Institute
Lesson 5 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Paglabas ng Aklat ni Mormon


“Lesson 5 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Paglabas ng Aklat ni Mormon,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)

“Lesson 5 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik

Lesson 5 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Ang Paglabas ng Aklat ni Mormon

Isinasalin nina Joseph at Oliver ang Aklat ni Mormon

Bago itago ni Moroni ang talaan ng mga Nephita, nagpropesiya siya tungkol sa paglabas nito sa mga huling araw: “Walang sinumang magkakaroon ng kapangyarihan na madala iyon sa liwanag maliban kung iyon ay ibinigay sa kanya ng Diyos” (Mormon 8:15). Isipin kung bakit pinili ng Ama sa Langit ang isang bata, isang hindi nakapag-aral na taga-bukid upang isalin at ilathala ang isa sa pinakamakapangyarihang aklat sa ating panahon.

Bahagi 1

Paano inilabas ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos?

Ilang mahimalang pangyayari ang naganap bilang bahagi ng paglabas ng Aklat ni Mormon na nagbigay ng katibayan na ito ay isinalin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos (tingnan sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan 1815–1846 [2018], 23–35, 36–73).

Isang anghel ang nagministeryo kay Joseph Smith at sinabi sa kanya ang tungkol sa sinaunang talaan.

Noong gabi ng Setyembre 21, 1823, nagpakita ang anghel na si Moroni kay Joseph Smith at sinabi sa kanya na ang Diyos ay may gawaing ipagagawa sa kanya (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:33).

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:34–35.

The Angel Moroni Appears to Joseph Smith, ni Tom Lovell

Isinalin ni Joseph Smith ang aklat sa kabila ng pagiging bata at walang gaanong pinag-aralan.

Si Joseph Smith ay 17 taong gulang nang una siyang dalawin ng anghel na si Moroni at nang una niyang makita ang mga laminang ginto. Sa pagitan ng 18 at 21 taong gulang, dinadalaw siya ni Moroni nang isang beses bawat taon at nagbibigay sa kanya ng “tagubilin at kaalaman” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:54). Sa edad na 21 pinahintulutan si Joseph na kunin ang mga lamina upang maisalin ang mga ito. Sa edad na 22 isinalin niya ang isang bahagi ng mga lamina, kasama si Martin Harris bilang tagasulat. (Ang manuskritong ito na binubuo ng 116 na pahina ay nawala at hindi na muling ipinasalin.) Sa edad na 23 natapos na ni Joseph ang pagsasalin sa natitirang bahagi, kasama si Oliver Cowdery at ang iba pa bilang mga tagasulat.

Ipinaliwanag ni Emma smith, na asawa ni Propetang si Joseph Smith: “[Sa panahong iyan] si Joseph Smith … ay hindi makasulat ni makadikta ng malinaw at maayos na mga salita; makadikta pa kaya siya ng isang aklat na gaya ng Aklat ni Mormon. At, bagama’t bahagi ako sa mga naganap na pangyayari, at naroon sa panahong isinasalin ang mga lamina … kahanga-hanga ito sa akin, ‘kagila-gilalas at kamangha-mangha,’ maging sa sinuman. … Ang Aklat ni Mormon ay totoong galing sa Diyos—wala ako ni bahagyang pagdududa tungkol dito. (“Last Testimony of Sister Emma,” The Saints’ Herald, Okt. 1, 1879, 290).

Natapos ni Joseph Smith ang pagsasalin sa maikling panahon na tunay na nakamamangha.

Tinatayang natapos ni Joseph Smith ang pagsasalin sa loob ng “animnapu’t lima o mas kaunti pang araw ng pagtatrabaho,” isinalin ang aklat “na naglalaman ng 531 pahina sa kasalukuyang edisyon nito. Tinatayang iyan ay mga walong pahina bawat araw. Pag-isipan ito kapag nagsalin kayo ng aklat, o kapag nag-iskedyul kayo ng sarili ninyong oras sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon” (Russell M. Nelson, “A Treasured Testament,” Ensign, Hulyo 1993, 61–62).

Nagsalin si Joseph Smith nang walang mga tala o notes at nang walang pagrerepaso ng mga manuskrito.

Si Emma na Tumutulong sa Pagsasalin

Inilarawan ni Emma ang proseso ng pagsasalin sa kanyang anak na si Joseph Smith III, bago ang kanyang pagpanaw noong 1879:

Naniniwala [ako] na itinatag ang Simbahan sa utos ng Diyos. Lubos ang pananampalataya ko rito. …

Walang manuskrito o aklat [si Joseph] na mapagbabasahan [habang nagsasalin siya]. …

Kung mayroon man siyang kahit anong tulad nito, hindi niya ito maitatago mula sa akin. …

Ang mga lamina ay kadalasang nakapatong sa mesa nang walang anumang pagtatangkang itago ang mga ito, nakabalot sa maliit na mantel na lino, na ibinigay ko sa kanya para ipambalot sa mga ito. Kinakapa ko minsan ang mga lamina, kapag nakapatong ang mga ito sa ibabaw ng mesa, kinakapa ang mga gilid at hugis nito. Tila malambot ang mga ito na parang makapal na papel, at may maririnig na tunog ng metal [sic] kapag ginalaw ang mga gilid, gaya sa mga gilid ng isang aklat kapag ginalaw ang mga ito. …

Masaya ako na walang taong makapagdidikta sa mga nakasulat sa mga manuskrito maliban kung siya ay binigyang-inspirasyon; sapagkat, noong ako ang kanyang tagasulat, oras-oras na nagdidikta sa akin ang iyong ama; at pagbalik namin matapos kumain, o pagkatapos maantala, agad siyang nagsisimula kung saan siya tumigil, nang hindi tinitingnan ang manuskrito o ipinapabasa ang anumang bahagi nito. Karaniwan na niya itong ginagawa. Imposible itong magawa ng isang taong may pinag-aralan; at, para sa isang taong napakamangmang at hindi nakapag-aral na tulad niya, imposible talaga. (Emma Smith, sa “Last Testimony of Sister Emma,” The Saints’ Herald, Okt. 1, 1879, 289–90)

Binigyan si Joseph Smith ng mga kasangkapan para matulungan siya sa pagsasalin.

Hindi isinalin ni Joseph ang Aklat ni Mormon sa karaniwang paraan. Hindi niya alam ang orihinal na wika ng mga lamina at isinalin ang wikang iyan sa Ingles. Sa madaling salita, isinalin niya ang teksto sa iba pang wika sa pamamagitan ng paghahayag—sa pamamagitan ng “kaloob at kapangyarihan ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 135:3).

Nagsulat si Joseph at ang kanyang mga tagasulat ng tungkol sa dalawang kasangkapang ginamit sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Ang isang kasangkapan, na tinatawag sa Aklat ni Mormon na “mga pansalin” (Mosiah 8:13), ay mas kilala ngayon sa mga Banal sa mga Huling Araw bilang “Urim at Tummim” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:35). Sinabi ni Oliver na sa pamamagitan ng “pagtingin” sa Urim at Tummim, “nababasa [ni Joseph] sa Ingles, ang mga titik ng binagong wika ng mga taga-Egipto, na nakaukit sa mga lamina” (“Book of Mormon Translation,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org).

Tinukoy sa ilang salaysay na gumamit minsan si Joseph ng isa pang kasangkapan para isalin ang Aklat ni Mormon. Ang kasangkapang ito ay isang maliit na hugis-itlog na bato, na tinawag na bato ng tagakita, na natagpuan ni Joseph ilang taon bago niya makuha ang mga laminang ginto. Ayon sa mga talang ito, ilalagay ni Joseph ang mga pansalin o ang bato ng tagakita sa isang sombrero para maharangan ang liwanag na nagmumula sa labas, para lalo pa niyang makita ang mga salita na lilitaw sa kasangkapan. (Tingnan sa “Book of Mormon Translation,” topics.ChurchofJesusChrist.org; tingnan din sa Richard E. Turley Jr., Robin S. Jensen, at Mark Ashurst-McGee, “Si Joseph na Tagakita,” Liahona, Okt. 2015, 51.)

Mahigit isang taon matapos mailathala ang Aklat ni Mormon, hiniling kay Joseph sa isang pulong na ilahad ang ilang partikular na bagay tungkol sa paglabas ng Aklat ni Mormon. Nakasaad sa katitikan ng pulong na “sinabi [niya] na hindi nilalayon na malaman ng mundo ang lahat ng detalye ng paglabas ng Aklat ni Mormon” at “hindi naaangkop na ibahagi niya ang mga bagay na ito” (“Minutes, Oct. 25–26, 1831,” sa Minute Book 2, 13, josephsmithpapers.org).

Ipinaliwanag ni Elder Neal L. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Nauunawaan natin na marami sa mga nagbasa ng Aklat ni Mormon ang nagnanais na mas malaman kung paano ito lumabas, kabilang na ang aktuwal na proseso ng pagsasalin. … Sapat na ang mga nalalaman natin tungkol sa paglabas ng Aklat ni Mormon, ngunit hindi ito detalyado. …

… Marahil hindi inilahad ang mga detalye ng pagsasalin … dahil ang nararapat na mas pagtuunan natin ay ang nilalaman ng aklat sa halip na ang proseso kung paano natin tinanggap ito. (Neal A. Maxwell, “By the Gift and Power of God,” Ensign, Ene. 1997, 39, 41)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Sa iyong palagay, bakit ang dapat nating mas pagtuunan ay ang “nilalaman ng aklat” kaysa ang “proseso kung paano natin tinanggap ito”?

Bahagi 2

Paano naglaan ng karagdagang katibayan ang mga patotoo ng mga saksi sa Aklat ni Mormon sa katotohanan nito?

si Joseph Smith at ang Tatlong Saksi na nananalangin

Sa panahong isinasalin ang Aklat ni Mormon, nalaman nina Joseph Smith at Oliver Cowdery na ipapakita ng Panginoon ang mga lamina sa tatlong natatanging saksi (tingnan sa Eter 5:2–4). Sina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris ay “nabunsuran ng isang makapukaw na pagnanais na maging tatlong natatanging saksi” (Doktrina at mga Tipan 17, section heading).

Noong Hunyo 1829, ipinakita kina Oliver, David, at Martin ang mga lamina sa kamangha-manghang paraan. Nagpatotoo sila na “isang anghel ng Diyos ang bumaba mula sa langit, at kanyang dinala at inilahad sa harap ng aming mga mata, na aming namasdan at nakita ang mga lamina, at ang mga nakaukit doon” (“Ang Patotoo ng Tatlong Saksi,” Aklat ni Mormon).

Pagkatapos magpakita sa Tatlong Saksi ang anghel, kaagad na bumalik si Joseph sa tahanan ng mga Whitmer at sinabi sa kanyang mga magulang: “Itay, Inay; hindi ninyo alam [kung gaano] ako kasaya ngayon; itinulot ng Panginoon na makita ng tatlo pang tao ang mga lamina bukod pa sa akin—nakakita sila ng anghel, na nagpatotoo sa kanila; at kinakailangan nilang magpatotoo sa katotohanan ng sinabi ko; dahil alam na nila ngayon sa kanilang sarili, na hindi ko tinatangkang linlangin ang mga tao. At nadarama kong gumaan ang aking pasanin, na halos [napakabigat] at hindi ko na makayang pasanin; at napuspos ng galak ang aking puso, na hindi na ako nag-iisa sa mundo.” (“Lucy Mack Smith, History, 1845,” 153–54, josephsmithpapers.org)

Kalaunan, ipinakita ni Joseph ang mga lamina sa walo pang saksi. Ipinahayag nila na “nahawakan ng aming mga kamay [ang mga lamina]; at amin ding nakita ang mga nakaukit doon, … at may katiyakang nalalaman namin na ang nasabing si [Joseph] Smith ang may hawak ng mga laminang aming binanggit” (“Ang Patotoo ng Walong Saksi,” Aklat ni Mormon).

Sa kabila ng mga hindi pagkakaunawaan kay Joseph Smith na humantong sa pag-alis ng Tatlong Saksi sa Simbahan (sina [Oliver] Cowdery at [Martin] Harris ay bumalik kalaunan), patuloy nilang pinanindigan ang kanilang patotoo bilang mga saksi sa buong buhay nila. Pinanindigan din ng bawat isa sa Walong Saksi ang kanilang patotoo na nakita at nahawakan nila ang mga lamina, bagama’t lumayo sa Simbahan kalaunan ang ilan sa kanila. Ang pinagsamang kahalagahan ng marami nilang pahayag, na ibinigay sa loob ng maraming taon at sa kabila ng kanilang pabagu-bagong saloobin tungkol kay Joseph Smith at sa Simbahan, ay isang malakas na patotoo na totoo ang mga pahayag na inilathala nila sa Aklat ni Mormon. (“Witnesses of the Book of Mormon,” Church History Topics, ChurchofJesusChrist.org)

icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Isulat ang iyong mga karanasan na nakatulong sa iyo na malaman na totoo ang Aklat ni Mormon. Bibigyan ka ng pagkakataon, kung gusto mo, na ibahagi ang sarili mong patotoo sa oras ng klase.