Institute
Lesson 28 Materyal ng Titser: Pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang Gawain


“Lesson 28 Materyal ng Titser: Pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang Gawain,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)

“Lesson 28 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik

Lesson 28 Materyal ng Titser

Pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang Gawain

Nabubuhay tayo sa panahon kung kailan pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain ng kaligtasan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:73). Ang lesson na ito ay nilayon upang palakasin ang pananampalataya ng mga estudyante na ang gawain ng Panginoon ay susulong sa kabila ng mga pagsalungat at tulungan ang mga estudyante na gumawa ng plano para masigasig na matulungan ang Panginoon sa pagpapabilis ng Kanyang gawain.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Itinuro ni Joseph Smith na ang gawain ng Panginoon ay susulong sa kabila ng mga pagsalungat.

Magpakita sa mga estudyante ng isang larawan ng tahanan ni Peter Whitmer Sr. na yari sa troso (tingnan sa materyal sa paghahanda) at sabihin sa kanila na ibahagi kung ano ang alam nila tungkol sa paglago ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon mula nang maorganisa ito noong 1830. (Maaaring tingnan ng mga estudyante ang bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)

  • Ano ang sinabi ng mga propeta tungkol sa hinaharap ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw? Sa inyong palagay, bakit mahalagang maunawaan ang tadhana ng Simbahan ng Panginoon?

Ipaliwanag na noong Marso 1842, inilarawan ni Joseph Smith ang tadhana ng ebanghelyo ng Panginoon at ng Kanyang Simbahan nang magsulat siya ng isang liham bilang tugon kay John Wentworth, patnugot ng isang pahayagan sa Chicago, Illinois, na humingi ng impormasyon tungkol sa mga paniniwala ng Simbahan. Sa liham, inilarawan ng propeta ang “pagbangon, pag-unlad, pagkausig, at pananampalataya ng mga Banal sa mga Huling Araw” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 512).

Ipakita ang sumusunod na bahagi ng liham, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Ang Pamantayan ng Katotohanan ay naitayo na; walang kamay na di pinaging banal ang maaaring pumigil sa pagsulong ng gawain; ang mga pag-uusig ay maaaring magngitngit, ang mga mandurumog ay maaaring magkaisa, ang mga hukbo ay maaaring magkatipon, ang kasinungalingan ay maaaring manira, subalit ang katotohanan ng Diyos ay magpapatuloy nang may kagitingan, may pagkamaharlika, at may kalayaan, hanggang sa makapasok ito sa bawat lupalop, makadalaw sa bawat klima, makaraan sa bawat bansa, at mapakinggan ng bawat tainga, hanggang sa ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap na. (Mga Turo: Joseph Smith, 520)

Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang kasinungalingan ay tumutukoy sa mga maling pahayag na nilayon para sirain ang reputasyon ng isang tao.

  • Anong mga katotohanan ang matututuhan natin tungkol sa gawain ng Diyos mula sa pahayag ni Joseph Smith at sa napag-aralan ninyo sa materyal sa paghahanda? (Matapos sumagot ang mga estudyante, ipakita ang sumusunod na katotohanan: Sa kabila ng mga pagsalungat, ang gawain ng Diyos ay susulong hanggang sa maisakatuparan ang Kanyang mga layunin.)

Ipaliwanag na nagpatotoo si Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na patuloy na natutupad ang propesiya ni Joseph Smith sa ating panahon. Ipakita ang sumusunod na pahayag, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante.

Pangulong M. Russell Ballard

Nagngingitngit na ang mga pag-uusig. Tinangkang manira ng kasinungalingan at mga kabulaanan at maling kuwento. Ngunit sa bawat dekada mula sa panahon ng Panunumbalik, ang katotohanan ng Diyos ay nagpatuloy “nang may kagitingan, may pagkamaharlika, at may kalayaan.” Ang maliit na Simbahan na nagsimula noong 1830 na iilan lang ang miyembro ay umabot na ngayon sa [milyun-milyong] Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang bansa sa buong mundo, at lalo tayong sumusulong sa pagpasok sa bawat lupalop, pagdalaw sa bawat klima, pagdaan sa bawat bansa at pagpaparinig sa bawat tainga.

Ito ang gawain ng Diyos, at ang gawain ng Diyos ay hindi mabibigo. (M. Russell Ballard, “Ang Katotohanan ng Diyos ay Magpapatuloy,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 83)

Ipakita ang mga sumusunod na tanong, at bigyan ang mga estudyante ng isang minuto para mapag-isipan ang mga ito bago sila sumagot:

  • Ano ang ilang halimbawa mula sa kasaysayan ng Simbahan o sa ating kasalukuyang panahon na nagpapakita na, sa kabila ng mga pagsalungat, ang gawain ng Diyos ay patuloy na sumusulong?

  • Paano makakatulong ang kaalaman na hindi mapipigilan ang gawain ng Diyos para makapaghanda kayo na harapin ang mga pagsalungat sa inyong mga paniniwala?

Pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na ibinigay niya noong naglilingkod pa siya bilang Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Kung minsan iniisip natin na ang Panunumbalik ng ebanghelyo ay isang bagay na kumpleto, na tapos na—isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon, tinanggap niya ang mga susi ng priesthood, inorganisa ang Simbahan. Ang totoo, ang Panunumbalik ay tuluy-tuloy na proseso; nabubuhay tayo rito ngayon mismo. (Dieter F. Uchtdorf, “Kabahagi Ba Kayo sa Gawain ng Panunumbalik?Ensign o Liahona, Mayo 2014, 59)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang maunawaan na tuluy-tuloy ang Panunumbalik?

Ipaliwanag na noong huling bahagi ng Disyembre 1832, inutusan ng Panginoon ang mga elder sa Kirtland, Ohio na maghandang “humayo sa mga Gentil sa huling pagkakataon” (Doktrina at mga Tipan 88:84).

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:73–74, 80–81 kasama ng mga estudyante, at sabihin sa kanila na maaari nilang markahan ang pangako at mga kaugnay na kautusan ng Panginoon.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pangakong ito, ipabasa sa kanila ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson na matatagpuan sa pambungad ng materyal sa paghahanda para sa lesson na ito:

Pangulong Russell M. Nelson

Masasaya ang mga araw na ito. Pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain at mga saksi tayo nito. Kapana-panabik ito. Mahirap ito. Mas marami ang hinihingi sa bawat isa sa atin—kaysa noon. At mas marami ang ibinibigay. (Russell M. Nelson, “Personal Invitation,” ChurchofJesusChrist.org)

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito sa Doktrina at mga Tipan 88 at mula sa pahayag ni Pangulong Nelson tungkol sa ating tungkulin sa pagpapabilis ng gawain ng Panginoon? (Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng isang ideya na tulad ng sumusunod na katotohanan: Mayroon tayong reponsibilidad na makibahagi sa pagpapabilis ng gawain ng Panginoon.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga aspeto ng gawain ng kaligtasan ng Panginoon na natutuhan nila sa kursong ito. Maaari mong rebyuhin ang course syllabus o ang listahan ng mga pamagat ng lesson para matulungan ang mga estudyante na maalala ang mahahalagang paksa. Maaari mo ring hilingin sa mga estudyante na ibahagi kung ano ang tumatak sa kanila tungkol sa mga scripture passage at mga paanyaya ng mga lider ng Simbahan na matatagpuan sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.

  • Ano ang ilang aspeto ng gawain ng kaligtasan ng Panginoon na mayroon tayong responsibilidad na makibahagi? (Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Maaaring kabilang dito ang pagtitipon ng Israel, pangangaral ng ebanghelyo, pagtubos sa mga patay, pagsunod sa mga propeta, pagsasakripisyo para sa iba, paglilingkod, pagtulong sa mga nangangailangan, pagsamba sa templo, at paggalang sa araw ng Sabbath.)

  • Sa anong mga partikular na paraan ninyo nakikita na pinabibilis ng Panginoon Kanyang gawain sa mga aspeto na inilista natin?

Anyayahan ang mga estudyante na mag-ukol ng ilang minuto para mapag-isipan nang may panalangin kung paano maaaring nais ng Panginoon na personal silang makibahagi sa pagpapabilis ng Kanyang gawain. Bigyan sila ng oras para magsulat ng isang plano tungkol sa gagawin nila para tulungan ang Panginoon. Sa paggawa nila ng kanilang mga plano, maaari mong imungkahi na magsama sila ng partikular na impormasyon kung paano at kailan nila ito gagawin.

Maaari ka ring magsulat ng sarili mong plano bago magklase, kung saan mailalarawan mo ang ilang bagay na gagawin mo (o patuloy mong gagawin) para makibahagi sa pagpapabilis ng gawain ng Panginoon. Bago magsulat ang mga estudyante ng kanilang plano, maaari mong ibahagi ang sarili mong plano bilang halimbawa.

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang mga estudyante na patotohanan ang kanilang natutuhan at nadama sa pakikibahagi nila sa kursong ito. Magbahagi ng iyong maikling patotoo at katiyakan sa mga pagpapalang matatanggap ng mga estudyante kapag patuloy silang naging aktibo sa pakikibahagi sa pagpapabilis ng gawain ng Panginoon.

PAGPAPAHUSAY NG ATING PAGTUTURO AT PAG-AARAL

Hikayatin ang mga estudyante na magpatuloy hanggang sa makapagtapos sa institute. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang pagtatapos sa … institute ay magpapalakas ng inyong kakayahan na manguna sa pinakamahahalagang bagay na gagawin ninyo sa buhay” (“A Personal Invitation to Participate in Seminary and Institute,” Peb. 4, 2019, ChurchofJesusChrist.org). Tulungan at hikayatin ang mga estudyante na tapusin ang mga kinakailangang gawin para sa kurso. Hikayatin sila na patuloy na mag-enroll sa institute.