5. Mga Propeta at Paghahayag, Doctrinal Mastery Core Document (2018)
5. Mga Propeta at Paghahayag
5.1. Ang propeta ay isang tao na tinawag ng Diyos na mangusap para sa Kanya (tingnan sa Jeremias 1:4–5; Amos 3:7; Juan 15:16; DT 1:37–38). Ang mga propeta ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at nagtuturo ng Kanyang ebanghelyo. Ipinapaalam nila ang kalooban at tunay na pagkatao ng Diyos. Tinutuligsa nila ang kasalanan, nagbababala sila tungkol sa mga ibubunga nito, at tinutulungan nila tayong iwasan ang panlilinlang (tingnan sa Ezekiel 3:16–17; Mga Taga Efeso 4:11–14). Kung minsan, nagpopropesiya sila tungkol sa mga magaganap sa hinaharap. Nagagampanan ng mga propeta ang mga tungkuling ito dahil tumatanggap sila ng awtoridad at paghahayag mula sa Diyos.
5.2. Ang paghahayag ay pakikipag-ugnayan ng Diyos sa Kanyang mga anak. Karamihan sa mga paghahayag ay dumarating sa pamamagitan ng mga impresyon, ideya, at damdamin na nagmumula sa Espiritu Santo. Ang paghahayag ay maaari ding dumating sa pamamagitan ng mga pangitain, panaginip, at pagdalaw ng mga anghel.
5.3. Noong Kanyang mortal na ministeryo at muli sa ating panahon, inorganisa ng Panginoon ang Kanyang Simbahan na nakasalig sa mga propeta at apostol (tingnan sa Mga Taga Efeso 2:19–20). Ang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang propeta ng Diyos sa lahat ng tao sa mundo ngayon. Sinasang-ayunan natin ang Pangulo ng Simbahan bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag at ang tanging tao sa mundo na tumatanggap ng paghahayag upang gabayan ang buong Simbahan. Kung tapat nating tinatanggap at sinusunod ang mga aral o turo ng Pangulo ng Simbahan, pagpapalain tayo ng Diyos na madaig ang panlilinlang at kasamaan (tingnan sa DT 21:4–6). Sinasang-ayunan din natin ang mga tagapayo sa Unang Panguluhan at ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.
5.4. Ang mga banal na kasulatan—ang Biblia, Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas—ay naglalaman ng mga paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ng mga propeta noon at ngayon. Kapag pinag-aralan natin ang mga salita ng mga propeta, matututuhan natin ang katotohanan at makakatanggap tayo ng patnubay.
5.5. Bagama’t nagbibigay ng paghahayag ang Diyos sa pamamagitan ng mga propeta para gabayan ang lahat ng Kanyang anak, bawat tao ay makakatanggap ng paghahayag para tulungan sila sa kanilang partikular na mga pangangailangan, responsibilidad, at mga tanong at mapalakas ang kanilang patotoo. Gayunman, ang personal na inspirasyon mula sa Panginoon ay hindi kailanman sasalungat sa paghahayag na ibinibigay ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.
Mga kaugnay na reperensya: Abraham 3:22–23; Mateo 16:15–19; II Kay Timoteo 3:15–17; 2 Nephi 32:3; DT 8:2–3; DT 76:22–24
Mga kaugnay na paksa: Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman; Priesthood at mga Susi ng Priesthood