7. Mga Ordenansa at mga Tipan, Doctrinal Mastery Core Document (2018)
7. Mga Ordenansa at mga Tipan
Mga Ordenansa
7.1. Ang ordenansa ay isang sagradong gawaing isinasagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood. Bawat ordenansa ay nilayon ng Diyos na magturo ng mga espirituwal na katotohanan, na kadalasa’y sa paggamit ng simbolismo.
7.2. Ang ilang ordenansa ay mahalaga sa kadakilaan at tinatawag na mga nakapagliligtas na ordenansa. Sa pamamagitan lamang ng mga nakapagliligtas na ordenansa at pagtupad sa kaugnay na mga tipan natin matatamo ang lahat ng pagpapala na maaaring makamit sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kung wala ang mga nakapagliligtas na ordenansang ito, hindi tayo magiging katulad ng ating Ama sa Langit o makababalik upang manahanan sa piling Niya magpasawalang-hanggan (tingnan sa DT 84:20–22). Ang mga nakapagliligtas na ordenansa ay isinasagawa sa ilalim ng pamamahala ng mga mayhawak ng mga susi ng priesthood.
7.3. Ang unang nakapagliligtas na ordenansa ng ebanghelyo ay ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig na isinasagawa ng isang taong may awtoridad. Kailangan ang binyag para maging miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ang isang tao at para makapasok sa kahariang selestiyal (tingnan sa Juan 3:5).
7.4. Pagkatapos mabinyagan ang isang tao, isa o mahigit pang mayhawak ng Melchizedek Priesthood ang magkukumpirma sa kanya bilang miyembro ng Simbahan at magkakaloob sa kanya ng kaloob na Espiritu Santo (tingnan sa 3 Nephi 27:20). Ang kaloob na Espiritu Santo ay naiiba sa impluwensya ng Espiritu Santo. Bago mabinyagan, maaaring madama ng isang tao ang impluwensya ng Espiritu Santo at matanggap ang patotoo tungkol sa katotohanan. Pagkatapos matanggap ang kaloob na Espiritu Santo, ang isang taong tumutupad ng kanyang mga tipan ay may karapatang mapatnubayan palagi ng Espiritu Santo.
7.5. Kabilang sa iba pang mga nakapagliligtas na ordenansa ang pag-oorden sa Melchizedek Priesthood (para sa kalalakihan), ang endowment sa templo, at ang pagbubuklod ng kasal. Sa templo, ang mga nakapagliligtas na ordenansang ito ay maisasagawa rin para sa mga patay. Ang mga ordenansa para sa mga patay ay nagkakabisa lamang kapag tinanggap ito ng mga taong pumanaw na sa daigdig ng mga espiritu at iginalang ang mga kaugnay na tipan.
7.6. Ang iba pang mga ordenansa, tulad ng pagtanggap ng sakramento para panibaguhin ang ating mga tipan sa binyag, pagbabasbas sa maysakit, at pagpapangalan at pagbabasbas sa mga bata, ay mahalaga rin sa ating espirituwal na pag-unlad.
Mga kaugnay na reperensya: Malakias 4:5–6; Mateo 16:15–19; I Ni Pedro 4:6; DT 131:1–4
Mga kaugnay na paksa: Ang Panguluhang Diyos: Ang Espiritu Santo; Ang Plano ng Kaligtasan: Kabilang-Buhay; Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo; Priesthood at mga Susi ng Priesthood
Mga Tipan
7.7. Ang tipan ay isang sagradong kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng tao. Ang Diyos ang nagbibigay ng mga kundisyon para sa tipan, at sumasang-ayon tayong gawin ang iniuutos Niya sa atin; pagkatapos ay nangangako ang Diyos sa atin ng mga pagpapala dahil sa ating pagsunod (tingnan sa Exodo 19:5–6; DT 82:10). Kung hindi natin tutuparin ang ating mga tipan, hindi natin matatanggap ang mga ipinangakong pagpapala.
7.8. Lahat ng nakapagliligtas na ordenansa ng priesthood ay may kaakibat na mga tipan. Halimbawa, nakikipagtipan tayo sa Panginoon sa pamamagitan ng binyag (tingnan sa Mosias 18:8–10). Ang kalalakihang tumatanggap ng Melchizedek Priesthood ay pumapasok sa sumpa at tipan ng priesthood. Pinaninibago natin ang mga tipang ginawa natin sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento.
7.9. Gumagawa tayo ng iba pang mga tipan kapag tumanggap tayo ng mga nakapagliligtas na ordenansa ng endowment at pagbubuklod ng kasal sa templo. Naghahanda tayong makibahagi sa mga ordenansa at gumawa ng mga tipan sa templo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga pamantayan ng pagkamarapat na itinakda ng Panginoon (tingnan sa Mga Awit 24:3–4). Mahalaga na karapat-dapat tayong pumasok sa templo dahil ang templo ay literal na bahay ng Panginoon. Ito ang pinakasagrado sa lahat ng lugar ng pagsamba sa buong mundo.