“Lesson 19 Materyal ng Titser: Pagtubos sa mga Patay,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 19 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 19 Materyal ng Titser
Pagtubos sa mga Patay
Itinuro ni Propetang Joseph Smith na isa sa mga pinakamalaking responsibilidad na ibinigay ng Diyos sa mga Banal sa mga Huling Araw ay ang tumulong sa pagtubos sa mga patay (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 557). Layon ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na maunawaan at maibahagi kung bakit ang pagtubos sa mga patay ay mahalagang bahagi ng plano ng Diyos at madagdagan ang kanilang hangarin na mas lubos na makibahagi sa family history at sa paglilingkod sa templo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Inihayag ng Panginoon ang doktrina ng pagtubos sa mga patay sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.
Ipakita ang kalakip na larawan at ipaliwanag na ipinapakita nito si Alvin Smith na pasan-pasan ang kanyang nakababatang kapatid na si Joseph, pagkatapos ng operasyon sa binti ni Joseph. Sabihin sa mga estudyante na ikuwento mula sa kanilang paghahanda para sa klase ang nalaman nila tungkol sa nadarama ni Joseph para sa kanyang kapatid na si Alvin at kung ano ang nangyari kay Alvin.
-
Ano ang sinabi ng isang pastor na Presbyterian sa pamilya Smith sa burol ni Alvin?
-
Ano kaya ang madarama ninyo kapag narinig ninyo ang mga salitang ito kung isa kayo sa miyembro ng pamilya ni Joseph?
Ipaalala sa mga estudyante na ang mga salita ng pastor ay naglalarawan sa paniniwala, na itinuro sa Bagong Tipan, na ang binyag ay kinakailangan para maligtas (tingnan sa Juan 3:5). Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang pangitain ni Joseph Smith noong 1836 tungkol sa kahariang selestiyal na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 137:1, 5–8, at alamin ang nalaman ni Joseph Smith tungkol sa kanyang kapatid na si Alvin. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Anong mga katotohanan tungkol sa plano ng kaligtasan ang naitulong na maibalik o maipaliwanag nang malinaw ng paghahayag na ito? Ano kaya ang mga naisip at nadama ni Joseph nang malaman niya ang mga katotohanang ito?
Ipaliwanag na apat at kalahating taon matapos makita ang pangitain tungkol kay Alvin sa kahariang selestiyal, itinuro ni Joseph sa mga Banal sa Nauvoo ang paraan kung paano maliligtas sa kaharian ng Diyos ang isang taong katulad ni Alvin na hindi pa nabinyagan sa buhay na ito. Ipinabatid ng Propeta ang doktrina ng pagbibinyag para sa mga patay nang magsalita siya sa isang libing noong Agosto 15, 1840 (tingnan sa Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Binyag para sa Patay,” ChurchofJesusChrist.org).
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang may kapartner o kasama ang mga kagrupo ang sipi mula sa liham ni Vilate Kimball na matatagpuan sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda. Pagkatapos ay ipakita ang mga sumusunod na tanong (na matatagpuan din sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda), at sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga ito:
-
Sa inyong palagay, bakit “napakagandang doktrina” ng pagtubos sa mga patay?
-
Ano ang maituturo ng doktrinang ito sa isang tao tungkol sa katangian at mga hangarin ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga itinuro ni Propetang Joseph Smith na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 128:15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung bakit ang pakikibahagi sa gawain upang tubusin ang mga patay ay napakahalaga para sa atin.
-
Ayon sa talatang ito, bakit lubhang mahalaga na isinasagawa natin ang mga nakapagliligtas na ordenansa para sa mga patay? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang katotohanan, kabilang ang sumusunod: Kung wala ang mga nakapagliligtas na ordenansa ng ebanghelyo, ang ating mga ninuno na namatay nang walang ebanghelyo ay hindi uunlad tungo sa kadakilaan. Ang kaligtasan ng ating mga yumaong ninuno ay lubhang mahalaga sa ating sariling kaligtasan.)
-
Sa inyong palagay, paano naging “kinakailangan at lubhang mahalaga” sa ating sariling kaligtasan ang kaligtasan ng ating mga ninuno?
Bilang bahagi ng inyong talakayan, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
Bagama’t may kapangyarihan ang gawain sa templo at family history na pagpalain ang mga pumanaw na, may kapangyarihan din itong pagpalain ang mga nabubuhay pa. May nakadadalisay na impluwensya ito sa mga nakikibahagi rito. Ang mga ito ay literal na tumutulong upang dakilaan ang kanilang mga pamilya.
Tayo ay dinakila kapag makapananahan tayo kasama ng ating mga kamag-anak sa piling ng Pinakamakapangyarihang Diyos. (Russell M. Nelson, “Mga Henerasyong Nabigkis ng Pagmamahal,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 93–94; idinagdag ang italiko).
Nakakita si Joseph F. Smith ng isang pangitain tungkol sa pagtubos sa mga patay.
Ipaliwanag na bagama’t namatay na si Propetang Joseph Smith, patuloy na naghayag ang Panginoon ng mga katotohanan nang “taludtod sa taludtod” (Doktrina at mga Tipan 98:12) tungkol sa Kanyang plano na tubusin ang mga patay. Noong 1918, nakatanggap si Pangulong Joseph F. Smith ng isang pangitain tungkol sa pagtubos sa mga patay.
-
Ano ang mga karanasan ni Pangulong Joseph F. Smith at mga pangyayari sa mundo kung kaya’t napapanahon ang pangitaing ito? (Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang natutuhan nila mula sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)
Ipaalala sa mga estudyante na natanggap ni Pangulong Smith ang pangitaing ito habang pinagbubulayan niya ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo at ang mga turo ni Apostol Pedro hinggil sa pagdalaw ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:1–11). Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:28–34, 57, at alamin kung ano ang ginawa ng Tagapagligtas sa Kanyang maikling pagdalaw sa daigdig ng mga espiritu at kung ano ang naging epekto nito.
-
Paano nakatulong sa atin ang mga katotohanan sa scripture passage na ito para mas maunawaan ang plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak?
Bigyang-diin ang pariralang “pagbibinyag alang-alang sa iba” (talata 33). Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng alang-alang sa iba ay kumilos bilang kahalili ng isang tao.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag ni Elder D. Todd Christofferson na matatagpuan sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda. Sabihin sa klase na alamin ang itinuro ni Elder Christofferson tungkol sa gawain ng kaligtasan alang-alang sa iba na isinasagawa natin sa templo para sa ating mga yumaong kapamilya.
-
Paano ninyo ibubuod ang alituntunin na matututuhan natin mula sa mga itinuro ni Elder Christofferson? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Nagpapatotoo tayo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala kapag nakikibahagi tayo sa gawain na tumulong sa pagtubos sa ating mga yumaong kapamilya.)
-
Paano natin naipapahayag ang ating patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala sa pamamagitan ng pakikibahagi sa gawain ng pagtubos sa ating mga patay?
-
Sa paanong mga paraan nakatutulong sa atin ang pakikibahagi sa family history at sa paglilingkod sa templo para maging higit na katulad ng Tagapagligtas?
Nangako ang mga propeta ng Panginoon ng malalaking pagpapala sa mga taong tumutulong sa pagtubos sa mga patay.
Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong alituntunin: Kapag nakikibahagi ako sa family history at naglilingkod sa templo …
Ipakita ang ilan sa mga ipinangakong pagpapala ng family history at ng gawain sa templo na binanggit ni Elder Dale G. Renlund sa kanyang mensahe na “Family History at Gawain sa Templo: Pagbubuklod at Pagpapagaling” (Liahona, Mayo 2018). Maaari mong isulat ang mga pagpapalang natukoy ng mga estudyante sa ilalim ng pahayag na nasa pisara.
-
Alin sa mga ipinangakong pagpapala ang tila pinakamahalaga para sa inyo at bakit?
-
Ano ang ilan sa mga paraan na nakibahagi kayo at ang inyong pamilya sa family history at sa paglilingkod sa templo? Anong mga pagpapala ang natanggap ninyo sa paggawa nito?
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang tao na maaari nilang pakiusapan na turuan sila sa paggawa ng family history. Kung mahusay na ang ilang estudyante sa paggawa ng family history, sabihin sa kanila na turuan ang iba pa sa klase. Kung may oras pa, maaari mo ring ipakita sa mga estudyante ang family history website sa ChurchofJesusChrist.org/family-history at hikayatin sila na saliksikin ang site na ito para sa mga karagdagang ideya kung paano makikibahagi nang mas lubos sa family history.
Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Hinihikayat ko kayo na mapanalanging isaalang-alang kung anong klaseng sakripisyo, at mas mainam kung pagsasakripisyo ng oras, ang magagawa ninyo upang mas marami kayong magawang gawain sa family history at sa templo sa taong ito. (Russell M. Nelson, RootsTech Family Discovery Day—Opening Session 2017, ChurchofJesusChrist.org)
Tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa mga estudyante na pag-isipan nang may panalangin at pagkatapos ay isulat kung anong mga partikular na sakripisyo o hakbang ang gagawin nila para makibahagi nang mas lubos sa family history at sa paglilingkod sa templo.
Para sa Susunod
Ipakita ang isang larawan ng templo. Ipaliwanag na mula pa noong sinaunang panahon, iniutos na ng Panginoon sa Kanyang mga tao na magtayo ng mga templo. Itinuro ng mga propeta sa mga huling araw na ang pinakadakilang mga pagpapala ng ebanghelyo ay natatanggap sa templo ng Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang materyal sa paghahanda para sa susunod na lesson at dumating na handang talakayin kung paano tayo pinagpapala ng Panginoon sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo at pagsamba sa templo.