“Lesson 5 Materyal ng Titser: Ang Paglabas ng Aklat ni Mormon,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 5 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 5 Materyal ng Titser
Ang Paglabas ng Aklat ni Mormon
Nangyari ang paglabas ng Aklat ni Mormon sa kamangha-manghang paraan. Tutulungan ng lesson na ito ang mga estudyante na mas maunawaan kung paano isinalin ang Aklat ni Mormon “sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 135:3). Pag-iisipan din ito ng mga estudyante at bibigyan sila ng pagkakataong magbahagi ng kanilang patotoo tungkol sa katotohanan ng Aklat ni Mormon.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ang Aklat ni Mormon ay lumabas “sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.”
Magdispley ng larawan ni Moroni na ibinabaon sa lupa ang mga lamina.
Sabihin sa mga estudyante na ilarawan kung ano ang alam nila tungkol sa pangyayari sa larawan. Maaari mo ring itanong kung ano sa palagay nila ang alam ni Moroni tungkol sa magiging impluwensya ng talaan sa darating na mga henerasyon.
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Mormon 8:12–16, at alamin kung ano ang itinuro ni Moroni tungkol sa paglabas ng Aklat ni Mormon.
-
Ano ang nais linawin ni Moroni tungkol sa paglabas ng Aklat ni Mormon?
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Joseph Smith na madalas niyang ulitin kapag tinatanong siya tungkol sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon:
Totoong isinalin ko ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. (Joseph Smith, sa James Palmer, Journal, 75, Church History Library, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah; ginawang makabago ang pagpapalaki ng mga titik)
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila sa mga materyal sa paghahanda tungkol sa kung paano lumabas ang Aklat ni Mormon “sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.” (Kung kinakailangan, hikayatin ang mga estudyante na basahin muli ang bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.) Maaari mo rin silang anyayahan na itanong ang anumang katanungan nila mula sa napag-aralan nila tungkol sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon.
Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang natutuhan nila mula sa mga pahayag nina Joseph Smith at Elder Neal A. Maxwell na nasa katapusan ng bahagi 1 ng materyal sa paghahanda. (Maaari mong ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga pahayag na ito.)
-
Sa inyong palagay, bakit ang dapat nating mas pagtuunan ay ang “nilalaman ng aklat” kaysa ang “proseso kung paano natin tinanggap ito”?
Nangako ang Diyos na makatatanggap ang mga indibiduwal ng patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon.
Itanong sa mga estudyante kung ilan sa kanila ang gustong makita ang mga laminang ginto para sa kanilang sarili at kung bakit.
-
Sa inyong palagay, bakit hindi pinatunayan ng Panginoon ang katotohanan ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng pagtutulot na maipakita sa mundo ang mga lamina at iba pang mga artifact?
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 5:3, 6–7, at alamin kung bakit hindi ipinakita ni Joseph ang mga lamina sa mga taong nagnanais ng patunay o katibayan. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung ano ang itinuturo ng mga talatang ito.
Ipaliwanag na ang paghahayag na ito ay ibinigay kay Joseph dahil sa kahilingan ni Martin Harris na maging isa sa mga saksi na nasa pag-iingat ni Joseph ang mga laminang ginto. Kaibigan ni Joseph si Martin at may pinansiyal na kakayahan na makatulong sa paglalathala ng Aklat ni Mormon kapag naisalin na ito. Ang asawa ni Martin, na si Lucy, ay nagsumite ng reklamo sa korte sa kanilang lugar, na inaakusahan si Joseph ng panloloko sa kanyang asawa at sa iba pa para magkapera. Noong Marso 1829 nagpunta si Martin sa Harmony, Pennsylvania, upang humingi kay Joseph Smith ng katibayan na totoo ang mga lamina.
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 5:11–15, at alamin ang isang paraan na itatatag ng Panginoon ang katotohanan ng Aklat ni Mormon. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung ano ang natutuhan nila sa mga talatang ito.
Ipaliwanag na inihayag ng Panginoon na maaaring maging isa sa Tatlong Saksi si Martin Harris kung siya ay “luluhod” at “magpapakumbaba ng kanyang sarili sa taimtim na panalangin at pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 5:24). Makalipas ang tatlong buwan inanyayahan ni Joseph si Martin Harris na sumama kina Oliver Cowdery at David Whitmer sa paghahanap ng natatanging saksi na ipinangako ng Panginoon.
Ipakita ang larawan ni Joseph Smith at ang Tatlong Saksi mula sa materyal sa paghahanda, at ipasalaysay sa klase ang nangyari nang manalangin ang mga lalaking ito para sa isang saksi ng mga lamina.
-
Ano ang nadama ni Joseph tungkol sa pagkakita ng Tatlong Saksi sa mga lamina? (Kung kailangan, iparebyu sa mga estudyante ang salaysay ni Lucy Mack Smith sa materyal sa paghahanda.)
-
Paano napalakas ang patotoo ng Tatlong Saksi dahil hindi nila kailanman ikinaila ang kanilang patotoo, kahit lumayo sa Propeta at sa Simbahan ang bawat isa sa kanila?
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 5:15–16 at Moroni 10:3–5, at alamin kung paano maaaring magtamo ng patotoo tungkol sa katotohanan ng Aklat ni Mormon ang lahat ng tao. Habang ipinapaliwanag ng mga estudyante ang natutuhan nila sa mga scripture passage na ito, tulungan silang matukoy ang isang alituntunin na tulad nito: Ipaaalam ng Panginoon ang katotohanan ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng Espiritu Santo sa lahat ng maghahangad ng patotoo.
-
Ano ang pagkakaiba ng pagtatamo ng patotoo mula sa Espiritu Santo at pagkakaroon ng patotoo dahil sa pisikal na ebidensya, tulad ng pagkakita sa mga lamina o pagkakaroon ng kumpletong kaalaman sa lahat ng detalye ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento ni Brother Tad R. Callister, dating General Sunday School President:
Ang isa sa mabubuti at matatalino kong kaibigan ay umalis sa Simbahan nang ilang panahon. Sumulat siya sa akin kamakailan tungkol sa kanyang pagbabalik: “Sa simula, gusto kong patunayan sa akin ang Aklat ni Mormon sa aspetong pangkasaysayan, heograpika, sa wika, at kultura. Ngunit nang pagtuunan ko ang itinuturo nito tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang nakapagliligtas na misyon, nagsimula akong magkaroon ng patotoo sa katotohanan nito. Isang araw, habang nagbabasa ng Aklat ni Mormon sa aking silid, huminto ako at lumuhod at nanalangin nang taos-puso at malinaw na nadamang ibinulong ng Ama sa Langit sa aking espiritu na ang Simbahan at ang Aklat ni Mormon ay talagang totoo. Ang tatlo at kalahating taon na muling pag-iimbestiga sa Simbahan ay umakay sa akin pabalik nang buong puso at pananalig sa katotohanan nito.”
Kung bibigyan ng panahon ng isang tao ang pagbabasa at pagninilay ng Aklat ni Mormon nang may pagpapakumbaba, tulad ng aking kaibigan, at bibigyang-pansin ang matatamis na bunga ng Espiritu, matatanggap niya kalaunan ang kanyang ninanais na patotoo.
Ang Aklat ni Mormon ay isa sa mga kaloob ng Diyos sa atin na walang katumbas ang kahalagahan. (Tad R. Callister, “Makapangyarihang Saksi ng Diyos: Ang Aklat ni Mormon,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 109)
-
Anong mga karanasan ang nakatulong para malaman ninyo na totoo ang Aklat ni Mormon? (Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataon na ibahagi ang isinulat nila sa kanilang materyal sa paghahanda sa huling bahagi ng bahagi 2.)
Magtapos sa pagbabahagi ng iyong patotoo na, bagama’t hindi natin nakita ang mga laminang ginto, ni naroon tayo noong isinalin ang Aklat ni Mormon, mababasa at mapag-aaralan natin ang aklat at magtatamo ng espirituwal na patotoo para sa ating sarili na ito ay talagang salita ng Diyos.
Para sa Susunod
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung bakit matinding pinabubulaanan ng mga kritiko ng Simbahan ng Panginoon ang Aklat ni Mormon. Hikayatin ang klase na pag-aralan ang materyal sa paghahanda para sa susunod na klase, na inaalam kung paano nila madaragdagan ang kanilang kakayahang ipagtanggol ang Aklat ni Mormon.