“Lesson 9 Materyal ng Titser: Jesucristo: Ating Banal na Manunubos,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 9 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 9 Materyal ng Titser
Jesucristo: Ating Banal na Manunubos
Bilang bahagi ng Panunumbalik, si Joseph Smith at ang mga Banal ay tinuruan nang mas tama tungkol sa pagkatao at misyon ni Jesucristo. Sa lesson na ito, ang mga estudyante ay magkakaroon ng pagkakataon na palalimin ang kanilang pananampalataya sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala at alamin kung paano mas lubos na aanyayahan ang Kanyang kapangyarihan sa kanilang buhay.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Nalaman ni Joseph Smith ang tungkol sa pagkatao ni Jesucristo.
Idispley ang larawan na nagpapakita ng Unang Pangitain. Ipaalala sa mga estudyante na isa sa mga layunin ni Joseph Smith sa pagdarasal sa pagkakataong ito ay itanong sa Diyos kung aling simbahan ang sasapian (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:13–19). Gayunpaman, sa kanyang salaysay tungkol sa pangitain noong 1832, binanggit ni Joseph ang isa pang dahilan kung bakit siya nagpunta sa kakayuhan para manalangin noong araw na iyon.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang talata ng bahagi 1 sa materyal sa paghahanda.
Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na pag-isipan ang mga panahon sa kanilang buhay noong mabagabag sila dahil sa kanilang mga kasalanan at kahinaan. Pagkatapos ay ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang pangalawa at pangatlong talata sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.
-
Ano ang natutuhan ni Joseph tungkol sa pagkatao ng Ama sa Langit at ni Jesucristo? (Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay maawain at mapagpatawad.)
Ipaliwanag na patuloy na natutuhan ni Joseph at ng mga Banal ang tungkol sa pagkatao ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang mga paghahayag. Idispley ang mga sumusunod na scripture reference, o isulat ang mga ito sa pisara: Doktrina at mga Tipan 3:10; 38:14; 58:42; 61:2; 62:1; 64:2–4. Bigyan ng oras ang mga estudyante na basahin ang ilan sa mga scripture passage, at ipabasa sa kanila na para bang ang Panginoon ang nagsasalita sa kanila mismo. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano napalalim ng mga salita ng Tagapagligtas sa mga talatang ito ang pagkaunawa nila sa Kanyang pagkatao o katangian na maawain at mapagpatawad. Pagkatapos nilang magbasa, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Sa palagay ninyo bakit mahalaga para sa atin na maunawaan na maawain at mapagpatawad ang Ama sa Langit at si Jesucristo?
Ipaliwanag na ang Unang Pangitain ni Joseph Smith ay isa sa maraming karanasan na naghanda kay Joseph na tumayo bilang isang malakas na saksi ni Jesucristo. Ipaalala sa mga estudyante na ayon kay Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, si Joseph Smith ay “dakilang tagapaghayag ni Jesucristo sa Kanyang tunay na pagkatao bilang banal na Manunubos” (D. Todd Christofferson, “Isinilang na Muli,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 79; idinagdag ang italics).
-
Paano nakaimpluwensya si Joseph Smith at ang Panunumbalik sa pagkaunawa at damdamin ninyo tungkol kay Jesucristo?
Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay kapwa walang katapusan at napakapersonal.
Ipaliwanag sa mga estudyante na ang paglabas ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith ay nagtulot sa mundo na maunawaan si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala sa paraan na hindi naging posible sa loob ng maraming siglo. Kabilang sa maraming banal na kasulatan na nagtuturo sa atin ng tungkol sa sakripisyo ng Tagapagligtas para sa sangkatauhan ay ang mga turo nina Alma at Amulek. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 34:10, 12, at 14, at alamin kung paano inilarawan ni Amulek ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.
Idrowing o idispley ang sumusunod na diagram:
-
Sa anong mga paraan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay “walang katapusan at walang hanggan”? (Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang natutuhan nila mula sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Cecil O. Samuelson Jr., na naglingkod sa Panguluhan ng Pitumpu, at sabihin sa klase na pakinggan ang mga salitang ginamit niya para ilarawan ang Pagbabayad-sala ng Panginoon:
Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay tunay ngang sumasakop sa mundo at sa lahat ng tao mula sa simula hanggang sa wakas. Gayunman, huwag nating kalimutan na sa lawak ng sakop at kabuuan nito ay napakapersonal din nito at sadyang ginawa para ganap na umakma at lumutas sa bawat kani-kanya nating mga kalagayan. Mas kilala ng Ama at ng Anak ang bawat isa sa atin kaysa kilala natin ang ating sarili at naghanda Sila ng Pagbabayad-sala para sa atin na lubos na umaayon sa ating mga pangangailangan, hamon, at pagkakataon.
Salamat sa Diyos sa pagkakaloob sa Kanyang Anak, at salamat sa Tagapagligtas sa Kanyang Pagbabayad-sala. Ito ay totoo at nagaganap at aakayin tayo nito kung saan natin kailangan at nais. (Cecil O. Samuelson Jr., “Ano ang Kahulugan sa Inyo ng Pagbabayad-sala?” Liahona, Abr. 2009, 51)
-
Anong mga salita ang ginamit ni Elder Samuelson upang ilarawan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?
Idagdag sa diagram ang salitang personal at iba pang salita na matutukoy ng mga estudyante:
-
Sa palagay ninyo bakit mahalagang tandaan na bagama’t sumasakop ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas sa di-mabilang na mga tao at mga daigdig, ito rin ay napakapersonal?
Ipaalala sa mga estudyante na sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda, sila ay hinikayat na markahan ang mga katotohanang mahalaga para sa kanila. Kung kinakailangan, bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na rebyuhin ang scripture passage at mga turo ng propeta na minarkahan nila sa bahaging ito.
-
Anong mga katotohanan ang mahalaga para sa inyo, at bakit? (Idispley ang mga katotohanang ito o isulat ang mga ito sa pisara.)
Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari mong sabihin sa kanila na muling sabihin (at muling isulat) ang mga alituntunin sa personal na paraan gamit ang panghalip na panao na tulad ng ako, ko, at akin. Maaaring mabasa ang mga katotohanan nang tulad nito: Dinala ni Jesucristo sa Kanyang sarili ang aking mga kasalanan, hirap, sakit, at mga tukso nang sa gayon ay malaman Niya kung paano ako tutulungan. Ang kahalagahan ng aking kaluluwa ay napakadakila kaya nagdusa at namatay si Jesucristo para makapagsisi ako. Si Jesucristo ay nagdusa para sa aking mga kasalanan para makapagsisi ako at hindi magdusa tulad Niya.
-
Paano makatutulong ang pag-unawa at paniniwala sa mga katotohanang ito para magkaroon kayo ng mas malaking pananampalataya kay Jesucristo?
-
Ano ang mga naiisip at nadarama ninyo kapag iniisip ninyo ang dinanas na pagdurusa ng Tagapagligtas para sa inyo at kung bakit Niya ito ginawa?
Idispley ang sumusunod na tanong: Ano ang gagawin ko para mas lubos na maanyayahan ang kapangyarihan ni Jesucristo sa aking buhay?
Bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante na mapag-isipan nang may panalangin ang tanong na ito at maisulat ang sagot sa kanilang mga journal o notebook. Habang nag-iisip sila, maaari mong idispley ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson. Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga payo na makatutulong sa kanila na maanyayahan ang kapangyarihan ng Tagapagligtas sa kanilang buhay:
Magsisimula tayo sa pamamagitan ng pag-aaral tungkol [kay Jesucristo]. “Hindi maaari para sa [atin] na maligtas dahil sa kamangmangan” [Doktrina at mga Tipan 131:6]. Kapag mas marami tayong alam tungkol sa ministeryo at misyon ng Tagapagligtas [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:40–41]—mas nauunawaan natin ang Kanyang doktrina [tingnan sa 2 Nephi 31:2–21] at ang ginawa Niya para sa atin—mas nalalaman natin na maibibigay Niya ang lakas na kailangan natin sa buhay. …
Kapag naglaan tayo ng oras sa pag-aaral tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, mahihikayat tayong makilahok sa isa pang mahalagang sangkap sa paghugot ng lakas sa Kanya: pinipili nating sumampalataya sa Kanya at tularan Siya. …
Pinalalakas din natin ang kapangyarihan ng Tagapagligtas sa ating buhay kapag gumagawa tayo ng mga sagradong tipan at ganap na tinutupad ang mga tipang ito. Ang ating mga tipan ang nagbubuklod sa atin sa Kanya at nagbibigay sa atin ng lakas mula sa Diyos. …
Kapag alam ng Tagapagligtas na talagang gusto ninyong lumapit sa Kanya—kapag nadama Niya na pinakamimithi ng inyong puso na humugot ng lakas sa Kanya sa inyong buhay—gagabayan kayo ng Espiritu Santo na malaman kung ano mismo ang dapat ninyong gawin [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:63]. (Russell M. Nelson, “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 39–42)
Magtapos sa pagpapatotoo na dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, may kapangyarihan si Jesucristo na palakasin, panatagin, pagalingin, at magkaloob ng awa at kapatawaran sa atin.
Para sa Susunod
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano maiiba ang kanilang buhay kung walang mga buhay na propeta. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang materyal sa paghahanda para sa susunod na lesson at dumating na handa para talakayin ang mga pagpapalang dulot ng paggabay sa atin ng mga buhay na propeta.