Library
Sumangguni sa Mapagkakatiwalaang Sources


“Sumangguni sa Mapagkakatiwalaang Sources,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)

batang babae at batang lalaki na nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Paghahanap ng mga Sagot sa Iyong mga Tanong

Sumangguni sa Mapagkakatiwalaang Sources

Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf, “Ngayon lang nangyari sa kasaysayan ng mundo na mas madali tayong nakakakuha ng maraming impormasyon—ang ilan dito ay totoo, ang ilan ay mali, at karamihan sa mga ito ay bahagyang totoo.”1 Sa sitwasyong ito ng kawalang-katiyakan, hinihikayat ng Simbahan ang mga miyembro na “maghanap at magbahagi lamang ng mga mapagkukunan ng impormasyon na mapagkakatiwalaan, maaasahan, at makatotohanan.”2 Dapat nating iwasan ang sources na nakabatay sa sabi-sabi o nag-uudyok ng pagtatalo o galit.

Ang pagkatutong suriin ang kalidad ng pinagmumulan o sources ng impormasyon ay kinapapalooban kapwa ng espirituwal at intelektuwal na gawain. Narito ang ilang tip para sa pagsusuri ng impormasyon:

  • Suriin kung mapagkakatiwalaan ang mga sources o materyal. Hindi lahat ng sources ay magkakapareho ang kahalagahan sa lahat ng paksa. Ang pinakamaiinam na sources ay may direktang kaalaman tungkol sa isang paksa sa halip na umaasa sa sabi-sabi, tsismis, o pasaring. Magsasalita sila batay mismo sa kanilang kaalaman o kadalubhasaan. Magbibigay sila ng ibang mga mapagkakatiwalaang sources para malaman mo kung tama ba ang kanilang mga pahayag. Ang mapagkakatiwalaang sources ay hindi palaging magpapatunay sa naiisip mo na. Maaaring magbigay sila ng mga pananaw na kaiba sa iyo. Kung may mga tanong ka tungkol sa mga opisyal na turo ng Simbahan, alamin muna kung ano ang sinabi o hindi sinabi ng kasalukuyang mga lider ng Simbahan. Tutulungan ka nitong suriin ang iba pang mga naunang pahayag.

  • Matutong kumilala ng pagkiling. Halos lahat ng sources ay may kaunting pagkiling. Hindi ibig sabihin ay awtomatkong hindi na mapagkakatiwalaan ang mga ito, ngunit mahalagang isaalang-alang ang pananaw ng pinagmulan ng impormasyon. Suriin ang mga motibo at pinagmulan ng iyong source. Mag-ingat sa mga source na nagsasabing walang kinikilingan o nagpapahayag ng mga pananaw na nag-uudyok ng pagtatalo.

  • Patunayan ang natutuhan mo. Mahalaga ito kapag ang maraming mapagkakatiwalaang sources ay sumasang-ayon o nagsasalita nang malinaw tungkol sa isang paksa. Totoo ito lalo na kapag nag-aaral ng sources na tumatalakay sa kasaysayan at mga turo ng Simbahan. Bagama’t hindi palaging posibleng makahanap ng ganitong uri ng pagkakakasunduan sa mga sources na ito, makatutulong na ikumpara ang impormasyon mula sa iba’t ibang sources upang mas masuri mo ang kalidad ng mga ito.

  • Pagtukoy sa mga totoong impormasyon mula sa interpretasyon. Ang ilang bahagi ng impormasyon ay mga katotohanan. Ngunit karamihan sa mga nababasa natin sa internet at sa iba pang mga lathalain ay binubuo ng interpretasyon ng isang tao sa mga katotohanan. Ang pinakamainam na mga interpretasyon ay yaong nagsisikap na ilahad ang lahat ng katotohanan. Isinasaalang-alang ng mga ito ang partikular na mga detalye o katotohanan sa mas malawak na konteksto at binibigyan ang mga ito ng wastong pagpapahalaga. Hindi nila basta inaalis ang impormasyon na hindi sang-ayon sa isang partikular na punto ng pananaw. Tingnan ang sources na ginamit sa paggawa ng partikular na interpretasyon upang matiyak na sinusuportahan nito ang mga pahayag na ginawa at hindi inalis mula sa konteksto.

  • Maging pamilyar sa resources ng Simbahan. Sa mga bagay na nauukol sa doktrina at patakaran ng Simbahan, ang tunay na mapagkakatiwalaang sources ay ang mga banal na kasulatan, mga turo ng mga buhay na propeta, at ang Pangkalahatang Hanbuk. Naglathala rin ang Simbahan ng karagdagang resources para tulungan kang mas maunawaan ang ilan sa mga pinaka-karaniwang tanong ng mga Banal sa mga Huling Araw tungkol sa kasaysayan at kultura ng Simbahan. Maaaring maging kapaki-pakinabang na gamitin ang mga ito bilang panimula habang pinag-aaralan mo ang iyong mga tanong.

  • Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo. Ang bagong impormasyon ay nakakabalisa kung minsan. Ang damdaming iyan ay hindi nangangahulugan na hindi totoo ang impormasyon. Kasama ng mga kasanayang binanggit sa itaas, hingin ang impluwensya ng Espiritu Santo. Matutulungan ka Niya na mahiwatigan ang katotohanan. Siya ay “magbibigay-liwanag sa iyong isipan”3 at tutulungan kang baguhin ang iyong pananaw na isinasaalang-alang ang mga bagong katotohanan. Manalangin na tulungan ka. Mamuhay sa paraang maaaring makapangusap sa iyo ang Espiritu. Maging bukas sa mga espirituwal na pahiwatig habang pinagsisikapan mong malutas ang iyong mga alalahanin.

Mahahalagang banal na kasulatan: 2 Timoteo 3:14–16; Jacob 4:13; Doktrina at mga Tipan 19:38

Mga Tala

  1. Dieter F. Uchtdorf, “Our Search for Truth,” New Era, Ago. 2020, 2.

  2. Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 38.8.41,Gospel Library.

  3. Doktrina at mga Tipan 11:13.