Seminary
Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman


Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, Doctrinal Mastery Core Document (2018)

Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman

binatang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Lahat ng Katotohanan

1. Alam ng Diyos ang lahat ng bagay at Siya ang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan (tingnan sa Mosias 4:9). Dahil mahal tayo ng ating Ama sa Langit at nais Niya tayong umunlad hanggang sa maging katulad Niya, hinikayat Niya tayong “maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (DT 88:118). Sa paghahanap natin sa katotohanan, mapagkakatiwalaan natin Siya nang lubos, na umaasa sa Kanyang karunungan, Kanyang pagmamahal, at Kanyang kapangyarihan na turuan at pagpalain tayo. Nangako ang Diyos na ihahayag Niya ang katotohanan sa ating puso’t isipan sa pamamagitan ng Espiritu Santo kung masigasig natin Siyang hahanapin (tingnan sa DT 8:2–3).

2. Para matulungan tayo, itinuro sa atin ng Ama sa Langit kung paano magtamo ng espirituwal na kaalaman. Nagtakda Siya ng mga kundisyon na kailangan nating sundin para matamo ang gayong kaalaman. Sa itinakdang huwaran ng Diyos, hinihingi sa atin na magkaroon tayo ng tapat na hangaring malaman ang katotohanan (tingnan sa Moroni 10:4–5) at maging handang mamuhay ayon sa inihayag ng Diyos (tingnan sa Juan 7:17). Ang ating tapat na hangarin ang aakay sa atin na hanapin ang katotohanan sa pamamagitan ng panalangin (tingnan sa Santiago 1:5–6; 2 Nephi 32:8–9) at dibdibang pag-aaral ng salita ng Diyos (tingnan sa II Kay Timoteo 3:15–17; 2 Nephi 32:3).

Pagtatanong at Paghahanap ng mga Sagot

3. Kung minsan maaaring may matuklasan tayong bagong impormasyon o may mga tanong tayo tungkol sa doktrina, gawain, o kasaysayan ng Simbahan na tila mahirap unawain. Ang pagtatanong at paghahanap ng mga sagot ay mahalagang bahagi ng ating pagsisikap na malaman ang katotohanan. Ang ilang tanong na maiisip natin ay maaaring binigyang-inspirasyon ng Espiritu Santo. Ang mga tanong na binigyang-inspirasyon ay dapat ituring na mga kaloob mula sa Diyos na nagbibigay ng mga pagkakataong maragdagan ang ating pang-unawa at lumakas ang ating pagtitiwala na handa tayong turuan ng Panginoon. Anuman ang pinagmumulan ng ating mga tanong, nabiyayaan tayo ng kakayahang mag-isip at mangatwiran at mapalawak ng impluwensya ng Panginoon ang ating isipan at mapalalim ang ating pang-unawa. Ang saloobin at layunin ng ating pagtatanong at paghahanap ng mga sagot ay malaki ang epekto sa kakayahan nating matuto sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

4. Ang sumusunod na tatlong alituntunin ay maaari tayong gabayan sa paghahangad nating matuto at maunawaan ang walang-hanggang katotohanan at malutas ang mga tanong o problema:

  • Kumilos nang may pananampalataya.

  • Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw.

  • Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos.

Alituntunin 1: Kumilos nang May Pananampalataya

5. Kumikilos tayo nang may pananampalataya kapag pinipili nating magtiwala sa Diyos at lumalapit sa Kanya sa taimtim na panalangin, pinag-aaralan ang Kanyang mga turo, at sumusunod sa Kanyang mga kautusan.

6. Kapag hinahangad nating palaguin ang ating pang-unawa at lutasin ang mga alalahanin, mahalagang umasa tayo sa ating patotoo kay Jesucristo, sa Pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo, at sa mga turo ng Kanyang inorden na mga propeta. Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Pagdating ng mga sandaling iyon at magkaroon ng mga problema, at hindi ito malutas kaagad, manangan nang mahigpit sa nalalaman na ninyo at manindigan hanggang sa dumating ang karagdagang kaalaman” (“Panginoon, Nananampalataya Ako,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 94). Inanyayahan tayo ng Panginoon mismo na “isaalang-alang [Siya] sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot” (DT 6:36).

7. Sa mga oras na maaaring hindi natin mahanap kaagad ang mga sagot sa ating mga tanong, makabubuting tandaan na kahit inihayag ng Ama sa Langit ang lahat ng kailangan para sa ating kaligtasan, hindi pa Niya naihayag ang lahat ng katotohanan. Kapag patuloy nating hinanap ang mga sagot, kailangan tayong mamuhay nang may pananampalataya—na nagtitiwala na kalaunan ay matatanggap natin ang mga sagot na hinahanap natin (tingnan sa Mga Kawikaan 3:5–6; Eter 12:6). Kapag tayo ay tapat sa katotohanan at liwanag na natanggap na natin, mas marami pa tayong matatanggap. Ang mga sagot sa ating mga tanong at panalangin ay madalas dumating nang “taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30).

Alituntunin 2: Suriin ang mga Konsepto at Tanong nang May Walang-hanggang Pananaw

8. Para masuri ang mga konsepto ng doktrina, tanong, at isyung panlipunan nang may walang-hanggang pananaw, itinuturing natin ang mga ito sa konteksto ng plano ng kaligtasan at ng mga turo ng Tagapagligtas. Hinahangad natin ang tulong ng Espiritu Santo para makita ang mga bagay-bagay ayon sa pagtingin dito ng Panginoon (tingnan sa I Mga Taga Corinto 2:5, 9–11). Tinutulutan tayo nitong iangkop ang tanong (makita ang tanong sa ibang paraan) at tingnan ang mga ideya ayon sa pamantayan ng katotohanan ng Panginoon sa halip na tanggapin ang mga ideya o palagay ng mundo. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagtatanong ng tulad ng “Ano na ba ang alam ko tungkol sa Ama sa Langit, sa Kanyang plano, at kung paano Siya nakikitungo sa Kanyang mga anak?” at “Anong mga turo ng ebanghelyo ang nauugnay o naglilinaw sa konsepto o problemang ito?”

9. Kahit ang mga tanong na nauugnay sa mga kaganapan sa kasaysayan ay maaaring kailangang suriin nang may walang-hanggang pananaw. Kapag nananatiling matatag ang ating tiwala sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang plano ng kaligtasan, nakikita natin ang mga problema nang mas malinaw. Maaari ding makatulong na suriin ang mga tanong tungkol sa kasaysayan sa wastong konteksto ng kasaysayan sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa kultura at mga pamantayan sa panahon nito kaysa igiit ang mga kasalukuyang pananaw at saloobin.

10. Mahalagang alalahanin na ang mga detalye ng kasaysayan ay hindi nagbibigay ng nakapagliligtas na kapangyarihan ng mga ordenansa, mga tipan, at doktrina. Ang pagkalito dahil sa di-gaanong mahahalagang detalye na magbubunga ng hindi pagkaunawa sa himala ng Panunumbalik ay parang pag-uukol ng oras sa pagsuri sa isang kahon ng regalo at hindi pagpansin sa kagandahan mismo ng regalo.

Alituntunin 3: Hangarin na Mas Makaunawa sa Pamamagitan ng mga Itinalagang Sources na Ibinigay ng Diyos

11. Bilang bahagi ng paraang itinakda ng Panginoon sa pagtatamo ng espirituwal na kaalaman, naglaan Siya ng mga tulong o sources kung saan naghahayag Siya ng katotohanan at patnubay sa Kanyang mga anak. Kabilang sa sources na ito ang liwanag ni Cristo, ang Espiritu Santo, mga banal na kasulatan, mga magulang, at mga lider ng Simbahan. Ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol—ang mga propeta ng Panginoon sa lupa ngayon—ay isang mahalagang source ng katotohanan. Pinili at inorden na ng Panginoon ang mga taong ito na magsalita para sa Kanya.

12. Malalaman din natin ang katotohanan sa pamamagitan ng iba pang mapagkakatiwalaang sources. Gayunman, ang matatapat na naghahanap ng katotohanan ay dapat mag-ingat sa di-mapagkakatiwalaang sources ng impormasyon. Nabubuhay tayo sa isang panahon na maraming “nagsisitawag [na ang] mabuti ay masama, at [ang] masama ay mabuti” (Isaias 5:20). Si Satanas ang ama ng kasinungalingan at hangad niyang baluktutin ang katotohanan at udyukan tayong talikuran ang Panginoon at ang Kanyang hinirang na mga lingkod. Kapag lumapit tayo sa mga ibinigay na sources ng Panginoon para sa mga sagot at patnubay, mabibiyayaan tayong makahiwatig sa pagitan ng tama at mali. Ang matutong matukoy at maiwasan ang di-mapagkakatiwalaang sources ay maaaring magprotekta sa atin laban sa mga maling impormasyon at mula sa mga naghahangad na sirain ang ating pananampalataya.

Pagtulong sa Iba na Magtamo ng Espirituwal na Kaalaman

13. Kapag lumapit sa atin ang iba na nagtatanong o nag-iimbestiga sa doktrina, mga gawain, o kasaysayan ng Simbahan, paano kaya natin sila higit na matutulungan sa paghahanap nila sa katotohanan? Ang mga sumusunod ay ilan sa mga paraan na matutulungan natin sila:

14. Makinig na mabuti at may panalangin: Makinig na mabuti bago ka tumugon, na naghahangad na linawin at unawain ang talagang itinatanong nila. Hangaring maunawaang mabuti ang tunay na layunin ng kanilang mga tanong at ang kanilang damdamin at mga paniniwala.

15. Magturo at magpatotoo tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo: Magbahagi ng mga angkop na turo mula sa mga banal na kasulatan at sa mga propeta ngayon at kung paano sila nakagawa ng kaibhan sa buhay mo. Tulungan ang mga kinakausap mo na suriin o iangkop ang kanilang mga tanong sa konteksto ng ebanghelyo at ng plano ng kaligtasan.

16. Anyayahan silang kumilos nang may pananampalataya: Alalahanin na inutusan tayo ng Panginoon na magtamo ng espirituwal na kaalaman para sa ating sarili. Samakatwid, kailangan nating anyayahan ang iba na kumilos nang may pananampalataya sa pamamagitan ng panalangin, pagsunod sa mga kautusan, at masigasig na pag-aaral ng salita ng Diyos, na ginagamit ang mga itinalagang sources, lalo na ang Aklat ni Mormon. Kung naaangkop, anyayahan silang alalahanin ang kanilang mga karanasan kung kailan nadama nila ang Espiritu Santo at na mahigpit na kumapit sa mga walang-hanggang katotohanang nalaman nila hanggang sa dumating ang karagdagang kaalaman.

17. Tapusin ang nasimulan: Sabihin na tutulong kang saliksikin ang mga sagot, at pagkatapos ay sundan ito ng pagbabahagi ng nalaman mo. Maaari din ninyong saliksikin ang mga sagot nang magkasama. Magpakita ng tiwala sa pangako ng Panginoon na magbibigay Siya ng personal na paghahayag.

Mga kaugnay na reperensya: Jeremias 1:4–5; Amos 3:7; Mateo 5:14–16; Mateo 16:15–19; John 15:16; Juan 17:3; Mga Taga Efeso 2:19–20; Mga Taga Efeso 4:11–14; 2 Nephi 2:27; Mosias 18:8–10; 3 Nephi 18:15, 20–21; DT 1:37–38; DT 18:15–16; DT 21:4–6; DT 88:118

Mga kaugnay na paksa tungkol sa doktrina: Ang Panguluhang Diyos: Ang Espiritu Santo; Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo: Pananampalataya kay Jesucristo; Mga Propeta at Paghahayag; Mga Kautusan