Institute
Lesson 16 Materyal ng Titser: Ang Kirtland Temple at ang mga Susi ng Priesthood


“Lesson 16 Materyal ng Titser: Ang Kirtland Temple at ang mga Susi ng Priesthood,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)

“Lesson 16 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik

Lesson 16 Materyal ng Titser

Ang Kirtland Temple at ang mga Susi ng Priesthood

Iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng templo sa Kirtland, Ohio, at nangako Siya na pagkakalooban Niya sila ng “kapangyarihan mula sa itaas” (Doktrina at mga Tipan 95:8). Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na mapag-isipan kung paano nila mas lubos na masusunod ang mga utos ng Panginoon na may kaugnayan sa templo. Tutulungan din sila nito na maipaliwanag ang kahalagahan ng mga susi ng priesthood na ipinanumbalik sa Kirtland Temple.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Tinulungan ng Panginoon ang mga Banal na masunod ang Kanyang utos na itayo ang Kirtland Temple.

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang bagay na iniutos ng Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapaglingkod, na gawin ng mga miyembro ng Simbahan na tila mahirap o matindi. Sabihin sa ilang estudyante na magbahagi sa klase ng isang halimbawa.

Magpakita ng isang larawan ng Kirtland Temple. Ipaalala sa mga estudyante na noong Disyembre 1832, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng “isang bahay ng Diyos” sa Kirtland (Doktrina at mga Tipan 88:119).

Kirtland Temple

Ipaliwanag na mahigit limang buwan matapos ibigay ng Panginoon ang kautusan, hindi pa rin nasisimulan ng mga lider at miyembro ng Simbahan ang pagtatayo ng templo. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 95:1–3 bilang isang buong klase, at alamin kung ano ang sinabi ng Panginoon tungkol sa pagpapaliban ng mga Banal sa pagtatayo ng templo.

  • Sa inyong palagay, bakit maaaring itinuring na isang “mabigat na kasalanan” ang hindi pagtatayo ng templo? (talata 3; tingnan din sa talata 6).

  • Sa inyong palagay, paano naging tanda ng pagmamahal ng Panginoon para sa mga Banal ang pagpaparusa sa kanila dahil sa hindi pagtatayo ng templo? (tingnan sa talata 1).

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 95:8, at maghanap ng isang dahilan kung bakit nais ng Panginoon na magtayo ng templo sa Kirtland.

Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng magkaloob ay bigyan ang isang tao ng isang kaloob o regalo. Kasama sa pagkakaloob o endowment na binanggit sa Doktrina at mga Tipan 95 ang mga kaloob na espirituwal na kaalaman at kapangyarihan. Ang seremonya ng endowment sa templo gaya ng ginagawa ngayon ay inihayag lamang noong 1842 sa Nauvoo, Illinois.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 95:11–12.

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa pangako ng Panginoon sa mga Banal sa talata 11? (Gamit ang mga isinagot ng mga estudyante, magsulat sa pisara ng isang alituntunin na tulad ng sumusunod: Kapag sinisikap nating sundin ang mga kautusan ng Panginoon, bibigyan Niya tayo ng kapangyarihan para maisagawa ang Kanyang kalooban.)

  • Bakit kaya nagbigay ng kapanatagan ang pangakong ito ng Panginoon sa mga Banal sa Kirtland? (Tingnan sa pahayag ni Eliza R. Snow sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.) Paano kaya magbibigay ng kapanatagan ang alituntuning ito sa inyong buhay ngayon?

  • Ano ang ilan sa mga sakripisyong ginawa ng mga Banal upang masunod ang kautusan ng Panginoon na itayo ang Kirtland Temple? (Kung kinakailangan, hikayatin ang mga estudyante na rebyuhin ang bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)

  • Paano nagbigay ang Panginoon ng kapangyarihan at tulong sa mga Banal para maitayo ang Kirtland Temple?

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda at pag-isipan ang sumusunod: Paano tumutulong ang mga Banal ngayon sa pagtatayo ng mga templo? Anong uri ng mga sakripisyo ang ginagawa ko na may kaugnayan sa pagsamba sa templo?

  • Sa iyong palagay, bakit madalas na nauugnay ang sakripisyo sa mga pagpapala ng templo?

PAGPAPAHUSAY NG ATING PAGTUTURO AT PAG-AARAL

Bigyan ang mga estudyante ng oras para makapag-isip. Kapag binigyan ang mga estudyante ng oras para pag-isipan ang mga karanasan sa pagsasabuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo, makakatulong ang Espiritu Santo para makaalala sila. Paminsan-minsan, ang paggamit ng paraang ito kasabay ng paghihikayat sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga naisip bago ibahagi ang mga ito ay maaaring humantong sa mga mas makabuluhang sagot at mas matinding pagnanais na magbahagi.

Magbigay ng oras para makapag-isip (at marahil ay makapagsulat) ang mga estudyante tungkol sa (1) mga sakripisyong ginawa nila na may kaugnayan sa templo, (2) mga pagpapalang natanggap na nila sa templo, at (3) kung ano ang magagawa nila para mas masigasig na masunod ang mga kautusan ng Panginoon na may kaugnayan sa templo.

Tinanggap ng Panginoon ang Kirtland Temple, at ipinagkaloob ang mga susi ng priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery.

Paalala: Pag-aaralan ng mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 109, ang panalangin sa paglalaan para sa Kirtland Temple, sa lesson 20.

Ipaliwanag na sa pamamagitan ng mga sakripisyo ng mga Banal at ng tulong ng Panginoon, ang Kirtland Temple ay naitayo at pagkatapos ay inilaan noong Marso 27, 1836. Ang pagkakaloob ng Panginoon ng kapangyarihan ay nangyari dahil sa pagsunod ng mga Banal na magtayo ng templo.

  • Ano ang ilan sa mga espirituwal na pagpapakita na naranasan ng mga Banal sa paglalaan ng Kirtland Temple? (Hikayatin ang mga estudyante na alalahanin ang natutuhan nila sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)

Ipaliwanag na pagkaraan ng isang linggo, nagpakita ang Tagapagligtas at ang iba pang mga sugo ng langit kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa templo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 110.

Ipakita ang sumusunod na larawan:

The Lord Appears in the Kirtland Temple, ni Del Parson

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 110:1–10 kasama ang buong klase, at hanapin ang mga paglalarawan sa Tagapagligtas at ang Kanyang mensahe kina Joseph at Oliver. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung ano ang tila pinakamahalaga para sa kanila. Habang nagbabahagi ang mga estudyante, bigyan sila ng oras para talakayin ang mga tanong na tulad ng mga sumusunod:

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa Panginoon mula sa Kanyang pagpapakita at mga turo sa Kanyang bagong tayong bahay?

  • Ano ang itinuturo ng mga salita at mga pangako ng Panginoon sa mga talata 7–8 tungkol sa kasagraduhan ng Kanyang mga templo?

  • Ano ang magiging epekto ng templo sa Kirtland sa buong mundo? (tingnan sa mga talata 9–10).

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa iba pang mga sugong anghel na nagpakita sa Kirtland Temple. Maaari mong ipakita ang sumusunod na katotohanan: Nagpadala ang Panginoon ng mga sugo ng langit sa Kirtland Temple upang ipagkaloob ang mga susi ng priesthood na kinakailangan para sa gawain ng kaligtasan.

Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag din ang mga susing ipinagkaloob ng mga sugong ito kina Joseph at Oliver. Patingnan sa mga estudyante ang bahagi 2 ng materyal sa paghahanda kung kinakailangan. Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maaari mong isulat ang mga pangalang Moises, Elias, at Elijah kasama ang mga susing ipinagkaloob nila.

  • Paano tayo pinagpapala ngayon dahil sa mga susi ng priesthood na ipinagkaloob sa Kirtland Temple?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Joseph Fielding Smith

Ang Kirtland Temple ay may kakaibang katayuan sa kasaysayan ng pagtatayo ng templo. Ito ay hindi tulad ng iba pang mga templo. Itinayo ito para ipanumbalik ang mga susi ng awtoridad. (Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie [1955], 2:242)

Maaari kang magbahagi ng isang halimbawa tungkol sa isang partikular na paraan na napagpala ang iyong buhay ng mga susing ipinagkaloob sa Kirtland Temple. Magpatotoo na ang mga susi ng priesthood na ipinagkaloob kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery ay hawak at ginagamit ngayon ng bawat miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol sa ilalim ng pamamahala ng Pangulo ng Simbahan.

Para sa Susunod

Ipaliwanag na sa paghahanda para sa susunod na klase, ang mga estudyante ay magkakaroon ng pagkakataon na pag-aralan ang isa sa pinakamahihirap na panahon sa kasaysayan ng Simbahan, kung kailan ang mga Banal ay nakaranas ng mga pagsubok, pag-uusig, at pagkakanulo. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang materyal sa paghahanda at dumating sa klase na handang magbahagi ng mga alituntunin na makakatulong sa kanila na harapin ang oposisyon at paghihirap nang may pananampalataya sa Diyos.