“Pambungad sa Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (Religion 225),” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Pambungad sa Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (Religion 225),” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Pambungad sa Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (Religion 225)
Pambungad sa Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (Religion 225)
Pagbati sa kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik! Salamat sa pagtanggap mo sa pagkakataong tulungan ang iyong mga estudyante na palalimin ang kanilang pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.
Ang Mithiin ng Seminaries and Institutes of Religion ay nagsasaad na:
Ang ating layunin ay tulungan ang mga kabataan at young adult na maunawaan ang mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo at umasa rito, maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo, at ihanda ang kanilang sarili, kanilang pamilya, at iba pa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit. (Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo: Isang Hanbuk para sa mga Titser at Lider sa Seminaries and Institutes of Religion [2012], 1)
Ano ang mga layunin ng kursong ito?
Ang kursong ito ay nilayon na tulungan ang mga estudyante na:
-
Mapalakas ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.
-
Madagdagan ang kanilang pagnanais at pagsisikap na ipamuhay ang mga alituntunin at doktrina ng ebanghelyo at maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
-
Maipamuhay ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at magkaroon ng karanasan sa pagsusuri ng mga pinagmumulan ng impormasyon.
-
Matukoy at maipaliwanag ang pinagbatayang doktrina, paghahayag, at mga makasaysayang pangyayari tungkol sa Panunumbalik.
Paano binalangkas ang manwal na ito?
Ang mga nilalaman ng manwal na ito ay nilayon na tulungan ang mga estudyante na magkaroon ng mga makabuluhan at nagpapalakas na karanasan sa labas at loob ng silid-aralan. Ang bawat lesson ay binubuo ng materyal sa paghahanda at materyal ng titser.
Materyal sa Paghahanda
Ang materyal sa paghahanda ay nilayon na pag-aralan mo at ng iyong mga estudyante bilang paghahanda para sa klase. Kabilang dito ang mahahalagang kontekstong pangkasaysayan at mga larawan, ang mga turo mula sa mga banal na kasulatan at mga lider ng Simbahan, at ang bahaging “Gusto Mo Bang Matuto Pa?” na tumutukoy sa mga karagdagang resource na may kaugnayan sa lesson.
Ang materyal sa paghahanda ay naglalaman din ng mga tanong at aktibidad na nilayong makatulong na madagdagan ang mga karanasan sa pagkatuto ng mga estudyante sa klase. Halimbawa, sa materyal sa paghahanda para sa lesson 6, “Ang Aklat ni Mormon—ang Saligang Bato ng Ating Relihiyon,” kayo ng mga estudyante mo ay binibigyan ng pagkakataong pag-aralan ang mga turo mula sa mga lider ng Simbahan hinggil sa kung paano tayo tinutulungan ng Aklat ni Mormon na mas mapalapit sa Diyos at pinagpapala ang ating buhay sa mga karagdagang paraan:
Paano nakatulong ang pag-aaral at pagsasabuhay ng mga turong matatagpuan sa Aklat ni Mormon para mas mapalapit ka sa Diyos? Ano ang ilang scripture passage mula sa Aklat ni Mormon na nakatulong sa iyo na maging higit na katulad Niya? Isulat sa inilaang ispasyo ang iyong mga sagot sa mga tanong na ito. Dumating sa klase na handang ibahagi ang mga naisip mo.
Itinuro ni Elder Kim B. Clark ng Pitumpu ang tungkol sa paghahanda at taos-pusong pagsisikap na kinakailangan para matuto nang malalim:
Kung talagang gusto ninyong matuto nang malalim, kung ang inyong puso’t isipan ay handang matuto, at kung kikilos kayo ayon sa hangaring iyan, pagpapalain kayo ng Panginoon. Kapag ginawa ninyo ang inyong bahagi—manalangin nang may pananampalataya, maghanda, mag-aral, aktibong makibahagi, at gawin ang lahat—tuturuan kayo ng Espiritu Santo, daragdagan ang inyong kakayahang kumilos ayon sa natutuhan ninyo, at tutulungan kayong maging katulad ng nais ng Panginoon na kahinatnan ninyo. (“Pagkatuto para sa Buong Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Ago. 2017, 33–34)
Materyal ng Titser
Ang materyal ng titser ay nilayon na tulungan ang mga titser na anyayahan ang mga estudyante na talakayin kung ano ang natutuhan nila sa kanilang paghahanda at tulungan ang mga estudyante na palalimin ang kanilang pag-unawa at patotoo tungkol sa Panginoon at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Sa pambungad para sa bawat lesson, makikita mo ang isang paglalarawan tungkol sa mga hinahangad na resulta ng lesson. Sinusundan ito ng mga iminungkahing ideya sa pagtuturo na naglalahad ng balangkas ng lesson, mga nilalaman, mga tulong sa talakayan, at mga ideya sa pagpapamuhay.
Ang sumusunod ay isang halimbawa kung paano ginagamit sa materyal ng titser ang paghahanda ng mga estudyante, mula pa rin sa lesson 6:
Hatiin ang klase sa maliliit na grupo, at sabihin sa kanila na ibahagi at ipaliwanag ang mga talata sa Aklat ni Mormon na nakatulong sa kanila na mas mapalapit sa Diyos. (Maaaring sumangguni ang mga estudyante na nag-aral ng materyal sa paghahanda sa isinulat nila sa dulo ng bahagi 4.) Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na talakayin sa kanilang grupo kung paano nakakatulong sa kanila ang pagsunod sa mga turo na nakatala sa mga scripture passage na pinili nila na maging higit na katulad ni Jesucristo.
Habang binabasa mo ang mga lesson sa manwal na ito, pansinin kung paano ginagamit nang regular sa materyal ng titser ang paghahanda ng mga estudyante. Ang patuloy na paggamit sa paghahanda ng mga estudyante ay tutulong sa kanila na madama ang kahalagahan ng paghahanda para sa bawat klase.
Makikita rin sa materyal ng titser ang mga pangunahing alituntunin ng pagtuturo at pag-aaral ng ebanghelyo (tingnan sa Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo, 10, 24–31, 38–41). Kabilang dito ang pagtulong sa mga estudyante na matukoy, maunawaan, at madama ang katotohanan at kahalagahan ng doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo, gayon din ang pag-anyaya sa kanila na magpaliwanag, magbahagi, at magpatotoo.
Paano ko magagawang pagtuunan ang mga estudyante at tulungan sila na magkaroon ng makabuluhang karanasan sa kursong ito?
Mapagpapala mo ang iyong mga estudyante sa pamamagitan ng pagtitiwala at paghihikayat sa kanila na gampanan ang kanilang tungkulin bilang mga estudyante sa labas at loob ng silid-aralan. Ilan sa mga paraan na magagawa mo ito ay sa pamamagitan ng paggamit sa paghahanda ng mga estudyante, pag-anyaya sa kanila na magtanong tungkol materyal sa paghahanda o paksa ng lesson, pagbibigay sa kanila ng mga pagkakataong ipaliwanag ang doktrina at mga alituntunin gamit ang sarili nilang mga salita at magbahagi ng mga kaugnay na karanasan at patotoo, at pag-anyaya sa kanila na ipamuhay nang mas lubos ang mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo.
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Maaari tayong maging mas mahuhusay na guro kaysa dati. Sa paggawa ng mahirap na gawaing iyan, … tandaaan na ang estudyante ay hindi isang lalagyan na pupunuin; ang estudyante ay isang apoy na pagniningasin. (Jeffrey R. Holland, “Mga Anghel at Panggigilalas” [Church Educational System Training Broadcast, Hunyo 12, 2019], ChurchofJesusChrist.org/broadcasts/article/article/2019/06/14holland)
Ang balangkas ng lesson na iminungkahi sa materyal ng titser ay dapat makatulong sa iyo na makapaglaan ng sapat na oras sa klase para makilala at masunod ng mga estudyante ang mga espirituwal na pahiwatig. Ang mga materyal ay dapat makatulong din sa iyo na anyayahan ang mga estudyante na ipamuhay kung ano ang natutuhan nila at maging higit na katulad ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo. Pag-isipan ang halimbawang ito mula sa lesson 19, “Pagtubos sa mga Patay”:
Ang kursong ito ay nilayon na ituro sa isang buong semestre at mayroong 28 lesson para sa bawat 50-minutong sesyon ng klase. Kung ang iyong klase ay nagkikita lamang nang isang beses kada linggo sa loob ng 90 hanggang 100 minuto, dalawang lesson ang ituro mo sa bawat sesyon ng klase. Sa halip na alalahanin kung paano ituturo ang lahat ng nakasaad sa materyal ng titser, pagtuunan na lamang ang pagtulong sa mga estudyante na palalimin ang kanilang pag-unawa sa doktrina o mga alituntunin na may matinding kaugnayan sa kanila at ang pagtulong sa kanila na ipamuhay nang mas lubos ang mga katotohanang iyon.
Paano ako epektibong maghahanda na magturo?
Tutulungan ka ng Ama sa Langit habang naghahanda ka at tinuturuan mo ang Kanyang mga anak. Ang iyong mga pagsisikap na masigasig na ipamuhay ang ebanghelyo ay tutulong sa iyo na maging karapat-dapat sa Espiritu sa iyong paghahanda na magturo.
Habang naghahanda ka, mag-isip ng mga paraan na maaari mong maiakma ang materyal ng titser para matugunan ang mga pangangailangan at kalagayan ng iyong mga estudyante. Sundin ang payong ito mula kay Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan tungkol sa mga pag-aakma:
Madalas kong marinig na ituro ni Pangulong [Boyd K.] Packer na maging pamilyar muna tayo sa mga materyal ng lesson, at saka natin ito ituro. Kung napag-aralan na natin nang lubos ang lesson at pamilyar na tayo rito, masusunod na natin ang Espiritu sa pagtuturo nito. Pero natutukso tayo, kapag pinag-uusapan natin ang tungkol sa flexibility na ito, na magsimulang magturo sa halip na ipamilyar at pag-aralan nang husto ang lesson. Dapat ay balanse. Ito ay hamon na makakaharap natin tuwina. Ngunit ang pag-aaral nang husto at pagiging pamilyar sa lesson bago magturo ay mabuting paraan para makatiyak kayo na ang itinuturo ninyo ay nakabatay sa totoong doktrina. (Dallin H. Oaks, “A Panel Discussion with Elder Dallin H. Oaks” [Seminaries and Institutes of Religion satellite broadcast, Ago. 7, 2012], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)
Maaaring makatulong na itanong sa iyong sarili ang mga sumusunod bilang bahagi ng iyong paghahanda na magturo:
-
Nanalangin ba ako para matanggap ang patnubay ng Espiritu Santo?
-
Pinag-aralan ko ba ang materyal sa paghahanda?
-
Nadarama ko bang handa na akong ituro ang materyal ng titser? May mga bagay ba akong dapat iakma para matugunan ang mga pangangailangan ng aking mga estudyante?
-
Paano kami epektibong matututo mula sa mga banal na kasulatan sa klase?
-
Paano ko matutulungan ang mga estudyante na magtuon sa Tagapagligtas at matuto mula sa Espiritu Santo sa lesson na ito?
-
Paano ko pinakaepektibong matutulungan ang aking mga estudyante na matuto, makaunawa, at mapalakas ang kanilang patotoo tungkol sa mga alituntuning nauukol sa mga aspetong ito ng ebanghelyo?
-
Ano ang magagawa ko para maiugnay nang makabuluhan kung ano ang natutuhan ng mga estudyante mula sa kanilang paghahanda para sa klase at mula sa kanilang karanasan sa buhay?
-
Paano ko matutulungan ang bawat isa sa aking mga estudyante na makibahagi nang lubos sa lesson?
-
Paano ko maiiba-iba ang mga aktibidad at paraan ng pagkatuto na ginagamit ko sa bawat klase?
-
Paano namin magagawang kaaya-aya ang aming silid-aralan para maanyayahan ang Espiritu at mabigyan ang mga estudyante ng pribilehiyo at responsibilidad na magturo at matuto sa isa’t isa? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:78, 122.)
Paano ko iaakma ang mga lesson para sa mga estudyanteng may kapansanan?
Habang naghahanda kang magturo, isipin ang mga estudyanteng may mga partikular na pangangailangan. Iakma ang mga aktibidad at inaasahan para maisali sila at matulungan silang matuto (tingnan ang pahina ng Disability Resources sa disabilities.ChurchofJesusChrist.org).
Ano ang inaasahan sa mga estudyante para makatanggap ng credit?
Upang makatanggap ng credit na kailangan para makapagtapos sa institute, dapat magawa ng mga estudyante ang sumusunod:
-
Pag-aralan ang materyal sa paghahanda para sa humigit-kumulang 75 porsiyento ng mga lesson.
-
Daluhan ang 75 porsiyento ng mga klaseng idinaos.
-
Kumpletuhin ang isa sa tatlong karanasan sa pagkatuto: magsulat sa study journal, magsagot ng tatlong tanong sa pamamagitan ng paggawa ng sanaysay, o magplano at magsagawa ng sariling proyekto sa pagkatuto na may kaugnayan sa nilalaman ng kurso (ayon sa pahintulot ng titser). Hanapin ang iba pang mga detalye rito: ChurchofJesusChrist.org/si/institute/learning-experiences.
Kung isinulat ng mga estudyante ang mga sagot sa lahat ng tanong at aktibidad sa materyal sa paghahanda, matutugunan na rin nito ang kailangang karanasan sa pagkatuto. Hindi kailangang isumite ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa iyo. Sa pagtatapos ng semestre, kailangan lang nilang ipakita sa iyo kung ano ang nagawa nila.