“Lesson 26 Materyal ng Titser: Ang Simbahan sa Kanluran,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 26 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 26 Materyal ng Titser
Ang Simbahan sa Kanluran
Ang pagtatatag ng Simbahan sa kanlurang Estados Unidos ay isang kahanga-hangang kuwento ng pananampalataya. Ang lesson na ito ay magbibigay sa mga estudyante ng pagkakataong matuto ng mga aral mula sa matatapat na Banal na itinayo ang kanilang pundasyon kay Jesucristo at inilaan ang kanilang mga buhay sa pagtatatag ng Kanyang kaharian. Tutulungan din nito ang mga estudyante na mas maunawaan ang isang malagim na pangyayari sa kasaysayan ng Simbahan mula sa panahong ito na nagpakita ng matinding pagsuway sa mga turo ng ebanghelyo ng Tagapagligtas: ang Masaker sa Mountain Meadows.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Patuloy na itinatag ng mga Banal ang kaharian ng Panginoon sa pamamagitan ng pananampalataya at sakripisyo.
Ipakita ang kalakip na larawan ng isang tapiserya, o magdala sa klase ng isa sa mga sarili mong tapiserya. Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na nabubuo ang isang tapiserya sa pamamagitan ng paghahabi ng maraming sinulid sa komplikado at detalyadong kombinasyon para makagawa ng isang magandang larawan o disenyo.
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Steven E. Snow ng Pitumpu, na naglingkod noon bilang Mananalaysay at Tagapagtala ng Simbahan.
Kung iisipin ninyo na tulad ng isang kuwerdas o tapiserya ang kasaysayan ng Simbahan, ito ang pinakamatingkad at pinakamagandang bagay na nakita ko. Kung susuriin ninyo ito nang mabuti, makakahanap kayo ng mga kakaibang sinulid sa magandang kuwerdas o tapiserya na iyon, at kung lalapitan ninyo ito at pagtutuunan ninyo ang mga sinulid na iyon, hindi ninyo makikita ang napakagandang mensahe ng ating kasaysayan. Kung aatras kayo at titingnan ninyo ang buong kuwerdas o tapiserya, maganda ito. (Steven E. Snow, “Start with Faith: A Conversation with Elder Steven E. Snow,” Religious Educator, blg. 3 [2013], 11)
Ipaliwanag na mula sa naunang kasaysayan ng Simbahan sa Kanluran, mayroong libu-libong kuwento tungkol sa matatapat na Banal na ang pagsisikap na sundin si Jesucristo at itatag ang Simbahan ng Panginoon ay lumikha ng isang magandang tapiserya ng pananampalataya.
Alamin kung sino sa mga estudyante ang nagbasa at kung aling kuwento ang binasa ng bawat estudyante mula sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda. Para sa bawat kuwento, sabihin sa isang estudyante na gawin ang mga sumusunod:
-
Ibuod ang kuwentong binasa niya.
-
Ipaliwanag kung paano ipinakita ng (mga) Banal sa mga Huling Araw sa kuwento ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.
-
Ibahagi ang mga aral o alituntunin na natutuhan niya mula sa kuwento.
Pahintulutan ang iba pang mga estudyante na nakabasa rin sa kuwentong iyon na idagdag ang kanilang mga kabatiran bago magpatuloy sa susunod na kuwento.
Ilang naunang miyembro ng Simbahan ang nagplano at nagsagawa ng Masaker sa Mountain Meadows.
Ipakita ang kalakip na larawan, at ipaliwanag sa mga estudyante na larawan ito ng monumento ng Masaker sa Mountain Meadows na itinayo ng Simbahan sa katimugang Utah. Ipaliwanag na, sa kasamaang-palad, ang trahedya sa Mountain Meadows ay isang nakakalungkot na bahaging nahabi sa kasaysayan ng mga Banal.
Itanong sa mga estudyante kung ano ang natutuhan nila mula sa kanilang pagbabasa tungkol sa Masaker sa Mountain Meadows. Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na noong Setyembre 11, 1857, minasaker ng mga 50 hanggang 60 miyembro ng milisya sa katimugang Utah, na tinulungan ng ilang kakamping American Indian, ang mga 120 dayuhan na naglalakbay sakay ng mga bagon patungo sa California. Tanging 17 bata lamang ang itinira.
-
Ano ang ilan sa mga pangyayari at pagpili na humantong sa trahedya sa Mountain Meadows? (Kung kinakailangan, bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para rebyuhin ang bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga alituntunin at katotohanan mula sa banal na kasulatan na maaari sanang nakatulong sa mga naninirahan doon na iba ang mga pagpiling gawin. (Maaaring kabilang sa ilang halimbawa ang Mga Kawikaan 28:13; 3 Nephi 12:24–25, 43–44; Doktrina at mga Tipan 64:9–11.)
-
Ano ang ilan sa mga aral na matututuhan natin mula sa trahedya ng Masaker sa Mountain Meadows? (Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)
Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng isa o dalawang minuto para maisulat o maibahagi kung paano maaaring mapigilan ng mga alituntuning ito ang pighati na hindi naman kinakailangan sa kanilang mga sariling buhay.
Ipaliwanag na dahil responsable ang ilang lokal na miyembro at lider ng Simbahan sa pagpaplano at pagsasagawa ng Masaker sa Mountain Meadows, tinulutan ng ilang tao na magkaroon ng negatibong epekto ang pangyayaring ito sa kanilang pananaw tungkol sa Simbahan.
-
Ano ang maaari ninyong sabihin sa isang tao na nag-iisip ng negatibo tungkol sa Simbahan dahil sa Masaker sa Mountain Meadows? (Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang natutuhan nila mula sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)
Sabihin sa mga estudyante na basahin Helaman 5:12, at maghanap ng isang alituntunin mula rito. Ipakita ang sumusunod na pahayag. Ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante at sabihin sa klase na alamin kung paano nito ipinapakita ang alituntuning itinuro sa Helaman 5:12.
Si James Sanders ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at apo sa tuhod ni Nancy Saphrona Huff, isa sa mga batang nakaligtas sa masaker. Ibinahagi ni Brother Sanders ang damdaming ito tungkol sa masaker: “Nasasaktan pa rin ako; nagagalit at nalulungkot pa rin ako na nangyari ang masaker. … Ngunit alam ko na ang mga taong gumawa nito ay mananagot sa harapan ng Diyos, at iyon ay nagdudulot sa akin ng kapayapaan.” Sinabi ni Brother Sanders na “ang kaalaman na napatay ang [isang] ninuno sa masaker ay hindi nakaapekto sa aking pananampalataya dahil nakasalig ito kay Jesucriso, hindi sa sinumang tao sa Simbahan’” (sa Richard E. Turley Jr., “The Mountain Meadows Massacre,” Ensign, Set. 2007, 21).
-
Paano ipinapakita sa pahayag ni James Sanders ang alituntuning itinuro sa Helaman 5:12? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang pagsasalig ng ating pananampalataya sa saligan na si Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ay makakatulong sa atin na manatiling matatag sa kabila ng mga kahinaan ng mga miyembro ng Simbahan bilang tao.)
-
Paano makakatulong sa atin ang pagsalig ng ating pananampalataya kay Jesucristo kapag nakikita o nalalaman natin na hindi namumuhay ang ilang miyembro ng Simbahan ayon sa mga turo ng ebanghelyo?
-
Ano ang ginagawa ninyo na nakakatulong sa inyo na maisalig at mapanatili ang inyong pananampalataya sa saligan na si Jesucristo?
Bigyan ng oras ang mga estudyante para mapag-isipan at maisulat kung ano ang gagawin nila upang mapanatili at mapalakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.
Patotohanan ang kahalagahan ng pamunuhay ayon sa mga turo ng Tagapagligtas at ng pagsalig ng ating pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo, anuman ang mga kahinaan ng mga miyembro ng Simbahan bilang tao. Kapag ginawa natin ito, makakatulong tayo sa pagsulong ng kaharian ni Cristo tulad ng ginawa ng matatapat na pioneer na Banal.
Para sa Susunod
Itanong sa mga estudyante kung natanong na sila tungkol sa dahilan kung bakit pansamantalang hindi ipinagkaloob noon ng Simbahan ang awtoridad ng priesthood at ang ilang ordenansa sa templo sa mga miyembro na may lahing itim na Aprikano. Ipaliwanag na sa paghahanda para sa susunod na klase, magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong matuto tungkol sa paksang ito at sa kaugnay na paghahayag sa Opisyal na Pahayag 2 na inasam ng mga propeta sa loob ng maraming taon. Sabihin sa mga estudyante na dumating sa klase na handang talakayin ang natutuhan nila at ang anumang tanong na mayroon sila tungkol sa paksang ito.