2. Ang Plano ng Kaligtasan, Doctrinal Mastery Core Document (2018)
2. Ang Plano ng Kaligtasan
2.1. Bago tayo isinilang, naglahad ng plano ang Ama sa Langit upang tulungan tayong maging katulad Niya at magtamo tayo ng kawalang-kamatayan at buhay na walang-hanggan (tingnan sa Moises 1:39). Para matupad ang planong ito at maging katulad ng ating Ama sa Langit, kailangan nating makilala Siya at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, at magkaroon tayo ng tamang pagkaunawa sa Kanilang pagkatao at mga katangian (tingnan sa Juan 17:3).
2.2. Tinutukoy ng mga banal na kasulatan ang plano ng Ama sa Langit bilang ang plano ng kaligtasan, ang dakilang plano ng kaligayahan, ang plano ng pagtubos, at ang plano ng awa. Kabilang sa planong ito ang Paglikha, Pagkahulog, Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at lahat ng batas, ordenansa, at doktrina ng ebanghelyo. Ang kalayaang moral—ang kakayahang pumili at kumilos para sa ating sarili—ay mahalaga rin sa plano ng Ama sa Langit. Ang ating walang-hanggang pag-unlad ay nakabatay sa kung paano natin gagamitin ang kaloob na ito (tingnan sa Josue 24:15; 2 Nephi 2:27).
2.3. Si Jesucristo ang sentro sa plano ng Ama sa Langit. Ang plano ng kaligtasan ay magtutulot sa atin na maging perpekto, makatanggap ng ganap na kagalakan, makasama ang ating pamilya sa buong kawalang-hanggan, at mabuhay magpakailanman sa piling ng Diyos.
Mga kaugnay na reperensya: Malakias 4:5–6; 3 Nephi 12:48; DT 131:1–4
Buhay Bago Isilang
2.4. Bago tayo isinilang sa mundo, nabuhay tayo sa piling ng ating Ama sa Langit bilang Kanyang mga espiritung anak (tingnan sa Abraham 3:22–23). Nakibahagi tayo sa isang kapulungan bago tayo isinilang sa mundong ito kasama ang iba pang mga espiritung anak ng Ama sa Langit. Inilahad ng Ama sa Langit sa kapulungang iyon ang Kanyang plano at nakipagtipan ang premortal na si Jesucristo na maging Tagapagligtas.
2.5. Ginamit natin ang ating kalayaan para sundin ang plano ng Ama sa Langit. Ang mga sumunod sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay tinulutang pumarito sa lupa para makaranas ng mortalidad at pag-unlad tungo sa buhay na walang-hanggan. Si Lucifer, isa pang espiritung anak ng Diyos, ay naghimagsik laban sa plano. Siya ay naging si Satanas, at siya at ang kanyang mga alagad ay itinaboy mula sa langit at pinagkaitan ng pribilehiyong tumanggap ng pisikal na katawan at mabuhay sa mundo.
Mga kaugnay na reperensya: Jeremias 1:4–5; Sa Mga Hebreo 12:9; 2 Nephi 2:27; 3 Nephi 11:10–11
Ang Paglikha
2.6. Nilikha ni Jesucristo ang langit at ang lupa sa ilalim ng pamamahala ng Ama (tingnan sa DT 76:22–24). Ang Paglikha ng mundo ay mahalaga sa plano ng Diyos. Naglaan ito ng isang lugar kung saan tayo magtatamo ng pisikal na katawan, susubukan at patutunayan, at magkakaroon ng mga banal na katangian.
2.7. Si Adan ang unang taong nilikha sa mundo. Nilikha ng Diyos sina Adan at Eva sa Kanyang sariling larawan. Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa larawan ng Diyos (tingnan sa Genesis 1:26–27). Ang kasarian ay mahalagang katangian ng pagkakakilanlan at layunin ng bawat tao sa buhay bago isilang, buhay sa mundo, at sa walang hanggan.
Ang Pagkahulog
2.8. Sa Halamanan ng Eden, ikinasal ng Diyos sina Eva at Adan. Habang nasa halamanan sina Eva at Adan, kapiling pa rin nila ng Diyos at maaaring mabuhay magpakailanman. Nabuhay sila sa kawalang-malay, at inilaan ng Diyos ang kanilang mga pangangailangan.
2.9. Ibinigay ng Diyos kina Eva at Adan ang kanilang kalayaan habang sila ay nasa Halamanan ng Eden. Inutusan Niya silang huwag kainin ang ipinagbabawal na bunga—ang bunga ng punungkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama. Ang pagsunod sa utos na ito ay nangahulugan na maaari silang manatili sa halamanan. Gayunman, hindi pa naunawaan nina Eva at Adan na kung mananatili sila sa halamanan ay hindi sila uunlad sa pamamagitan ng pagdanas ng oposisyon sa mortalidad. Hindi nila malalaman ang kagalakan dahil hindi sila maaaring dumanas ng kalungkutan at pasakit. Dagdag pa rito, hindi sila magkakaanak.
2.10. Tinukso ni Satanas sina Eva at Adan na kainin ang ipinagbabawal na bunga, at pinili nilang gawin ito. Dahil sa pagpiling ito, itinaboy sila mula sa piling ng Diyos at nahulog at naging mortal. Ang paglabag nina Eva at Adan at ang mga pagbabagong naranasan nila bilang resulta nito, kabilang na ang espirituwal at pisikal na kamatayan, ay tinatawag na Pagkahulog. Ang espirituwal na kamatayan ay pagkawalay sa Diyos. Ang pisikal na kamatayan ay ang paghihiwalay ng espiritu at ng katawang mortal.
2.11. Ang Pagkahulog ay mahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan ng ating Ama sa Langit. Bilang resulta ng Pagkahulog, magkakaroon ng mga anak sina Eva at Adan. Sila at ang kanilang angkan ay makakaranas ng kagalakan at kalungkutan, malalaman ang tama sa mali, at uunlad (tingnan sa 2 Nephi 2:22–25).
2.12. Bilang mga inapo nina Eva at Adan, minamana natin ang nahulog na kalagayan sa mortalidad. Nawalay tayo mula sa piling ng Diyos at daranas ng pisikal na kamatayan. Sinusubukan din tayo ng mga paghihirap ng mortal na buhay at ng mga tukso ng kaaway. Bagama’t hindi tayo mananagot sa paglabag nina Eva at Adan, tayo ang mananagot sa ating sariling mga kasalanan. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari tayong makalampas sa mga negatibong epekto ng Pagkahulog, makatanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan, at makaranas kalaunan ng ganap na kagalakan.
Mga kaugnay na reperensya: Genesis 1:28; Mosias 3:19; Alma 34:9–10
Kaugnay na paksa: Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo
Buhay sa Mundo
2.13. Ang buhay sa mundo ay isang panahon ng pag-aaral, kung kailan natin pinatutunayan na gagamitin natin ang ating kalayaan upang gawin ang lahat ng iniutos ng Panginoon at maghahanda para sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng mga banal na katangian. Ginagawa natin ito kapag nananampalataya tayo kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, nagsisi, tumanggap ng mga nakapagliligtas na ordenansa tulad ng binyag at kumpirmasyon, at nanatiling tapat hanggang magwakas ang ating buhay sa mundo sa pagtulad sa halimbawa ni Jesucristo.
2.14. Sa mortalidad, magkasama ang ating espiritu at pisikal na katawan, na nagbibigay sa atin ng mga pagkakataong lumago at umunlad sa mga paraan na hindi posible noon sa buhay bago tayo isinilang. Dahil ang ating Ama sa Langit ay may katawang may laman at buto, kailangan natin ng katawan para umunlad tayo at maging katulad Niya. Ang ating katawan ay sagrado at dapat igalang bilang kaloob mula sa ating Ama sa Langit (tingnan sa I Mga Taga Corinto 6:19–20).
Mga kaugnay na reperensya: Josue 24:15; Mateo 22:36–39; Juan 14:15; 2 Nephi 2:27; 3 Nephi 12:48; Moroni 7:45, 47–48; DT 130:22–23
Mga kaugnay na paksa: Ang Panguluhang Diyos; Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo; Mga Ordenansa at mga Tipan; Mga Kautusan
Kabilang-Buhay
2.15. Kapag namatay tayo, mapupunta ang ating espiritu sa daigdig ng mga espiritu at maghihintay sa Pagkabuhay na Mag-uli. Ang espiritu ng mabubuti ay tatanggapin sa isang kalagayan ng kaligayahan, na tinatawag na paraiso. Ang mga namatay nang walang kaalaman sa katotohanan at ang mga suwail sa mortalidad ay mapupunta sa isang pansamantalang lugar sa kabilang-buhay na tinatawag na bilangguan ng mga espiritu.
2.16. Bawat tao kalaunan ay magkakaroon ng pagkakataong malaman ang mga alituntunin ng ebanghelyo at matanggap ang mga ordenansa at tipan nito. Marami sa matatapat ang mangangaral ng ebanghelyo sa mga nasa bilangguan ng mga espiritu. Ang mga pumipiling tanggapin ang ebanghelyo, magsisisi, at tatanggap ng mga ordenansa ng kaligtasan na isinagawa para sa kanila sa mga templo ay mananahan sa paraiso hanggang sa Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa I Ni Pedro 4:6).
2.17. Ang Pagkabuhay na Mag-uli ay ang pagsasamang muli ng ating katawang espiritu at ng ating perpektong pisikal na katawang may laman at buto. Pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli, tayo ay magiging imortal—hindi na muling maghihiwalay ang ating espiritu at katawan. Bawat taong isinilang sa mundo ay mabubuhay na mag-uli dahil nadaig ni Jesucristo ang pisikal na kamatayan (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:20–22). Ang mabubuti ay mabubuhay na mag-uli bago ang masasama at babangon sa Unang Pagkabuhay na Mag-uli.
2.18. Ang Huling Paghuhukom ay magaganap pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli. Hahatulan ni Jesucristo ang bawat tao para malaman nila ang walang-hanggang kaluwalhatiang matatanggap nila. Ang paghatol ay ibabatay sa mga hangarin at pagsunod ng bawat tao sa mga utos ng Diyos (tingnan sa Apocalipsis 20:12).
2.19. May tatlong kaharian ng kaluwalhatian: ang kahariang selestiyal, ang kahariang terestriyal, at ang kahariang telestiyal (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:40–42). Ang matatapat sa kanilang patotoo tungkol kay Jesus at masunurin sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay mananahan sa kahariang selestiyal sa piling ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo, at kasama ang kanilang mabubuting kapamilya at kamag-anak.
Mga kaugnay na reperensya: Lucas 24:36–39; Juan 17:3; DT 131:1–4
Mga kaugnay na paksa: Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo; Mga Ordenansa at mga Tipan