Ano ang Blueprint ng Simbahan ni Cristo?
CES Devotional para sa mga Young Adult • Enero12, 2014 • Brigham Young University
Ikinagagalak kong iukol ang gabing ito kasama ang magiging mga lider at magulang ng Simbahang ito. Dahil diyan, naniniwala ako na ang hinaharap ng Simbahang ito ay matatag at puno ng pag-asa. Kaya nga, gusto kong talakayin ang tungkol sa Simbahan na inyong pamumunuan balang-araw.
Sa unang bahagi ng Doktrina at mga Tipan, ganito ang tuwiran at mahalagang pahayag ng Panginoon: “[Ito] ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo” (D at T 1:30). Ano ang ibig sabihin nito? Hindi ibig sabihin na walang taglay na ilang katotohanan ang ibang simbahan, dahil mayroon sila nito. Hindi ibig sabihin nito na walang mabuting ginagawa ang ibang mga simbahan, dahil malaki ang nagagawa nilang kabutihan. Ang ibig sabihin nito ay ito lang ang simbahan na nagtataglay ng lahat ng katotohanan na inihayag sa dispensasyong ito—ang tanging simbahan na nagtataglay ng mga ordenansang kailangan para sa kadakilaan at ang tanging simbahan na may priesthood ng Diyos para isagawa ang mga ordenansang iyon nang may bisa. Ano ang katibayan natin sa bagay na ito?
Ilang taon na ang nakalilipas kinailangan naming mag-asawa ng mas malaking tahanan para sa lumalaki naming pamilya, kaya naghanap kami ng loteng matatayuan ng bahay. Nag-ukol kami ng ilang panahon sa pagbuo ng blueprint na tutugon sa mga pangangailangan ng aming pamilya. Nagdisenyo ang asawa ko ng pintuang naitutupi sa pagitan ng aming family room at living room na mabubuksan para sa mga aktibidad ng malaki naming pamilya at ng mga kabataan. Dahil sobra ang espasyo sa garahe, nagdisenyo kami ng silid kung saan ang mga anak namin ay makagagawa ng mga makabuluhang aktibidad. Isang maliit na silid sa likuran ng garahe ang ginawa para sa pag-iimbak ng pagkain at iba pang bagay. Ito at ang iba pang mga elemento ng disenyo ay isinama sa blueprint. At ang tahanan ay itinayo ayon sa mga planong ito.
Habang itinatayo ang bahay, paminsan-minsan ay nagsusumite kami sa tagagawa ng mga bagay na gusto naming ipabago sa blueprint. Nang matapos kalaunan ang bahay, talagang eksakto ito sa kung ano ang nakasaad sa aming blueprint na paulit-ulit na binago. Kung kukunin ninyo ang aming blueprint at itutugma ito sa bawat tahanan sa daigdig, ilang bahay kaya ang eksaktong tutugma rito? Iisa lang—ang aming tahanan. Ah, siguro may kaunting pagkakahawig sa mga bahagi ng ibang mga tahanan—may kasinglaki ang silid, kapareho ng bintana—pero kung pundasyon, silid, bintana, bubong, ang pag-uusapan, isa lang ang eksaktong lalapat sa blueprint—ang aming tahanan.
Sa gayon ding paraan si Cristo ay nagtayo ng tahanan na pinakamainam na tutugon sa mga espirituwal na pangangailangan ng Kanyang mga anak. Ito ay tinawag na Kanyang Simbahan. Ang espirituwal na blueprint para sa Simbahang ito ay matatagpuan sa Bagong Tipan. May mga pagkakataon na may “ipinabago” ang Tagapagligtas sa blueprint. Ang gayong kahilingan ng pagbabago ay dumating sa pamamagitan ng paghahayag. Halimbawa, noong una ay inutusan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga Apostol na ipangaral ang ebanghelyo sa sambahayan ni Israel ngunit hindi sa mga Gentil (tingnan sa Mateo 10:5–6). Gayunman, pagkatapos Umakyat sa Langit ang Tagapagligtas, inutusan Niya si Pedro—isang paghahayag sa pamamagitan ng pangitain—na ang ebanghelyo ay dapat ituro na rin sa mga Gentil (tingnan sa Mga Gawa 10). Ang karanasang ito ni Pedro ay nagturo ng dalawang mahahalagang tuntunin sa pamamahala sa Simbahan ni Cristo: isa, ang blueprint ay maaaring baguhin, ngunit tanging sa paghahayag mula kay Cristo, at pangalawa, ang gayong paghahayag ay darating sa propeta na tagapagsalita ng Diyos sa lupa. Sa madaling salita, ang Simbahan ng Diyos ay pamamahalaan sa pamamagitan ng banal na paghahayag at kaayusan.
Kung nais ng isang tao na matuklasan ang Simbahan ni Cristo ngayon, gugustuhin niyang itugma ang espirituwal na blueprint na nasa Bagong Tipan sa bawat simbahang Kristiyano na nasa mundo ngayon hanggang sa matuklasan niya ang simbahan na tugma sa blueprint—bawat organisasyon, katuruan, ordenansa, bunga, at paghahayag. Sa paggawa nito, maaaring makita niya na may pagkakatulad ang ilang simbahan—isa o dalawang katuruan na magkapareho, magkaparehong ordenansa, mga katungkulan na magkapareho ng pangalan—ngunit isang simbahan lang, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang makikita niyang tutugma sa blueprint sa lahat ng aspeto. Ngayon, gusto kong subukan ang sinasabing iyan.
Tingnan natin ang unang pahina ng blueprint at tuklasin kung ano ang “Organisasyon” ng Simbahan ni Cristo ayon sa paghahayag na narito.
Una, ang Simbahan ni Cristo ay nakasalig sa pundasyon ng mga apostol at propeta. Noong sumusulat si Pablo sa ilang bagong miyembro ng Simbahan, sinabi niya na ngayon sila ay “itinatayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok” (Mga Taga Efeso 2:20; idinagdag ang pagkahilig ng titik).
Naunawaan ng mga Apostol na kailangang manatiling buo ang Korum ng Labindalawang Apostol. Nang ang isang Apostol, gaya ni Judas, ay namatay at bahagi ng pundasyon ang “natapyas,” ang natitirang 11 Apostol ay nangagtipon at pumili ng kahalili upang ang pundasyon ay muling mabuo (tingnan sa Mga Gawa 1:22–25).
Ang huwarang ito ay patunay na kailangang manatiling buo ang korum ng labindalawang Apostol. Napakahalaga ng mga Apostol na ito sa kapakanan ng Simbahan kaya’t sinabi ni Pablo kung hanggang kailan natin sila kailangan: “Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya” (Mga Taga Efeso 4:13). At ipinaliwanag niya kung bakit: Upang hindi tayo “[madala] sa magkabikabila ng lahat na hangin ng aral” (Mga Taga Efeso 4:14). Alinsunod dito, ang mga Apostol ay napakahalaga upang mapanatiling dalisay ang doktrina.
Kunwari ay magkukuwento ako sa isang tao na nasa kabilang dulo ng hanay na nasa harapan ko, at ikukuwento niya ito sa katabi niya, at gagawin ito hanggang sa makarating ito sa mga hanay sa pinakadulo. Ano ang mangyayari sa kuwentong iyon? Mababago ito. Palagi itong nagbabago; likas iyan sa tao. Gayon din sa doktrinang itinuro ng mga Apostol nang magpunta sila sa iba’t ibang bayan at nayon. Nang magpasalin-salin sa bawat tao ang doktrina, nagsimula itong mabago. Hangga’t nariyan ang mga Apostol, maitatama nila ang doktrina sa pamamagitan ng pagsulat o personal na pagbibigay ng mga sermon. Ngunit nang mawala na ang mga Apostol, wala nang tumitingin kung tama pa ito, wala nang nagwawasto, at di nagtagal ang mga doktrina ay nabaluktot o nawala.
Dahil dito at sa iba pang mga dahilan, inihahayag ng blueprint na ang mga apostol at mga propeta ang bumubuo sa pundasyon ng Simbahan ni Cristo. May alam ba kayong anumang ipinag-utos na pagbabago sa Bagong Tipan, anumang paghahayag na nagpabago sa blueprint at nagsasaad na ang mga Apostol ay hindi na kailangan? Wala akong alam. Kung gayon, ang totoong simbahan ni Cristo ngayon ay dapat mayroong mga apostol at propeta bilang pundasyon nito.
Upang matulungan ang Tagapagligtas at Kanyang mga Apostol sa pangangaral ng ebanghelyo sa daigdig, ang Tagapagligtas ay pumili ng iba pa, na tinatawag na Pitumpu, upang ihanda ang daan. Mababasa natin ang tungkol sa Pitumpu na ito sa Lucas, kabanata 10. May alam ba kayong simbahan ngayon na tugmang-tugma sa blueprint na ito—na may katungkulan ng Pitumpu?
Ang blueprint ng Bagong Tipan ay naghahayag ng iba pang mga pinuno na bahagi ng organisasyon ng Simbahan ni Cristo: mga bishop (tingnan sa I Timoteo 3; Tito 1:7); elder (tingnan sa Mga Gawa 14:23; Tito 1:5); deacon (tingnan sa Mga Taga Filipos 1:1); evangelista (tingnan sa Mga Taga Efeso 4:11), ibig sabihin mga patriarch1; at pastor (tingnan sa Mga Taga Efeso 4:11), ibig sabihin gaya ng mga bishop at stake president na namumuno sa kawan.2
Ang ikaanim na saligan ng pananampalataya ng Simbahan ay tumutukoy sa blueprint na ito: “Naniniwala kami sa samahan ding yaon na umiral sa Sinaunang Simbahan, alalaong baga’y mga apostol, propeta, pastor, guro, ebanghelista, at iba pa” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:6). Sa madaling salita, naniniwala tayo na ang simbahan ngayon ni Jesucristo ay dapat ganoon din ang organisasyon gaya ng orihinal na simbahan ni Cristo, nagbabago lamang batay sa paghahayag. Samakatwid, bawat isa sa mga katungkulang ito ay matatagpuan sa ating Simbahan ngayon.
Paano ba pinili ang mga Apostol ni Cristo at ang iba pang mga pinuno? Nag-aral ba ang Tagapagligtas sa pinakamahuhusay na paaralan ng teolohiya noon at pinili ang mga estudyanteng may pinakamatataas na marka? Hindi Niya ginawa iyan. Sa halip, sinasabi sa atin ng blueprint na pinili Niya si Pedro, na mangingisda, at si Mateo, na tagasingil ng buwis, at kalaunan si Pablo, na tagagawa ng tolda. Bawat isa ay pinili mula sa pangkalahatan—ito ay walang-bayad na paglilingkod. Ngayon ang Simbahan ay may labindalawang Apostol na pinili rin mula sa pangkalahatang miyembro ng Simbahan. Maaaring ang isa ay teacher, ang isa ay engineer, ang isa ay attorney, at marami pang iba.
Ang mga Apostol ba ni Cristo at ang iba pang mga pinuno ay nag-apply para sa ministeryo? Hindi. Sinasabi sa atin ng blueprint kung paano pinili ni Cristo ang Kanyang mga pinuno: “Ako’y hindi ninyo hinirang, ngunit kayo’y hinirang ko, at aking kayong inihalal” (Juan 15:16; idinagdag ang pagkahilig ng titik). Nang ordenan ni Cristo ang Kanyang mga Apostol, ano ang ibinigay Niya sa kanila? Inirekord nina Mateo at Lucas ang sagot: “Binigyan Niya sila ng kapamahalaan” (Mateo 10:1; tingnan din sa Lucas 9:1)—ang kapangyarihan ng priesthood na kumilos sa Kanyang pangalan at gawin ang Kanyang gawain. Kaya sinasabi sa atin ng blueprint na “[ang Anak ng tao] … [ang nagbigay] ng kapamahalaan sa kaniyang mga [lingkod]” (Marcos 13:34). Bakit? Upang makakilos sila sa Kanyang pangalan taglay ang Kanyang kapahintulutan. Bawat lalaki na mayhawak ng priesthood ng Diyos sa simbahang ito ay matutunton ang kanyang karapatan sa priesthood pabalik kay Jesucristo, ang pinagmumulan ng lahat ng karapatan at kapangyarihan, upang siya rin ay mapagtibay ni Cristo—na tanda ng Kanyang pagsang-ayon—na kailangan sa blueprint.
Ano ang pangalan ng simbahang inorganisa ni Cristo? Kung binibinyagan tayo sa pangalan ni Cristo, kung nagdarasal tayo sa pangalan ni Cristo, kung maliligtas tayo sa pangalan ni Cristo, at kung Siya ang nagtatag at batong-panulok ng Kanyang Simbahan, ano ang aasahan ninyong ipapangalan sa Kanyang Simbahan? Ang Simbahan ni Jesucristo. Ang Tagapagligtas, sa pagsasalita sa mga tao sa Aklat ni Mormon, ay itinuro ang dahilan kung bakit kailangang taglayin ng Simbahan ang Kanyang pangalan: “At paano ito magiging simbahan ko maliban kung ito ay tinatawag sa aking pangalan? Sapagkat kung ang isang simbahan ay tinatawag sa pangalan ni Moises, kung gayon iyon ay simbahan ni Moises; o kung iyon ay tatawagin sa pangalan ng isang tao kung gayon iyon ay simbahan ng isang tao; ngunit kung ito ay tinatawag sa aking pangalan kung gayon ito ay aking simbahan, kung mangyayari na ang mga ito ay nakatayo sa aking ebanghelyo” (3 Nephi 27:8; idinagdag ang pagkahilig ng titik).
Ito ang dahilan kaya’t pinagsabihan ni Pablo ang ilang miyembro ng Simbahan noon—dahil tinatawag nila ang kanilang sarili ayon sa pangalan ng ilang disipulo sa halip na sa pangalan ni Cristo. Dahil dito, isinulat ni Pablo:
“Ibig ko ngang sabihin ito, na ang bawa’t isa sa inyo ay nagsasabi, Ako’y kay Pablo; at ako’y kay Apolos; at ako’y kay Cefas; at ako’y kay Cristo.
“Nabahagi baga si Cristo? ipinako baga sa krus si Pablo dahil sa inyo? o binautismuhan baga kayo sa pangalan ni Pablo?” (I Mga Taga Corinto 1:12–13).
Sa madaling salita, wala tayong ibang pangalan na tataglayin maliban kay Jesucristo.
Kaya, itinuturo ng blueprint sa atin na dapat taglayin ng Simbahan ni Cristo ang Kanyang pangalan. Palaging tila himala sa akin na ang Reformation ay nangyayari na sa loob ng mahigit 300 taon bago ang panahon ni Joseph Smith at walang kahit sinong nakaisip na ipangalan ang kanyang simbahan kay Jesucristo. Mangyari pa, simula noong panahon ni Joseph Smith, may ibang simbahan na gayon ang ginawa, ngunit sa mahimalang paraan ay ipinreserba ng Panginoon ang paggamit ng Kanyang pangalan hanggang sa sumapit ang panahon ni Joseph Smith at ang Pagpapanumbalik ng Simbahan ni Cristo.
Ngayon, tingnan natin ang ikalawang pahina ng blueprint. Ano ang “Mga Itinuro” noon ng Simbahan ni Cristo? Tingnan natin ang ilan:
Ang Diyos ba ay isang espiritu lang, o mayroon Siyang katawan na may laman at mga buto? Ano ang itinuturo ng blueprint?
Pagkatapos ng Pagkabuhay na Muli ni Cristo, nagpakita Siya sa Kanyang mga disipulo, na nag-akalang Siya ay espiritu (tingnan sa Lucas 24:37). Para maiwasto ang mali nilang akala, sinabi Niya, “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka’t ang isang espiritu’y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin” ((Lucas 24:39; idinagdag ang pagkahilig ng titik).
Para mapawi ang anumang duda tungkol sa pisikal na katangian ng Kanyang nabuhay na mag-uling katawan, nagtanong Siya sa Kanyang mga disipulo, “Mayroon baga kayo ritong anomang makakain?” (Lucas 24:41). At itinala ng mga banal na kasulatan:
“At binigyan nila siya ng isang putol na isdang inihaw, [at ng pulot-pukyutan].
“At kaniyang inabot yaon, at kumain sa harap nila” (Lucas 24:42–43).
Taglay ang niluwalhati, na nabuhay na muling katawan na may laman at mga buto, si Cristo ay umakyat sa langit (tingnan sa Ang Mga Gawa 1:9),3 kung saan Siya naupo sa kanang kamay ng Diyos Ama at, gaya ng nakasaad sa mga banal na kasulatan, nasa “tunay na larawan ng kaniyang pagka-Dios” (Sa Mga Hebreo 1:3). Ito mismo ang katotohanang itinuro ni Joseph Smith bilang bahagi ng Pagpapanumbalik ng Simbahan ni Cristo: “Ang Ama ay may katawang may laman at mga buto na nahihipo gaya ng sa tao; ang Anak din” (D at T 130:22).
Ang Diyos ba at si Jesus ay iisang Nilalang, gaya ng itinuturo ng marami sa daigdig ng mga Kristiyano, o Sila’y dalawang magkahiwalay na Nilalang? Ano ang sinasabi ng blueprint?
Ang bilang ng mga reperensya sa Biblia ukol sa magkahiwalay na katauhan at sa papel na ginagampanan ng Ama at ng Anak ay nakamamangha. Sa Halamanan ng Getsemani, natatanto ang matinding dusa na daranasin Niya, sinabi ng Tagapagligtas, “Huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo” (Lucas 22:42). Ito ang pinakadakilang pagpapamalas ng pagsunod na nalaman ng daigdig. Ngunit paano mangyayari ang pagsunod kung walang isa pang Nilalang na Kanyang susundin—kung Siya at ang Ama ay iisa at parehong Nilalang? Bakit nagdasal ang Tagapagligtas sa Ama o sumamong, “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Marcos 15:34). Paano Siya pinabayaan kung walang hiwalay na Nilalang na nagpabaya sa Kanya? Paano nakita ni Esteban si Jesus na nakatayo sa kanang kamay ng Diyos kung hindi Sila dalawang nilalang (tingnan sa Mga Gawa 7:55–56)?
Nang lumabas si Joseph Smith mula sa kakahuyan, nalaman niya mismo ang katotohanan. Nakita niya ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, na magkatabi; narinig niya ang Ama na binanggit ang isa pa bilang Kanyang “Pinakamamahal na Anak” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17). Noong maluwalhating araw na iyon ay pinabulaanan ng kalangitan ang mga kathang-isip ng nakaraan tungkol sa likas na katangian ng Diyos at inihayag at pinagtibay ang simpleng katotohanan na itinuro noon sa blueprint: na ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, ay may iisang mithiin at kalooban ngunit magkahiwalay ang pagkatao.
Ano ang sinasabi ng blueprint tungkol sa mga hindi nagkaroon kailanman ng patas na pagkakataon na marinig ang ebanghelyo ni Jesucristo habang narito sa mundo? Isinumpa ba sila? Wala bang inihayag na kaalaman sa atin tungkol sa kalagayan ng kanilang espiritu?
Ito ay napakahalagang tanong at may epekto sa bilyun-bilyong buhay. Tunay na nagsalita ang Diyos hinggil sa bagay na ito. At ang totoo, ginawa Niya ito. Nasa blueprint ang sagot.
Isinulat ni Pedro, “Sapagka’t dahil dito’y ipinangaral maging sa mga patay ang evangelio, upang sila, ayon sa mga tao sa laman ay mangahatulan, datapuwa’t mangabuhay sa espiritu, ayon sa Dios” (I Ni Pedro 4:6). Ang doktrinang ito ay nawala sa Apostasiya matapos mamatay ang mga Apostol ni Cristo, ngunit ibinalik ito sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.
Tatlo ba ang langit o isa lang? Maraming taon na itinuro ng daigdig ng mga Kristiyano na may isang langit at isang impiyerno, ngunit ano ba ang itinuturo ng orihinal na blueprint?
Itinuro ni Pablo, “Iba ang kaluwalhatian ng araw, at iba ang kaluwalhatian ng buwan, at iba ang kaluwalhatian ng mga bituin” (I Mga Taga Corinto 15:41). Kasunod nito ay pinagtibay ni Pablo ang katotohanan ng tatlong antas na ito ng langit nang muli niyang ikuwento ang pangitain ng isang lalaki na “inagaw hanggang sa ikatlong langit” (II Mga Taga Corinto 12:2). Magkakaroon kaya ng ikatlong langit kung walang ikalawa at unang langit? Muli, ang doktrinang ito na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith ay tugmang-tugma sa orihinal na blueprint.
Ang pagsasama ba ng mag-asawa ay magpapatuloy sa kawalang-hanggan o magtatapos sa kamatayan? Ano ang sinasabi ng blueprint?
Ayon sa kapangyarihang ibinigay sa mga Apostol na anuman ang talian nila sa lupa ay tatalian sa langit (tingnan sa Mateo 18:18), sinabi ni Pablo, “Ang babae ay di maaaring walang lalake at ang lalake ay di maaaring walang babae, sa Panginoon” (I Mga Taga Corinto 11:11), ibig sabihin nito ay mainam para sa lalaki at babae na magkabigkis nang walang-hanggan sa kinaroroonan ng Diyos. Pinagtibay ni Pedro ang katotohanang ito. Sa pagtukoy sa mga mag-asawa, sinabi niya na sila ay dapat maging, “[mag]kasamang tagapagmana ng biyaya ng kabuhayan” (I Ni Pedro 3:7)—hindi magkahiwalay, hindi isa-isa, kundi magkasamang lumalakad sa landas bilang mga tagapagmana ng buhay na walang hanggan. Iyan ang doktrinang itinuro sa blueprint, at iyan ang doktrinang itinuturo sa Simbahan ni Cristo ngayon.
Sa ikatlong pahina ng blueprint ay mababasa, “Mga Ordenansa sa Simbahan ni Cristo.” Ang blueprint ay napakadetalyado sa bagay na ito. Halimbawa, binabasbasan o binibinyagan ba natin ang mga sanggol at maliliit na bata? Ano ang itinuturo ng blueprint?
Ibinigay sa atin ng Tagapagligtas ang malinaw na halimbawa. Tungkol sa mga musmos, mababasa sa mga banal na kasulatan, “At kinalong niya [Jesus] sila, at sila’y pinagpala, na ipinapatong ang kaniyang mga kamay sa kanila” (Marcos 10:16; idinagdag ang pagkahilig ng titik). Pinagtibay ni Mateo na, hinggil sa mga musmos, ang Tagapagligtas ay “ipinatong … ang kaniyang mga kamay sa kanila” (Mateo 19:15). Itinuturo ng blueprint na ang mga sanggol at maliliit na bata ay binasbasan, hindi bininyagan. Sa katunayan, wala ni isang binyag ng sanggol na ginawa kahit saan sa buong Bagong Tipan. Bakit? Dahil hindi ito ordenansa sa Simbahan ni Cristo. Ang isang taong naghahanap sa Simbahan ni Cristo ngayon ay hahanapin ang isang simbahan na nagbabasbas sa mga sanggol at hindi nagbibinyag sa kanila.
Kailangan ba ang binyag sa kaligtasan? Ano ang itinuturo ng blueprint?
Matapos ipakita ni Cristo ang halimbawa sa pagpapabinyag, malinaw Niyang sinabi, “Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios” (Juan 3:5; idinagdag ang pagkahilig ng titik). Gayon din ang itinuro ni Pedro, “Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa’t isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo” (Mga Gawa 2:38; idinagdag ang pagkahilig ng titik). Ang itinuturo sa blueprint ang mismong itinuturo sa Simbahan ni Cristo ngayon.
Ang binyag ba ay ginagawa sa pamamagitan ng pagwiwisik, pagbubuhos, o paglulubog sa tubig? Ang blueprint ay nagbigay ng apat na katibayan na ang binyag ay dapat gawin sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig:
Una, ang Tagapagligtas, na ating dakilang Huwaran, ay “umahon sa tubig” (Mateo 3:16), na nagsasaad na lumusong muna Siya sa tubig.
Pangalawa, si Juan Bautista “[ay nagbabautismo] sa Enon na malapit sa Salim, sapagka’t doo’y maraming tubig ” (Juan 3:23; idinagdag ang pagkahilig ng titik). Bakit siya magpupunta sa isang lugar na “maraming tubig” kung ang pagwiwisik o pagbuhos ay tanggap na paraan ng pagbibinyag?
Pangatlo, sinasabi sa atin ni Pablo na ang binyag ay simbolo ng kamatayan, libing, at pagkabuhay na muli ni Jesucristo (tingnan sa Mga Taga Roma 6:3–5). Habang nakatayo ang bagong convert sa tubig ng binyag, kinakatawan niya ang lumang tao na mamamatay na. Sa sandaling ilubog siya sa tubig, ang kanyang mga kasalanan ay “inililibing” at pinatatawad ng masimbulong kapangyarihang maglinis ng tubig. At sa pagbangon niya mula sa tubig, kinakatawan niya ang bago o nabuhay na muling tao kay Jesucristo. Lahat ng simbolismong iyon ng pagbibinyag ay naaayon sa pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig, ngunit nawala ito—lubusang nawala—sa pagwiwisik at pagbubuhos ng tubig.
At pang-apat, ang salitang Griyego na pinanggalingan ng salitang binyag ay nangangahulugang paglublob o paglubog sa tubig.
Alam ni Will Durrant, isang tanyag na world historian, ang inihayag ng blueprint at napuna niya na, “Pagsapit ng ikasiyam na siglo ang paraan ng sinaunang Kristiyano sa pagbibinyag na lubusang paglulubog ay unti-unting napalitan ng … pagwiwisik na hindi gaanong mapanganib sa kalusugan ng mga taong nakatira sa malamig na klima.”4
Hindi nakakagulat na nakatanggap si Joseph Smith ng paghahayag ukol sa paraan ng pagsasagawa ng binyag na talagang nakaayon sa blueprint ni Cristo (tingnan sa D at T 20:73–74).
Ang binyag ba para sa mga patay ay ordenansa sa orihinal na Simbahan ni Cristo? Oo.
Ang mga miyembro ng Simbahan sa Corinto ay nakikibahagi noon sa isang ordenansa na tinatawag na binyag para sa mga patay. Gayunman, ang mga taong ito ay nagduda sa katotohanan ng Pagkabuhay na Muli. Sa nakitang hindi pagtutugma ng ginagawa nila at ng pinaniniwalaan nila, ginamit ni Pablo ang pakikibahagi nila sa tamang ordenansa ng binyag para sa mga patay para patunayan ang tamang doktrina ng Pagkabuhay na Muli: “Sa ibang paraan, anong gagawin ng mga binabautismuhan dahil sa mga patay, kung ang mga patay ay tunay na hindi muling binubuhay? bakit nga sila’y binabautismuhan dahil sa kanila?” (I Mga Taga Corinto 15:29).
Kapag tinanggap ng isang tao ang doktrina at kinilala na kailangan ang binyag sa kaligtasan (na siyang totoo), ibig sabihin maniniwala na siya sa binyag para sa mga patay—hindi na ito maitatatwa pa. Dahil kung hindi gayon, paano sasagutin ng isang tao ang mahirap na tanong na “Paano naman ang mga namatay nang hindi nabinyagan?” Ang nahaharap sa tanong na ito ay may apat na pagpipilian:
Una, ang kalalakihan at kababaihan na hindi nabinyagan ay isusumpa at mapupunta sa impiyerno. Ang ganitong sagot, gayunman, ay hindi ayon sa mga katotohanan sa banal na kasulatan na “hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao” (Mga Gawa 10:34) at ibig ng Diyos na “lahat ng mga tao’y mangaligtas” (I Kay Timoteo 2:4).
Ikalawa, marahil hindi iyon ang talagang ibig sabihin ng Diyos—siguro ang binyag ay hindi talaga kailangan para maligtas. Pero hindi makatotohanan ito dahil laging ginagawa ng Diyos ang sinasabi Niya: “Kung ano ang sinabi ko, ang Panginoon, ay sinabi ko, at hindi ko binibigyang-katwiran ang aking sarili” (D at T 1:38; tingnan din sa Mosias 2:24).
Ikatlo, naniniwala ang ilan na ang bagong kondisyon na tinatawag na “binyag ayon sa hangarin” ay maaaring ipalit sa binyag sa pamamagitan ng tubig. Sa madaling salita, kung nais ng isang tao na sundin si Jesus ngunit hindi nagkaroon ng pagkakataon na mabinyagan sa mortalidad, ang kanyang matwid na hangarin ay nagiging katanggap-tanggap na kapalit ng binyag sa tubig. Ang problema sa opsiyon na ito ay hindi ito makikita sa banal na kasulatan. Hindi sinasabi ng banal na kasulatan na, “Maliban na ang tao’y ipanganak ng hangarin,” kundi ang sabi ay, “Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios” (Juan 3:5; idinagdag ang pagkahilig ng titik).
Ang ikaapat na opsiyon ay na totoo ang Diyos sa sinabi Niya nang iutos Niya sa lahat ng tao na magpabinyag, at dahil dito buong awa Siyang naglaan ng paraan upang ang lahat ng tao ay mabinyagan kahit na hindi nagkaroon ng ganitong pagkakataon sa mortal na buhay. Iyan ang binyag para sa mga patay. Iyan ang opsiyon na tugma sa blueprint.
Ano ang sinasabi ng blueprint tungkol sa paraan na ang kaloob—hindi ang pansamantalang presensya, kundi ang permanenteng kaloob—na Espiritu Santo ay ipagkakaloob matapos mabinyagan ang isang tao? Basta na lang ba ito bumababa sa isang tao matapos ang kanyang binyag? Ang pagdating ba nito ay gaya ng humahagibis na hangin, o mayroon bang banal na ordenansa, banal na pamamaraan na dapat sundin para matanggap ang kaloob na ito? Nasa blueprint ang sagot.
Matapos binyagan ni Felipe ang ilang bagong convert sa Samaria, dumating sina Pedro at Juan. At inihayag ng banal na kasulatan ang paraan ng pagsasagawa ng ordenansang iyon: “Nang magkagayo’y ipinatong sa kanila [nina Pedro at Juan] ang kanilang mga kamay, at kanilang tinanggap ang Espiritu Santo” (Mga Gawa 8:17; idinagdag ang pagkahilig ng titik).
Ang ganito ring pamamaraan ay sinunod matapos binyagan ni Pablo ang mga bagong convert sa Efeso:
“At nang kanilang marinig ito, ay nangapabautismo sila sa pangalan ng Panginoong Jesus.
“At nang maipatong na ni Pablo sa kanila ang kaniyang mga kamay, ay bumaba sa kanila ang Espiritu Santo” (Mga Gawa 19:5–6; idinagdag ang pagkahilig ng titik).
Minsan pa ang blueprint at ang ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo ay tugmang-tugma.
Ang kasunod na pahina ng blueprint ay mababasa nang ganito: “Mga Bunga ng Simbahan ni Cristo.” Ibinigay ng Tagapagligtas ang pagsubok na ito sa katotohanan: “Sa kanilang mga bunga ay mangakikilala ninyo sila” (Matthew 7:20). Ano ang mga bunga noon ng Simbahan ni Cristo na pinatunayan sa blueprint?
Isa, ang mga sinaunang Banal na iyon ay nagsikap na maging malulusog. Itinuro ni Pablo na ang ating katawang pisikal ay “mga templo” na tahanan ng ating mga espiritu at, dahil dito, kailangan itong ituring na banal: “Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?” (I Mga Taga Corinto 3:16; tingnan din sa I Mga Taga Corinto 6:19). Dahil dito ang mga miyembro ng Simbahan ni Cristo ay may sinusunod na mga batas ng kalusugan, gaya ng mga pagbabawal sa pag-inom ng alak na matatagpuan sa Mga Taga Efeso 5 at I Timoteo 3. Batay sa banal na batas na ito ng pagturing sa ating katawan na gaya ng mga templo, si Joseph Smith ay tumanggap ng batas ng kalusugan mula sa Panginoon para sa mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo, na tinatawag na Word of Wisdom. Bilang bunga ng pagsunod sa batas na ito ng kalusugan, napatunayan ng paulit-ulit na mga pag-aaral na ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay kabilang sa mga pinakamalulusog na tao sa mundo. Ito’y isa sa mga bunga ng pagsunod sa batas ni Cristo ukol sa kalusugan.
Ang ikalawang bunga ng Simbahan ni Cristo ay ang mga himala nito at mga kaloob ng Espiritu. Nakatala ang mga ito sa bawat pahina sa Bagong Tipan. Ang mga ito’y katibayan na ang kapangyarihan ng Diyos ay umiral sa Simbahan ni Cristo (tingnan sa Mga Hebreo 2:4). Ngunit ang nakalulungkot, sa pagdating ng Apostasiya, ang mga himala ay nangaunti—agad itong tinanggap ng mga historian, at inamin ito ng mga repormista. Sinabi ni Paul Johnson, isang kilalang historian, na, “Tanggap na noon pa mang simula ng panahon ng imperialismo [ibig sabihin panahon ni Constantine] na ang ‘panahon ng mga himala’ ay lipas na, dahil hindi na maipalaganap ng mga lider ng Kristiyano ang ebanghelyo, na gaya ng nagawa ng mga apostol, sa tulong ng kapangyarihan ng langit.”5
Bakit dumating ang panahon na wala nang mga himala at kaloob ng espiritu? Dahil ang puno na nagtataglay ng bunga, o ang Simbahan ni Cristo, ay wala na sa mundo, ang pananampalataya ng mga tao ay nanghina. Napansin ni John Wesley ang pagkawala ng mga kaloob ng Espiritu sa Simbahan noong kanyang panahon: “Tila ang mga pambihirang kaloob na ito ng Banal na Espiritu ay wala na sa simbahan sa loob ng mahigit dalawa o tatlong siglo.”6
Bilang buod sa paksang ito, mapatototohanan ko, gaya ng marami sa inyo, na ito ay panahon ng mga himala at mga kaloob ng Espiritu sa ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo, tulad noon sa Kanyang orihinal na Simbahan.
May ikatlong bunga—ang blueprint ng Simbahan ni Cristo ay nagtatala ng maraming salaysay tungkol sa mga anghel at pangitain. May pag-aalinlangan ngayon ang ilang tao sa simbahan na nagsasabing may mga anghel at pangitain, ngunit sa paggawa nito ay nalilimutan nila na ang mga anghel at pangitain ay mahalagang katangian ng orihinal na Simbahan ni Cristo: ang anghel na nagbalita sa pagsilang ni Cristo kay Maria; ang mga anghel na nagpunta kina Pedro, Santiago, at Juan sa Bundok ng Pagbabagong-anyo; ang anghel na nagpalaya kina Pedro at Juan sa bilangguan; ang anghel na kumausap kay Cornelio; ang anghel na nagbabala kay Pablo sa nagbabantang pagkasira ng barko; ang anghel na nagpunta kay Juan na Tagapaghayag; ang pangitain ni Esteban tungkol sa Ama at Anak; ang pangitan ni Juan tungkol sa mga huling araw; at marami pang iba. Ang tanong ay hindi dapat “Paanong Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang totoong Simbahan kasama ang sinasabi nitong mga anghel at pangitain?” Sa halip, ang dapat itanong ay “Paano masasabi ng alinmang simbahan ngayon na ito ang totoong Simbahan ni Cristo maliban kung mayroon itong mga anghel at pangitain—gaya noon sa orihinal na Simbahan ni Cristo, gaya ng inihayag sa Kanyang blueprint?”
Marami pang bunga na tugma sa orihinal na Simbahan ni Cristo:
Iyon ay simbahang nangangaral ng ebanghelyo—ang mga Apostol ay inutusang “magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa” (Mateo 28:19). Ngayon mahigit sa 80,000 ang ating mga missionary na tumutupad sa utos na iyon at namumunga sa paggawa nito.
Ito ay simbahan ng kagandahang-asal—itinuturo sa atin ng blueprint na ang mga Banal noon sa Simbahan ni Cristo ay inutusang manamit nang disente at huwag magkaroon ng seksuwal na relasyon bago ikasal. Ilang simbahan ang hindi lamang nagtuturo ng mga moral na pamantayang ito kundi ipinamumuhay pa ang mga ito?
Ang orihinal na Simbahan ni Cristo ay nakatuon sa pamilya. Ang mga lalaki ay inutusang mahalin at maging tapat sa kanilang kabiyak (tingnan sa Mga Taga Efeso 5:23–25), ang mga anak ay inutusang suumunod sa kanilang mga magulang (tingnan sa Mga Taga Efeso 6:1), at ang mga bishop ay inutusang mamuno nang mainam sa kanilang sariling tahanan (tingnan sa I Kay Timoteo 3:4–5). Ngayon ang ating Simbahan, gaya ng orihinal na Simbahan ni Cristo, ay kinikilala bilang simbahang nakasentro sa pamilya. Ang mga bunga ng Simbahan ni Cristo ay maingat na itinala sa Biblia at tugma sa ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo ngayon.
Itinatag ni Cristo ang Kanyang Simbahan sa lupa, ngunit sa huling pahina ng blueprint ay makikita na may ugnayan ito sa langit—iyan ang “Banal na Paghahayag.” Kung wala ang kaugnayang ito ang Simbahan ay gaya rin ng mga samahan na binuo ng tao na pinamamahalaan gamit ang lohika. Sinabi ni propetang Amos, “Tunay na ang Panginoong Dios ay walang gagawin, kundi kaniyang ihahayag ang kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod na mga propeta” (Amos 3:7). Pinagtibay ni Pablo na ang paghahayag ay mahalagang bahagi ng Simbahan at nilayong magpatuloy, sapagkat sinabi niya, “Aking sasaysayin ang mga pangitain ko at mga pahayag ng Panginoon” (II Mga Taga Corinto 12:1; tingnan din sa Mga Gawa 1:2).
Tugma sa pangunahing doktrina, ang Simbahan ni Cristo ngayon ay nauugnay sa langit sa pamamagitan ng patuloy na paghahayag. Ang pahayag ng Simbahan hinggil sa paniniwalang ito, na kilala bilang ikasiyam na saligan ng pananampalataya, ay mababasa nang ganito: “Naniniwala kami sa lahat ng ipinahayag ng Diyos, sa lahat ng Kanyang ipinahahayag ngayon, at naniniwala rin kami na maghahayag pa Siya ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian ng Diyos.”
Kung itutugma ng isang tao ang blueprint ng orihinal na Simbahan ni Cristo sa bawat simbahan ngayon sa mundo, matutuklasan niya na sa bawat punto, bawat organisasyon, katuruan, ordenansa, bunga, at paghahayag, ay isa lamang ang tutugma dito—Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Kung tatanggihan ng isang tao ang Simbahang ito matapos pag-aralan ang blueprint, malamang na ang taong iyon ay hindi aanib sa alinmang simbahan dahil alam na niya kung ano ang dapat taglayin ng isang totoong simbahan. Matutulad siya kay Pedro, na tinanong ng Tagapagligtas, “Ibig baga ninyong magsialis din naman?” (Juan 6:67). Tumugon si Pedro ng isang kasagutan na dapat maiukit sa bawat puso at mapanatili sa bawat tahanan: “Kanino kami magsisiparoon? ikaw ang may mga salita ng buhay na walang-hanggan” (Juan 6:68).
Kung tatalikuran ng isang tao ang Simbahan, saan siya pupunta para alamin ang tungkol sa ipinanumbalik na mga katotohanan ukol sa likas na katangian ng Diyos na gaya ng inihayag sa Sagradong Kakahuyan, ang pangangaral ng ebanghelyo sa mga patay, ang tatlong antas ng kaluwalhatian, at mga pamilyang walang-hanggan? Saan siya pupunta para makuha ang mga ordenansang makapagliligtas at magpapadakila sa kanya? Saan siya pupunta para maibuklod sa kanya ang kanyang asawa at mga anak sa kawalang-hanggan? Saan siya pupunta kapag gusto niya ng basbas ng priesthood para sa kapanatagan o paggaling ng isang miyembro ng pamilya? Saan siya pupunta para matagpuan ang isang propeta ng Diyos? Mawawalang-saysay ang paghahanap niya sa mga doktrina at ordenansang iyon at mga kapangyarihan at propetang iyon, dahil ang mga ito ay matatagpuan lamang sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Hindi maaaring makamit ng isang tao ang mga doktrina at ordenansa gaya ng ipinanumbalik kay Propetang Joseph Smith kung hindi niya tatanggapin si Joseph Smith at ang kasaysayan na siyang batayan nito. Hindi mapaghihiwalay ang mga ito. Magkasama ang mga ito. Hindi ninyo masasabing mabuti ang bunga at sasabihing masama ang puno. Matagal nang itinuro ng Tagapagligtas ang katotohanang ito: “Hindi maaari na ang mabuting punong kahoy ay magbunga ng masama, at ang masamang punong kahoy ay magbunga ng mabuti” (Mateo 7:18). Alinsunod dito, kung ang bunga ng doktrina na tinalakay natin sa gabing ito ay mabuti, ibig sabihin ang puno na pinagmulan nito—si Joseph Smith at ang kaakibat na kasaysayan tungkol sa mga inihayag na katotohanan—ay mabuti rin. Hindi mo makakamit ang isa nang wala ang isa.
Sa mensahe sa pangkalahatang kumperensya ilang taon na ang lumipas, binanggit ni B. H. Roberts ang mga nagawa ni Joseph Smith, at, sa pagsasalita sa mga kritiko ni Joseph ay sinasabing:“Pantayan ninyo ang ginawa niya! Tumbasan ninyo, ang masasabi ko, o itikom na lamang ang inyong mga labi kapag binanggit ang kanyang pangalan.”7
Ang mga ipinag-aalala ng iba ukol sa kasaysayan o sa lipunan, ang sinasabing hindi pagtutugma ng relihiyon at ng siyensya—ang mga ito’y hindi gaanong mahalaga; ang pinakamahalaga ay ang mga doktrina, ordenansa, kapangyarihan ng priesthood, at iba pang mga bunga ng ating Simbahan, na karamihan dito ay tinalakay sa gabing ito. Ngunit maaaring sabihin ng ilan, “Naniniwala ako sa lahat ng ito, pero paano ko sasagutin ang mga nambabatikos at kanilang mga tanong?”
Alam ng isang abugado na matapos iharap ng prosecutor ang pangunahin niyang saksi, ang kaso laban sa akusado ay tila lalong magdidiin dito. Ang taong madaling humusga sa puntong iyon ay maaaring magsabi na maysala nga ang akusado, ngunit may nakatutuwang nangyayari sa korte. Sisimulan ng abugado ng depensa ang pagtatanong sa saksi ring ito, at kadalasan ganito ang nangyayari: Ang tiwalang pagsagot ng saksi ay nagsisimulang humina dahil sa pressure na hatid ng cross-examination. Ang saksi na tila mahirap mapabulaanan ngayon ay may pagbabago na, marahil makikita rin ang hindi pagtutugma ng kanyang paggunita sa mga nangyari. Ang tila di-mapag-aalinlanganang kuwento ng saksi ay nagsisimulang gumulo sa bawat pagtatanong sa kanya. Agad nasagot ng saksi ang madadaling tanong ng kanyang abugado, ngunit nang ibato na ang mahihirap na tanong sa kanya ng oposisyon, hindi na niya magawang sagutin ang matindi at mapanuring mga tanong. Pagkatapos ng cross-examination, ang saksi ay walang nang gaanong kredibilidad. Ang nagmamasid na handa na sanang “hatulan” ang akusado ay nakikita na ngayon na wala itong kasalanan.
Katulad nito, ang ilang kritiko ay nagtatanong sa Simbahan na ang layon ay ipahamak ang Simbahan. Ngunit ang pagtatanong ay ginagawa ng magkabilang panig.8 Ang mga pangunahing saksi ng prosecutor ay hindi makakaiwas sa cross-examination, at gayundin ang malulupit na kritiko ng Simbahan. Wala pa akong nakitang mga kritiko ng Simbahan na makapagbibigay sa akin ng magandang sagot sa “cross-examination” sa sumusunod na mga tanong:
Una, paano nalaman ni Joseph Smith kung paano ibabalik ang mga doktrina at ordenansang mula sa Biblia, gaya ng doktrina ng premortal na buhay, ng likas na katangian ng Diyos, ng pangangaral ng ebanghelyo sa mga patay, ng binyag para sa mga patay, at marami pang tinalakay ngayong gabi, samantalang ang mga doktrina at ordenansang ito ay hindi naman itinuro ng mga simbahan noong kanyang panahon? Bakit si Joseph Smith lang ang nakatuklas sa mga ito at nagpanumbalik sa mga ito? Kahit itinuturing siyang henyo ng teolohiya, wala bang ibang mga henyo sa loob ng 1,800 taon kasunod ng ministeryo ng Tagapagligtas na eksaktong makasusunod din sa blueprint?
Ikalawa, kung hindi ito ang Simbahan ni Cristo, bakit ang mga bunga nito ay kapareho ng mga bunga ng orihinal na Simbahan ni Cristo, gaya ng mga himala at kaloob ng Espiritu, kasalukuyang paghahayag mula sa mga apostol at propeta, mga anghel at pangitain, malulusog na mamamayan, mga taong may moralidad, mga taong nakatuon sa gawaing misyonero, at mga taong nakasentro sa pamilya? Hindi ba’t ibinigay ng Tagapagligtas ang pagsubok sa katotohanan?—“Sa kanilang mga bunga ay mangakikilala ninyo sila” (Mateo 7:20).
Tiyak na marami pang maitatanong sa cross-examination. Gayunman may mga tanong na lubhang mahalaga kaysa sa iba—na siyang pinakasentro ng isang isyu. Sapat nang sabihing may ilang tanong na mas mahalaga kaysa sa iba sa pagtuklas ng katotohanan. Kung malalaman mong si Joseph Smith ang nagpanumbalik ng mga turo sa Biblia at mga ordenansang binanggit sa gabing ito, kung malalaman mo na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may bungang katulad ng sa orihinal na Simbahan ni Cristo, o kung malalaman mo na ang Aklat ni Mormon ay galing sa langit, ibig sabihin alam mong si Joseph Smith ay propeta. At kung si Joseph Smith ay propeta, ibig sabihin ito lang ang tunay at buhay na Simbahan sa balat ng lupa. Sa puntong iyon, hindi na mahalaga ang iba pang mga tanong. Para itong hatol ng Korte Suprema tungkol sa isang isyu. Lahat ng desisyon ng mas mababang mga korte na salungat dito ay hindi na mahalaga pa. Gayundin na lahat ng tanong ng mga kritiko, gaano man kaurirat o nakalilito o nakaaaliw, ito ay walang masyadong epekto sa pagtuklas ng katotohanan. Bakit? Dahil nasagot mo na ang pangunahing mga tanong—ang kritikal na mga tanong, mas mahahalagang tanong—na pundasyon sa pag-alam ng katotohanan.
Sapat nang sabihin, na kaya kong tiisin ang ilang kamalian ng tao, kahit ng mga propeta ng Diyos—likas na iyan sa mga mortal na nilalang. Kaya kong tanggapin ang sinasabing mga tuklas ng siyensya na salungat sa Aklat ni Mormon; darating ang panahon na malulutas din ang mga ito. At kaya kong tiisin ang tila masasamang pangyayari sa kasaysayan; maliliit na bagay lang ito kumpara sa buong katotohanan. Ngunit hindi ako mabubuhay kung wala ang mga katotohanan ng doktrina at mga ordenansang ipinanumbalik ni Joseph Smith, hindi ako mabubuhay kung wala ang priesthood ng Diyos na magpapala sa aking pamilya, at hindi ako mabubuhay kung hindi ko alam na ang aking asawa at mga anak ay nakabuklod sa akin sa kawalang-hanggan. Ito ang pagpili na ating haharapin—ilang tanong na hindi nasagot kumpara sa napakaraming katiyakan sa doktrina at kapangyarihan ng Diyos. At para sa akin, at umaasa akong para sa inyo, ang pagpili ninyo ay madali at makatwiran.
Nagpapatotoo ako na ang Simbahan na pamumunuan ninyo balang-araw ay nagtataglay ng pangalan ni Cristo dahil narito ang Kanyang sinang-ayunang organisasyon, ang Kanyang mga turo, Kanyang mga ordenansa, Kanyang kapangyarihan, Kanyang mga bunga, at Kanyang paghahayag sa tuwina, at lahat ng ito ay nasa Kanyang banal na blueprint. Nawa’y taglayin natin ang espirituwal na mga mata upang makita ang pagkakatulad ng blueprint na iyon at ng ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo ngayon, dahil isa ito sa matitibay na patotoo sa atin ng Diyos. Ito ang patotoo ko at dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.
© 2014 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 9/13. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 9/13. Pagsasalin ng What Is the Blueprint of Christ’s Church? Tagalog. PD50051805 893