Institute
Lesson 25 Materyal ng Titser: Paghalili sa Panguluhan at ang Paglalakbay Pakanluran


“Lesson 25 Materyal ng Titser: Paghalili sa Panguluhan at ang Paglalakbay Pakanluran,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)

“Lesson 25 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik

Lesson 25 Materyal ng Titser

Paghalili sa Panguluhan at ang Paglalakbay Pakanluran

Matapos ang pagpaslang kina Joseph at Hyrum Smith, maraming Banal ang nakatanggap ng banal na patotoo na si Brigham Young at ang Labindalawang Apostol ang dapat mamuno sa Simbahan ng Panginoon. Sa kanilang inspiradong pamamahala, naglakbay ang mga Banal patungo sa Lambak ng Salt Lake. Ang lesson na ito ay nilayon upang mapalalim ang pananampalataya ng mga estudyante na hawak ng Unang Panguluhan at ng Labindalawang Apostol ang lahat ng susi ng priesthood sa huling dispensasyong ito. Tutulungan din ng lesson na ito ang mga estudyante na magtiwala na papatnubayan ng Panginoon ang kanilang mga buhay kapag tinupad nila ang kanilang mga tipan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Hawak ng mga Apostol ang mga susi ng kaharian.

Ipakita ang sumusunod na larawan nina Joseph at Hyrum Smith.

Joseph at Hyrum Smith

Ipaliwanag na ang magkapatid ay pinaslang noong gabi ng Hunyo 27, 1844. Kinaumagahan, ang kaibigan ng Propeta na si Porter Rockwell ay sumakay sa kanyang kabayo papunta sa Nauvoo at nagsisigaw ng, “Pinatay si Joseph! Pinatay si Joseph! Pinatay nila siya!” (Anson Call, Autobiography and journal, circa 1856–1889, 12, Church History Library, Salt Lake City, Utah).

  • Sa inyong palagay, ano ang naramdaman ng mga Banal pagkatapos nilang marinig ang balitang ito?

Maaari mong itanong sa mga estudyante kung naranasan na nilang makarinig ng balita tungkol sa pagkamatay ng isang propeta at kung ano ang naramdaman nila.

  • Sa inyong palagay, ano ang mga tanong at alalahanin na mayroon ang mga Banal nang marinig nila ang tungkol sa pagkamatay ni Joseph Smith?

  • Ano ang naging reaksyon ni Brigham Young sa balitang patay na sina Joseph at Hyrum Smith? (Kung kinakailangan, sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang reaksyon ni Brigham Young sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)

  • Sa kabila ng kanyang pagdadalamhati sa pagkamatay ng Propeta, ano ang nakapanatag kay Brigham?

Ipakita ang mga larawan nina Brigham Young at Sidney Rigdon.

Brigham Young, America’s Moses, ni Kenneth A. Corbett at Si Sidney Rigdon

Ipaalala sa mga estudyante na si Brigham Young ang senior na Apostol noong panahong paslangin ang Propeta. Naglingkod si Sidney Rigdon bilang tagapayo ni Joseph Smith sa Unang Panguluhan at inisip niya na siya ang dapat mamuno sa Simbahan bilang tagapangalaga nito. Tumawag si Sidney ng espesyal na pulong, sa pag-asang sasang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan ang pag-ako niya sa pamumuno. Kapwa nagsalita sina Sidney at Brigham sa mga Banal.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga pahayag ni Pangulong Brigham Young na matatagpuan sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa pahayag ni Brigham Young tungkol sa awtoridad ng mga taong naorden bilang mga Apostol? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Hawak ng mga Apostol ang lahat ng susi ng priesthood na kinakailangan upang pamunuan ang Simbahan. [Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27:12–13; 112:30–32.])

Ipaliwanag na sa ating panahon, kapag ang bawat Apostol ay inordenan, ipinagkakaloob sa kanya ang lahat ng susi ng priesthood na ipinanumbalik ng Panginoon sa lupa sa pamamagitan ni Joseph Smith. Gayunman, ang Pangulo ng Simbahan lamang ang may karapatang gamitin ang lahat ng susing ito. Ginagamit ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kanilang mga susi ng priesthood sa ilalim ng pamamahala ng pangulo ng Simbahan.

  • Ano ang nangyayari ngayon kapag namatay ang Pangulo ng Simbahan?

Kung kinakailangan, ipakita ang sumusunod na pahayag at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Kapag namatay ang Pangulo ng Simbahan, awtomatikong nabubuwag ang Unang Panguluhan. Ang mga lalaki na noon ay naglilingkod bilang mga tagapayo ay bumabalik sa kanilang puwesto sa Korum ng Labindalawang Apostol, at ang korum ang namumuno sa Simbahan, ang senior na Apostol bilang pinuno nito. … Sa ating kasaysayan, ang senior na Apostol ang laging sumusunod na Pangulo ng Simbahan. (“Pagpapakilala sa Unang Panguluhan,” Ene. 16, 2018, ChurchofJesusChrist.org)

Balikan ang mga larawan nina Brigham at Sidney, at itanong:

  • Ano ang naranasan ng maraming Banal habang tinitingnan at pinakikinggan nila si Brigham Young na magsalita? Paano iyon nakaapekto sa kanila? (Hikayatin ang mga estudyante na alalahanin ang mga napag-aralan nila sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ipaliwanag na sinabi ni Elder Andersen ang mga salitang ito noong araw na sinang-ayunan si Pangulong Russell M. Nelson bilang bagong Pangulo ng Simbahan:

Elder Neil L. Andersen

Mayroon tayong pribilehiyo bilang mga Banal sa mga Huling Araw na tanggapin ang isang personal na kumpirmasyon na ang [pag]tawag [sa propeta] ay mula sa Diyos. (“Ang Propeta ng Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 26)

Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang patotoo na ang kasalukuyang propeta ay tinawag ng Diyos at marahil pati kung paano nila natanggap ang patotoong iyon. Hikayatin ang mga estudyante na hangarin na magkaroon ng sarili nilang patotoo na ang mga lider ng Simbahan ay tinawag sa pamamagitan ng inspirasyon.

Pinamunuan ni Brigham Young at ng Labindalawa ang mga Banal patungo sa Lambak ng Salt Lake.

Nauvoo Temple

Magpakita ng isang larawan ng Nauvoo Temple, at itanong sa mga estudyante kung bakit nagtrabahong mabuti ang mga Banal para matapos ang templo bago sila lumisan sa kanilang mga tahanan at lumipat sa kanluran. (Maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang pahayag ni Sarah Rich sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)

Ipaliwanag na nang umalis ang mga Banal sa Nauvoo upang maglakbay pakanluran, kaunti lang ang alam nila tungkol sa kung ano ang kahihinatnan nila. Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Erastus Snow, isang naunang pioneer na kalaunan ay naging miyembro ng Korum ng Labindalawa:

Elder Erastus Snow

Nang lumisan ang mga pioneer [para magtungo sa kanluran] … hinahanap namin ang isang lupain na itinuro ni Propetang Joseph Smith sa gitna ng Rocky Mountains. … Naglakbay ang pangkat na iyon ng mga pioneer, hindi alam kung saan sila pupunta, tanging ang alam lang nila … ay iniutos sa kanila ng Diyos na pumunta sa isang lupain na ipapakita niya sa kanila. At kapag si Propetang Brigham Young … ay tinanong ng—“Saan ka pupunta?” ang sagot lamang na naibibigay niya ay—”Ipapakita ko sa iyo kapag nakarating na tayo roon.” Ang panalangin ng pangkat na iyon ng mga pioneer, na patuloy na isinamo sa Diyos araw-araw at gabi-gabi, ay ang patnubayan kami, tulad ng ipinangako niya, patungo sa lupain … na ipinahayag niya na ibibigay niya sa amin. (Journal of Discourses, 16:207)

  • Ano ang napansin ninyo sa pahayag na ito tungkol sa pananampalataya ng mga pioneer?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan sandali ang paglalakbay sa buhay na gagawin nila at kung anong patnubay mula sa langit ang inaasam nilang matanggap.

  • Ano ang ilan sa mga hamon na naranasan ng mga Banal nang lisanin nila ang Nauvoo at magsimula silang maglakbay pakanluran? (Kung kinakailangan, iparebyu sa mga estudyante ang bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)

Ipaalala sa mga estudyante na sa matinding taglamig noong 1846–47 kung kailan nagsiksikan ang mga Banal sa pansamantalang pamayanan sa Winter Quarters, Nebraska, natanggap ni Brigham Young ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 136. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 136:22, at alamin ang pangako ng Panginoon sa mga Banal na makapagbibigay sa atin ng kapanatagan habang nagsisikap tayo na alamin at sundin ang kalooban ng Diyos para sa ating mga buhay.

Maaari mong ipaliwanag na ang pariralang “ang aking bisig ay nakaunat sa mga huling araw” ay kumakatawan sa kapangyarihan at patnubay ng Panginoon na ipinagkakaloob sa Kanyang mga tao.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa talatang ito tungkol sa kung ano ang nais ng Panginoon na gawin para sa Kanyang mga tao? (Matapos sumagot ang mga estudyante, ipakita o isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Nais ng Panginoon na patnubayan at tulungan tayo sa ating mga buhay.)

  • Ano ang ilan sa mga paraan na pinapatnubayan tayo ng Panginoon sa ating mga buhay? Ano ang kinakailangan nating gawin para matanggap ang patnubay na iyon? (Rebyuhin kasama ng mga estudyante ang pahayag ni Pangulong Oaks sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)

Isulat sa pisara ang sumusunod: Makakatanggap ako ng patnubay at tulong mula sa Panginoon kapag ako ay …

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 136:2–4, 7–11, 19–24, at alamin kung anong uri ng mga tao ang dapat kahinatnan ng mga Banal para matanggap ang patnubay ng Panginoon. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang kanilang mga sagot para mabuo ang alituntunin.

  • Sa inyong palagay, bakit makakatulong sa atin ang pagsisikap na maging uri ng tao na inilarawan sa mga talatang ito para matanggap ang patnubay at tulong ng Panginoon?

Sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang sinabi ni Brigham Young nang una niyang makita ang Lambak ng Salt Lake (tingnan sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda). Itanong sa mga estudyante kung nagkaroon na ba ng pagkakataon sa kanilang mga buhay kung kailan tiniyak sa kanila ng Panginoon na tama ang ginagawa nila o nasa tamang lugar sila. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan.

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para mapag-isipan nang may panalangin ang sumusunod na tanong at maisulat ang anumang ideya at pahiwatig na maaari nilang matanggap:

  • Sa inyong palagay, ano ang kailangan ninyong pagtuunan para matanggap ang patnubay ng Panginoon na inaasam ninyo?

Tapusin ang lesson sa paghihikayat sa mga estudyante na kumilos ayon sa mga pahiwatig na natanggap nila at sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga katotohanang itinuro sa lesson.

Para sa Susunod

Ipaliwanag sa mga estudyante na sa materyal sa paghahanda para sa susunod na klase, pag-aaralan nila ang isa sa pinakamalalagim na pangyayari sa kasaysayan ng Simbahan, ang Masaker sa Mountain Meadows. Sabihin sa kanila na dumating sa klase na handang talakayin ang mga aral na matututuhan natin mula sa karanasang ito.