Seminary
6. Priesthood at mga Susi ng Priesthood


6. Priesthood at mga Susi ng Priesthood, Doctrinal Mastery Core Document (2018)

6. Priesthood at mga Susi ng Priesthood

Larawan
Joseph Smith receives the Aaronic priesthood

6.1. Ang priesthood ay ang walang-hanggang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos. Sa pamamagitan ng priesthood, nilikha at pinamamahalaan ng Diyos ang langit at ang lupa. Gamit ang kapangyarihang ito tinutubos at dinadakila Niya ang Kanyang mga anak. Ang priesthood ay iginagawad sa karapat-dapat na kalalakihan ng Simbahan. Ang mga pagpapala ng priesthood ay makakamit ng lahat ng anak ng Diyos sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan ng ebanghelyo.

6.2. Ang mga susi ng priesthood ay ang mga karapatang mangulo, o ang kapangyarihang ibinibigay ng Diyos sa tao upang pamahalaan at pangasiwaan ang kaharian ng Diyos sa lupa (tingnan sa Mateo 16:15–19). Kailangan ang mga susi ng priesthood para pamahalaan ang pangangaral ng ebanghelyo at ang pangangasiwa sa mga ordenansa ng kaligtasan.

6.3. Si Jesucristo ang mayhawak ng lahat ng susi ng priesthood na nauukol sa Kanyang Simbahan. Ipinagkaloob Niya sa bawat isa sa Kanyang mga Apostol ang lahat ng susing nauukol sa kaharian ng Diyos sa lupa. Ang Pangulo ng Simbahan ang tanging tao na may karapatang gamitin ang lahat ng susing iyon ng priesthood. Ang mga temple president, mission president, stake president, bishop, at quorum president ay humahawak din ng mga susi ng priesthood na nagtutulot sa kanila na mamuno at mangasiwa sa gawaing iniatas sa kanilang gawin.

6.4. Lahat ng naglilingkod sa Simbahan—kalalakihan at kababaihan—ay tinatawag sa ilalim ng pamamahala ng isang taong mayhawak ng mga susi ng priesthood (tingnan sa DT 42:11). Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Sinumang gumaganap sa katungkulan o tungkulin na natanggap mula sa taong mayhawak ng mga susi ng priesthood ay ginagamit ang awtoridad ng priesthood sa pagtupad sa mga gawaing itinalaga sa kanya” (“Ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 51). Ang awtoridad ng priesthood ay maaari lamang gamitin sa kabutihan (tingnan sa DT 121:36, 41–42).

6.5. Ang mga inorden sa Melchizedek Priesthood ay pumapasok sa sumpa at tipan ng priesthood. Kung gagampanan nila ang kanilang tungkulin at matapat na tatanggapin ang Panginoon at ang Kanyang mga lingkod, makakamtan nila ang mga pagpapala ng kadakilaan. Ipinangako rin sa kababaihan ang mga pagpapala ng kadakilaan kapag sila ay matapat sa mga tipan na ginawa nila sa Panginoon.

Mga kaugnay na reperensya: Juan 15:16; Mga Taga Efeso 2:19–20

Mga kaugnay na paksa: Ang Pagpapanumbalik; Mga Propeta at Paghahayag; Mga Ordenansa at mga Tipan

Aaronic Priesthood

6.6. Ang Aaronic Priesthood ay kadalasang tinatawag na panimulang priesthood. Ang Aaronic Priesthood ang “may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag” (DT 13:1). Sa pamamagitan ng paggamit ng priesthood na ito, ang sakramento ay naihahanda, nababasbasan, at napapamahalaan. Ang mga katungkulan sa Aaronic Priesthood ay deacon, teacher, priest, at bishop.

Melchizedek Priesthood

6.7. Ang Melchizedek Priesthood ay ang mas mataas, o mas dakila, na priesthood at “may hawak ng karapatan ng panguluhan, at may kapangyarihan at karapatan sa lahat ng katungkulan sa simbahan sa lahat ng kapanahunan ng daigdig, upang mangasiwa sa mga espirituwal na bagay” (DT 107:8). Lahat ng pagpapala, ordenansa, tipan, at organisasyon ng Simbahan ay pinangangasiwaan sa ilalim ng awtoridad ng Pangulo ng Simbahan, na siyang Pangulo ng Melchizedek Priesthood. Ang priesthood na ito ay ibinigay kay Adan at nasa lupa tuwing inihahayag ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo. Ang mga katungkulan sa Melchizedek Priesthood ay elder, high priest, patriarch, Pitumpu, at Apostol.

Kaugnay na reperensya: Mga Taga Efeso 4:11–14

Print