Institute
Lesson 22 Materyal ng Titser: Pag-aasawa nang Higit sa Isa


“Lesson 22 Materyal ng Titser: Pag-aasawa nang Higit sa Isa,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)

“Lesson 22 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik

Lesson 22 Materyal ng Titser

Pag-aasawa nang Higit sa Isa

Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay batas ng Panginoon maliban kung iba ang iutos Niya (tingnan sa Jacob 2:27–30). Sa pamamagitan ng paghahayag, iniutos ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na sundin ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa at ituro ito sa ilang mga naunang miyembro ng Simbahan. Ang pag-aasawa nang higit sa isa ay nagpatuloy sa Simbahan hanggang sa ipahayag ng Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag na dapat nang wakasan ng mga Banal ang gawaing ito (tingnan sa Opisyal na Pahayag—1). Layon ng lesson na ito na palakasin ang pagtitiwala ng mga estudyante na kumilos si Joseph Smith at ang mga naunang miyembro ng Simbahan ayon sa tagubilin ng Panginoon nang gawin nila ang pag-aasawa nang higit sa isa. Matutulungan din nito ang mga estudyante na magtiwala nang mas lubos sa Panginoon habang sinisikap nilang sundin ang Kanyang kalooban at maghanap ng mga sagot sa kanilang mga tanong.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Inihayag ng Panginoon ang pag-aasawa nang higit sa isa.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Noon pa man ay pinagagawa na ng Diyos ang Kanyang pinagtipanang mga anak ng mahihirap na bagay. (Russell M. Nelson, “Manindigan Bilang mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito,” Liahona, Okt. 2016, 27)

  • Ano ang ilan sa “mahihirap na bagay” na iniuutos ng Diyos na gawin ng mga miyembro ng Simbahan sa ating panahon? (Maaari mong isulat ang mga sagot sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mismong pagsunod nila sa mga kautusang ito sa buong lesson.)

  • Sa inyong palagay, bakit iniutos ng Diyos sa Kanyang pinagtipanang mga anak na gawin ang mga bagay na ito?

Ipaliwanag na para sa maraming naunang mga Banal sa mga Huling Araw, ang isa sa mga pinakamahirap na iniutos ng Diyos sa kanila ay ang pagsunod sa alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa. Ipaalala sa mga estudyante na noong mga unang bahagi ng 1831, nanalangin si Joseph Smith na maunawaan kung bakit nag-asawa nang higit sa isa ang ilan sa sinaunang mga propeta at hari ng mga Israelita (tingnan ang section heading at talata 1 ng Doktrina at mga Tipan 132).

Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang Doktrina at mga Tipan 132:34–37. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano tumugon ang Panginoon sa tanong ng Propeta.

  • Ipakita ang sumusunod na tanong: Bakit pinakasalan ni Abraham si Hagar para maging isa sa kanyang asawa?

  • Ayon sa talata 36–37, ano ang alituntuning itinuro ng Panginoon kay Joseph Smith tungkol sa pagsunod sa Kanyang mga kautusan? (Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Kapag handa tayong sumunod sa anumang iutos ng Panginoon, ito ay “ipinalagay sa [atin] sa kabutihan.”)

  • Paano maaaring ikumpara ang utos ng Panginoon kay Abaraham na isakripisyo si Isaac sa Kanyang utos kay Joseph Smith at sa mga naunang Banal na mag-asawa nang higit sa isa?

Ipaliwanag na sa isang pagkakataon matapos ipahayag ng Panginoon kay Joseph Smith ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa, iniutos Niya sa Propeta na sundin ang alituntuning ito at ituro ito sa iba.

Ipakita ang sumusunod na pahayag, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Ayon kay Helen Mar Kimball, sinabi ni Joseph Smith na “ang pagsasagawa ng alituntuning ito ang pinakamahirap na pagsubok na mararanasan ng mga Banal na susubok sa kanilang pananampalataya.” Kahit isa ito sa mga “pinakamatinding” pagsubok sa kanyang buhay, pinatotohanan niya na ito rin ay “isa sa mga pinakadakilang pagpapala.” (“Plural Marriage in Kirtland and Nauvoo,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org)

  • Ano ang naramdaman ni Joseph Smith tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa noong una itong ipabatid sa kanya? (Kung kinakailangan, iparebyu sa mga estudyante ang pahayag ni Sister Eliza R. Snow sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)

Sabihin sa klase na isipin ang mga halimbawa nina Abraham at Joseph Smith.

  • Ano ang inihahayag ng kahandaan ng mga naunang Banal na sundin ang mahihirap na kautusang iyon tungkol sa kanilang pag-uugali at pananampalataya?

Ipaliwanag na inilarawan ng ilan sa mga naunang Banal ang pagtatalo ng damdamin na naranasan nila nang ipabatid sa kanila ang tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung ano ang naaalala nila mula sa mga salaysay na pinag-aralan nila sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.

Ipakita ang sumusunod na salaysay ni Phebe Woodruff, asawa ni Pangulong Wilford Woodruff. Ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Nang unang itinuro ang alituntunin ng poligamya naisip ko na ito ang pinakamasamang bagay na narinig ko. … Sa lalong madaling panahon, gayunman, nang nakumbinsi ako na isang paghahayag ito mula sa Diyos sa pamamagitan ni Joseph, at kilala ko siya bilang propeta, lubos akong nanalangin nang taimtim sa aking Ama sa Langit, na magabayan ako nang tama sa napakahalagang sandaling iyon ng aking buhay. Dumating ang sagot. Binigyan ng kapayapaan ang aking isipan. Alam ko na ito ay kalooban ng Diyos. (Phebe Woodruff, sa Edward Tullidge, The Women of Mormondom [1877], 413)

  • Paano makatutulong ang halimbawa ni Phebe sa isang tao sa panahong ito na nahihirapang sundin ang isang kautusan mula sa Diyos? Paano makatutulong ang kanyang halimbawa para matulungan ang isang tao na may mga katanungan tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa ng mga naunang Banal?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Kawikaan 3:5–6, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang isang alituntunin na maiuugnay sa mga karanasan ng mga naunang Banal na ito.

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa scripture passage na ito at sa karanasan ng mga naunang Banal? (Gamit ang mga isinagot ng mga estudyante, isulat sa pisara (o ipakita) ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung magtitiwala tayo sa Panginoon nang buong puso natin at hindi mananalig sa sarili nating kaunawaan, papatnubayan Niya ang ating buhay.)

Itanong sa mga estudyante ang sumusunod:

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng magtiwala sa Panginoon nang buong puso at huwag lang basta manalig sa sariling kaunawaan para sa isang taong nag-aalala tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa noong unang panahon?

Ipaliwanag na pangkaraniwan lang para sa mga miyembro ng Simbahan na magkaroon ng mga tanong o alalahanin tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa. Hindi inihayag ng Diyos at hindi kinakailangang maunawaan ng Kanyang mga anak sa panahong ito ang mga detalye ng pag-aasawa nang higit sa isa. Gayunman, ipinangako sa lahat ng mga Banal na magtatamo sila ng patotoo na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos na tumanggap ng mga kautusan at paghahayag mula sa Kanya at na si Joseph ay tapat na namuhay ayon sa mga utos ng Panginoon.

PAGPAPAHUSAY NG ATING PAGTUTURO AT PAG-AARAL

Matutulungan mo ang mga estudyante na masagot ang mahihirap na tanong. Ang pagbibigay sa mga estudyante ng tumpak na impormasyon at pagtulong sa kanila na makahanap ng mga mapagkakatiwalaang source ay makatutulong sa kanila na mapag-isipan ang mahihirap na paksa at maipaliwanag ang mga ito nang tama. Kung nais ng mga estudyante na malaman pa ang tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa sa naunang kasaysayan ng Simbahan, sabihin sa kanila na pag-aralan nang may panalangin ang karagdagang mga sanggunian o resources na nakalista sa bahaging “Gusto Mo Bang Matuto Pa?” ng materyal sa paghahanda.

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon sa buhay nila kung saan nagtiwala sila sa Panginoon at sinunod ang isang mahirap na utos—o nang sila ay “[hindi] [n]analig sa [kanilang] sariling kaunawaan” sa paghahanap nila ng mga sagot sa mahihirap na tanong. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan. Itanong sa kanila kung paano sila pinatnubayan ng Panginoon sa kanilang mga landas.

Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na isipin ang mga tanong na mayroon sila tungkol sa relihiyon o ang mga personal na tanong nila. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung ano ang magagawa nila para makahanap ng sagot o katiyakan tungkol sa mga tanong na ito, magtiwala sa Panginoon, at umasa sa Kanya. Maaari nilang isulat ang mga naisip nila sa kanilang journal o manalangin na tulungan sila ng Panginoon na malaman kung paano kikilos nang may pananampalataya.

Inihayag ng Panginoon ang ilang dahilan sa pag-aasawa nang higit sa isa.

Ipaliwanag na hindi natin nauunawaan ang lahat ng mga layunin ng Diyos sa pagpapasimula ng pag-aasawa nang higit sa isa sa dispensasyong ito, ngunit nagbigay Siya sa atin ng ilan sa Kanyang mga dahilan. Halimbawa, itinuro ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na ang gawaing ito ay bahagi ng pagpapanumbalik ng “lahat ng bagay” mula sa mga nakaraang dispensasyon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:40, 45).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Jacob 2:30, at sabihin sa klase na alamin ang iba pang dahilan na ibinigay ng Panginoon sa pag-uutos sa Kanyang mga tao na gawin ang pag-aasawa nang higit sa isa. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Dapat maisama ng mga estudyante sa kanilang mga sagot na ang utos ay ibinigay para madagdagan ang bilang ng mga batang isinilang sa tipan ng ebanghelyo. Sa paraang ito, ang mga tao ng Panginoon ay “mag[ba]bangon ng mga binhi” sa Kanya.)

Ipaliwanag na ang mga pagsisikap ng mga naunang Banal na sundin ang kautusang ito ay “naging dahilan para maisilang ang maraming bilang ng mga anak sa loob ng mga tahanan ng matatapat na mga Banal sa mga Huling Araw” (“Plural Marriage and Families in Early Utah,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org).

Kalaunan ay ipinahayag ng Panginoon na dapat nang itigil ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pag-aasawa nang higit sa isa.

Sabihin sa isang estudyante na nag-aral ng materyal sa paghahanda (bahagi 2) na isalaysay ang dahilan ng pagwawakas ng pag-aasawa nang higit sa isa sa ipinanumbalik na Simbahan.

  • Paano ninyo maipapaliwanag sa isang tao ang kasalukuyang pananaw ng Simbahan tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas mula sa una at ikapitong talata ng “Mga Hango Mula sa Tatlong Talumpati ni Pangulong Wilford Woodruff Tungkol sa Pahayag,” na kasunod ng Opisyal na Pahayag—1.

  • Ano ang itinuro ni Pangulong Woodruff sa mga Banal? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanan na tulad ng sumusunod: Hindi kailanman pahihintulutan ng Panginoon ang Pangulo ng Simbahan na iligaw ang Simbahan.)

  • Paano nakakaapekto ang katotohanang ito sa paraan ng pagtugon natin sa mga payo at mga turo ng buhay na propeta ng Panginoon?

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo na si Propetang Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan ay totoong mga propeta ng Diyos na masunuring sinunod at itinuro ang mga kautusan ng Panginoon sa mga Banal sa mga Huling Araw.

Para sa Susunod

Ipaliwanag sa mga estudyante na sa pag-aaral nila para sa susunod na klase, magkakaroon sila ng pagkakataong malaman ang tungkol sa mga detalyeng nangyari sa pagkamatay nina Joseph at Hyrum Smith. Hikayatin ang mga estudyante na dumating sa klase na handang talakayin ang kanilang mga naisip tungkol sa mga nagawa ni Joseph Smith bilang propeta ng Diyos.