“Lesson 8 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Pagkakatatag ng Simbahan ni Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 8 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 8 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Ang Pagkakatatag ng Simbahan ni Jesucristo
Ano ang kahulugan sa iyo ng pagiging miyembro mo sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo? Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, isipin kung paano humahantong sa malalaking pagpapala para sa iyo at sa iyong pamilya, gayon din sa iba pang makakaugnayan mo sa buong buhay mo, ang iyong pakikibahagi sa Simbahan ng Panginoon.
Bahagi 1
Paano naging kakaiba sa lahat ng iba pang mga simbahan at relihiyon ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?
Nakatayo sa tabi ng sapa noong Abril 6, 1830, “sinaksihan [ni Joseph Smith] ang pagbibinyag sa kanyang ina at ama sa simbahan. Makalipas ang mga taon na iba’t ibang landas ang tinahak sa paghahanap ng katotohanan, sa wakas ay nagkaisa sila sa pananampalataya. Nang umahon ang kanyang ama mula sa tubig, inalalayan siya ni Joseph, tinulungan siyang makarating sa pampang, at niyakap siya.
“‘Diyos ko,’ wika niya, isinusubsob ang kanyang mukha sa dibdib ng kanyang ama, ‘nabuhay pa ako para saksihan ang ama ko na mabinyagan sa tunay na simbahan ni Jesucristo!’” (Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 98)
Matapos isalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon at tumanggap ng awtoridad ng priesthood mula sa mga sugo ng langit, iniutos ng Panginoon sa kanya “sa pamamagitan ng Diwa ng Propesiya at paghahayag … na itatag muli ang Simbahan [ni Jesucristo] dito sa lupa” (Joseph Smith, sa History, circa June 1839–circa 1841 [draft 2], 29, josephsmithpapers.org). Noong Abril 6, 1830, mga 60 katao ang nagtipon sa tahanan ni Peter Whitmer Sr. sa Fayette, New York, upang saksihan ang “[pagsisimula] ng Simbahan ni Cristo sa mga huling araw na ito” ayon sa “kalooban at mga kautusan ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 20:1).
Sa araw na maitatag ang Simbahan, sinang-ayunan ng mga Banal sina Joseph Smith at Oliver Cowdery bilang kanilang mga lider, tumanggap ng sakramento, nasaksihan ang ordenasyon ng kalalakihan sa mga katungkulan sa priesthood, at nakita ang mga naunang nabinyagan na tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo at nakumpirma bilang mga miyembro ng Simbahan.
Tungkol sa araw na ito, sinabi ni Propetang Joseph Smith:
Matapos matamasa ang saya sa pagsaksi at pagdama namin mismo ng mga kapangyarihan at pagpapala ng Espiritu Santo, sa awa ng Diyos na ipinagkaloob sa amin, nagtapos kami na may malugod na kaalamang bawat isa sa amin ay miyembro na ng “Ang Simbahan ni Jesucristo,” at kinikilala ng Diyos, inorganisa ayon sa mga utos at paghahayag na ibinigay Niya sa amin sa mga huling araw na ito. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 160)
Itinalaga ng Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag ang eksaktong araw na muling itatatag o muling ioorganisa ang Kanyang Simbahan dito sa lupa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20, section heading), at ibinigay Niya kalaunan ang pangalan na dapat itawag sa Simbahan.
Mga isang taon at kalahati matapos maorganisa ang Simbahan, ipinahayag ng Panginoon na binigyan Niya si Joseph Smith at ang iba pa ng kapangyarihan na “maitatag ang saligan ng simbahang ito, at maipakita ito mula sa pagkakatago at mula sa kadiliman, ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo, na kung saan ako, ang Panginoon, ay labis na nalulugod, nangungusap sa buong simbahan at hindi sa bawat isa lamang” (Doktrina at mga Tipan 1:30).
Bahagi 2
Ano ang ilang dahilan na ipinahayag ng Panginoon na ito “ang tanging tunay at buhay na Simbahan”?
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:
Tatlong katangian—(1) kabuuan ng doktrina, (2) kapangyarihan ng priesthood, at (3) patotoo kay Jesucristo—ang nagpapaliwanag kung bakit ito sinabi o ipinahayag ng Diyos at bakit sinasabi namin, na Kanyang mga lingkod, na ito ang tanging tunay at buhay na Simbahan sa balat ng lupa. …
Dahil marami ang nawala sa Apostasiya, kinailangang ipanumbalik ng Panginoon ang kabuuan ng Kanyang doktrina. …
Ang doktrina ni Jesucristo, kapag naunawaan sa kabuuan nito, ay ang plano kung saan tayo ay maaaring maging mga anak ng Diyos na siyang dapat nating kahinatnan. …
Ang pangalawa at pinakamahalagang katangian … ay ang awtoridad ng priesthood. …
Bilang bunga ng pagkakaroon ng kapangyarihan ng priesthood, ang mga lider at ang may karapatang mga miyembro … ay binigyan ng karapatang magsagawa ng kinakailangang mga ordenansa ng priesthood. …
Ang pangatlong dahilan kung bakit tayo ang tanging tunay na Simbahan ay dahil nasa atin ang inihayag na katotohanan tungkol sa likas na pagkatao ng Diyos at sa ating kaugnayan sa Kanya, at dahil dito ay kakaiba ang ating patotoo kay Jesucristo. Ang mahalaga, ang ating paniniwala sa likas na katangian ng Diyos ang siyang nagpapaiba sa atin sa mga kinikilalang doktrina ng karamihan ng mga simbahang Kristiyano. (Dallin H. Oaks, “Ang Tanging Tunay at Buhay na Simbahan,” Liahona, Ago. 2011, 3–5)
Ipinaliwanag pa ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay “buhay [na Simbahan] dahil sa mga gawain at kaloob ng Espiritu Santo” (“Tanggapin ang Espiritu Santo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 97).
Itinuro din ni Brother Tad R. Callister, dating Sunday School General President:
Hindi ibig sabihin [ng sinabi ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 1:30] na walang taglay na ilang katotohanan ang ibang simbahan, dahil mayroon sila nito. Hindi ibig sabihin nito na walang mabuting ginagawa ang ibang mga simbahan, dahil malaki ang nagagawa nilang kabutihan. Ang ibig sabihin nito ay ito lang ang simbahan na nagtataglay ng lahat ng katotohanan na inihayag sa dispensasyong ito—ang tanging simbahan na nagtataglay ng mga ordenansang kailangan para sa kadakilaan at ang tanging simbahan na may priesthood ng Diyos para isagawa ang mga ordenansang iyon nang may bisa. Ano ang katibayan natin sa bagay na ito? …
Kung itutugma ng isang tao ang blueprint ng orihinal na Simbahan ni Cristo sa bawat simbahan ngayon sa mundo, matutuklasan niya na … isa lamang ang tutugma dito—Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. (Tad R. Callister, “Ano ang Blueprint ng Simbahan ni Cristo?” [Church Educational System devotional para sa mga young adult, Ene. 12, 2014], ChurchofJesusChrist.org)
Mahalagang maunawaan na ang pagiging miyembro ng “tanging tunay at buhay na Simbahan” ni Jesucristo ay hindi nangangahulugan na naniniwala tayo na mas mabuti tayo kaysa sa ibang tao. Ngunit ang pagiging miyembro natin ay kinapapalooban ng responsibilidad na mahalin ang ating kapwa at anyayahan sila na lumapit kay Cristo at tanggapin ang mga pagpapala ng Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.
Bahagi 3
Ano ang maaari kong sabihin sa isang tao na nakadaramang maaari siya maging relihiyoso o espirituwal nang hindi nakikibahagi sa Simbahan ng Panginoon?
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Natanto ko na may mga taong itinuturing ang kanilang sarili na relihiyoso o espirituwal ngunit tumatangging makibahagi sa isang simbahan o ipinapalagay na hindi kailangan ang isang institusyong tulad nito. Ang pagsasabuhay ng relihiyon para sa kanila ay pawang pansarili lamang. Gayon pa man ang Simbahan ay nilikha Niya na sentro ng ating espirituwalidad—si Jesucristo. …
… Ang layunin ay katulad pa rin noon: ito ay ang ipangaral ang mabubuting balita ng ebanghelyo ni Jesucristo at isagawa ang mga ordenansa ng kaligtasan—sa madaling salita, ilapit ang mga tao kay Cristo. …
… Mahalagang malaman na ang pinakalayunin ng Diyos ay ang ating pag-unlad. Hangarin Niya na magpatuloy tayo “nang biyaya sa biyaya, hanggang sa tanggapin [natin] ang kaganapan” [Doktrina at mga Tipan 93:13] ng lahat ng maibibigay Niya. Hindi lamang kailangan niyan ang simpleng kabaitan o espirituwal na pakiramdam. Kailangan nito ang pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag sa tubig at ng Espiritu, at pagtitiis nang may pananampalataya hanggang wakas [tingnan sa 2 Nephi 31:17–20]. Hindi ito lubos na makakamtan nang nag-iisa, kaya ang isang pangunahing dahilan kung bakit may simbahan ang Panginoon ay upang lumikha ng isang komunidad ng mga Banal na susuportahan ang isa’t isa sa “makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan” [2 Nephi 31:18]. …
Kung naniniwala ang isang tao na lahat ng landas ay patungo sa langit o na walang partikular na kinakailangan para maligtas, iisipin niya na hindi na kailangan pang mangaral ng ebanghelyo o gumawa ng mga ordenansa at tipan sa pagliligtas sa mga buhay o mga patay. Ngunit hindi lamang kawalang-kamatayan ang pinag-uusapan natin kundi buhay na walang hanggan, at para makamit iyan ang landas ng ebanghelyo at mga tipan ng ebanghelyo ay lubhang kinakailangan. At kailangan ng Tagapagligtas ng simbahan upang maibigay ang mga ito sa lahat ng anak ng Diyos—kapwa buhay at patay. (D. Todd Christofferson, “Bakit Kailangan ang Simbahan,” Ensign o Liahona, Nob 2015, 108, 110)
Itinuro ni Sister Bonnie L. Oscarson, na naglingkod bilang Young Women General President, na ang pakikibahagi sa Simbahan ay tumutulong sa atin na maging higit na katulad ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng mga pagkakataong maglingkod at magministeryo sa iba:
Totoo na dumadalo tayo sa mga miting natin sa Simbahan tuwing linggo upang makibahagi sa mga ordenansa, matutuhan ang doktrina, at mabigyang-inspirasyon, ngunit ang isa pang napakahalagang dahilan sa pagdalo ay, bilang isang ward at mga disipulo ng Tagapagligtas na si Jesucristo, pinangangalagaan natin ang isa’t isa at naghahanap ng paraan na paglingkuran at palakasin ang bawat isa. Hindi lang tayo basta tumatanggap at kumukuha sa ibinibigay ng simbahan; kailangan tayong magbigay at tumulong. …
Hilingin sa inyong Ama sa Langit na ipakita sa inyo ang mga nangangailangan ng tulong ninyo at ipabatid sa inyo kung paano ninyo sila pinakamainam na mapaglilingkuran. Alalahanin na madalas ay isa-isang pinaglilingkuran ng Tagapagligtas ang mga tao. (Bonnie L. Oscarson, “Ang mga Pangangailangan na Nasa Ating Harapan,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 26)