“Lesson 1 Materyal ng Titser: Pasimula sa Panunumbalik,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 1 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 1 Materyal ng Titser
Pasimula sa Panunumbalik
Tinapos ng Panginoong Jesucristo ang Malawakang Apostasiya nang ipanumbalik Niya ang Kanyang ebanghelyo at muling iorganisa ang Kanyang Simbahan sa lupa. Pagkatapos makibahagi sa lesson na ito, dapat makilala ng mga estudyante ang kapangyarihan ng Panginoon sa mga pangyayaring naganap bago ang Panunumbalik at maipaliwanag ang pangangailangan na maibigay muli ang katotohanan sa mga anak ng Diyos sa ating panahon.
Paalala: Kung maaari, kontakin ang mga estudyante na nagrehistro para sa kursong ito bago ang kanilang unang araw ng klase at sabihin sa kanila na basahin ang mga materyal sa paghahanda para sa lesson 1 bago pumasok sa klase. Kung ituturo mo ang lesson 1 at 2 nang magkasama, sabihin sa mga estudyante na pag-aralan din ang materyal para sa lesson 2.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ipakita sa mga estudyanteng hindi pamilyar sa mga materyal sa paghahanda kung paano maa-access ang mga ito sa Internet. Maaari ka ring maglaan ng mga kopya na nasa papel sa mga estudyante na wala pang mga electronic device.
Dahil sa Malawakang Apostasiya kinailangan ang Panunumbalik ng ebanghelyo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad sa materyal sa paghahanda ng lesson 1.
Magpakita ng isang buhay na halaman at ng isang patay o malapit nang mamatay na halaman (o isang patay na sanga sa lupa). O idispley ang kalakip na mga larawan kung walang makukuhang totoong mga halaman.
-
Sa palagay ninyo, bakit magkaiba ang mga halamang ito? Anong uri ng analohiya tungkol sa sarili nating espirituwal na kalagayan ang magagawa natin gamit ang mga halamang ito?
Ipaliwanag na nagbabala ang isang propeta sa Lumang Tipan na nagngangalang Amos sa masasamang tao ng Israel na makakaranas sila ng taggutom. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Amos 8:11–12, at alamin kung anong uri ng taggutom ang ibinabala ni Amos.
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang bahagi 1 ng materyal sa paghahanda, at alamin kung ano ang nawala sa panahon ng Malawakang Apostasiya. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Ipanood sa mga estudyante ang video na “Dispensations: The Pattern of Apostasy and Restoration” (6:52). Sabihin sa mga estudyante na habang nanonood sila ay pag-isipan nila kung ano ang itinuturo sa atin tungkol sa Ama sa Langit ng huwaran o pattern ng apostasiya at panunumbalik na ipinakita sa video.
-
Ano sa palagay ninyo ang itinuturo sa atin ng huwarang ito ng apostasiya at panunumbalik tungkol sa Ama sa Langit?
-
Bakit naiiba ang dispensasyon ng kaganapan ng panahon sa iba pang dispensasyon? Ano ang naiisip o nadarama ninyo tungkol sa pamumuhay sa panahong ito?
Inihanda ng Panginoon ang daan para sa Panunumbalik ng ebanghelyo.
Idispley ang sumusunod na katotohanan: Inihanda ng Panginoon ang daan para sa Panunumbalik ng ebanghelyo.
Sabihin sa mga estudyante na bumuo ng maliliit na grupo at pagkatapos ay magsalitan sa pagbasa sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda, at alamin ang mga pangyayaring naghanda ng daan para sa Panunumbalik ng ebanghelyo. (Kung nabasa na ng karamihan sa iyong mga estudyante ang materyal sa paghahanda bago magklase, maaari mong ipabuod sa kanila ang nilalaman ng bahagi 2.) Idispley ang mga sumusunod na tanong, at maglaan ng oras para sama-samang matalakay ang mga ito ng bawat grupo.
-
Paano inihanda ng Panginoon ang daan para mangyari ang Panunumbalik?
-
Ano ang matututuhan natin tungkol sa Panginoon kung paano Niya inihanda ang daan para kay Joseph Smith at sa Panunumbalik?
Ang mga estudyante ay maaaring magsumigasig sa responsibilidad nilang pag-aralan at matutuhan ang ebanghelyo.
Idispley ang listahan ng mga pamagat ng mga lesson para sa kurso (mahahanap mo ang mga ito sa mga nilalaman). Ipaliwanag na ang kursong ito ay nakatuon sa napakahalagang mga pangyayari, doktrina, at banal na kasulatan ng Panunumbalik, pati sa pagtalakay sa mahihirap na paksa na kung minsan ay napag-uusapan sa kasaysayan ng Simbahan. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na basahin ang listahan ng mga lesson na tatalakayin sa hinaharap at ibahagi sa klase kung aling paksa ang pinakagusto nilang matutuhan. Isulat ang kanilang mga sagot para malaman mo kung aling mga lesson ang maaari mong bigyan ng kaunting karagdagang diin sa kurso.
Ipaliwanag na ang materyal sa paghahanda ay mahalagang bahagi ng kursong ito at mapag-iibayo ang personal na pag-aaral ng mga estudyante at matutulungan silang maghanda para makapag-ambag nang makabuluhan sa talakayan sa klase.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga pagpapalang dulot ng paghahanda para sa bawat pag-aaral at pakikibahagi sa klase, idispley ang sumusunod na pahayag ni Elder Kim B. Clark ng Pitumpu:
Kung talagang gusto ninyong matuto nang malalim, kung ang inyong puso’t isipan ay handang matuto, at kung kikilos kayo ayon sa hangaring iyan, pagpapalain kayo ng Panginoon. Kapag ginawa ninyo ang inyong bahagi—manalangin nang may pananampalataya, maghanda, mag-aral, aktibong makibahagi, at gawin ang lahat—tuturuan kayo ng Espiritu Santo, daragdagan ang inyong kakayahang kumilos ayon sa natutuhan ninyo, at tutulungan kayong maging katulad ng nais ng Panginoon na kahinatnan ninyo. (Kim B. Clark, “Pagkatuto para sa Buong Kaluluwa,” Liahona, Ago. 2017, 33–34)
Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung paano nila sasagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Paano matutulungan ng taos-pusong pakikilahok sa kursong ito ang aking espirituwal na pag-unlad?
-
Handa ba akong magpakasigasig na mag-aral nang mag-isa bago ang bawat klase nang sa gayon ay papasok akong handa para matuto nang mas malalim? Anong bahagi ng iskedyul ko ang ilalaan ko para unahin ang personal na pag-aaral at paghahanda?
Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang kanilang mga mithiin na nauugnay sa mga tanong na ito. Maaaring talakayin ninyo ng klase mo kung paano nila matutulungan ang isa’t isa na pumasok nang handa para matuto nang malalim. (Maaaring kabilang sa mga ideya ang pagkakaroon ng class text messaging group, mga study group, mga paraan para mapaalalahanan ang isa’t isa tungkol sa kanilang mga mithiin, o mga forum kung saan makapagbabahagi sila ng mga kaalaman mula sa kanilang napag-aralan.)
Para sa Susunod
Ipaliwanag sa mga estudyante na ang materyal sa paghahanda para sa susunod na klase ay kinabibilangan ng mga bahagi ng salaysay mismo ni Propetang Joseph Smith tungkol sa kanyang Unang Pangitain. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang matututuhan natin mula sa iba’t ibang salaysay pati na rin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sarili nating patotoo sa katotohanan ng Unang Pangitain.