Mga Taunang Brodkast
Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo, Nagagalak Tayo kay Cristo


2:3

Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo, Nagagalak Tayo kay Cristo

Seminaries and Institutes of Religion Annual Training Broadcast • Hunyo 12, 2018 • Conference Center Theater

Salamat, napakaganda. Napakapalad natin. Malaking pribilehiyo ang makasama kayong lahat ngayon. Salamat sa lahat ng ginagawa ninyo. Mahal namin kayo at gustung-gusto naming maglingkod na kasama ninyo.

Kasama ng marami sa inyo, madalas kong maisip ang pagkakataon nating turuan ang mga kabataan at young adult ng Simbahan at kung paano natin sila matuturuan nang mas makapangyarihan sa pagtulong sa kanila na magkaroon ng malalim at matibay na pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Nang maisip ko ang mahalagang tanong na ito, napagnilay-nilay ko ang ideyang ibinahagi sa atin ni Elder Clark noong Enero nang sabihin niya na ang ibig sabihin ng paanyaya ng Tagapagligtas na matuto muna tungkol sa Kanya ay na kailangan natin Siyang makilala. At ikalawa, na kailangan tayong matuto mula sa Kanya. Binanggit niya ang sinabi ni Elder Neal A. Maxwell, na bumanggit sa paanyaya ng Tagapagligtas na “mag-aral kayo sa akin” at idinagdag na, “Wala nang ibang paraan para matuto nang lubos.”1

Nauunawaan ko na at naniniwala ako na ang kaisa-isang pinakamahalagang paraan na matutulungan nating lumago ang pananampalataya ng lumalaking henerasyon ay ang mas isentro kay Jesucristo ang ating pagtuturo at pagkatuto sa pamamagitan ng pagtulong sa ating mga estudyante na makilala Siya, matuto mula sa Kanya, at sadyang sikaping maging katulad Niya. Araw-araw, kailangan nating “[mangusap] tungkol kay Cristo, … [magalak] kay Cristo, … [at mangaral] tungkol kay Cristo.”2

Marami na sa inyo ang nagsimulang tumugon sa paanyayang ito, sadyang naghahanda ng mga lesson na nasasaisip ang mga ideyang ito at naghahanap ng mga pagkakataong magpatotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang mga banal na katangian, Kanyang walang-hanggang kapangyarihan, at Kanyang walang-maliw na pag-ibig. Sa mga klaseng ito nagkaroon na ng ibayong impluwensya ng Espiritu Santo, mas maraming pagpapasalamat para sa Tagapagligtas, at mas makabuluhan at napapanahon na personal na pagsasagawa, at mas maraming kabataang kumikilos nang may pananampalataya.

Mangyari pa, ang pinakamahalagang paraan para matulungan ang ating mga estudyante na makilala ang Tagapagligtas ay tulungan silang maghanda para sa mga sagradong ordenansa ng priesthood at tuparin ang kanilang mga tipan.3 Ang pagtulong sa kanila na maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo ay pagtulong sa kanila na makilala at sundin si Jesucristo. Ngunit may iba pa tayong magagawa, habang kasama natin sila, na tutulong sa kanila na umasa sa Kanya at sa Kanyang mga turo at Pagbabayad-sala.

Dahil dito, magmumungkahi ako ng apat na paraan para mas maisentro natin kay Cristo ang ating pagkatuto at pagtuturo araw-araw.

1. Magtuon sa mga Titulo, Papel, Ugali, at mga Katangian ni Jesucristo

Una, magtuon sa mga titulo, papel, ugali, at mga katangian ni Jesucristo. Inanyayahan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “gawing personal na sentro ng [ating] kurikulum ang mga sipi mula sa banal na kasulatan tungkol kay Jesucristo sa Topical Guide.”4 Ang paanyayang ito ay nilayon upang tulungan tayong hindi lang malaman ang mga ginawa ni Jesus at makilala Siya—ang Kanyang mga katangian at ugali.

Halimbawa, ang isa sa mga titulo ni Jesucristo ay Lumikha. Sa pamamahala ng Kanyang Ama, nilikha ni Jesucristo ang langit at lupa. Ang pagiging Lumikha ay isa rin sa Kanyang mga banal na papel at naglalarawan sa Kanyang likas na pagkatao. Habang pinag-aaralan natin kung paano at bakit nilikha ni Jesus ang mundo, maitatanong natin, “Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa kung sino Siya? Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa Kanyang mga layunin, pagmamahal, at kapangyarihan? Anong mga banal na katangian ng Tagapagligtas ang nahayag sa Kanyang papel bilang Lumikha?”

Maaalala ninyo siguro na si Pangulong Boyd K. Packer ay isang matagumpay na artist na mahilig maglilok ng mga ibon sa kahoy. Isang araw sakay siya ng kotseng minamaneho ni Elder A. Theodore Tuttle, at nasa upuan sa likuran ang isa sa kanyang mga lilok. Sa isang sangandaan, biglang nagpreno si Elder Tuttle at bumaligtad ang lilok nang pataob sa sahig at nasira. Nalungkot si Elder Tuttle, pero hindi si Pangulong Packer. Sinabi lang niyang, “Okey lang. Ako ang gumawa nito! Kaya kong ayusin ito.” At inayos nga niya iyon! Pinatibay pa niya iyon kaysa rati at pinaganda pa ito nang kaunti. Paliwanag ni Pangulong Packer, “Sino ang gumawa sa iyo? Sino ang iyong Lumikha? Walang anuman sa buhay ninyo na baluktot o sira na hindi Niya kayang itama at ayusin.”5

Kapag nauunawaan ng ating mga estudyante ang papel ni Jesus bilang Lumikha, at habang pinagninilayan nila ang mga tala sa banal na kasulatan na nagpapatotoo sa Kanyang pambihirang kapangyarihang ayusin at pagalingin ang Kanyang mga nilikha, masasabik ang kanilang puso na maranasan ang kapangyarihan at pangakong iyon sa sarili nilang buhay. Pagkatapos ay kikilos sila nang may pananampalataya para maranasan ang Kanyang pambihirang kapangyarihang ayusin ang nasira sa kanila.

Ang isa pa sa mga sagradong titulo ni Jesus ay Manunubos. Tinukoy Siya nang 930 beses sa mga banal na kasulatan sa papel Niyang ito. Ano ang itinuturo sa atin ng titulong ito tungkol sa Kanyang ugali at mga katangian? Ano ang kahulugan ng Kanyang kapangyarihang tumubos para kina Alma, Saulo, at sa babaeng nahuling nangangalunya? Ano ang kahulugan nito kay Mateo, sa publikano at sa manunulat ng Evangelio?

Natutuwa ako na napag-aaralan natin ang pagtawag kay Mateo sa Labindalawa sa kabanatang may mga tala tungkol sa mga himalang ginawa ni Jesus at “pinagagaling ang sarisaring sakit at sarisaring karamdaman [ng mga tao].”6 Ang layunin ng mga himalang ito ay na si Jesus ay “nahabag.”7 Ngunit bakit si Mateo lang, sa lahat ng manunulat ng Evangelio, ang nagsama sa pagtawag sa kanya sa gitna ng mga himalang ito? Maaaring isang tala ito na nakaayos nang sunud-sunod, pero palagay ko mayroon pa tayong matututuhan. Posible bang kinilala ni Mateo na ang pinakadakilang himalang ginawa ni Jesus ay ang tubusin tayo sa pamamagitan ng pagpapatawad, at pagmamahal, at pagpapasigla, at pagpapakita sa isang tao ng kanyang tunay na pagkatao at potensyal, tulad ng nagawa Niya para kay Mateo?

Ang isa pang paraan para kilalanin ng mga estudyante ang mga katangian ni Jesus ay ang magtuon hindi lamang sa mga kaganapan sa banal na kasulatan kundi kung ano ang itinuturo sa atin ng mga kaganapang iyon tungkol sa Tagapagligtas. Halimbawa, bakit natin itinuturo ang kuwento tungkol sa pagputol ni Ammon sa mga bisig ng mga taong nagpakalat sa mga tupa ni Haring Lamoni? Para ba talakayin ang kadakilaan ni Ammon? O dahil ang kuwentong ito ay tungkol talaga sa kadakilaan ng Diyos? Ano ang itinuturo sa atin ng kuwentong ito tungkol sa Panginoon at sa paraan ng pagpapala Niya sa mga nagtitiwala sa Kanya? Ang sariling tala ni Ammon ay nagtatapos sa masigasig na patotoong ito: “Hindi ako nagmamalaki sa aking sariling lakas. … Nalalaman ko na ako’y walang halaga; … kaya nga … ipinagmamalaki ko ang aking Diyos, sapagkat sa kanyang lakas ay maaari kong magawa ang lahat ng bagay.”8

Ilang buwan na ang nakararaan, kasama ko ang isang grupo ng mababait na guro at pinapili ko sila ng isang kuwento o kaganapan sa kasaysayan ng Simbahan at hiniling kong pag-isipan nila kung ano ang inihahayag nito tungkol sa likas na pagkatao ng Diyos. Sumagot ang unang guro ng, “Poligamya.” Ang una kong naisip ay, “Maraming salamat! Wala nang mas hihirap pa sa napili mong paksang iyan.” Ngunit nang mag-usap-usap na kami, may magandang nangyari. Nagsimulang magpatotoo ang mga tao tungkol sa katotohanan na mahal ng Ama sa Langit ang lahat ng anak Niya at nais na mapangalagaan sila. Binanggit ng isa pa ang kahandaan ng Panginoon na pagawin tayo ng mahihirap na bagay, ngunit lagi Niya tayong sinusuportahan at ginagantimpalaan sa ating pagsunod. Sinabi ng isa pa na minamahal ng Diyos ang mga pamilya at nais Niyang turuan ng mapagmahal na mga magulang ang mga anak. Habang patuloy kaming nag-uusap, natanto ko na pinatototohanan ng Espiritu ang likas na pagkatao at ugali ng Diyos, na mas napalapit kami sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, at na mas nakilala namin at napamahal pa Sila sa amin.

Si Jesucristo ang ating Lumikha. Siya ang ating mapagmahal at mapagpatawad, at mahabaging Manunubos at Tagapagligtas. Siya rin ang Emmanuel, ang Kordero ng Diyos, ang Mesiyas, ang Banal ng Israel, at ang May-akda at Tagatapos ng Ating Pananampalataya. Kapag nagtutuon tayo sa Kanyang mga titulo, papel, at ugali, at katangian, patototohanan Siya ng Espiritu, at maghahatid ng higit na pang-unawa at pagmamahal para sa kung sino Siya talaga at ng mas malaking hangaring maging katulad Niya.

2. Bigyang-diin ang Halimbawa ni Jesucristo

Ang pangalawang paraan para maisentro kay Jesus ang ating pagtuturo ay ang kilalanin at bigyang-diin na Siya ang sakdal na halimbawa, ang sagisag at pagpapahayag ng lahat ng alituntunin ng ebanghelyo.9 Ikinuwento sa akin ng isa sa ating mga guro kamakailan na sa pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya nila, nagpasiya silang muling basahin ang Bagong Tipan. Ngunit sa pagkakataong ito, sa halip na magtuon sa sinabi ni Jesus, nakatuon sila sa ginawa Niya. Ang pagtutuon sa Kanyang sakdal na halimbawa ay nag-aanyaya rin sa Espiritu Santo na magpatotoo tungkol sa Kanya.

Kahit hindi tuwirang tinutukoy si Jesus sa isang kuwentong itinuturo natin, maituturo pa rin natin na Siya ang halimbawa ng alituntuning inilalarawan sa kuwento. Halimbawa, matapos tukuyin at suriin ang isang alituntunin, maaari nating itanong, “May maiisip ba kayong isang panahon sa mga banal na kasulatan na inihalimbawa ni Jesus ang alituntuning ito?” O, “Kailan ninyo nakitang inihalimbawa ni Jesus ang alituntuning ito sa buhay ninyo o para sa inyo?” Itinanong iyan sa isang estudyante kamakailan tungkol sa halimbawa ng giliw ng Tagapagligtas. Sumagi sa kanyang isipan at damdamin ang magiliw na paraan ng pagtrato sa kanya palagi ng Tagapagligtas. Ang karanasang ito, sa klase mismo, ay naghikayat sa matinding hangarin niyang maging higit na katulad ni Cristo at maging mas magiliw sa mga taong umaasa sa kanya, tulad ng pag-asa niya sa Panginoon.

Maaari ninyong basahin ang lahat ng aklat na naisulat at hindi kayo makahahanap ng mas magandang paglalarawan sa bawat alituntunin ng ebanghelyo na matatagpuan sa mga tala sa banal na kasulatan tungkol kay Jesus at sa Kanyang walang-hanggang ministeryo. Ang pagninilay sa mga halimbawa ng Panginoon sa Kanyang mga papel bilang si Jehova, ang mortal na Cristo, at ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ay magpapaibayo sa kapangyarihan at kakayahan ng ating mga estudyante na kumilos nang epektibo at makatwiran. Dadalhin nito ang ating mga lesson nang higit pa sa mga talakayan tungkol sa etika at pagpipigil sa sarili at iuugnay ang mga estudyante sa kapangyarihan ng Tagapagligtas at sa walang-hanggang plano ng kaligayahan.

Bilang paglalarawan, paano natin maituturo ang alituntunin ng katapatan? Bilang “pinakamagandang patakaran” lang ba, dahil mas magtitiwala sa atin ang mga tao kung tapat tayo? O pinakamahalaga ba sa ugali ni Cristo ang integridad? Kung gusto nating maging katulad Niya, kailangan tayong matutong sumunod sa Kanyang sakdal na halimbawa sa pagiging lubos na matapat? Maaaring itanong ang ganitong klaseng mga tanong para sa bawat alituntunin ng ebanghelyo.

Maganda ang pagkaturo ni Arthur Henry King sa ideyang ito nang sabihin niyang, “Isinasagisag natin ang [mabuti] sa isang tunay na indibiduwal—si Jesucristo, ang Anak ng Diyos. Siya ay isang tao, hindi isang alituntunin, isang tao na isinasama ang lahat ng alituntunin. … At ang pagsunod sa isang tao ay ibang-iba sa pagsunod sa isang alituntunin. … Hindi natin kailangang lutasin ang kumplikadong mga pilosopiya ng etika. Wala iyong kinalaman doon. Kailangan nating pag-aralan ang mga Evangelio, tingnan ang ginawa ni Cristo, at sikaping tularan ang Kanyang ginawa. Dahil dama natin ang diwa ng Panginoon at Kanyang pagmamahal, at dahil ibinuhos natin ang ating sarili sa ebanghelyo, alam natin ang kailangan nating gawin. Ang ebanghelyong nasasapuso natin ay nagpapadama sa atin anumang sandali kung ano ang dapat nating gawin sa isang sitwasyon.”10

May kapangyarihang dumarating kapag pinag-uugnay-ugnay natin ang ating mga pagsisikap para maipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Kung pakiramdam natin ay wala sa loob ang ating ginagawa o na ang pamumuhay ayon sa ebanghelyo ay naging listahan ng mga gagawin, maaaring hindi tayo nakaugnay sa pinagmumulan ng biyaya at kagalakang hangad natin. Baka ginagawa nga natin ang lahat ng tama ngunit hindi natin natatamo ang ating mithiin. Ang ebanghelyo ay hindi isang listahan ng mga dapat gawin; ito ang mabuting balita na nadaig ni Jesucristo ang kasalanan at kamatayan. Si Jesucristo ang pinakamahalaga sa plano ng ating Ama sa Langit para tulungan tayong maging katulad Niya. Siya ang perpektong halimbawa kung paano tayo dapat mabuhay at ang pinagmumulan ng banal na kapangyarihang kailangan natin. Kapag natutuhan nating sundan ang Kanyang halimbawa at naiugnay sa Kanya ang ating mga pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo, magagalak tayong maging Kanyang mga disipulo.

3. Maghanap ng mga Halimbawa at Sagisag ni Jesucristo

Pangatlo, dapat tayong maghanap ng mga halimbawa at sagisag11 ng Tagapagligtas sa buhay ng mga propeta at iba pang matatapat na lalaki at babae ayon sa nakatala sa mga banal na kasulatan. Tulad ng itinuro ng propetang si Jacob, “Lahat ng bagay na ibinigay ng Diyos mula pa sa simula ng daigdig, sa tao, ay pagsasagisag sa kanya.”12

Dahil sa ideyang ito, nang magturo ako ng Lumang Tipan sa seminary, naglagay ako ng malalaking papel sa dingding sa bandang likod ng silid-aralan. Sa ibabaw ng bawat papel isinulat ko ang pangalan ng isang propeta sa Lumang Tipan. Nang matapos na naming pag-aralan ang isang bahagi ng Lumang Tipan, sinabihan ko ang mga estudyante na mag-isip ng mga bagay na natutuhan nila tungkol sa propetang pinag-aralan namin at kung paano isinagisag o ipinaalala sa kanila ng mga karanasan niya ang Tagapagligtas. Matapos matuto tungkol kay Adan, isinulat ng mga estudyante ang mga bagay na tulad ng, “Si Adan ay anak ng Diyos.” “Siya ay imortal.” “Nagpunta siya sa isang halamanan.” “Inako niya ang kamatayan para mabuhay tayo.” Hindi nagtagal ay may nagtanong, “Si Adan pa rin ba ang pinag-uusapan natin, o si Jesus?”

Sa oras na iyon, maagang pumasok ang isang estudyante para ikuwento sa akin ang kanyang karanasan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Noong nakaraang gabi nabasa na niya ang mga bunga ng Pagkahulog ni Adan sa Moises 4, na nagsasabing, “Mga tinik din, at dawag ang isisibol nito sa iyo.”13 Dahil natuto siyang magtanong ng, “Paano nagpapatotoo ang talang ito kay Cristo?”, nahikayat siyang magtanong ng, “Alam ba ni Jesus noong kausap niya si Adan na balang-araw ay literal Siyang puputungan ng koronang tinik bunga ng Pagkahulog?”

Nakakita ang aming mga estudyante ng isa pang halimbawa sa buhay ni Jose ng Egipto, na tumutukoy sa mahigit 60 paraan na isa siyang halimbawa ng Tagapagligtas. Itinuro sa mga estudyante na kapwa sila minamahal ng kanilang Ama, hinamak ng kanilang mga kapatid, at ipinagbili sa halagang katumbas ng isang alipin. Napansin nila ang mga pagkakapareho sa mga tuksong dumating sa kanila at sa katotohanan na ang Diyos ay lagi nilang kasama. Ang mga pagkakaugnay na ito ay higit pa sa isang bagay na nakakatuwang pansinin. Ang buhay ng hinirang na mga propeta ng Panginoon ay mga halimbawa Niya at nagtuturo sa atin ng Kanyang mga banal na katangian. Kapag ginamit sa epektibong paraan, matutulungan tayo ng mga pananaw na ito na mas makilala si Jesus at maging higit na katulad Niya.

Kamakailan ay itinuro ng asawa kong si Kristi ang mismong kuwentong ito sa banal na kasulatan tungkol kay Jose sa Egipto at itinanong sa klase, “Anong mga katangiang katulad ni Cristo ang nakikita ninyo sa halimbawa ni Jose?” Pinag-usapan namin ang kanyang kakayahang gawing pagpapala ang bawat pagsubok. Pinag-usapan namin ang kanyang pagsunod, pagtitiis, kahandaang alalahanin ang mga nangangailangan, at magpatawad. Ipinaalala sa akin ng tanong na ito ang isang nakaraang pag-aaral sa kuwentong ito at pag-iisip kung ano ang pakiramdam ni Jose nang lumantad siya sa kanyang mga kapatid. Ayon sa mga banal na kasulatan, sila ay “[na]gulumihanan sa kanyang harap.”14 Nakikinita ba ninyo ang sitwasyon at pakiramdam nila sa sandaling iyon, batid ang kanilang nagawa? Ngunit sinabi ni Jose sa kanila, “Lumapit kayo sa akin … Ako’y si Jose na inyong kapatid. … Huwag magdalamhati … sapagka’t sinugo ako ng Dios sa unahan ninyo upang magadya ng buhay.”15 Kapag inilalarawan ko ang kaganapang iyon sa aking isipan, mas nauunawaan ko kung ano ang sitwasyon kapag humarap tayo sa Panginoon sa Araw ng Paghuhukom. Talagang nakikinita ko na maaalaala natin ang ating mga kasalanan at “[m]agugulumihanan” sa Kanyang harapan. Pero nakikinita ko rin na sinasabi Niya habang pinatatayo Niya tayo mula sa pagkakaluhod, “Pumarito kayo, lumapit kayo sa akin, Ako ang inyong kapatid. Isinugo ako ng Diyos upang mag-adya ng buhay.”

Kapag nagtutuon tayo sa mga halimbawa at sagisag ni Jesucristo, matutulungan natin ang ating mga estudyante na kilalanin ang Kanyang mga katangian sa pagtatanong ng mga bagay na tulad ng:

  • “Anong mga katangiang tulad ni Cristo ang nakikita ninyo sa buhay ng propetang ito?”

  • “Kailan kayo napagpala dahil taglay ni Jesus ang katangiang ito?” O, “Paano naipamalas ng Tagapagligtas ang katangiang ito para sa inyo?”

  • “Ano ang magagawa ninyo para maging higit na katulad ni Jesucristo at magkaroon ng banal na katangiang ito?” O, “Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa inyong Ama sa Langit at kay Jesucristo na nagbibigay-inspirasyon sa inyo na kumilos nang may pananampalataya na sundin Sila?”

At kapag sumagot ang mga mag-aaral ng “manalangin” o “magbasa ng mga banal na kasulatan,” makabubuting tulungan natin silang iugnay ang mga iyon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pagtatanong sa kanila ng:

  • “Paano maiiba ang inyong mga dalangin kapag kilala ninyo kung sino ang kausap ninyo?”

  • “Paano ninyo pag-aaralan ang mga banal na kasulatan sa paraang tutulong sa inyo na mas makilala ang Tagapagligtas at maging higit na katulad Niya?”

Ang ganitong mga tanong ay tutulong sa ating mga estudyante na magkaroon ng mas malaking kapangyarihan at kakayahang makilala ang Tagapagligtas at matuto mula sa Kanya.

4. Magbigay ng Dalisay na Patotoo tungkol kay Jesucristo

Ang pang-apat na bagay na magagawa natin ay magbigay ng dalisay na patotoo tungkol kay Jesucristo.

Kailangan nating banggitin Siya nang mas madalas at mas matindi at may higit na pagpipitagan, pagsamba, at pasasalamat. Kailangan nating ibahagi ang ating patotoo, at maghanap ng mas epektibong mga paraan na mahikayat ang ating mga estudyante na magpatotoo sa isa’t isa. Sa isang nakaraang talakayan sa klase tungkol sa alituntunin ng panalangin, inanyayahan ng isang guro ang mga estudyante na isipin kung ano ang itinuturo sa atin ng paanyaya ng Panginoon na manalangin at ng Kanyang pangakong sasagot Siya, tungkol sa likas na pagkatao ng ating Ama sa Langit. Pagkatapos ay inanyayahan silang isipin ang mga katangian ng Tagapagligtas, na nagtutulot sa atin na manalangin sa Kanyang pangalan. Sa mga simpleng tanong na ito, ang isang lesson sa panalangin ay naging pagkakataon upang magpatotoo ang mga estudyante tungkol sa kapangyarihan at pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang anak na si Jesucristo. Lumisan ang mga estudyante na may dagdag na pagpapahalaga sa kaugnayan nila sa Diyos at sa pambihirang pagpapalang ibinigay sa atin na manalangin sa pangalan ni Jesucristo, na ating Tagapamagitan sa Ama.

Ang isa pang mahalagang paraan para magpatotoo tungkol kay Jesucristo ay iparinig ang patotoo ng mga propeta, noon at ngayon, sa ating mga klase. Sinabi ni Apostol Pedro na tayo’y “mga saksi na hinirang ng Dios sa una. … Ipinagbilin niya na … saksihan [natin] na siya ang itinalaga ng Dios. … Siya ang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta.”16

Kamakailan lang, may sinabi si Elder Robert D. Hales na pinag-isipan ko nang husto. Sabi niya, “Ating pinanonood, pinakikinggan, binabasa, pinag-aaralan, at ibinabahagi ang mga salita ng mga propeta upang mabigyang babala at maprotektahan tayo. Halimbawa, ‘Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo’ ay ibinigay bago pa man natin maranasan ang mga hamon na kinakaharap ngayon ng pamilya.” Pagkatapos ay idinagdag niya ang ideyang ito, “‘Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol’ ay inihanda noon pa bago pa natin ito kinailangang mabuti.”17

Hindi ako mahilig mag-isip tungkol sa kalungkutan at kamatayan, ngunit malinaw na kung bakit ibinigay ang pagpapahayag bago pa dumating ang malalakas na hanging humahaplit sa tradisyonal na pamilya. At nang marinig kong sabihin ng propeta na ang dokumentong “Ang Buhay na Cristo” ay ibinigay “bago pa natin ito kinailangang mabuti,” naisip ko na iihip ang iba pang malalakas na hangin, na hahaplit sa pananampalataya ng ating mga estudyante at mga anak.

Ipinahayag sa “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” na “Iniaalay namin ang aming patotoo tungkol sa katotohanan ng Kanyang hindi mapapantayang buhay at ang walang hanggang kapangyarihan ng Kanyang dakilang mapagbayad-salang sakripisyo. … Siya ang Dakilang Jehova ng Lumang Tipan, ang Mesiyas ng Bagong Tipan. … Binagtas Niya ang mga daan sa Palestina, na nanggagamot ng maysakit, nagbibigay ng paningin sa bulag, at nagpapabangon ng patay. Itinuro Niya ang mga katotohanan tungkol sa kawalang-hanggan. … Inialay Niya ang Kanyang buhay para sa kasalanan ng lahat ng sangkatauhan. … Nagbangon Siya sa libingan upang ‘maging pangunahing bunga ng nangatutulog.’… Siya at ang Kanyang Ama ay nagpakita sa batang lalaking si Joseph Smith, upang pasimulan ang matagal nang ipinangakong ‘dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon.’… Nagpapatotoo kami na darating ang panahon na babalik Siyang muli sa mundo … [at] mamamahala Siya bilang Hari ng mga Hari at maghahari bilang Panginoon ng mga Panginoon. … Si Jesus ang buhay na Cristo, ang walang kamatayang Anak ng Diyos. Siya ang dakilang Haring Emmanuel, na ngayon ay nakatayo sa kanang kamay ng Kanyang Ama. Siya ang liwanag, ang buhay, at pag-asa ng mundo. … Salamat sa Diyos sa Kanyang walang kapantay na kaloob na Kanyang banal na Anak.”18

Ang pagsaksing ito ng mga propeta ng Diyos ay ibinigay bago pa ito kailanganin nang husto ng ating mga estudyante at ating mga anak. Kailangan natin silang tulungang itanim nang malalim ang patotoong ito sa kanilang puso’t isipan. Wala tayong higit na magagawa na magpapala sa ating mga estudyante kaysa tulungan silang makilala si Jesucristo. Kailangan natin silang tulungang mahalin Siya, sundin Siya, at sadyang sikaping maging katulad Niya. Idinaragdag ko sa pagsaksi ng mga propeta ng Diyos ang aking abang patotoo na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos at Tagapagligtas ng sanlibutan.

Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.