtasan. Ang mga bilog ay sumasagisag sa buhay bago tayo isinilang, mortalidad, daigdig ng mga espiritu, at tatlong antas ng kaluwalhatian. Kung tama ang pagkakatanda ko, ang belo ng pagkalimot ay isang kulubot na linya, at ang Araw ng Paghuhukom ay isang rectangle o parihaba. Ngayon ay hindi na gumagamit ng mga flannel board ang mga missionary, pero maniwala kayo sa akin, buhay at maayos pa ang mga bilog na ito.

Heto ang isang halimbawa mula sa seminary lesson sa Aklat ni Mormon tungkol sa plano ng kaligtasan.2

plano ng kaligtasan

Sigurado akong nakakatulong ang larawang ito sa mga estudyante, at ang lesson ay isa talagang mahusay na pagbubuod ng importanteng mga aspeto ng plano ng Ama.

Gayunman, nababahala ako sa mga bilog, at may dalawa akong paanyaya sa inyo sa pagtuturo ninyo ng plano ng kaligtasan.

Una, maging maingat dahil baka isipin ng mga estudyante na ang diagram ay ang plano. Hindi ito ang plano, ngunit napakadali sa mga estudyante na isipin na kung alam na nila ang mga bilog, nauunawaan na nila ang plano.

Pangalawa, pakitulungan sila na buhayin sa kanilang mga puso’t isipan ang plano. Tulungan ninyo silang malaman at mahalin ang plano ng Ama. Naniniwala ako na ang paraan para gawin iyan ay palalimin ang pagkaunawa nila sa plano.

Sa gayong diwa, napili kong bigyang pansin ang tatlong alituntunin sa plano ng Ama na pinaniniwalaan ko na makatutulong sa bagong henerasyon na malaman, mahalin, at isabuhay ang maluwalhating planong iyon.

Alituntunin # 1: Si Jesucristo ang Daan, at ang Katotohanan, at ang Buhay

Kaya ang unang alituntunin: Si Jesucristo ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay.3 Ang Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo ang nasa gitna ng plano ng kaligtasan. Ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ay ginagawang posible ang lahat ng nasa plano ng Ama. Pakinggan ang mga salita ni Alma habang inilalarawan niya ang ginawa ng Tagapagligtas para sa atin: “At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; …

“At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan, upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao; at … dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, … upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan. …

“Ang Anak ng Diyos ay magdurusa ayon sa laman upang madala niya sa kanyang sarili ang mga kasalanan ng kanyang mga tao, upang mabura niya ang kanilang mga kasalanan alinsunod sa kapangyarihan ng kanyang pagtubos.”4

Gustung-gusto ko ang mga talatang ito. Dito, sa magandang wikang ito, ipinaliwanag ni Alma ang mahalagang papel ng Pagbabayad sala ni Jesucristo sa plano ng kaligtasan. Narito ang Muling Pagkabuhay, para sa lahat. Narito ang pagpapatawad at pagkaligtas mula sa kasalanan para sa mga nagsisisi. Narito ang pagmamahal ni Jesucristo habang pinapagaling, iniaangat, at pinalalakas Niya tayo sa ating mortal na paglalakbay. Narito ang kapangyarihan ni Jesucristo na iligtas tayo mula sa kamatayan at kasalanan, at buksan sa atin ang biyaya ng kadakilaan at buhay na walang hanggan.

Gusto kong malaman at maintindihan ng mga estudyante kung gaano kahalaga talaga si Jesucristo sa plano ng Ama at sa kanilang buhay. Dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, tumatagos ang Kanyang liwanag sa lahat ng likha ng Diyos.5 Tunay na Siya ay “[napa]pasalahat at sumasalahat ng bagay, ang liwanag ng katotohanan.”6 Ang liwanag na nagbibigay ng buhay sa lahat ng bagay at ang nagdadala ng “batas kung saan ang lahat ng bagay ay pinamamahalaan.”7 Isipin ninyo iyan! Lahat sa sansinukob ng Panginoon, ang pinakamalalaking kalawakan na naglalaman ng daan-daang bilyong mga bituin, ang pinakamalilit na butil ng matter, ang ating mortal na katawan, ang ating imortal na espiritu, at ang ating walang hanggang pagpapatuloy ay pinamamahalaan ng banal na batas sa pamamagitan ng pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng nakamamanghang Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo.

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay malawak ang naaabot, ngunit ito rin ay napakapersonal. Tunay na pinagpapala ng pagmamahal, awa, at kapangyarihan ng ating Tagapagligtas ang bawat isa sa ating mga estudyante. Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na dinanas ni Jesus ang bawat sakit, kalungkutan, at kahirapan na dinaranas ng ating mga estudyante sa kanilang mortal na buhay.8 Pinasan Niya ang lahat ng kasalanan ng mga tao upang makapagsisi sila.9 Kilala ni Jesus ang ating mga estudyante sa personal at perpektong paraan. Alam Niya ang kanilang landas dahil nilakad na Niya ang mga landas na iyon.

Maaari silang bumaling sa Kanya, manampalataya sa Kanya, pagsisihan ang kanilang mga kasalanan, at sundin Siya nang may kumpiyansa at pagtitiwala na alam Niya ang daan. Literal na Siya lamang ang tanging daan patungo sa mga bagay na lubos na mahalaga sa kanila.10 Siya ang daan tungo sa kapatawaran at nakamamanghang paggaling. Siya ang daan tungo sa tumatagal na kaligayahan. Siya ang daan tungo sa pagsama ng Espiritu Santo, at sa banal na lakas, aliw, paghahayag, liwanag, at kapangyarihan sa kanilang buhay. Siya ang daan tungo sa lakas-ng-loob at pasensya, at sa lahat ng banal na pag-uugali. Siya ang daan tungo sa dalisay at perpektong pagmamahal, at sa kapayapaang di masayod ng pag-iisip. Siya ang daan tungo sa mga relasyon ng pagmamahalan at paglilingkod na nagdadala ng malalim na personal na katuparan, kahulugan, at layunin sa buhay nila ngayon at magpakailanman. Siya ang daan tungo sa kadakilaan at buhay na walang hanggan kasama ang Ama sa Langit at kanilang mga pamilya. Minamahal kong mga kapatid, ituro sa ating mga estudyante na lahat ng mabubuting bagay ay nagmumula kay Jesucristo.11 Siya ang lahat para sa kanila.

Alituntunin #2: Ang mga Anak na Lalaki at Anak na Babae ng Diyos ay may Banal na Pagkakakilanlan at Layunin

Bawat isa sa ating mga estudyante ay may banal na pagkakakilanlan at layunin. Bawat isa sa kanila “ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos.”12

Ginawa ng Ama sa Langit ang plano upang tulungan ang lahat ng ating mga estudyante na tuparin ang kanilang walang hanggang pagkakakilanlan at layunin sa pamamagitan ng awa at biyaya ng Panginoong Jesucristo. Nais kong bigyang-pansin ang tatlong dimensyon ng kanilang walang hanggang pagkakakilanlan na, sa pakiramdam ko, ay mahalaga na maunawaan nila.

Uumpisahan ko sa katotohanan na ang mga estudyante natin ay mga espiritung anak ng Diyos. Pakitulungan silang malaman at maramdaman na Siya ay tunay na kanilang Ama sa Langit. Sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak, biniyayaan ng Ama sa Langit ang ating mga estudyante ng pagkakataon at kakayanan na matutunan nang lubos ang Kanyang walang hanggang plano—na lumago sa kaalaman at pagkaunawa, na magkaroon ng kakayanan para sa epektibong mabuting gawain, at na maging tulad Niya. Ito ang pinakamahalagang layunin ng pinakamahalagang aspeto ng kanilang walang hanggang pagkakakilanlan.13

Ang pangalawang kritikal na bahagi ng kanilang walang hanggang pagkakakilanlan ay maging isang ina o ama, isang asawa, sa isang walang hanggang pamilya.14 Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos dahil ito ang katangian ng buhay na walang hanggan.15 Sa walang hanggang pananaw ng ating Ama sa Langit, ang ating mga estudyante ay mga ina at ama sa Kanyang kaharian. Ito ang kanilang walang hanggang pagkakakilanlan, at ito ang Kanyang plano. Ang kanilang walang hanggang layunin, kung gayon, ay magkaroon ng selestiyal na kasal at walang hanggang pamilya.

Panghuli, kailangang malaman ng ating mga estudyante na sila ay binhi o inapo ni Abraham, ang pinagtipanang mga tao ng Panginoon. Nangako ang Diyos kay Abraham na dadalhin ng kanyang mga inapo ang ebanghelyo ni Jesucristo at ang banal na priesthood (kabilang ang ordenansa ng kaligtasan) sa lahat ng mga bansa upang mabiyayaan ang lahat ng pamilya sa mundo sa magkabilang panig ng tabing.16 Ito ang pagtitipon ng Israel at mahalagang bahagi ng plano ng Ama.17 Ang ating mga estudyante ay mga binhi o inapo ni Abraham, at ang kanilang walang hanggang layunin ay gawin ang gawain ng Panginoon bilang Kanyang pinagkakatiwalaang mga lingkod. Mayroon silang mahalagang pwesto, mahalagang papel, sa plano ng Ama.

Tumigil at isipin sandali ang nakamamanghang mga biyaya na nais ibigay ng ating Ama sa Langit sa ating mga estudyante. Gayunman, ang ilan sa ating mga estudyante ay maaaring nagtataka kung mayroon ngang pagkakakilanlan at layunin ang Diyos na tulad nito para sa kanila. Maaaring nararamdaman ng ilan na ang pagiging tulad ng Ama sa Langit, paggawa bilang Kanyang pinagkakatiwalaang mga lingkod, o pagkabuklod sa walang hanggan at minamahal na asawa at pagkakaroon ng mga anak ay hindi nila kayang maabot. Kapag tumitingin sila sa salamin, maaaring hindi nila nakikita ang inilarawan ko ngayon. Kung ito ang nararamdaman ng inyong mga estudyante, hikayatin lamang sila na tumingin nang isa pang beses. Sabihin ninyo sa kanila na tumingin sa salamin nang may mata ng pananampalataya at tingnan hindi lamang ang kanilang mukha kundi ang mukha rin ng Panginoong Jesucristo sa tabi nila nang may kapangyarihan at kaluwalhatian at walang hanggan at perpektong pagmamahal. Hindi Siya dumating upang ipagkait sa kanila ang Kanyang mga biyaya.18

Alituntunin #3: Lahat ng Bagay Kung Saan Inilalagay ni Jesus ang Kanyang Pangalan ay Bahagi ng Kanyang Plano

Si Jesucristo ay hindi lamang nasa gitna ng plano ng Ama, kundi ang Kanyang pangalan, Kanyang kapangyarihan, Kanyang gawain, at Kanyang katangian ay bahagi ng buong planong ito. Nais kong malaman at maintindihan ng ating mga estudyante na lahat ng bagay na nagdadala ng pangalan ni Jesucristo ay bahagi ng plano ng Ama.

Pag-isipan ninyo sandali ang mga bagay na iyon. Saan inilagay ng Tagapagligtas ang Kanyang pangalan? Narito ang listahan ng ilang bagay na nagtataglay ng pangalan ni Jesucristo na pinaniniwalaan kong pinakamahalaga para sa ating mga estudyante na malaman at maintindihan:

  • Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw: Ang pangalan ng Simbahan ay isang patotoo na ito ay itinatag at pinamumunuan ng Panginoong Jesucristo; ito ang Kanyang Simbahan.19 Ang Simbahan ang kaharian ng Diyos sa mundo. Sa pamamagitan ng Simbahan, sinusuportahan ng Panginoon at Tagapagligtas ang mga indibiduwal at pamilya sa kanilang layunin na matanggap ang buhay na walang hanggan at ihanda ang mundo para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Ang Simbahan—ang totoo at buhay na simbahan—ay mahalagang bahagi ng plano ng Ama para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak.

  • Ang Banal na Pagkasaserdote, alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos: Ang banal na priesthood ay ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos. Ibinibigay ito sa tao upang ang matatapat na mga Banal sa Huling Araw ay magawa ang gawain ng Panginoon gamit ang Kanyang awtoridad at Kanyang kapangyarihan. Sa pamamagitan ng kapangyarihan at awtoridad na ito natin matatanggap ang mga ordenansa ng kaligtasan at ang dakilang mga biyaya ng maluwalhating plano ng Ama.20

  • Ang Bahay ng Panginoon: Tayo ay nabubuhay sa panahon ng napakaraming pagtatayo ng mga templo sa buong mundo. Maligaya tayo na ginawang posible ng Panginoon para sa napakarami sa Kanyang matatapat na anak na matanggap ang mga biyaya ng templo, kabilang ang pagbubuklod ng mga walang hanggang pamilya, sa magkabilang panig ng tabing. Ikinokonekta tayo ng mga ordenansa sa Bahay ng Panginoon sa banal na kapangyarihan; na mahalaga sa plano ng kaligayahan ng Ama para sa Kanyang mga anak.21

  • Ang propeta ng Panginoon: Sa pagtukoy sa Kanyang propeta, sinabi ng Panginoon, “Ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig.”22 Ang propeta ng Panginoon ay isang tagakita at tagapaghayag. Ang kanyang mga salita ay mga salita ng Panginoon para sa atin, para maging pagpapala sa atin sa buhay na ito, at kadakilaan at buhay na walang hanggan sa susunod na buhay. Ang propeta ng Panginoon ay isang nakamamanghang bahagi ng plano ng Ama.

  • Ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo: Ang Aklat ni Mormon ay isang saksi na ang Panginoong Jesucristo ay ang Tagapagligtas, na si Joseph Smith ang propeta ng Pagpapanumbalik, at itinatag ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa mga huling araw. Naglalaman din ito ng magagandang turo tungkol sa plano ng Ama, na mabisang pinatototohanan nito.23 Dahil sa maraming dahilan na ito ang Aklat ni Mormon ay mahalagang bahagi ng dakilang plano na ito ng kaligtasan.

  • Mga anak ng Ama sa Langit: Inilalagay ni Jescristo ang Kanyang pangalan sa lahat ng anak ng Ama sa Langit na gumagawa at tumutupad ng mga sagradong tipan. Inilagay Niya ang Kanyang pangalan sa inyo na nagtuturo, habang pumupunta kayo sa templo.24 Nais Niyang ilagay ang Kanyang pangalan sa inyong mga estudyante, at sa mga patotoong ibabahagi nila sa mundo sa paglahok nila sa pagtitipon ng Israel.25 Ito ang plano ng Ama sa Langit.

Lahat ng nabanggit natin dito—at marami pang iba na maaaring mabanggit natin, tulad ng bawat meetinghouse sa mundo at mga dalangin natin sa Ama sa Langit—ay mga bagay kung saan inilagay ni Jesucristo ang Kanyang pangalan. Ang mga ito ay bahagi ng plano at katuparan ng propesiya. Tulad ng sabi ni Apostol Pablo matagal na panahon na ang nakalipas, “Sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon sama-samang titipunin [ng Diyos] ang lahat ng bagay kay Cristo, maging ang mga nasa langit, at ang mga nasa lupa; maging sa kaniya.”26

Mga kapatid, pakitulungan ang ating mga estudyante na malaman na ang mga bagay na ito na pamilyar sa kanila—ang Simbahan, ang priesthood, ang templo, ang propeta, ang Aklat ni Mormon, sila mismo—ay nagdadala ng pangalan ng Tagapagligtas dahil ang mga ito ay narito upang dalhin tayo kay Jesucristo, na siyang daan sa kapayapaan sa buhay na ito at kadakilaan at buhay na walang hanggan sa susunod na buhay.

Magtatapos ako ngayon sa isang kaisipan tungkol sa papel ng plano ng Ama sa pang-araw-araw na buhay ng ating mga estudyante. Nanggaling ang kaisipang ito sa mensahe ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao. Sa umpisa ng kanyang mensahe, sinabi niya, “Kayo ay makinig sa akin, at buksan ang inyong mga tainga upang kayo’y makarinig, at ang inyong mga puso upang kayo ay makaunawa, at ang inyong mga isipan upang ang mga hiwaga ng Diyos ay mabuksan sa inyong mga pananaw.”27

Gusto ko ang katagang “upang ang mga hiwaga ng Diyos ay mabuksan sa inyong mga pananaw,” at nais ko itong i-apply sa ating mga estudyante. Nilinaw ni Haring Benjamin na ang “mga hiwaga ng Diyos” na nais niyang ipaalam sa kanyang mga tao ay ang mga importanteng elemento ng dakilang plano ng kaligtasan ng Ama. Para sa atin, may dalawang kahulugan ang sinabi ni Haring Benjamin. Una, ibig sabihin nito na kung bukas ang puso at isipan ng ating mga estudyante at nagtuturo tayo kasama ang Espiritu, makikita at maiintindihan ng ating mga estudyante ang plano. Ngunit may isa pang kahulugan. Kung naiintindihan nila ang plano sa kanilang mga puso, ang plano ay magiging paraan ng pagtingin nila sa kanilang sarili at sa mundo sa paligid nila. Ang plano ay magiging kanilang pananaw. Makikita ng mga estudyante ang plano, at tutulungan sila ng plano na makakita.

Paano tunay na makikita ng ating mga estudyante ang plano? Ang mga klase natin ay importanteng bahagi ng prosesong iyon, at ang Ama sa Langit ay gumawa pa ng ibang paraan upang makita nila ang plano. Pakituruan ang ating mga estudyante na makikita nila ang plano:

  • Kapag may ipinanganak na sanggol, at kapag may namamatay.28

  • Sa templo, sa paggawa ng ordenansa para sa patay.29

  • Sa ordenansa ng sakramento, sa araw ng Sabbath.30

  • Sa pagsisisi, habang nagdarasal sila sa Ama sa Langit para sa kapatawaran sa pangalan ni Jesucristo.31

  • Sa Aklat ni Mormon, ang mabisang tipan na iyon tungkol kay Jesucristo.32

  • Sa pagtingin, pakikinig, at pagsunod sa Propeta ng Diyos.33

  • Sa mga basbas ng priesthood.34

  • Sa seminary at institute kung saan nararamdaman nila ang pagmamahal ni Cristo, ang Kanyang liwanag, at Kanyang kapangyarihan.35

  • Sa bawat pagkakataon na nananalangin sila sa Ama sa pangalan ni Jesucristo.36

Pakitulungan ang ating mga estudyante na malaman at maramdaman ang matamis na katotohanang ito: kapag nakikita nila ang mga bagay na ito, nakikita nila ang plano ng Ama. Kung bukas ang kanilang mga puso, patototohanan sa kanila ng Espiritu Santo na ang plano ng kaligtasan ay totoo, at ito ay para sa kanila.37 Habang lumalago ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at ang kanilang pagkaunawa, ang plano ay magiging pananaw nila sa buhay at sa sarili nila. Makikita nila ang sarili nila sa plano, at makikita nila ang mundo sa paligid nila tulad ng pagtingin dito ng Panginoon.

Ang plano ang magiging framework na gagamitin nila upang maintindihan ang mga isyu at problema at hamon na kinakaharap nila. Sa totoo lang, iyan ang itinuturo natin sa Doctrinal Mastery Core Document. Hayaan ninyong banggitin ko: “Para masuri ang mga konsepto ng doktrina, tanong, at isyung panlipunan nang may walang-hanggang pananaw, itinuturing natin ang mga ito sa konteksto ng plano ng kaligtasan at ng mga turo ng Tagapagligtas. … Tinutulutan tayo nitong iangkop ang tanong … at tingnan ang mga ideya ayon sa pamantayan ng katotohanan ng Panginoon sa halip na tanggapin ang mga ideya o palagay … ng mundo.”38

Kung susundin ng ating mga estudyante ang huwaran na ito, ang plano ng kaligtasan ang paraan para maintindihan nila ang kanilang sarili at ang kanilang mga responsibilidad at oportunidad at mga biyaya. Ito ang paraan na makikita nila ang kahulugan at layunin ng kanilang buhay. Kasama ang Espiritu Santo na gumagabay at nagtuturo sa kanila, makakamtan nila ang tinawag ni Pablo na “kaisipan ni Cristo.”39

Mga kapatid, idinadalangin ko na ang plano ng Diyos ay maisapuso ninyo, na makita ninyo ang inyong sarili sa plano, at ang plano ay maging ang pagtingin ninyo sa mundo.40 Nagpapatotoo ako na ang plano ng Ama ay totoo. Ang ating Diyos Ama ay buhay. Si Jesus ang Cristo, ating Tagapagligtas at Manunubos. Alam kong Siya ay buhay. Ito ang Kanyang Simbahan. Ginagawa ninyo ang Kanyang gawain, na ituro ang plano ng Ama sa bagong henerasyon sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.