“Lesson 25 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Paghalili sa Panguluhan at ang Paglalakbay Pakanluran,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 25 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 25 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Paghalili sa Panguluhan at ang Paglalakbay Pakanluran
Matapos ibalita ang pagkamatay nina Joseph at Hyrum Smith, ipinalagay ng isang artikulo sa pahayagan, “Ito na ang katapusan ng Mormonismo” (Weekly Herald, Hulyo 13, 1844, 220). Sa pagkamatay ni Propetang Joseph, naniwala ang maraming hindi miyembrong nagmamasid na babagsak ang Simbahan. At tinanong ng mga miyembro ng Simbahan kung sino ang mamumuno sa kanila. Sa pag-aaral mo ng materyal para sa lesson na ito, alamin kung paano patuloy na pinapatnubayan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan matapos ang pagkamatay ng propeta.
Bahagi 1
Sino ang mamumuno sa Simbahan ng Panginoon kapag namatay ang propeta?
Gawin ang sumusunod para sa bahaging ito:
-
Pag-aralan ang sumusunod na materyal, at pagkatapos ay kumpletuhin ang aktibidad sa pagninilay.
Nakadama ng kalungkutan ang mga Banal sa Nauvoo matapos ang pagkamatay nina Joseph at Hyrum Smith. Sa panahong ito ng kaguluhan, iginiit ng ilang tao na sila ang may karapatang mamuno sa Simbahan. Isa sa mga taong ito si Sidney Rigdon.
Sa panahon ng pagkamatay ni Joseph, si Brigham Young at ang iba pang mga Apostol ay naglilingkod sa mga misyon sa silangang Estados Unidos. Noong Hulyo 16, 1844 lamang nakatanggap si Brigham ng isang sulat na naglalarawan sa pagpaslang kina Joseph at Hyrum Smith.
Nang mabasa niya ang sulat, pakiramdam ni Brigham ay parang mabibiyak ang kanyang ulo. Kailanman ay hindi pa siya nakadama ng gayong kawalang pag-asa.
Ang isipan niya ay agad na bumaling sa priesthood. Hawak ni Joseph ang lahat ng susi na kailangan upang bigyan ng endowment ang mga Banal at ibuklod sila sa walang hanggan. Kung wala ang mga susing yaon, ang gawain ng Panginoon ay hindi susulong. Sa isang sandali, natakot si Brigham na dinala ni Joseph ang mga ito sa libingan.
Pagkatapos, sa isang bugso ng paghahayag, nagunita ni Brigham kung paano ipinagkaloob ni Joseph ang mga susi sa Labindalawang Apostol. Inilalagay ang kanyang kamay sa kanyang tuhod, sinabi niya, “Ang mga susi ng kaharian ay nandito sa simbahan.” (Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 636–37)
Noong Agosto 7, 1844, ang Labindalawa at ang iba pang mga lider ng Simbahan ay nagtipon sa isang pulong. Sa pulong na ito, iginiit ni Sidney Rigdon, na hindi nasiyahan sa mga taong namumuno sa Simbahan at hindi sila gustong suportahan, na dahil siya ang tinawag at inorden noon ni Joseph Smith bilang tagapagsalita (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 100: 9), responsibilidad niya na “tiyakin na napapamahalaan ang simbahan sa wastong kaayusan” (sa History, 1838–1856 [Manuscript History of the Church], volume F-1, 295, josephsmithpapers.org).
Matapos makapagsalita si Sidney Rigdon, ipinahayag ni Brigham Young:
Iginawad ni Joseph sa [mga ulunan ng Labindalawa] ang lahat ng susi at kapangyarihang nakapaloob sa pagiging Apostol na tinaglay niya mismo bago siya pumanaw. (Brigham Young, sa History, 1838–1856, volume F-1, 296, josephsmithpapers.org)
Kinabukasan, nagtipon ang mga Banal sa Nauvoo para pakinggan si Sidney Rigdon sa kanyang argumento na siya ang dapat mamuno sa kanila. Pagkatapos ng kanyang talumpati, nagbigay ng maikling pahayag si Brigham, iminumungkahi na ang Korum ng Labindalawa, na siyang mayhawak ng lahat ng susi ng priesthood na ipinanumbalik kay Propetang Joseph Smith, ang mamuno sa Simbahan pansamantala.
Habang nakikinig si Emily [Hoyt] kay Brigham na magsalita, napansin niya ang sarili na tumitingin dito upang matiyak na hindi si Joseph ang nagsasalita. Taglay niya ang pananalita ni Joseph, ang paraan nito ng pangangatwiran, at maging ang tunog ng boses nito. …
Makalipas ang pitong taon, itinala ni Emily ang kanyang karanasan sa panonood kay Brigham na magsalita sa mga Banal, nagpapatotoo kung gaano siya naging kahawig sa hitsura at katulad ng tinig ni Joseph sa pulpito. Sa mga taon na darating, dose-dosenang mga Banal ang magdaragdag ng kanilang patotoo sa kanyang patotoo, inilalarawan kung paano nila nakitang napunta ang balabal ng propetang Joseph kay Brigham noong araw na iyon. (Mga Banal, 1:644-645)
Isinulat ni Wilford Woodruff, “Kung hindi ko mismo nakita [si Brigham] gamit ang sarili kong mga mata, walang makakapagkumbinsi sa akin na hindi iyon si Joseph Smith” (sa History of the Church, 7:236).
Sa tulong ng pahayag ni Brigham Young tungkol sa pagkakaloob ni Joseph ng mga susi at kapangyarihan ng pagkaapostol sa Labindalawa at ng pagpapatibay ng Espiritu Santo, naunawaan ng mga Banal ang kalooban ng Panginoon at sinang-ayunan nila ang Korum ng Labindalawang Apostol bilang mga lider ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo.
Bahagi 2
Paano tayo maaaring patnubayan ng Panginoon kapag tila walang katiyakan ang hinaharap?
Noong Enero 1846, sa gitna ng lumalalang pang-uusig laban sa mga Banal, tinapos ng Labindalawang Apostol ang mga plano na lisanin ang Nauvoo at pumunta sa kanluran. Noong 1842, ipinropesiya ni Joseph Smith “na ang mga Banal ay patuloy na daranas ng maraming hirap at itataboy papuntang Rocky Mountains … [at magtatayo] ng mga paninirahan at mga lungsod at … [magiging] maimpluwensyang tao … sa gitna ng Rocky Mountains” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 606).
Habang naghahanda ang mga Banal na lisanin ang Nauvoo, nagsisikap din sila para matapos ang Nauvoo Temple. Noong malapit nang matapos ang templo, dumagsa ang libu-libong Banal sa templo buong araw at gabi upang matanggap ang mga ordenansa ng endowment at pagbubuklod. Napansin ni Sister Sarah Rich:
Kung hindi sa pananampalataya at kaalamang ipinagkaloob sa amin ng inspirasyon at tulong ng Espiritu ng Panginoon sa templong iyon, ang paglalakbay namin marahil ay parang paghakbang ng isang tao sa kadiliman. … Ngunit sumampalataya kami sa ating Ama sa Langit, at nagtiwala sa Kanya na nadaramang kami ay Kanyang piling mga tao. (Sarah Rich, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society [2011], 36)
Nagsalita si Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa mga Banal na nasa Nauvoo noong panahong iyon:
Ang kanilang mga tipan sa Panginoon sa Nauvoo Temple ay naging proteksyon sa kanila sa paglalakbay nila pakanluran, gaya rin sa bawat isa sa atin ngayon at habang tayo ay nabubuhay. (Robert D. Hales, “Mga Pagpapala ng Templo,” Liahona, Peb. 2014, 54)
Habang tumitindi ang pang-uusig, tinapos ng mga Banal ang kanilang mga plano at nagsimulang maglakbay ang unang malaking pangkat ng mga Banal patawid sa Iowa noong Pebrero 1846. Nakaranas sila ng matinding lamig, kakulangan sa panustos, at kaguluhan. Nagdala ang tagsibol ng patuloy na pag-ulan, mataas na tubig sa mga sapa, at putik na naglimita sa paglalakbay ng mga Banal sa 300 milya (483 kilometro) lamang sa loob ng 131 araw. Dahil sa mga pagkaantala na ito at pagkaubos ng panustos, pansamantalang ipinahinto ni Brigham Young ang paglalakbay at nagtatag ng isang himpilan na tinawag na Winter Quarters. Pagsapit ng taglagas, ang populasyon sa Winter Quarters ay umabot na sa mahigit 7,000 katao.
Marami ang nagkasakit dahil sa malnutrisyon at pagkalantad sa matinding klima, at sinubok ang pananampalataya ng ilan. Dahil sa mahihirap na kalagayang ito, ang taglamig ng 1846–47 ang isa sa pinakamahihirap na panahon sa buhay ni Brigham Young. Naramdaman niya na “para siyang isang ama na napapalibutan ng maraming anak” at ginunita niya kalaunan na parang “dalawampu’t limang tonelada ang bigat” ng mga responsibilidad na nakaatang sa kanya (“This Shall Be Our Covenant,” Revelations in Context [2016], 307–8; tingnan din sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay Na Di Pinaging Banal, 1846–1893 [2020], 49–54, 57–63).
Nadarama ang bigat ng responsibilidad na ito, nagsumamo si Brigham Young sa Panginoon na patnubayan siya at natanggap niya ang paghahayag kung saan nakasaad ang “Salita at Kalooban ng Panginoon hinggil sa Kampo ng Israel sa kanilang paglalakbay patungong Kanluran” (Doktrina at mga Tipan 136:1). Habang pinag-aaralan mo ang mga sumusunod na bahagi ng paghahayag na ito, maaari mong markahan ang mga tagubilin at pangako ng Panginoon sa mga Banal.
Si Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ay nagbahagi ng mahalagang kabatiran tungkol sa tiyempo ng pagbibigay ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 136. Sabi niya:
Mahalaga sa anumang pagsisikap na tumanggap ng paghahayag ang pangako na gagawin natin sa abot ng ating makakaya ang lahat sa sarili nating sikap at pagpapasiya. Ibig sabihin kailangan nating maglingkod at gumawa.
Ang pagsulong sa ating paglilingkod at paggawa ay mahalagang paraan para maging karapat-dapat sa paghahayag. Sa aking pag-aaral ng mga banal na kasulatan napansin ko na karamihan sa paghahayag sa mga anak ng Diyos ay dumarating kapag sila ay kumilos, hindi habang sila ay nagpapahinga sa kanilang tirahan at naghihintay na sabihin sa kanila ng Panginoon ang unang hakbang na gagawin.
Halimbawa, mahalagang pansinin na ang paghahayag na kilala bilang “ang Salita at Kalooban ng Panginoon hinggil sa Kampo ng Israel” (D at T 136:1) ay hindi ibinigay sa Nauvoo habang ipinaplano ng Korum ng Labindalawa ang exodo mula sa Nauvoo; … ni hindi ito ibinigay sa pampang sa kanluran ng Mississippi River. … Ang paghahayag na gagabay sa pagtawid ng mga Banal sa kapatagan ay ibinigay noong Enero 14, 1847, nang makaisang-katlo na ng daan ang natahak ng mga Banal patungo sa mga lambak ng kabundukan. (Dallin H. Oaks, “Sa Kanyang Sariling Panahon, sa Kanyang Sariling Paraan,” Liahona, Ago, 2013, 24, 26)
Isipin sandali kung paano magagamit ang kabatirang ito mula kay Pangulong Oaks sa sarili mong mga tanong at pasiya na makakaapekto sa iyong hinaharap.
Noong mga unang araw ng Abril 1847, umalis si Brigham Young sa Winter Quarters kasama ang unang pangkat ng mga Banal. Sila ay naglakbay nang 1,031 milya (1,660 kilometro) sa loob ng apat na buwan at nakarating sa Lambak ng Salt Lake noong Hulyo 24, 1847. Itinala ni Wilford Woodruff na nang makita ni Brigham Young ang lambak, “natuon ang kanyang kaisipan sa pangitain nang ilang minuto. … Nang matapos na ang pangitain, sinabi niya, ‘Sapat na ito. Ito ang tamang lugar. Magpatuloy ka’” (sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff [2005], 160–61). Pagsapit ng Oktubre, mga 1,700 Banal na ang nakalipat sa Utah. Gayunman, halos 10,000 iba pa ang naninirahan pa rin sa tabi ng Ilog Missouri sa Iowa at Nebraska at maglalakbay pakanluran sa susunod na limang taon (tingnan sa “Sustaining a New First Presidency in 1847,” ChurchofJesusChrist.org).
Sa loob ng mahigit tatlong taon, pinamunuan ng Labindalawang Apostol ang Simbahan sa pagkawala ng Unang Panguluhan. Noong Disyembre 1847, nagpulong ang mga Apostol sa Council Bluffs, Iowa, kung saan naninirahan pa rin ang marami sa mga Banal. Nagtipon sila sa isang tahanang yari sa troso para talakayin ang muling pag-oorganisa ng Unang Panguluhan. “Isang dakilang pagpapatunay ng Banal na Espiritu ang ibinuhos sa mga naroon,” at nagkakaisang sinang-ayunan ng Labindalawa si Brigham Young, ang senior na Apostol, bilang Pangulo ng Simbahan (Autobiography of Bathsheba W. Smith, 12, Church History Library, Salt Lake City; inayon sa pamantayan ang pagbabaybay; tingnan din sa Mga Banal, 2:105–107, 111–115).