Institute
Lesson 14 Materyal ng Titser: Ang Panginoon ay Naghahayag ng Karagdagang Banal na Kasulatan


“Lesson 14 Materyal ng Titser: Ang Panginoon ay Naghahayag ng Karagdagang Banal na Kasulatan,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)

“Lesson 14 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik

Lesson 14 Materyal ng Titser

Ang Panginoon ay Naghahayag ng Karagdagang Banal na Kasulatan

Tulad noong mga nakaraang dispensasyon, ang Panginoon ay patuloy na naghahayag ng mga karagdagang banal na kasulatan sa pamamagitan ng Kanyang mga buhay na propeta. Ang lesson na ito ay magbibigay sa mga estudyante ng pagkakataon na ibahagi kung paano ipinanunumbalik at pinalilinaw ng banal na kasulatan sa mga huling araw ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Magiging mas handa rin ang mga estudyante na sagutin ang mga tanong na nauugnay sa aklat ni Abraham.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang Panginoon ay naghayag ng karagdagang banal na kasulatan sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.

ang Biblia

Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na mayroon silang kaibigan na seryosong nagtanong, “Bakit mayroon pang ibang mga banal na kasulatan ang inyong simbahan maliban sa Biblia? Akala ko nasa Biblia na ang lahat ng salita ng Diyos.” Sabihin sa mga estudyante na itaas ang kanilang mga kamay kung mayroon nang nagtanong sa kanila ng tulad nito. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung paano nila ito sinagot (o kung paano nila ito sasagutin).

Ipaliwanag na ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng tala na isinulat ni Nephi tungkol sa isang pangitain kung saan nakita niya na lalabas ang mga salita ng Biblia sa mundo. Nakita rin niya na maraming “malinaw” at “mahalaga” (1 Nephi 13:26) na bahagi ng ebanghelyo ng Tagapagligtas ang inalis mula sa Biblia (tingnan sa 1 Nephi 13:24–26).

Basahin ang 1 Nephi 13:38–41 bilang isang buong klase, at alamin kung anong mga talaan ang nakita ni Nephi na matatanggap ng mga tao sa mga huling araw. Maaaring huminto pagkatapos ng bawat talata at hayaang ipaliwanag ng mga estudyante kung anong mga talaan ang tinutukoy ni Nephi. Halimbawa, kasama sa “iba pang mga aklat” na binanggit sa talata 39 ang Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, Mahalagang Perlas, at Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia.

  • Ayon sa mga talata 40 at 41, ano ang mga layunin ng mga karagdagang banal na kasulatang ito na inihayag sa pamamagitan ni Joseph Smith? (Gamit ang mga isinagot ng mga estudyante, tukuyin ang katotohanang tulad ng sumusunod: Sa pamamagitan ni Joseph Smith, naghayag ang Panginoon ng karagdagang banal na kasulatan na nagpapatibay sa katotohanan ng Biblia, nagpapanumbalik ng malilinaw at mahahalagang katotohanan, at tumutulong na mailapit ang mga tao kay Jesucristo.)

Upang makatulong na mapalalim ang pagkaunawa ng mga estudyante sa katotohanang ito, maaari mong gamitin ang ilan sa mga sumusunod na ideya sa pagtuturo para mapangasiwaan ang pagbabahagi at talakayan ng mga estudyante.

Ang Doktrina at mga Tipan

Ipaalala sa mga estudyante na sa isang pulong noong 1831, nagpasiya si Joseph Smith at ang ilang elder na ilathala ang mga paghahayag na natanggap hanggang sa panahong iyon. Sa oras ng pulong, inihayag mismo ng Panginoon ang Kanyang sariling paunang salita sa Book of Commandments (ngayon ay Doktrina at mga Tipan) sa pamamagitan ni Joseph Smith. Ang paunang salita na ito ay ang Doktrina at mga Tipan 1.

Bigyan ng oras ang mga estudyante para marebyu ang Doktrina at mga Tipan 1:17, 21–23, 37 mula sa materyal sa paghahanda. Sabihin sa kanila na alamin kung ano ang itinuro ng Panginoon tungkol sa mga paghahayag (tinukoy bilang “mga kautusan” sa teksto). Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda, hiniling sa mga estudyante na maghanap ng isang scripture passage mula sa Doktrina at mga Tipan na nagpalakas sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Bigyan ng oras ang mga estudyante para maibahagi nila sa isa’t isa ang kanilang mga scripture passage. Maaari mong ipagawa ang aktibidad na ito sa maliliit na grupo o sa buong klase. Maaari din nilang ibahagi sa isa’t isa ang kanilang mga sagot sa sumusunod na tanong:

  • Paanong ang mga scripture passage na ito ay nagpapatibay sa katotohanan ng Biblia, nagpapanumbalik ng malilinaw at mahahalagang katotohahan, o naglalapit sa atin kay Jesucristo?

Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia at ang Mahalagang Perlas

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag ni Joseph Smith tungkol sa Biblia na matatagpuan sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda. Ipaliwanag na sa pamamagitan ng pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia, naipanumbalik ng Panginoon ang marami sa malilinaw at mahahalagang katotohanan na nawala.

Bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa klase, pinag-aralan ng mga estudyante ang mga paliwanag kung ano ang Pagsasalin ni Joseph Smith at ang Mahalagang Perlas. Ipabuod sa ilang estudyante ang nalaman nila tungkol sa bawat aklat.

Kung kinakailangan, ipaalala sa mga estudyante na ang ilang bahagi ng Pagsasalin ni Joseph Smith ay kasama sa Mahalagang Perlas bilang aklat ni Moises at Joseph Smith—Mateo. Matatagpuan ang iba pang mga inspiradong rebisyon sa mga footnote at apendiks ng ilang edisyon ng Biblia, sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, at sa scriptures.ChurchofJesusChrist.org. Maaari mong pabuksan sa mga estudyante ang alinmang sangguniang mayroon sila para matiyak na pamilyar sila kung paano maa-access ang mga banal na kasulatang ito.

Ipakita ang listahan ng mga scripture passage mula sa mga aklat ni Moises at ni Abraham at sa Pagsasalin ni Joseph Smith na matatagpuan sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda. Iparebyu nang mabilis sa mga estudyante ang mga scripture passage na pinili nila mismo o mula sa listahan.

Matapos mo silang bigyan ng oras para magrebyu, sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa kanilang kapartner kung ano ang malilinaw at mahahalagang katotohanan na itinuturo ng mga banal na kasulatang ito o kung paano nito pinapalalim ang kanilang kaalaman tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Maaari mo ring ibahagi sa klase ang iyong patotoo tungkol sa mga banal na kasulatan sa mga huling araw at ang mga epekto nito sa iyong buhay.

Makakakilos tayo nang may pananampalataya habang sinasagot natin ang mga tanong tungkol sa pagsasalin ng aklat ni Abraham.

PAGPAPAHUSAY NG ATING PAGTUTURO AT PAG-AARAL

Pagpapalakas ng pananampalataya habang itinuturo ang kasaysayan ng Simbahan. Kapag itinuturo mo ang kasaysayan ng Simbahan, gawin ito sa paraan na magpapalakas sa pananampalataya ng mga estudyante na ipinanumbalik ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa mundo sa mga huling araw. Tulungan ang mga estudyante na makita kung paano matapat na tinupad ni Joseph Smith ang kanyang misyon bilang propeta ng Panunumbalik. Gumamit ng mga itinalagang source na ibinigay ng Diyos (tulad ng mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta), ng inilaang materyal para sa kurso, at ng iba pang mga mapagkakatiwalaang resource para matulungan ang mga estudyante na makita ang patuloy na pagsulong ng Panunumbalik mula sa isang pananaw ng pananampalataya.

Ipakita ang sumusunod na larawan, at ipaliwanag na ito ay isang bahagi ng mga papyrus ng mga taga-Egipto na dating pagmamay-ari ni Joseph Smith.

mga papyrus ng mga taga-Egipto

Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung ano ang nalalaman nila tungkol sa pagkuha at kasaysayan ng mga papyrus (tingnan sa mga bahagi 3 at 4 ng materyal sa paghahanda).

  • Anong mga tanong ang lumitaw mula sa pag-aaral ng mga natitirang bahagi ng mga papyrus? (Sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang natutuhan nila mula sa bahagi 4 ng materyal sa paghahanda.)

  • Ano ang maibabahagi ninyo sa isang tao na mayroong mga alalahanin tungkol sa pagsasalin ng aklat ni Abraham?

Habang sinasagot ng mga estudyante ang tanong sa itaas, maaari mong gamitin ang isa o higit pa sa mga follow-up na tanong sa ibaba para maipagpatuloy ang talakayan. Bilang bahagi ng talakayan, bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na pag-isipan ang nabasa nila sa materyal sa paghahanda at itanong ang anumang tanong na mayroon sila tungkol sa aklat ni Abraham.

  • Ano ang ginagawa ninyo kapag hindi kayo makahanap ng mga partikular na sagot sa mga tanong tungkol sa ebanghelyo, tulad ng mga tanong tungkol sa aklat ni Abraham?

  • Ano ang ilang katibayan na natuklasan mula nang mailathala ang aklat ni Abraham na sumusuporta sa katotohanan nito? (Tingnan sa “Ang Aklat ni Abraham at ang Sinaunang Daigdig” sa bahagi 4 ng materyal sa paghahanda.)

  • Ano ang maimumungkahi ninyo sa isang tao na pinakamapagkakatiwalaang paraan para malaman ang katotohanan ng aklat ni Abraham? Bakit?

Tapusin ang lesson sa pagbibigay sa mga estudyante ng pagkakataong magbahagi ng kanilang mga paboritong scripture passage mula sa aklat ni Abraham at magpatotoo tungkol sa aklat na iyon at sa iba pang banal na kasulatan ng Panunumbalik.

Para sa Susunod

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang karaniwang iniisip nila tungkol sa kanilang mga sarili. Sabihin sa kanila na pag-isipan din ang maaari nilang maging impluwensya sa buhay na ito at sa walang hanggan. Hikayatin ang mga estudyante na dumating sa susunod na klase na handang talakayin ang mga ipinanumbalik na katotohanan tungkol sa plano ng Diyos para sa kanila at sa kanilang kinabukasan.