“Lesson 17 Materyal ng Titser: Pananatiling Tapat sa Gitna ng Oposisyon at Paghihirap,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 17 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 17 Materyal ng Titser
Pananatiling Tapat sa Gitna ng Oposisyon at Paghihirap
Sa panahon sa pagitan ng 1837 hanggang 1839, naranasan ng mga Banal ang nagbabantang pag-aapostasiya sa Kirtland, Ohio at marahas na pang-uusig sa Missouri. Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na malaman kung paano sila babaling, magtitiwala, at aasa nang mas lubusan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa oras ng paghihirap at oposisyon.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Nilisan ng ilang miyembro sa Kirtland, Ohio, ang Simbahan, samantalang ang iba ay nanatiling tapat.
Simulan ang klase sa pagsasabi sa mga estudyante na ilarawan kung paano tumugon ang mga taong kilala nila sa mahihirap na pagsubok sa kanilang buhay. Maaari mo ring itanong kung ano ang natutuhan nila mula sa mga halimbawang iyon.
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagsubok na nararanasan nila o ng kanilang mga mahal sa buhay sa kasalukuyan at pag-isipan kung ano kaya ang itinuturo ng Panginoon sa kanila ngayon tungkol sa pagtugon sa mga pagsubok na iyon.
-
Ano ang ilan sa mga hamon at pagsubok na naranasan sa Ohio ng mga naunang Banal? (Maaari mong patingnan sa mga estudyante ang kanilang materyal sa paghahanda para matulungan silang makaalala.) Ano ang matututuhan natin mula sa mga taong apektado ng mga pagsubok sa Ohio?
Ipaalala sa mga estudyante na noong tag-init ng 1837, si Thomas B. Marsh, ang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay naglakbay mula sa Missouri patungo sa Kirtland upang makipagkita sa mga miyembro ng korum na iyon at kay Propetang Joseph Smith.
-
Ano ang ilan sa mga hamon at problemang kinaharap ni Thomas B. Marsh bago siya dumating sa Kirtland?
Ipaliwanag na matapos mag-usap nina Thomas B. Marsh at Joseph Smith at maayos ang kanilang hindi pagkakaunawaan, ang Propeta ay nakatanggap ng paghahayag mula sa Panginoon para kay Thomas. Sabihin sa mga estudyante na basahin o rebyuhin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 112:10–15, at alamin ang mga payo at mga alituntunin na itinuro ng Panginoon kay Thomas B. Marsh at sa iba pang mga miyembro ng Korum ng Labindalawa. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi at talakayin ang nalaman nila.
Kung kinakailangan, tulungan ang mga estudyante na tukuyin at talakayin ang isang alituntunin sa talata 13 sa pamamagitan ng pagtatanong ng ilan sa mga sumusunod:
-
Ano ang ipinangako ng Panginoon na gagawin Niya para sa mga yaong miyembro ng Labindalawa na piniling hindi patigasin ang kanilang mga puso nang masubok ang kanilang pananampalataya? (Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, ipakita ang sumusunod na alituntunin o isulat ito sa pisara: Kung hindi natin patitigasin ang ating mga puso kapag sinusubok ang ating pananampalataya, gagabayan tayo ng Panginoon at tutulungan tayo sa ating pagbabalik-loob.)
-
Paano kaya pinatitigas ng ilang tao ang kanilang mga puso kapag sinusubok ang kanilang pananampalataya? Ano ang mga panganib sa paggawa nito?
-
Kailan kayo nakakita ng isang tao na tumugon sa isang pagsubok sa pananampalataya nang may malambot na puso at bukas na isipan? Ano ang napansin ninyong nangyayari sa tao na tumutugon sa ganitong paraan?
Pinagpala si Propetang Joseph Smith dahil sa kanyang katapatan sa kabila ng mga pagsubok na naranasan niya sa Piitan ng Liberty.
Ipakita ang sumusunod na tanong: Bakit tinutulutan ng Diyos na mangyari ang masasamang bagay sa mabubuting tao?
Itanong sa mga estudyante kung naisip na ba nila ang tanong na ito o naitanong na ito sa kanila. Ipaliwanag na nagtanong din ng katulad nito si Joseph Smith matapos ang kanyang di-makatarungang pagkabilanggo sa Liberty, Missouri. Sa pagtalakay ng mga estudyante sa karanasan ni Joseph, sabihin sa kanila na pag-isipan ang isasagot nila kung itatanong iyon sa kanila ng isang kaibigan.
Ipakita ang mga sumusunod na larawan ng Piitan ng Liberty:
Sabihin sa mga estudyante na ilahad ang mga pangyayari na humantong sa pagkabilanggo ni Joseph Smith sa Piitan ng Liberty. (Kung kinakailangan, iparebyu sa mga estudyante ang bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.)
-
Ano ang inilarawang kalagayan ni Joseph Smith at ng iba pa sa Piitan ng Liberty?
Ipaalala sa mga estudyante na nabilanggo si Propetang Joseph Smith nang mahigit apat na buwan sa Piitan ng Liberty sa panahon ng matinding taglamig. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 121:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga itinanong ng Propeta sa liham na ito na puno ng panalangin at pagsamo.
-
Ano ang inihahayag ng mga tanong na ito tungkol sa maaaring naramdaman ni Joseph Smith nang panahong iyan?
-
Paano maaaring pagsubok sa pananampalataya ni Joseph ang panahong iyon?
Ipaalala sa mga estudyante na habang nasa piitan, nagpadala si Joseph Smith ng dalawang liham sa Simbahan. Hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo. Sabihin sa kanila na rebyuhin o basahin ang Doktrina at mga Tipan 121:7–10; 122:7–9 at pagkatapos ay ibahagi ang mga parirala at mga alituntunin na tila pinakamahalaga para sa kanila.
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na magbahagi ng isang parirala o alituntunin na tinalakay nila sa kanilang grupo. Maaari mong ipakita o isulat sa pisara ang mga alituntunin o mga pariralang ito. Ang ilang mga alituntunin na natukoy ng mga estudyante ay maaaring maipahayag o maibuod nang ganito: Kapag bumaling tayo sa Panginoon at nagtiwala sa Kanya sa panahong dumaranas tayo ng mga pagsubok, pagkakalooban Niya tayo ng paghahayag, kapanatagan, at lakas ng loob. Kung mananatili tayong tapat, ang pagdurusa at paghihirap ay magbibigay sa atin ng karanasan at ikabubuti natin.
-
Paano makatutulong ang mga alituntunin at mga parirala na natukoy ninyo sa isang taong nakakaranas ng paghihirap o pagsubok sa pananampalataya?
Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante.
Maaari kayong magkaroon ng sagrado, naghahayag, at malalim na mga karanasan sa pagkatuto mula sa Panginoon sa pinakamalulungkot na pangyayari sa inyong buhay—sa pinakagrabeng mga sitwasyon, habang tinitiis ang pinakamasasakit na kawalang-katarungan, hinaharap ang pinakamabibigat na problema at oposisyong naranasan ninyo. …
… Itinuturo sa atin ng mga aral noong taglamig ng 1838–39 na bawat pagsubok ay maaaring maging nakapagliligtas na karanasan kung mananatili tayong tapat sa ating Ama sa Langit sa kabila ng pagsubok na iyon. Itinuturo sa atin ng matitinding aral na ito na ang sukdulang paghihirap ng tao ay nagbibigay sa Diyos ng pagkakataon na magturo at magpala, at kung tayo ay magpapakumbaba at mananalig, sa halip na sisihin ang Diyos sa ating mga problema, ang di-makatarungan at di-makatao at nakapanghihinang mga piitan ng ating buhay ay gagawin Niyang mga templo–o isang sitwasyon man lang na maghahatid ng kapanatagan at paghahayag, banal na patnubay at kapayapaan. (Jeffrey R. Holland, “Lessons from Liberty Jail,” Ensign, Set. 2009, 28)
-
Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng ang mga pagsubok ay maaaring maging “nakapagliligtas” na karanasan?
-
Paano makatutulong sa atin ang tapat na pagtitiis sa mga pagsubok ng buhay para maging higit na katulad tayo ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo?
-
Sa paanong paraan kayo bumaling at nagtiwala nang mas lubusan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa panahong sinusubukan ang inyong pananampalataya? Ano ang natutuhan ninyo sa paggawa nito?
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa isang kaklase kung paano nila sasagutin ang tanong na ipinakita mo kanina tungkol sa kung bakit tinutulutan ng Diyos na mangyari ang masasamang bagay sa Kanyang mga anak.
Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na maaari nilang idispley ang mga salita at mga parirala na pinili nila mula sa mga scripture passage na tinalakay kanina sa mga lugar kung saan nila ito makikita nang madalas o isaulo ang mga ito o ibahagi ang mga ito sa social media. Magpatotoo na kapag bumaling tayo sa Tagapagligtas sa panahong dumaranas tayo ng mga pagsubok, pagkakalooban Niya tayo ng kapayapaan, papanatagin Niya tayo, at palalalimin Niya ang ating pagbabalik-loob.
Para sa Susunod
Sa pagtatapos mo ng klase, maaari mong ipaliwanag na ang Relief Society, isa sa mga pinakamalaking organisasyon ng mga kababaihan sa mundo ngayon, ay itinatag noong 1842 sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Ipaalam sa mga estudyante na habang naghahanda sila para sa susunod na klase magkakaroon sila ng pagkakataong matutuhan pa kung paano at kung bakit itinatag ang pandaigdigang organisasyong ito. Hikayatin ang mga estudyante na dumating sa klase na handang ibahagi ang natutuhan nila.