Institute
Lesson 10 Materyal ng Titser: Pagsunod sa mga Buhay na Propeta ng Panginoon


“Lesson 10 Materyal ng Titser: Pagsunod sa mga Buhay na Propeta ng Panginoon,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)

“Lesson 10 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik

Lesson 10 Materyal ng Titser

Pagsunod sa mga Buhay na Propeta ng Panginoon

Ang isang pangunahing katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay na patuloy na tumatawag ng mga buhay na propeta ang Panginoon upang ihayag ang Kanyang kalooban at doktrina sa Kanyang mga tao. Layon ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na mapatibay ang kanilang determinasyon na sundin ang mga propeta ng Panginoon nang buong pagtitiis at pananampalataya.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Iniutos ng Panginoon sa mga Banal na sundin ang mga salita ng Kanyang mga propeta.

Idispley ang larawan ng Pangulo ng Simbahan, at itanong sa mga estudyante ang naiisip at nadarama nila kapag nakikita nila ang larawang ito.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol na kasama sa materyal sa paghahanda:

Ang pagkakaroon ng mga propeta ay pagpapamalas ng pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak. (Ulisses Soares, “Ang mga Propeta ay Nagsasalita sa Pamamagitan ng Kapangyarihan ng Espiritu Santo,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 99)

  • Sa anong mga paraan na pagpapakita ng pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak ang mga buhay na propeta? (Hikayatin ang mga estudyante na alalahanin ang mga napag-aralan nila sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)

Ipaliwanag na sa araw na inorganisa ang Simbahan, si Propetang Joseph Smith ay tumanggap ng paghahayag mula sa Panginoon na may isang kautusan at pangako sa mga miyembro ng Kanyang Simbahan. Basahin ninyo ng mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 21:4–5, at alamin ang iniutos ng Panginoon na gawin ng mga miyembro ng Simbahan.

  • Anong katotohanan ang matutukoy natin mula sa kautusan ng Panginoon sa mga Banal? (Gamit ang mga sagot ng mga estudyante, tukuyin ang katotohanang tulad ng sumusunod: Iniutos sa atin ng Panginoon na tanggapin ang mga salita ng propeta na parang ang mga ito ay mula sa Kanyang sariling bibig nang buong pagtitiis at pananampalataya.)

  • Bakit maaaring kinakailangang kung minsan na magtiis at manampalataya para matanggap at masunod ang mga salita ng propeta?

Bilang isang klase o sa maliliit na grupo, ipabasa sa mga estudyante ang sumusunod na sitwasyon at ipatalakay ang mga sumusunod na tanong:

Habang nakikipag-usap sa isang kaibigan tungkol sa huling pangkalahatang kumperensya, sinabi sa inyo ng kaibigan ninyo na nahirapan siyang tanggapin ang isang bagay na itinuro ng isa sa mga lider ng Simbahan. “Ano ang dapat kong gawin kung hindi ako sumasang-ayon sa isang bagay na itinuro ng propeta?” tanong niya.

  • Bakit mahirap na sitwasyon ito para sa isang miyembro ng Simbahan?

  • Ano ang maaari ninyong ibahagi sa inyong kaibigan para mahikayat siyang kumilos nang buong pagtitiis at pananampalataya habang sinisikap niyang malutas ang kanyang problema? (Hikayatin ang mga estudyante na isipin o rebyuhin kung kinakailangan ang natutuhan nila sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)

  • Ano ang nakatulong sa inyo para sundin ang mga propeta ng Panginoon nang buong pagtitiis at pananampalataya? O ano ang natutuhan ninyo sa isang kapamilya o kaibigan na kinausap ninyo tungkol sa tanong na ito (tulad ng iminungkahi sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda)?

Isulat sa pisara (o idispley) ang sumusunod na di-kumpletong alituntunin: Kapag sinunod natin ang mga salita ng mga propeta ng Panginoon nang buong pagtitiis at pananampalataya …

Basahin ninyo ng mga estudyante mo ang Doktrina at mga Tipan 21:6, at alamin ang ipinangakong pagpapala ng Panginoon para sa pagsunod sa Kanyang mga propeta nang buong pagtitiis at pananampalataya.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo”? na “itataboy ng [Panginoon] ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo”? na “payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti”? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa ilalim ng alituntunin na hindi kumpletong ipinahayag.)

  • Ano ang ilang mga turo kamakailan mula sa mga propeta ng Panginoon na makatutulong para maprotektahan tayo laban sa mga kapangyarihan ng kadiliman at magpapayanig ng kalangitan para sa ating ikabubuti? (Maaari kang maghanda ng ilang halimbawa na maibabahagi.)

  • Kailan humantong sa ilan sa mga pagpapalang ito ang inyong kahandaan na sundin ang mga payo ng mga propeta nang buong pagtitiis at pananampalataya?

Bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-isipan nang may panalangin ang maaari nilang gawin upang masunod ang mga propeta ng Panginoon nang may mas matinding pagtitiis at pananampalataya. Maaaring kabilang dito ang pag-iisip tungkol sa paraan kung paano nila mas lubos na masusunod ang mga paanyaya at mga payo ng propeta kamakailan. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang mga ideya at impresyon na dumating sa kanila. Hikayatin sila na sundin ang mga pahiwatig na natatanggap nila mula sa Espiritu.

Ang mga propeta ng Panginoon ay tumatanggap ng paghahayag at naghahayag ng doktrina para sa buong Simbahan.

Sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang nangyari kay Hiram Page at sa kanyang bato mula sa kanilang pag-aaral ng materyal sa paghahanda.

  • Anong mga problema ang idinulot ng di-umano’y mga paghahayag ni Hiram Page para sa mga miyembro ng Simbahan?

Ipaalala sa mga estudyante na hindi lamang sinabi ni Hiram Page na tumatanggap siya ng paghahayag para sa Simbahan, ngunit ang di-umano’y mga paghahayag niya ay sumasalungat din sa doktrina na itinuro sa mga banal na kasulatan at sa mga paghahayag na naunang tinanggap ni Joseph Smith. Kabilang sa mga tumanggap ng mga paghahayag ni Hiram Page ay ang mga miyembro ng pamilya Whitmer at si Oliver Cowdery.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 28:1–7, at alamin ang mga itinuro ng Panginoon kay Oliver Cowdery at sa mga miyembro ng Simbahan. Ipaliwanag na ang “mga hiwaga” na binanggit sa talata 7 ay tumutukoy sa “mga espirituwal na katotohanang nalalaman lamang sa pamamagitan ng paghahayag” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Hiwaga ng Diyos, Mga,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

  • Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa kung sino ang maaaring tumanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba’t ibang katotohanan, kabilang ang sumusunod: Yaong mayhawak lamang ng mga susi para mamuno sa Simbahan ang may awtoridad na tumanggap ng paghahayag at itatag ang doktrina para sa buong Simbahan.)

  • Paano makatutulong ang pag-unawa sa katotohanang ito para makaiwas tayo sa panlilinlang?

Ipaliwanag na may malaking pagkakatugma sa doktrina na itinuro ng mga piling propeta ng Panginoon sa buong kasaysayan ng Simbahan. Gayunman, may mga miyembro na maaaring mag-isip kung ano ang gagawin nila kapag nakakita sila ng isang pahayag na sinabi noon ng isang lider ng Simbahan na tila hindi tugma sa doktrinang itinuro ngayon.

  • Anong mga alituntunin ang gagabay sa atin para makilala ang doktrina ng Panginoon ayon sa itinuro ng Kanyang mga buhay na propeta? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang mga pahayag nina Elder D. Todd Christofferson at Elder Neil L. Andersen sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.)

Bilang bahagi ng talakayan, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Maaaring hindi ninyo laging mauunawaan ang lahat ng pahayag ng isang buhay na propeta. Ngunit kapag alam ninyo na ang isang propeta ay isang propeta, maaari kayong manalangin sa Panginoon nang may pagpapakumbaba at pananampalataya at humingi ng sarili ninyong patotoo tungkol sa anumang naipahayag ng Kanyang propeta. (Russell M. Nelson, “Manindigan Bilang mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito,” Liahona, Okt. 2016, 31)

Maaari mong tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga buhay na propeta at sa mga pagpapala ng pagsunod sa kanila nang buong pagtitiis at pananampalataya.

Para sa Susunod

Ipaliwanag na magtutuon ang susunod na klase sa isang paksa na tinukoy ni Pangulong Russell M. Nelson na “pinakamalaking hamon, pinakamagiting na layunin, at ang pinakadakilang gawain sa mundo” (“Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], suplemento sa New Era at Liahona, 4–5, ChurchofJesusChrist.org; italics sa original). Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang materyal sa paghahanda para sa susunod na klase at pumasok nang handa para talakayin ang mga layunin at mga pagpapala ng pakikibahagi sa pinakamagiting na layunin at gawain ng pagtitipon ng Israel.