“Lesson 23 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Misyon ni Joseph Smith Bilang Propeta at ang Kanyang Pagkamartir,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 23 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 23 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Ang Misyon ni Joseph Smith Bilang Propeta at ang Kanyang Pagkamartir
Mag-isip ng mga tao sa mga banal na kasulatan na handang isakripisyo ang kanilang buhay para magawa ang kalooban ng Panginoon. Ano ang itinuturo sa iyo ng mga sakripisyong iyon tungkol sa patotoo at pananalig ng mga taong ito? Sa pag-aaral mo ng misyon at pagkamartir ni Propetang Joseph Smith, isipin kung paano nakaapekto sa iyong buhay ang kanyang mga ginawa at pamana.
Bahagi 1
Anong mga pangyayari ang humantong sa pagkabilanggo ni Propetang Joseph Smith sa Carthage Jail?
“Sina Joseph at Hyrum ay patay na. Si [John] Taylor ay nasugatan. … Mabuti naman ang lagay ko.” Ang mga salitang ito ay bahagi ng mensahe na ipinadala ni Willard Richards kay Emma Smith at sa iba pang mga Banal sa Nauvoo ilang oras lamang matapos ang brutal na pagpaslang kina Joseph at Hyrum Smith sa Carthage Jail noong gabi ng Hunyo 27, 1844 (Willard Richards letter, Carthage Jail, June 27, 1844, Church History Library, Salt Lake City). Isipin ang maaaring naisip at nadama ni Emma at ng mga Banal habang binabasa nila ang mga salitang ito.
Ang lumalaking impluwensya ng mga Banal sa pulitika at ekonomiya ay itinuring na banta ng mga kalapit na komunidad. Pagsapit ng tag-init noong 1844, lalo pang tumindi ang oposisyon laban kay Joseph Smith at sa Simbahan. Nagsabwatan ang ilan na umalis sa Simbahan para udyukan ang publiko na magkaroon ng opinyon na laban sa Propeta. Nag-usap ang ilang mamamayan sa Illinois na pwersahang paalisin ang mga Banal mula sa estado, habang ang iba naman ay nagplanong patayin ang propeta.
Noong Hunyo 10, 1844, si Joseph Smith, na mayor ng Nauvoo, at ang konseho ng lungsod ng Nauvoo ay nag-utos na wasakin ang Nauvoo Expositor at ang palimbagan nito. Ang Nauvoo Expositor ay isang pahayagang laban sa mga Mormon na bumatikos sa Propeta at sa iba pang mga Banal at umapelang baguhin ang Nauvoo Charter. Nangamba ang mga opisyal ng lungsod na baka maging dahilan ang lathalaing ito para kumilos ang mga mandurumog. Dahil sa ginawang pagkilos ng mayor at konseho ng lungsod, inakusahan nang walang basehan ng pulisya ng Illinois ang Propeta, ang kanyang kapatid na si Hyrum, at iba pang mga opisyal ng lungsod ng Nauvoo ng panggugulo. Iniutos ni Thomas Ford, gobernador ng Illinois, na humarap sa korte sa Carthage, Illinois, na kabisera ng [county], ang mga kalalakihang ito at pinangakuang poproteksyunan sila. Alam ni Joseph na kung pupunta siya sa Carthage, malalagay sa matinding panganib ang buhay niya mula sa nagbabantang mga mandurumog. …
… Noong Hunyo 24, nagpaalam sina Joseph at Hyrum Smith sa kanilang pamilya at kasama ang iba pang mga opisyal ng lungsod ng Nauvoo ay nagpunta sila sa Carthage. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 617–19)
Kumpletuhin ang sumusunod na aktibidad:
-
-
Pag-aralan ang iba pang talata sa bahagi 1.
Habang naglalakbay ang Propeta kasama ang iba pa patungo sa Carthage, nagpropesiya siya tungkol sa kanyang pagkamartir.
Sina Joseph at Hyrum ay “kusang sumuko sa mga opisyal ng bayan sa Carthage kinabukasan. Matapos mapakawalan sa pamamagitan ng piyansa ang magkapatid, pinaratangan sila ng rebelyon laban sa estado ng Illinois, hinuli, at ikinulong sa Carthage Jail habang naghihintay ng paglilitis. Kusa silang sinamahan nina Elder John Taylor at Willard Richards, tanging mga miyembro ng Labindalawa na hindi naglilingkod noon sa misyon” (Mga Turo: Joseph Smith, 619).
Bahagi 2
Ano ang nangyari sa Carthage Jail?
Kumpletuhin ang sumusunod na aktibidad:
-
-
Basahin ang sumusunod na salaysay mula sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw:
Mabagal na lumipas ang oras sa piitan ng Carthage noong hapong iyon. Sa init ng tag-araw, hindi sinuot ng mga lalaki ang kanilang mga [amerikana] at binuksan ang mga bintana upang papasukin ang hangin. Sa labas, walong kalalakihan … ang nagbabantay sa bilangguan habang ang natitirang bahagi ng milisya ay nagkampo sa di-kalayuan. Isa pang bantay ang naupo sa kabilang banda lamang ng pintuan.
Sina Stephen Markham, Dan Jones, at iba pa ay lumakad para gawin ang mga iniutos ni Joseph. Sa mga lalaking nanatili doon noong nakaraang gabi, tanging sina Willard Richards at John Taylor ang kasama pa rin nina Joseph at Hyrum. [Maaga nang araw na iyon], ipinuslit ng mga bisita ang dalawang baril sa mga bilanggo—isang rebolber na maipuputok nang anim na beses bago magkarga muli ng bala at isang pistola na isang bala lang ang maikakarga—kung sakaling may pagsalakay. Nag-iwan din si Stephen ng isang matibay na tungkod na tinawag niyang “masamang panghampas.”
Upang maibsan ang kalooban at palipasin ang oras, umawit si John ng himno na British. …
Ilang minuto ang nakalipas [matapos awitin ni John Taylor ang himno sa ikalawang pagkakataon,] nakarinig ang mga bilanggo ng kaluskos sa pinto at tunog ng tatlo o apat na putok ng baril. Sumulyap si Willard sa bukas na bintana at nakita niya ang isang daang lalaki sa ibaba, pinaitim ng putik at pulbura ang kanilang mga mukha, sinasalakay ang pasukan ng bilangguan. Kinuha ni Joseph ang isa sa mga pistola habang [kinuha naman ni Hyrum] ang isa pa. … Lahat ng apat na lalaki ay dumikit sa pintuan habang sumusugod ang mga mandurumog paakyat ng hagdan at puwersahang pumapasok.
Narinig ang pagputok ng baril sa hagdanan habang binabaril ng mga mandurumog ang pintuan. … Isang bala ang tumagos sa kahoy. Tinamaan si Hyrum sa mukha at napaikot siya, sumusuray palayo sa pinto. Isa pang bala ang tumama sa kanya sa babang likuran niya. …
“Kapatid na Hyrum!” sigaw ni Joseph. Hinagilap ang kanyang baril na nalalagyan ng anim na bala, binuksan niya ang pintuan at minsang nagpaputok. Mas maraming bala ang lumipad patungo sa silid, at bara-barang nagpaputok si Joseph sa mga mandurumog habang gumamit si John [Taylor] ng baston upang hampasin pababa ang mga ipinasok na mga baril at bayoneta sa pintuan.
Matapos ang hindi maayos na pagputok ng baril ni Joseph nang dalawa o tatlong beses, tumakbo si John sa bintana at sinubukang akyatin ang malalim na pasimano. Lumipad sa loob ng silid ang isang bala at tinamaan siya sa binti [kaya nawalan siya ng] balanse. Namanhid ang kanyang katawan at pabagsak [siyang] tumama sa pasimano, na sumira sa kanyang [pocket watch kaya nahinto ito sa oras na] labing-anim na minuto makalipas ang alas-singko.
“Tinamaan ako!” sigaw niya.
[Gumapang si] John sa sahig at gumulong sa ilalim ng kama habang muling nagpaputok nang paulit-ulit ang mga mandurumog. Isang bala ang tumama sa kanyang balakang, [na pumunit sa] isang tipak ng laman. Dalawa pang mga bala ang tumama sa kanyang pulso at sa buto sa itaas ng kanyang tuhod.
Sa kabilang panig ng silid, pinilit nina Joseph at Willard na isandal ang lahat ng kanilang bigat sa pintuan habang hinahawan ni Willard ang mga maskit at bayoneta sa harap niya. Bigla na lang, inihagis ni Joseph ang kanyang rebolber sa sahig at tumakbo patungo sa bintana. Habang naka[sampa] siya sa pasimano, dalawang bala ang tumama sa kanyang likod. Isa pang bala ang tumama sa bintana at tinamaan siya sa ilalim ng kanyang puso.
“O, Panginoon kong Diyos,” sigaw niya. Sumuray paharap ang kanyang katawan at nalaglag [siya] mula sa bintana na una ang kanyang ulo.
Nagmamadaling [tumakbo si] Willard [sa kabilang panig ng] silid at [idinungaw niya] ang kanyang ulo [sa labas ng bintana] habang [humahaging] ang mga tinggang bala [sa kanya]. Sa ibaba, nakita niya ang mga mandurumog na nagkukumpulan sa duguang katawan ni Joseph. …
Si Joseph Smith, ang propeta at tagakita ng Panginoon, ay pumanaw na. (Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 625–29; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 135:1–2)
Bahagi 3
Paano napagpala ng misyon ni Joseph Smith bilang propeta ang aking buhay?
Sa ilalim ng pamamahala ng Korum ng Labindalawang Apostol, isang nakasulat na pabatid tungkol sa pagkamartir ang inihanda batay sa salaysay ng mga saksi na sina Elder John Taylor at Elder Willard Richards. Ang pagpapabatid na ito ay nakatala na ngayon sa Doktrina at mga Tipan 135.