Institute
Lesson 9 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Jesucristo: Ating Banal na Manunubos


“Lesson 9 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Jesucristo: Ating Banal na Manunubos,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)

“Lesson 9 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik

Lesson 9 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Jesucristo: Ating Banal na Manunubos

detalye mula sa Christ and the Rich Young Ruler, ni Heinrich Hofmann

May mga taong nakikita lamang si Jesucristo bilang mabuting halimbawa na dapat tularan, may ilang nakikita Siya bilang propeta noong sinauna, at ang ilan naman bilang Tagapagligtas ng sanlibutan. Ano ang pinakakaraniwang mga paniniwala at saloobin tungkol sa Panginoon sa lugar kung saan ka nakatira? Ano ang iyong mga paniniwala at saloobin tungkol sa Kanya? Habang pinag-aaralan mo ang mga pangitain, paghahayag, at banal na kasulatan na natanggap ni Propetang Joseph Smith tungkol kay Jesucristo, isipin kung paano nito mapapalalim ang iyong pananampalataya at patotoo tungkol sa Kanya bilang iyong banal na Manunubos.

Bahagi 1

Paano naging mahalaga si Joseph Smith at ang Panunumbalik sa pagkaunawa ko tungkol sa Panginoong Jesucristo?

Nagsimula ang personal na pakikipag-ugnayan ni Joseph Smith sa Panginoon sa kabataan ni Joseph. Isinulat niya na noong mga 12 taong gulang siya, “nabagabag nang husto ang aking isipan, sapagkat nadama ko ang bigat ng aking mga kasalanan. … Nadama kong dapat akong magdalamhati para sa sarili kong mga kasalanan at para sa mga kasalanan ng sanlibutan.”

Joseph Praying, ni Brian Call

Kalaunan, ang batang si Joseph “ay nagsumamo sa Panginoon na kaawaan” siya at nangusap sa kanya ang Panginoon sa isang pangitain, sinasabing: “Joseph, anak ko, ang iyong mga kasalanan ay pinatawad na. Humayo ka, lumakad sa aking mga palatuntunan, at sundin ang aking mga kautusan. Masdan, ako ang Panginoon ng kaluwalhatian. Ipinako ako sa krus para sa sanlibutan, upang ang lahat ng maniniwala sa aking pangalan ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.”

Dahil sa karanasang ito tungkol sa Unang Pangitain, nalaman mismo ni Joseph na si Jesucristo at ang Ama sa Langit ay maawain at mapagpatawad. Matapos makausap ang Panginoon at mapatawad sa kanyang mga kasalanan, nagpatotoo si Joseph: “Ang aking kaluluwa ay puspos ng pagmamahal, at sa loob ng maraming araw maaari akong magalak nang may malaking kagalakan. Napasaakin ang Panginoon” (“Joseph Smith’s Accounts of the First Vision,” Circa Summer 1832 History, josephsmithpapers.org).

Isipin ang mga pagkakataon sa iyong buhay na nakadama ka ng gayong alalahanin tulad ng kay Joseph. Maaaring nadama mo rin ang kanyang hangarin na mapatawad at ang kanyang kagalakan nang malaman niya na napasakanya ang Panginoon.

Ang maraming pangitain ni Joseph Smith tungkol sa Tagapagligtas ay nagtulot sa kanya na makapaglingkod bilang isang makapangyarihang saksi ni Jesucristo sa mga huling araw. Noong Pebrero 16, 1832, habang ginagawa ang inspiradong rebisyon ng Biblia (na kilala bilang Pagsasalin ni Joseph Smith), nakakita sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ng isang pangitain kung saan “namasdan [nila] ang kaluwalhatian ng Anak, sa kanang kamay ng Ama.” Sa pagsasalita tungkol kay Jesucristo, sila ay nagpatotoo: “Siya ay buhay!” (Doktrina at mga Tipan 76:20, 22–23).

Pansinin kung ano ang iba pang mga katotohanan tungkol kay Jesucristo na ipinakita sa Propeta sa pangitaing ito.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 76:23–24.

The Lord Appears in the Kirtland Temple, ni Del Parson

Pagkaraan ng apat na taon, muling nagpatotoo ang Propeta na nakita niya ang Tagapagligtas sa Kirtland Temple at ipinahayag na “ang kanyang mukha ay nagniningning nang higit pa sa liwanag ng araw; at ang kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng malalawak na tubig,” (Doktrina at mga Tipan 110:3).

Itinuro ng Panginoon sa mga Banal na kapag pinag-aralan nila ang mga paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ng Espiritu, “maaari ninyong patotohanan na narinig ninyo ang aking tinig, at nababatid ang aking mga salita” (Doktrina at mga Tipan 18:36).

Habang pinagninilayan ang mga naitulong ni Joseph Smith para maunawaan natin ang tungkol kay Jesucristo, ipinahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Sa kanyang personal na pakikipag-ugnayan sa Panginoon, sa kanyang pagsasalin at paglalathala ng Aklat ni Mormon, at sa pagtatak ng kanyang dugong martir sa kanyang patotoo, si Joseph ay naging dakilang tagapaghayag ni Jesucristo sa Kanyang tunay na pagkatao bilang banal na Manunubos. (D. Todd Christofferson, “Isinilang na Muli,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 79)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Dahil sa mga pangitain, mga paghahayag, at mga banal na kasulatan na ibinigay kay Joseph Smith, mas naunawaan nating mabuti ang pagkatao ng Tagapagligtas.

  • Anong kaalaman tungkol sa Tagapagligtas ang wala sa atin kung wala si Propetang Joseph Smith? Ano ang magiging epekto nito sa iyong buhay kung wala ang kaalamang iyon? (Isaisip ang mga tanong na ito sa iyong patuloy na pag-aaral.)

Bahagi 2

Anong mga ipinanumbalik na katotohanan tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang makadaragdag sa pananampalataya ko sa Kanya?

Paalala: Habang binabasa mo ang mga sumusunod na scripture passage at mga turo ng propeta, maaari mong markahan ang mga katotohanang nauugnay sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na mahalaga para sa iyo.

Maraming malinaw at mahahalagang katotohanan tungkol sa ebanghelyo at sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang ipinanumbalik sa pamamagitan ng pagsasalin ni Joseph Smith ng Aklat ni Mormon (tingnan sa 1 Nephi 13:34, 40).

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Alma 34:10, 12, at alamin ang itinuro ng propetang si Amulek sa Aklat ni Mormon sa isang grupo ng mga Zoramita tungkol sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas.

Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson kung bakit walang hanggan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo:

Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay walang hanggan—walang katapusan [tingnan sa 2 Nephi 9:7; 25:16; Alma 34:10, 12, 14]. Ito ay walang hanggan din dahil maliligtas ang buong sangkatauhan mula sa walang-katapusang kamatayan. Ito ay walang hanggan dahil sa Kanyang matinding pagdurusa. Ito ay walang hanggan sa panahon, na tumapos sa naunang nakaugaliang pag-aalay ng hayop. Ito ay walang katapusan sa saklaw nito—ito ay dapat gawin na minsan para sa lahat [tingnan sa Sa Mga Hebreo 10:10]. At ang awa ng Pagbabayad-sala ay hindi lamang sa walang katapusang bilang ng mga tao, kundi para din sa walang katapusang bilang ng mga daigdig na Kanyang nilikha [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:24; Moises 1:33]. Ito ay walang hanggan na hindi kayang sukatin ng anumang panukat ng tao o unawain ng sinuman.

Si Jesus lamang ang makapag-aalay ng gayong walang hanggang pagbabayad-sala, dahil Siya ay isinilang sa isang mortal na ina at isang imortal na Ama. Dahil sa natatanging pinagmulang angkan, si Jesus ay isang walang hanggang Nilalang. (Russell M. Nelson, “The Atonement,” Ensign, Nob. 1996, 35)

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Nagturo din ang propetang si Alma ng mahahalagang katotohanan sa mga tao ni Gideon tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Basahin ang Alma 7:11–13.

Matapos magbanggit mula sa Alma 7, itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Walang sakit ng katawan, walang espirituwal na sugat, walang paghihirap ng kaluluwa o sakit ng kalooban, walang karamdaman o kahinaan na nararanasan natin sa buhay na ito na hindi muna naranasan ng Tagapagligtas. Sa sandali ng kahinaan, maaaring [masabi] natin, “Walang nakakaalam ng pinagdaraanan ko. Walang nakakaunawa.” Ngunit lubos itong nalalaman at nauunawaan ng Anak ng Diyos, dahil naranasan at pinasan na Niya ang mga pasanin ng bawat isa sa atin. At dahil sa Kanyang walang-katapusan at walang-hanggang sakripisyo (tingnan sa Alma 34:14), ganap ang Kanyang pagdamay at maiuunat Niya sa atin ang Kanyang bisig ng awa. Maaabot, maaantig, matutulungan, mapapagaling, at mapapalakas Niya tayo. (David A. Bednar, “Mabata Nila ang Kanilang mga Pasanin nang May Kagaanan,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 90)

Tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag na nauugnay sa hindi maarok na pagdurusa ng Panginoon sa kahalagahan ng mga kaluluwa. Matapos tawagin sina Oliver Cowdery at David Whitmer na mangaral ng pagsisisi, tinagubilinan sila ng Panginoon.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 18:10–11, 13.

si Cristo na nakaluhod sa Halamanan ng Getsemani

Ipinaliwanag pa ng Panginoon ang tungkol sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo sa isang paghahayag na ibinigay para kay Martin Harris. Nag-alala rin si Martin sa posibilidad na mawala ang kanyang sakahan para mabayaran ang paglilimbag ng Aklat ni Mormon. Sa paghahayag, iniutos ng Panginoon kay Martin na magsisi at pagkatapos ay inihayag mismo ang naranasan Niya sa Kanyang pagdurusa.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 19:16–19.

Habang iniisip mo ang mga paghihirap na tiniis ni Jesucristo para sa iyo, maaari mong basahin o pakinggan ang mga salita sa himnong “Ako ay Namangha” (Mga Himno, blg. 115).

icon, isulat

Paano ko makikilala nang mas mabuti si Jesucristo?

Sa iyong journal o sa inilaang ispasyo, magsulat ng ilang katotohanan na mahalaga para sa iyo mula sa mga scripture passage at mga turo sa bahaging ito gayundin ang anumang iba pang mga naisip at tanong mo tungkol sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas. Dumating sa klase na handang magbahagi ng mga katotohanan at anumang kaalaman na natukoy mo.