“Lesson 27 Materyal ng Titser: Ang Paghahayag tungkol sa Priesthood,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 27 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 27 Materyal ng Titser
Ang Paghahayag tungkol sa Priesthood
Noong Hunyo 1, 1978, si Pangulong Spencer W. Kimball ay nakatanggap ng paghahayag mula sa Panginoon na nag-alis sa mga restriksyon sa mga ordinasyon sa priesthood at mga ordenansa sa templo para sa mga miyembro ng Simbahan na may lahing itim na Aprikano. Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na ipaliwanag ang mga kalagayan at katotohanang may kinalaman sa paghahayag na ito, kumilos nang may pananampalataya kapag naharap sila sa mahihirap na tanong o kalagayan, at magkaroon ng mas malalim na pagkaunawa na pinamumunuan ng Diyos ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag sa Kanyang mga buhay na propeta.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Masasagot natin ang mga tanong tungkol sa mga restriksyon sa priesthood at sa templo mula sa pananaw ng pananampalataya.
Ipakita ang kalakip na larawan ni Brother George Rickford:
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento tungkol sa isang lalaking nagngangalang George Rickford:
Noong 1969, si George Rickford, isang young adult na nakatira sa Leicester, England, ay may nakilalang mga missionary mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Noong una ay tinanggihan ni George ang kanilang mensahe, ngunit kalaunan ay nagsimula siyang makipagkita sa mga missionary. Pagkaraan ng tatlong buwan ng matinding pagsisiyasat, nagising si George isang umaga na may matibay na paniniwalang totoo ang Simbahan.
Gustung-gustong ibahagi ni George ang kanyang bagong natamong patotoo sa mga elder, ngunit bago pa niya ito magawa, ipinabatid na nila sa kanya na hindi siya maaaring pagkalooban ng priesthood kung sasapi siya sa Simbahan dahil sa magkahalong lahi na nananalaytay sa kanya, na kinabibilangan ng mga ninunong may lahing itim na Aprikano.
Nanlumo si George sa balitang ito. Paggunita niya, “Puno ng poot ang naging reaksyon ko. Naging napakaagresibo ko at pagkatapos ng matinding diskusyon, pinalayas ko sila. … Pinagsabihan ko sila nang husto tungkol sa diskriminasyon at rasismo at lahat ng gayong uri ng mga salita.”
Nang makaalis na ang mga missionary, umiyak si George. (Tingnan sa Elizabeth Maki, “I Will Take It In Faith,” history.ChurchofJesusChrist.org.)
Patingnan sa mga estudyante ang bahagi 1 ng materyal sa paghahanda. Itanong sa kanila ang sumusunod, at bigyan sila ng sapat na oras para pag-isipan kung paano sila tutugon:
-
Kung may magtanong sa inyo kung bakit nagkaroon ng mga restriksyon sa priesthood at sa templo, ano kaya ang mahahalagang bagay na nanaisin ninyong talakayin? (Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)
Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang mga tanong na mayroon sila tungkol sa mga restriksyon sa priesthood at sa templo. Hikayatin sila na isaisip ang mga tanong na iyon habang nagkaklase at makinig nang mabuti sa mga talakayan at inspirasyon mula sa Espiritu Santo na maaaring makatulong na masagot ang mga tanong na iyon.
Ipakita ang sumusunod na pahayag, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
Ngayon, tinututulan ng Simbahan ang mga teoriyang ibinigay noon na ang itim na balat ay tanda ng galit o sumpa ng langit, o na ito ay sumasalamin sa masasamang pagpili sa premortal na buhay; na ang pagpapakasal ng magkakaiba ang lahi ay kasalanan; o na ang mga itim o mga tao na may ibang lahi o grupong pang-etniko ay mas mababa kaysa sa sino pa man. Lubos na kinukundena ng mga lider ng Simbahan ngayon ang lahat ng rasismo, noon at ngayon, anuman ang uri nito. (“Race and the Priesthood,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org)
-
Sa inyong palagay, bakit mahalagang iwasan ang mga haka-haka tungkol sa mga ibinigay na dahilan noon kung bakit nagkaroon ng mga restriksyon sa priesthood at sa templo?
Sabihin sa mga estudyante na ilahad kung ano ang alam nila tungkol sa mga pangyayari na humantong sa paghahayag ng Panginoon na nag-alis sa mga restriksyon sa priesthood at sa templo.
Ipaliwanag na ang Opisyal na Pahayag 2 sa Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng opisyal na pahayag tungkol sa paghahayag na natanggap ni Pangulong Spencer W. Kimball at tinanggap at sinang-ayunan ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan at ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol noong Hunyo 1978.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang unang dalawang talata ng Opisyal na Pahayag 2 sa ilalim ng mga salitang “Mga Minamahal na Kapatid.” Sabihin sa kanila na alamin at ibahagi kung ano ang sinabi ng mga lider ng Simbahan na nasaksihan nila.
Pagkatapos, sabihin sa mga estudyante na ilahad ang kuwento tungkol kay Brother Billy Johnson at sa kanyang kongregasyon sa Ghana mula sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.
-
Paano ipinakita ng mga taong ito “ang katapatan ng mga yaong kung kanino ang pagkasaserdote ay ipinagkait”?
Sabihin sa isang estudyante na basahin ang iba pa tungkol sa kuwento ni George Rickford, at sabihin sa klase na pakinggan kung paano pinili ni George na kumilos nang may pananampalataya matapos niyang malaman ang restriksyon sa priesthood:
Isang araw, ikinuwento ni George sa isang malapit na kaibigan ang tungkol sa kanyang mga karanasan sa mga missionary at sinimulan niyang ituro sa kanyang kaibigan ang tungkol kay Propetang Joseph Smith. Paggunita niya, “Nang isalaysay ko ang kuwentong iyon, naging mas masaya ako at may kung anong pumupos sa akin at talagang napasigla ako.”
Pinagtibay ng karanasang iyon ang patotoo ni George, ngunit naroon pa rin ang alalahanin niya tungkol sa restriksyon sa priesthood. Nang manalangin siya para sa mas malalim na pagkaunawa, natanggap niya ang mensaheng ito: “Hindi mo kailangang maunawaan ang lahat ng bagay tungkol sa aking ebanghelyo bago mo ito tanggapin. Bakit hindi mo ipakita ang iyong pananampalataya sa pamamagitan ng pagtanggap sa kung ano ang narinig mo at ipaubaya ang iba sa aking mga kamay?”
Napanatag dahil sa mensaheng natanggap, taimtim na tumugon si George, “Opo, Panginoon, gagawin ko po. Tatanggapin ko po ito nang may pananampalataya. At siya nga po pala, salamat po.” Pagkaraan ng dalawang buwan, si George ay nabinyagan at naging tapat na miyembro ng Simbahan.
Isinulat ni George noong 1975 (tatlong taon bago ang paghahayag tungkol sa priesthood) na tinanggap niya ang restriksyon sa priesthood “nang may pananampalataya at walang anumang pasubali” at ipinahayag niya ang kanyang paniniwala na, anuman ang kalagayan niya noon, makatarungan ang Diyos. “Nagpapasalamat lang talaga ako na narito na muli sa mundo ang priesthood ng Panginoon, kasama ang lahat ng mga pagpapala, awtoridad, at responsibilidad na kalakip nito. Hindi gaanong mahalaga sa akin kung sino ang maytaglay nito o wala dahil ang mas mahalaga ay kung paano ito ginagamit.” (Sa Maki, “I Will Take It in Faith,” history.ChurchofJesusChrist.org)
-
Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni George Rickford na makakatulong sa atin kapag mayroon tayong mga tanong tungkol sa ebanghelyo na hindi pa nasasagot? (Matapos magbahagi ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Kapag mayroon tayong mga tanong na hindi pa nasasagot, maaari tayong sumulong nang may pananampalataya habang nagtitiwala sa liwanag at kaalaman na ibinigay sa atin ng Diyos.)
-
Paano makakatulong ang katotohanan na nakasulat bold letters sa isang taong maaaring nahihirapan sa kanyang pananampalataya dahil sa mga tanong tungkol sa ebanghelyo na hindi pa nasasagot?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang pananampalataya ay hindi humihingi ng sagot sa bawat tanong ngunit naghahangad ng katiyakan at katapangan upang sumulong, at kung minsan ay tinatanggap na, “Hindi ko alam ang lahat, ngunit sapat ang nalalaman ko upang magpatuloy sa landas ng pagkadisipulo.” (Neil L. Andersen, “Ang Pananampalataya ay Hindi Matatamo Kung Wala Munang Pagpiling Gagawin,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 66)
-
Paano nakatulong ang liwanag at kaalaman na ibinigay sa inyo ng Diyos para sumulong nang may pananampalataya noong naharap kayo sa mga tanong na hindi pa nasasagot o mga sitwasyon na walang katiyakan?
-
Paano kaya natin matutulungan ang isang tao na nahihirapang sumulong nang may pananampalataya dahil sa mga tanong na hindi pa nasasagot?
Bigyan ng oras ang mga estudyante para pag-isipan kung paano nila maipamumuhay ang alituntunin ng pagkilos nang may pananampalataya sa kanilang sariling buhay o magagamit ito para tulungan ang isang taong kakilala nila. Sabihin sa mga estudyante na maaari nilang isulat ang kanilang plano sa kanilang journal.
Ang mga pagpapala ng priesthood at ng templo ay ipinagkakaloob na ngayon sa bawat karapat-dapat na miyembro ng Simbahan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pangatlo at pang-apat na talata sa ilalim ng “Mga Minamahal na Kapatid:” sa Opisyal na Pahayag 2, simula sa “Kanyang dininig ang aming mga panalangin.”
-
Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa paraan kung paano pinapatnubayan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Pinapatnubayan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag sa Kanyang mga propeta.)
-
Sa buong buhay ninyo, kailan ninyo nakita na pinapatnubayan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag sa Kanyang mga propeta?
Ipaliwanag na sa kasunod na araw pagkatapos matanggap ang paghahayag tungkol sa priesthood, inordenan si George Rickford bilang isang priest sa Aaronic Priesthood at hindi nagtagal ay natanggap niya ang Melchizedek Priesthood. Noong Oktubre 1978, si George at ang kanyang asawang si June ay nabuklod kasama ang kanilang apat na anak bilang isang walang-hanggang pamilya sa London England Temple (tingnan sa Maki, “I Will Take It in Faith,” history.ChurchofJesusChrist.org).
-
Ano ang naging epekto ng paghahayag sa Simbahan, sa mga miyembro nito, at sa mga tao sa iba’t ibang dako ng mundo?
Ipakita ang sumusunod na pahayag, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay para sa lahat ng tao. Sinasabi sa Aklat ni Mormon, “maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae; … pantay-pantay ang lahat sa Diyos” (2 Nephi 26:33). Ito ang opisyal na turo ng Simbahan. (“Race and the Church: All Are Alike Unto God,” Peb. 29, 2012, newsroom.ChurchofJesusChrist.org)
Tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa mga estudyante na pag-isipan (o praktisin), batay sa natutuhan nila ngayon, kung paano sila maaaring tumugon kung itanong sa kanila kung bakit pansamantang hindi inorden sa priesthood ng Simbahan ang mga kalalakihang may lahing itim na Aprikano. Bigyang-diin na marapat na ipaliwanag sa iba na hindi natin alam kung bakit pinasimulan ang mga restriksyon sa priesthood at sa templo. Gayunman, maaari nating ibahagi at patotohanan ang mga katotohanang alam natin, kabilang na ang mga bagay na tinalakay ngayon.
Para sa Susunod
Ipaliwanag sa mga estudyante na bilang paghahanda para sa susunod na klase, pag-aaralan nila ang itinuro ng mga propeta, noon at ngayon, tungkol sa tadhana ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Hikayatin ang mga estudyante na dumating na handang talakayin ang mga paraan na makakatulong sila sa gawain ng kaligtasan ng Panginoon sa mga huling araw.