“Lesson 2 Materyal ng Titser: Ang Unang Pangitain,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 2 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 2 Materyal ng Titser
Ang Unang Pangitain
Ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay nagpakita kay Joseph Smith noong 1820. Layon ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na maging pamilyar sa mga salaysay ni Joseph tungkol sa kanyang Unang Pangitain, matukoy ang doktrina at mga alituntuning matututuhan nila mula sa kanyang pangitain, at mapalakas ang kanilang patotoo na nakita ni Joseph Smith ang Ama at ang Anak.
Paalala: Ang paghahanap ni Joseph Smith ng katotohanan tulad ng nakalahad sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:5–13 ay tatalakayin nang mas detalyado sa lesson 3 ng kursong ito.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay nagpakita kay Joseph Smith.
Ipakita ang sumusunod na pahayag mula sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:21:
“Wala nang ganoong mga bagay tulad ng mga pangitain o paghahayag sa panahong ito.”
-
Ano ang damdamin ninyo tungkol sa pahayag na ito?
-
Paano mababago ang buhay ninyo kung naniwala kayo sa pahayag na ito?
Ipaliwanag na ang pahayag na ito ay mula sa isang mangangaral na Methodist nang sabihin sa kanya ng batang si Joseph Smith ang tungkol sa kanyang Unang Pangitain. Ipabasa sa mga estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–19, at sabihin sa kanila na isipin kung paano pinabulaanan ng kuwento ni Joseph tungkol sa naranasan niya ang sinabi ng mangangaral na ito. Pagkatapos nilang magbasa, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang iniisip nila.
Isulat ang sumusunod na katotohanan sa pisara: Ang Diyos Ama at si Jesucristo ay nagpakita kay Joseph Smith at nangusap sa kanya.
Anyayahan ang ilang estudyante na gustong magpatotoo tungkol sa Unang Pangitain ni Joseph na sagutin ang sumusunod na tanong:
-
Paano kayo nagkaroon ng espirituwal na patotoo tungkol sa Unang Pangitain?
Nalaman natin ang mahahalagang katotohanan mula sa mga salaysay tungkol sa Unang Pangitain.
Ipaalala sa mga estudyante na nagbigay si Joseph Smith ng apat na iba’t ibang salaysay tungkol sa Unang Pangitain na alam na natin. Mayroon din tayong limang karagdagang salaysay tungkol sa pangitaing ito na itinala ng mga taong narinig si Joseph na nagkuwento tungkol dito. Tulad din ng mayroong mga pagkakaiba sa mga salaysay tungkol sa buhay ng Tagapagligtas na itinala nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan, binibigyang-diin sa bawat salaysay tungkol sa Unang Pangitain ni Joseph ang iba’t ibang aspeto ng kanyang karanasan. Ngunit lahat ng ito ay magkakatulad sa mahahalagang aspeto tungkol sa nakita at narinig ni Joseph. Tinatangka ng ilang tao na bale-walain ang Unang Pangitain dahil sa pagkakaiba-iba sa maraming salaysay nito. (Halimbawa, binibigyang-diin sa salaysay noong 1832 ang paghingi ng kapatawaran ni Joseph para sa kanyang mga kasalanan at binanggit “ang Panginoon” sa halip na magkahiwaly na tukuyin ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Inilarawan sa salaysay noong 1835 na unang nagpakita ang Ama sa Langit, at kasunod ang Tagapagligtas.)
Upang makatulong sa pagpapaliwanag kung bakit may mga pagkakaiba sa mga salaysay na ito, sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang mahalagang espirituwal na karanasan na nangyari sa kanilang buhay.
-
Paano maaaring mag-iba-iba ang pagkukuwento ninyo ng karanasang iyan batay sa nakikinig sa inyo? Paano ito maaaring maiba depende sa kung kailan o kung bakit ninyo ikinukuwento ang karanasan?
-
Ano ang itutugon ninyo sa isang tao na nagsasabing nakapagdududa ang karanasan ni Joseph dahil sa pagkakaiba-iba ng mga salaysay tungkol sa Unang Pangitain? (Kung kinakailangan, hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan ang natutuhan nila mula sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)
Idispley ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Nalaman natin mula sa Unang Pangitain na …
Ipaliwanag na maaari nating malaman ang mga kamangha-manghang katotohanan mula sa lahat ng salaysay ni Joseph tungkol sa Unang Pangitain. Ipaalala sa mga estudyante na inanyayahan sila na maghanda para sa klaseng ito sa pamamagitan ng paggawa ng listahan ng mga katotohanang natukoy nila mula sa mga salaysay na ito tungkol sa Unang Pangitain. Kung kinakailangan, bigyan ng oras ang mga estudyante na repasuhin ang minarkahan nila at ang mga katotohanang isinulat nila. (Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-aralan ang mga salaysay sa klase kung pinagsama mo ang unang dalawang lesson at hindi nakapaghanda ang mga estudyante para sa klase.)
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang ilan sa mga katotohanang nalaman nila at pati na rin ang talata, mga talata sa banal na kasulatan, o bahagi ng salaysay na nagtuturo ng mga katotohanang iyon. Isulat ang mga sagot ng mga estudyante sa ilalim ng di-kumpletong pahayag na idinispley mo.
Paalala: Para sa mga halimbawa ng mga katotohanang maaari nating malaman mula sa Unang Pangitain ni Joseph Smith, tingnan ang mensaheng “Ang Unang Pangitain: Susi sa Katotohanan” (Liahona, Hunyo 2017, 27–31) ni Elder Richard J. Maynes ng Pitumpu, binanggit sa bahaging “Gusto Mo Bang Matuto Pa?” ng materyal sa paghahanda.
Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang mga katotohanang nalaman nila, maaari mong itanong sa kanila ang isa o higit pa sa mga follow-up na tanong na ito:
-
Bakit sa palagay ninyo ay mahalagang malaman at maunawaan ang katotohanang ito?
-
Paano kayo napagpala nang malaman ninyo ang katotohanang iyan?
-
Ano ang nalaman ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa napag-aralan ninyo tungkol sa Unang Pangitain?
Mapapalalim natin ang ating patotoo tungkol sa Unang Pangitain.
Ipaliwanag na hindi tinanggap ng maraming tao sa komunidad ni Joseph ang kanyang patotoo tungkol sa nakita at narinig niya at marami ang umusig sa kanya dahil dito (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:21–23).
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:24–25, at alamin kung paano tumugon si Propetang Joseph Smith sa mga taong kumutya sa kanyang patotoo tungkol sa pangitain.
-
Anong mga parirala mula sa patotoo ni Joseph Smith ang mahalaga para sa inyo? Bakit?
-
Paano makatutulong sa inyo ang halimbawa ni Joseph Smith kung makaranas kayo ng pangungutya o pang-uusig sa inyong patotoo tungkol sa Unang Pangitain at ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo?
Ipakita o ibigay ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
Mahigit sa isa’t kalahating siglong ginugol ng mga kaaway, kritiko, at ilang nagsasabing iskolar ang kanilang buhay sa pagsisikap na pabulaanan ang pangitaing iyon. Talagang hindi nila ito mauunawaan. Ang mga bagay na ukol sa Diyos ay nauunawaan sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos. Walang makakapantay sa pangyayaring ito simula noong mabuhay sa daigdig ang Anak ng Diyos. Kung wala ito bilang saligang bato para sa ating pananampalataya at organisasyon, walang Simbahan. Dahil nangyari ito, nasa atin ang lahat.
Marami na ang naisulat, marami pa ang maisusulat, sa pagtatangkang pabulaanan ito. … Ngunit ang patotoo ng Banal na Espiritu, na nadama ng napakaraming tao sa lahat ng panahon simula nang mangyari ito, ay nagpapatotoo na totoo ito, na nangyari ito tulad ng sinabi ni Joseph Smith na nangyari ito. (Gordon B. Hinckley, “Four Cornerstones of Faith,” Ensign, Peb. 2004, 5)
Hikayatin ang mga estudyante na nagnanais ng mas malalim na patotoo tungkol kay Joseph Smith at sa Unang Pangitain na tularan ang halimbawa ni Joseph ng paghahanap ng katotohanan sa pamamagitan ng patuloy na pag-aaral ng mga salaysay na ito at paghiling sa Diyos na pagtibayin ang katotohanan ng Unang Pangitain sa kanila sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Maaari mong tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa Unang Pangitain at tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.
Para sa Susunod
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mahihirap na tanong na mayroon sila o ang ibang tao tungkol sa mga turo, gawain, o kasaysayan ng Simbahan. Ipaliwanag na sa susunod na klase, malalaman nila kung ano ang dapat gawin kapag may mahihirap na tanong o isyu. Hikayatin ang mga estudyante na pag-aralan ang materyal sa paghahanda para sa lesson 3 nang sa gayon ay handa silang talakayin sa klase ang mga alituntunin na tutulong sa kanila na magtamo ng malaking espirituwal na kaalaman.