Institute
Lesson 15 Materyal ng Titser: Ang Plano ng Ama sa Langit at ang Ating Banal na Potensyal


“Lesson 15 Materyal ng Titser: Ang Plano ng Ama sa Langit at ang Ating Banal na Potensyal,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)

“Lesson 15 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik

Lesson 15 Materyal ng Titser

Ang Plano ng Ama sa Langit at ang Ating Banal na Potensyal

Inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith ang kaluwalhatian ng plano ng pagtubos ng Ama sa Langit at ang ating banal na potensyal na maging katulad Niya. Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na mapalakas ang kanilang pagpapahalaga para sa plano ng Ama at maunawaan nang mas mabuti kung sino sila at kung ano ang magagawa nila para maabot ang kanilang banal na potensyal.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Nakatanggap si Joseph Smith ng mahahalagang katotohanan hinggil sa plano ng kaligtasan.

Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung ano ang maaaring pagkaunawa ng karamihan sa mga Kristiyano at mga naunang miyembro ng Simbahan tungkol sa Diyos at sa kabilang buhay bago ibinigay ng Panginoon ang mga paghahayag tungkol sa mga paksang ito sa pamamagitan ni Joseph Smith. (Maaaring rebyuhin ng mga estudyante ang mga bahagi 1 at 3 ng materyal sa paghahanda.)

  • Mula sa natutuhan ninyo sa materyal sa paghahanda, kailan at paano inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith ang mga katotohanan tungkol sa plano ng kaligtasan?

  • Ano ang ilang ipinanumbalik na katotohanan tungkol sa plano na sa inyong palagay ay makakagawa ng pinakamalaking kaibhan sa buhay ng mga naunang Banal? Saan nakatala ang mga katotohanang ito? (Tingnan sa mga bahagi 1 at 3 ng materyal sa paghahanda.)

Habang sinasagot ng mga estudyante ang mga naunang tanong, maaari mong patingnan muli sa kanila ang mga scripture passage na binanggit sa materyal sa paghahanda, gaya ng Moises 1:39 at Abraham 3:22–26. Tulungan ang mga estudyante na matukoy at maipaliwanag ang mga katotohanan na tulad ng sumusunod: Ang gawain at kaluwalhatian ng Diyos ay ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao (tingnan sa Moises 1:39). Nabuhay tayo sa piling ng Ama sa Langit bilang mga espiritu bago tayo isinilang (tingnan sa Abraham 3:22–23). Nilikha ng Panginoon ang mundo bilang isang lugar kung saan maaari tayong pumili kung susundin natin ang Diyos o hindi (tingnan sa Abraham 3:24–25).

  • Isipin kung paano mag-iiba ang inyong buhay kung hindi ninyo alam ang tungkol sa plano ng Ama sa Langit. Sa inyong palagay, paano nakakaapekto sa inyong pag-iisip, pagpapasiya, at pagkilos ang inyong kaalaman tungkol sa plano?

Itinuro ni Joseph Smith ang tungkol sa ating banal na potensyal.

Ipaliwanag na noong “Abril 7, 1844, si Joseph Smith ay tumayo upang magsalita sa masasabing kanyang huling kumperensya. Matapos hilingin sa mga Banal na ibigay sa kanya ang ‘lahat ng kanilang atensiyon,’ … itinuro ni Joseph ang tungkol sa likas na kabanalan at walang-hanggang pag-unlad” (“King Follett Discourse,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, ChurchofJesusChrist.org/study/church-history).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag ni Joseph Smith mula sa kanyang King Follett discourse na matatagpuan sa simula ng bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.

  • Ano ang natutuhan ninyo sa mga turo ni Joseph tungkol sa inyong kaugnayan sa Diyos?

Ipaliwanag na noong 1995, naglathala ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ng isang dokumentong tinawag na “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Ipinahayag nila rito:

Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos. …

Sa buhay bago pa ang buhay sa mundo, kilala at sinamba ng mga espiritung anak na lalaki at anak na babae ang Diyos bilang kanilang Amang Walang Hanggan at tinanggap ang Kanyang plano na naglaan sa Kanyang mga anak na magkaroon ng pisikal na katawan at magtamo ng karanasan sa mundo upang umunlad tungo sa kaganapan at sa huli ay makamtan ang kanilang banal na tadhana bilang tagapagmana ng buhay na walang hanggan. (“Ang Mag-Anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org)

  • Bilang mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos, ano ang ating walang hanggang potensyal? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Bilang mga espiritung anak na lalaki at anak na babae ng Ama sa Langit, tayo ay may potensyal na maging katulad Niya.)

Ipakita o itanong ang mga sumusunod, at bigyan ang mga estudyante ng isa o dalawang minuto para mapagnilayan ang mga ito at maisulat ang mga impresyon na maaaring dumating sa kanila.

  • Paano nakakaimpluwensya ang katotohanang ito sa pananaw ninyo sa inyong kaugnayan sa Ama sa Langit? Paano ito nakakaimpluwensya sa pagtingin ninyo sa inyong sarili at sa mga nakapaligid sa inyo? Paano ito makakaimpluwensya sa paraan ng inyong pamumuhay?

Ipinakita sa atin ni Jesucristo kung paano natin matatanggap ang kaganapan ng kaluwalhatian ng Diyos sa kahariang selestiyal.

Isulat sa pisara o ipakita ang mga salitang Langit at Impiyerno, at itanong sa mga estudyante kung ano ang paniniwala ng karamihan sa mga Kristiyano noong ika-19 na siglo tungkol sa kung sino ang mapupunta sa bawat isa.

Sabihin sa mga estudyante na ilahad kung ano ang natutuhan nila mula sa Doktrina at mga Tipan 76 tungkol sa kabilang buhay at sa pagtatamo ng selestiyal na kaluwalhatian. (Maaaring kailanganing rebyuhin ng mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:50–54.) Maaari mo ring itanong sa mga estudyante kung ano ang natutuhan nila tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa mga katotohanang inihayag sa bahagi 76.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Jeffrey R. Holland

Sa Simbahan naririnig ko sa maraming tao ang bagay na ito: “Hindi ako mahusay.” “Ang laki-laki ng kakulangan ko.” “Hindi ako kailanman magiging karapat-dapat.” Naririnig ko ito sa mga tinedyer. Naririnig ko ito sa mga missionary. Naririnig ko ito sa mga bagong miyembro. Naririnig ko ito sa matatagal nang miyembro. (Jeffrey R. Holland, “Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Sa Wakas,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 40)

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon sa kanilang mga buhay kung saan ganito ang nadama nila.

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 76:40–42, 69, at alamin ang napakahalagang papel na ginagampanan ni Jesucristo sa ating kaligtasan.

  • Ano ang papel na ginagampanan ni Jesucristo sa pagsisikap nating magtamo ng buhay na walang hanggan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Magiging ganap o perpekto lamang tayo sa pamamagitan ni Jesucristo.)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang tandaan na ang kaganapan o pagiging perpekto at kadakilaan ay dumarating lamang sa pamamagitan ni Jesucristo?

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 93:12–13 kasama ang klase, at alamin kung ano ang itinuturo ng scripture passage na ito tungkol sa landas na tinahak ng Tagapagligtas tungo sa pagiging katulad ng Ama sa Langit.

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng ang Tagapagligtas ay “nagpatuloy nang biyaya sa biyaya, hanggang sa tanggapin niya ang kaganapan”?

  • Paano makakatulong ang halimbawa ng Tagapagligtas para madaig ninyo ang panghihina ng loob habang nagsisikap kayong matamo ang buhay na walang hanggan?

Ipakita at basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Holland:

Elder Jeffrey R. Holland

Pinatototohanan ko ang maringal na tadhanang iyan, na ginawang posible sa atin ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo, na Siya mismo ay nagpatuloy “nang biyaya sa biyaya” [Doktrina at mga Tipan 93:13] hanggang matanggap Niya sa Kanyang imortalidad [tingnan sa Lucas 13:32] ang kaganapan ng kaluwalhatiang selestiyal. Pinatototohanan ko na sa oras na ito at sa bawat oras ay nakaunat ang Kanyang mga kamay na may pilat ng bakas ng pako at ipinagkakaloob sa atin ang biyaya ring iyon, hindi tayo pinababayaan hanggang sa makauwi tayo nang ligtas sa bisig ng ating mga Magulang sa Langit. Para sa perpektong sandaling iyon, patuloy akong magsisikap, may kahinaan man ako. Para sa perpektong kaloob na iyon, patuloy akong magpapasalamat, may kakulangan man ako. Pinatototohanan ko ito sa mismong kahulugan ng katagang Kasakdalan, Siya na hindi kailanman nagkamali o nagkulang kundi nagmamahal sa ating lahat, maging ang Panginoong Jesucristo. (Jeffery R. Holland, “Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Sa Wakas,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 42)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan sandali kung ano ang lubos na makakatulong sa kanila na espirituwal na umunlad tungo sa buhay na walang hanggan sa panahong ito. Tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo na sa pamamagitan ng biyaya ng Tagapagligtas at pagsunod sa Kanyang halimbawa, tayo ay makakatanggap ng buhay na walang hanggan at makakapasok sa kahariang selestiyal.

PAGPAPAHUSAY NG ATING PAGTUTURO AT PAG-AARAL

Patuloy na hikayatin ang mga estudyante na maghanda. Ngayong napag-aralan na ng mga estudyante ang higit sa kalahati ng kursong ito, maaari mo silang anyayahan na ibahagi kung paano nakaapekto sa kanilang karanasan sa kurso ang paghahanda nila para sa klase. Maaari mong ibahagi ang sumusunod na panghihikayat mula kay Elder Kim B. Clark ng Pitumpu: “Kapag ginawa ninyo ang inyong bahagi—manalangin nang may pananampalataya, maghanda, mag-aral, aktibong makibahagi, at gawin ang lahat—tuturuan kayo ng Espiritu Santo, daragdagan ang inyong kakayahang kumilos ayon sa natutuhan ninyo, at tutulungan kayong maging katulad ng nais ng Panginoon na kahinatnan ninyo” (“Learning for the Whole Soul,” Ensign, Ago. 2017, 27).

Para sa Susunod

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano naiba ang kanilang mga buhay dahil sa mga templo at mga ordenansa sa templo. Ipaliwanag na sa susunod na klase, malalaman nila kung bakit nagpakita ang mga sinaunang propeta kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple. Hikayatin sila na pag-aralan ang materyal sa paghahanda para sa lesson 16 nang sa gayon ay makarating sila sa klase na handang talakayin ang mga alituntunin na tutulong para maging mas makabuluhang bahagi ng kanilang buhay ang templo.