Institute
Lesson 21 Materyal ng Titser: Ang Doktrina ng Walang Hanggang Kasal at Pamilya


“Lesson 21 Materyal ng Titser: Ang Doktrina ng Walang Hanggang Kasal at Pamilya,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)

“Lesson 21 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik

Lesson 21 Materyal ng Titser

Ang Doktrina ng Walang Hanggang Kasal at Pamilya

Bilang bahagi ng Panunumbalik, inihayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban hinggil sa walang hanggang kasal at pamilya. Layon ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na maipaliwanag nang mas mabuti ang doktrina ng walang hanggang kasal at pamilya at malaman ang magagawa nila para matanggap ang mga pagpapalang ito.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay may layunin sa plano ng Diyos.

bagong kasal na magkahawak-kamay

Simulan ang klase sa pagtatanong ng sumusunod (ipaalala sa mga estudyante na iwasang magbigay ng mga mapanghusgang pahayag tungkol sa mga tao):

  • Ano ang ilan sa mga kasalukuyang pananaw at pag-uugali tungkol sa kasal na nakikita ninyo sa mundo?

Ipaliwanag na tulad sa ating panahon, may ilang tao sa panahon ni Joseph Smith na iba ang mga pananaw tungkol sa kasal. Sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang natutuhan nila mula sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda tungkol sa mga paniniwala ng Shakers tungkol sa kasal.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 49:15–17. Sabihin sa klase na hanapin ang doktrinang ipinahayag ng Panginoon tungkol sa kasal.

  • Ano ang itinuro ng Panginoon tungkol sa kasal sa mga talatang ito? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang katotohanan, kabilang ang sumusunod: Ang kasal ay inorden ng Diyos. Iniuutos sa mag-asawa na magkaroon ng mga anak. Kapag nagpakasal ang kalalakihan at kababaihan at nagkaroon ng mga anak, tumutulong sila na maisakatuparan ang layunin ng Diyos sa paglikha ng mundo. Maaari mong ipakita o isulat sa pisara ang ilan o lahat ng mga ideyang ito.)

Maaari mong ipaliwanag na ang salitang “tao” sa talata 17 ay tumutukoy sa mga espiritung anak ng Diyos na inihanda Niya para manirahan sa lupa. Ipaliwanag din na ang pariralang “ang kasal ay inorden ng Diyos” sa talata 15 ay nangangahulugan na ang kasal ay iniutos at itinatag ng Diyos. Noong 1995, muling binigyang-diin ng Panginoon sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (ChurchofJesusChrist.org) sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta na “ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inorden ng Diyos.”

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin sandali ang pahayag ni Elder David A. Bednar mula sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda. Sabihin sa klase na alamin ang mga dahilan kung bakit mahalaga ang kasal ng isang lalaki at ng isang babae sa plano ng Ama sa Langit.

  • Paano pinalalim ng mga itinuro ni Elder Bednar ang pagkaunawa ninyo kung bakit mahalaga ang kasal ng isang lalaki at ng isang babae sa plano ng Diyos?

Nalaman ng mga naunang Banal ang tungkol sa mga pagpapala ng walang hanggang kasal.

Kung mayroon kang estudyante na ikinasal sa templo, maaari mong itanong kung ano ang ibig sabihin sa kanya ng makasal nang walang hanggan. Ipaliwanag na bago matapos ang Nauvoo Temple, itinuro ni Joseph ang doktrina ng walang hanggang kasal sa ilang matatapat na miyembro ng Simbahan at ibinuklod sila. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 131:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang itinuro ng Propeta.

  • Anong katotohanan tungkol sa walang hanggang kasal ang natutuhan natin mula sa mga talatang ito? (Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, ipakita ang sumusunod na alituntunin: Upang matamo ang pinakamataas na antas ng kaluwalhatian sa kahariang selestiyal, kailangan tayong pumasok sa bago at walang hanggang tipan ng kasal. Maaari mong ipaliwanag na matatanggap lamang natin ang kadakilaan sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal.)

Bigyang-diin sa mga estudyante na sa Doktrina at mga Tipan 132:19, itinuro pa ng Panginoon na dapat tayong “[sumunod] sa [Kanyang] tipan” upang matanggap ang pagpapala ng kadakilaan.

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng “[sumunod] sa [Kanyang] tipan” na nauugnay sa walang hanggang kasal?

Maaari mong bigyang-diin na hindi sapat ang mabuklod lang sa templo. Dapat maging masigasig ang mag-asawa sa kanilang mga pagsisikap na tuparin ang kanilang mga tipan sa templo at magkaroon ng isang matatag at matibay na pagsasama.

Idagdag ang “at sumunod” sa ipinakitang alituntunin para mabasa nang ganito, “… kailangan tayong pumasok at sumunod sa bago at walang hanggang tipan ng kasal.

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang iba pang mga pagpapala ng walang hanggang kasal. (Sabihin sa mga estudyante na isaisip kung ano ang natutuhan nila mula sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)

  • Alin sa mga pagpapalang ito ang pinakamahalaga sa inyo? Bakit?

PAGPAPAHUSAY NG ATING PAGTUTURO AT PAG-AARAL

Tulungan ang mga estudyante na maghanda para sa klase. Ang mga estudyante na naghahanda nang mag-isa para sa klase ay nananampalataya sa Panginoon at sa Kanyang kapangyarihan na matulungan sila na magkaroon ng mas malalim na karanasan sa pag-aaral. Ipaalala sa mga estudyante na magagawa nila ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral sa pamamagitan ng pag-aaral ng materyal sa paghahanda at pagkumpleto sa mga aktibidad sa pag-aaral. Maaari mong tingnan ang susunod na lesson o mga lesson upang maipabatid sa mga estudyante kung ano ang magagawa nila upang makapaghanda para sa susunod na klase.

Ipaalala sa mga estudyante na sinabi sa kanila sa materyal sa paghahanda na makipag-usap sa isang kakilala nilang mag-asawa na mayroong matibay at mabuting pagsasama. Sila ay hinilingang talakayin kung ano ang ginawa ng mag-asawa para magkaroon ng walang hanggang pagsasama at kung paano pinagyaman ng pagsasama nilang mag-asawa ang kanilang buhay. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang natutuhan mula sa pakikipag-usap nila.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan nang may panalangin kung anong mga katangian, ugali, o gawain ang tutulong sa kanila sa pagsunod o pagtupad sa tipan ng kasal at pagkakaroon ng masaya at mabuting pagsasama. Bigyan ng oras ang mga estudyante para makapagtala at makagawa sila ng plano kung paano kikilos ayon sa mga pahiwatig na natatanggap nila.

Nais ng Diyos na ipagtanggol natin ang doktrina ng kasal at pamilya.

Itanong ang sumusunod:

  • Bakit mahalaga para sa atin na ipagtanggol ang doktrina ng kasal at pamilya? (Maaaring rebyuhin ng mga estudyante ang bahagi 3 ng materyal sa paghahanda para matulungan sila na masagot ang tanong na ito.)

  • Naipagtanggol na ba ninyo ang doktrina ng kasal o pamilya? Kung naipagtanggol na ninyo, ano ang naging karanasan ninyo?

Ipakita sa mga estudyante ang sumusunod na teksto, at sabihin sa kanila na pag-isipan kung nakarinig na sila ng isang bagay na naglalarawan sa sumusunod na saloobin:

“Bakit gusto mo nang magpakasal ngayon? Bata ka pa at marami ka pang panahon. Bakit hindi mo na lang gamitin ang panahong iyan para magsaya at umasenso sa buhay?”

Ipaalala sa mga estudyante na isa sa mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman ay suriin ang mga konsepto at mga tanong nang may walang-hanggang pananaw. Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga estudyante na magamit ang alituntuning ito dahil nauugnay ito sa mga tanong tungkol sa kasal.

Hatiin ang klase sa maliliit na grupo, at sabihin sa kanila na talakayin kung paano nila tutugunin ang isang tao na may ganitong saloobin. Bigyan ang mga estudyante ng kopya ng mga sumusunod na tanong (o ipakita ang mga ito) na makatutulong at gagabay sa kanilang talakayan:

  • Ano kaya ang pananaw ng taong ito na maaaring naglilimita sa kanyang pananaw tungkol sa kahalagahan ng kasal at pamilya?

  • Paano makatutulong ang pagkaunawa sa kasal at pamilya mula sa pananaw ng plano ng kaligtasan ng Diyos sa pagtugon sa pananaw ng taong ito?

  • Anong doktrina, mga banal na kasulatan, o mga turo ng mga propeta ang maaari ninyong maibahagi para matulungan ang taong ito na maunawaan ang kasal at pamilya nang may walang hanggang pananaw?

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang natalakay ng kanilang grupo.

Tapusin ang klase sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga katotohanang tinukoy sa lesson na ito.

Para sa Susunod

Sa pagtatapos mo ng klase, ipaalala sa mga estudyante na ipinahayag din ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith ang doktrina ng pag-aasawa nang higit sa isa. Hikayatin ang mga estudyante na basahing mabuti ang kanilang materyal sa paghahanda para sa lesson 22 at dumating sa klase na handang talakayin kung bakit ginawa ng mga naunang Banal ang pag-aasawa nang higit sa isa.