Ituon ang Ating mga Puso sa Tinig ng Espiritu
CES Devotional para sa mga Young Adult • Marso 2, 2014 • Brigham Young University–Idaho
Isang pribilehiyo ang makasama kayo sa debosyonal na ito. Ipinagdasal ko na pagpalain kayo ng Panginoon na marinig ang bagay na tutulong para mas makilala ninyo ang tinig ng Espiritu. Baka may natanggap na kayong mensahe na nadama ninyong para lang sa inyo sa magandang musika na narinig natin.
Mga 41 na taon na ang nakalipas, atubili akong dumalo sa debosyonal ng mga young adult na ginanap sa Temple Square. Dahil sa matinding bagyo ng niyebe sa hapon ng debosyonal parang ayaw ko nang dumalo. Pero dahil nahilingan akong makibahagi sa munting paraan, tinupad ko ang tungkulin ko. Nalaman ko sa paglipas ng mga taon na ang sinabi ni Pangulong Eyring ay totoo: “Sa munting pirasong ibibigay mo buong tinapay ang kapalit nito.”1 Ang mabait kong asawa ang “buong tinapay” na natanggap ko sa “munting” partisipasyon ko! Sa debosyonal na iyon ko siya nakilala. Kasama siya sa choir at buo ang loob na lumapit at nagpakilala sa akin pagkatapos ng miting. Salamat at dumalo ako nang gabing iyon at tinanggap ng maawaing Ama sa Langit ang pag-aatubili kong pumunta sa lugar na dapat kong kalagyan.
Nagpapasalamat ako na makasama ang ilan sa aming mga anak at panganay na apong babae ngayong gabi. Tumutugtog si McKaela ng viola. Sa edad na 3 nagsimula siya ng violin lessons, at ngayong 16 na taon na siya, mahusay na siyang tumugtog. Nasasabi ko iyan dahil ako ang lola niya, at hindi nagsisinungaling ang mga lola! Nakakatuwang pagmasdan ang unti-unti niyang pag-unlad, natutong gamitin ang kanyang instrumento para pagpalain ang buhay niya at ng marami. Natutuhan niyang itono ang kanyang instrumento; ang kahalagahan ng araw-araw na pagsasanay; at kagalakan ng pagtatanghal at pagtutugma ng kanyang instrumento sa iba.
Noong nasa misyon kami ng asawa ko, natutuhan kong basahin ang mga simbolo at bigkasin ang tunog ng Korean alphabet. Natutuhan ko ang ilang pagbati, ekspresyon, at ilang termino ng ebanghelyo, at nalaman ko ang kaibhan ng wikang Korean sa ibang wika. Kinabisa ko ang ilan sa mga paborito kong himno at awitin sa Primary sa Korean. Ngunit limitado ang kakayahan kong salitain o maunawaan ang magandang wikang ito.
Bakit ko sinasabi ang mga halimbawang ito sa inyo? Dahil gusto kong talakayin ang pagkatuto sa wika ng Espiritu—paano Siya nangungusap sa atin at paano madaragdagan ang kakayahan nating marinig ang Kanyang tinig. Tulad ng ang pagkatuto sa instrumento o sa wika ay isang proseso, ang pag-alam sa wika ng Espiritu ay isa ring proseso, na napakahalagang matutuhan natin, kahit bagong binyag lang tayo o matagal nang miyembro ng Simbahan.
Itinuro ng Tagapagligtas sa Aklat ni Mormon na ang mga Lamanita ay “nabinyagan ng apoy at ng Espiritu Santo, at hindi nila nalaman ito.”2 Hangad kong madagdagan ang kakayahan nating pakinggan at unawain ang mga paramdam ng Espiritu at kumilos nang may pananampalataya sa mga paramdam ng Espiritu Santo. Para magawa ito, dapat makilala muna natin ang Kanyang tinig.
Sandali nating alamin ang ating karanasan. Dahil marami tayo at kasama natin ang mga young adult sa iba’t ibang panig ng mundo, may ipagagawa ako sa inyo. Nang hindi nagiging masyadong personal, maaari ba ninyong ibahagi ang ilan sa mga karanasan ninyo sa mga tanong na ito sa Twitter? Kapag may oras kayo, “i-tweet” ang inyong sagot sa #cesdevo.
Heto ang tanong na sasagutin ninyo: Paano natin malalaman kung naririnig natin ang tinig ng Espiritu?
Maaari pa tayong magtanong sa sarili habang pinag-iisapan ang tanong na ito:
• Naranasan ko na ba ang magmahal, magalak, kapayapaan, pasensya, kababaan ng loob, pagkamahinahon, pananampalataya, pag-asa, at kapanatagan?
• May naiisip ba akong mga ideya, o nadarama sa puso ko, na alam kong mula sa Panginoon, at hindi mula sa akin?
• Narinig ko na bang nagsalita ako ng katotohanan nang hindi ko pinlano ang sasabihin ko?
• Naranasan ko na ba ang malaking pag-unlad ng aking mga kasanayan at kakayahan?
• Nakadama na ba ako ng patnubay at proteksyon mula sa pandaraya?
• Nakita ko na ba ang mga kasalanang nagawa ko at hinangad na itama ito?
• Nadama ko ba ang Espiritu na niluluwalhati at nagpapatunay sa Diyos Ama at kay Jesucristo?3
Kung “oo” ang sagot mo sa alinman dito, nadama mo na ang Espiritu ng Panginoon sa iyong buhay. Ngunit ang pinakamahalagang tanong ngayon ay “Nadarama ba ninyo ang gayon ngayon?4
Nagpayo si propetang Mormon tungkol sa pagsunod sa Liwanag ni Cristo para malaman natin ang pagtanggap sa Espiritu Santo. Sabi ni Mormon:
“Sapagkat masdan, ang Espiritu ni Cristo ay ipinagkakaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama; samakatwid, ipakikita ko sa inyo ang paraan sa paghatol; sapagkat ang bawat bagay na nag-aanyayang gumawa ng mabuti, at humihikayat na maniwala kay Cristo, ay isinugo sa pamamagitan ng kapangyarihan at kaloob ni Cristo; kaya nga, malalaman ninyo nang may ganap na kaalaman na iyon ay sa Diyos.
“Ngunit anumang bagay na humihikayat sa tao na gumawa ng masama, at huwag maniwala kay Cristo, at itinatatwa siya, at huwag maglingkod sa Diyos, kung magkagayon, malalaman ninyo nang may ganap na kaalaman na iyon ay sa diyablo; sapagkat sa ganitong pamamaraan gumagawa ang diyablo, sapagkat hindi niya hinihikayat ang sinumang tao na gumawa ng mabuti, wala, kahit isa; ni ang kanyang mga anghel; ni sila na nagpapasakop ng kanilang sarili sa kanya.”5
Napansin ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Iyan ang pagsubok, kapag nagawa na ang lahat. Hinihikayat ba ako nitong gumawa ng mabuti, bumangon, manindigan, gawin ang tama, maging mabait, mapagbigay? Kung gayo’y nagmumula ito sa Espiritu ng Diyos.”6
Bakit tila napakahirap makilala ang mga pagbulong ng Espiritu? Siguro ang isang dahilan ay nangungusap ang Espiritu kapwa sa ating puso’t isipan. Sa pag-alam sa wika ng Espiritu, minsan ay napagkakamalan natin ang sariling kaisipan at sariling emosyon na mga paramdam ng Espiritu. Ang isa pang dahilan ay ang paghiwatig sa Espiritu ay isang kaloob ng Espiritu. Tulad ng pag-aaral ng wika na madali para sa ilan at mahirap para sa iba, gayundin ang kakayahang maunawaan ang mga bulong ng Espiritu. Kadalasan, ang pag-aaral na tugtugin ang instrumento o pag-aaral ng wika ay nangangailangan ng matinding pagsisikap, pagsasanay at pagkakamali kung minsan. Ganyan din ang proseso ng pag-alam sa wika ng Espiritu.
Makakatulong ba kung malalaman ninyo na ang personal na paghahayag ay unti-unti, dahan-dahang proseso na maging ang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ay kailangan itong matutuhan upang maunawaan? Narito ang isang halimbawa mula sa buhay ni Elder Jeffrey R. Holland:
“May mga pagkakataon na ang tanging daan mula sa A papunta sa C ay sa pamamagitan ng B.
“Dahil lumaki ako sa southern Utah at nasiyahan sa ganda at kariktan ng southern Utah at northern Arizona, gusto kong makita ito ng anak ko at gusto kong dalhin siya sa mga napuntahan ko noong kaedad niya ako. Kaya’t, pinagbaon kami ng kanyang ina ng tanghalian, at ginamit namin ang pickup truck ng kanyang Lolo at nagpunta na sa timog sa tinatawag naming old Arizona Strip.
“Dahil palubog na ang araw, nagpasiya kaming bumalik na. Ngunit nadaanan namin ang isang pasangang lansangan, na sa puntong iyon ay hindi namin maalala. Sinabi ko sa anak ko na magdasal kung saan kami daraan at nadama niyang dapat kaming kumanan, at ganoon din ang nadama ko. At kumanan kami, at dead end pala ito. Umusog pa kami ng apat o lima o anim na raang metro pero dead end na talaga, malinaw na maling daan iyon.
“Pumihit kami, muling lumabas, at tinahak ang kabilang daan. At malinaw na ang kaliwa ang tamang daan.
“Habang daan, sinabi ni Matt, ‘Dad, bakit po nadama natin, matapos tayong magdasal, na kanan ang tamang daan, pero hindi naman pala?’ At sinabi kong, ‘Palagay ko ang nais ng Panginoon at ang sagot Niya sa dasal natin ay ang malaman natin kaagad ang tamang daan nang may katiyakan, at maunawaan na tayo’y nasa tamang daan at hindi tayo dapat mag-alala. At dito, ang pinakamadaling paraan para magawa iyon ay hayaan tayong sumulong ng mga 400 o 500 metro sa maling daan at malaman kaagad nang walang duda na mali ang daan na iyon, at matiyak na sa kabila ang tamang daan.’
“Natitiyak ko at alam na alam, nang lubusan na may perpektong kaalaman na mahal tayo ng Diyos. Mabuti Siya. Siya ang ating Ama at umaasa Siyang magdarasal tayo at magtitiwala at maniniwala at hindi susuko at hindi masisindak at hindi uurong at hindi tatalikuran ang ating mithiin anuman ang mangyari. Lalagi tayong tapat, gagawa, maniniwala, magtitiwala, susunod sa landas ding iyon at mamumuhay sa Kanyang mga bisig at madarama ang Kanyang yakap at maririnig Siyang magsabi na, ‘Sinabi ko na sa iyo, maaayos ang lahat.’”7
May karanasan akong tulad ng kay Elder Holland sa paghahanda ko ng mensahe ngayong gabi. Nasimulan ko na ang isang ideya, nagsaliksik at isinulat ang naiisip ko, pero hindi ako naging komportable dito. Nadama ko na may iba akong dapat talakayin. Noon ko naalala ang karanasan ko dalawang taon na ang nakalipas. Nang tawagin ako bilang Relief Society general president, may mga gabing hindi ako makatulog. Isa sa mga gabing iyon ay maraming ideya ang pumasok sa isip ko at dama kong mahalaga ang mga ito. Isinulat at itinago ko ang mga ito, at hindi naaalala hanggang sa noong ilang linggo, nang madama kong hindi ako komportable sa unang paksa ko. Hinayaan ng Ama sa Langit na mapunta ako sa kabilang daan, at inakay Niya ako pabalik sa tamang daan sa banayad na pakiramdam sa puso ko at napukaw na kaisipan dahil sa kaloob na Espiritu Santo.
Ano ang magagawa natin para mas marinig ang tinig ng Espiritu? Masisimulan natin sa pag-unawa na gustong makipag-ugnayan sa atin ng Ama sa Langit. Alam natin ito dahil itinuro ng mga makabagong propeta ang doktrina ng personal na paghahayag. Isipin ninyo ang napakaraming biyayang bigay sa atin ng Panginoon para makipag-ugnayan tayo sa Kanya at matanggap ang Kanyang mga salita: mga banal na kasulatan, patriarchal blessing, panalangin, ordenansa, inspiradong mga lider at magulang, at ang kaloob na Espiritu Santo.
Paano natin sisimulan na mas mapalapit sa Diyos at marinig ang Kanyang tinig na nagsasalita sa atin? Sisimulan natin sa mahahalagang bagay. Ginagawa natin ang malilit at simpleng bagay na nagpapakita na Siya ang pinakamahalaga sa ating buhay at nais nating tumanggap ng paghahayag mula sa Kanya. Nang bumisita ako sa West Africa, natutuhan ko ang isang kataga na tila akma sa proseso ng personal na paghahayag: “dahan-dahan, unti-unti.” Ano ang ilan sa “dahan-dahan, unti-unting” mga bagay na magagawa natin?
Number 1: Mapagpakumbabang manalangin nang taos.
Ang puso ko bilang ina ay naantig sa paglipas ng mga taon habang minamasdan ko ang mga anak at apo ko na nananampalataya at humihiling sa aba at taos na panalangin ng tulong mula sa Panginoon sa kanilang mga problema. Makikita ito sa isang napakagandang alaala sa aming pamilya.
Lalaki ang panganay naming anak. Lima ang kapatid niyang babae at wala siyang kapatid na lalake. Bago isilang ang ikatlo naming anak pinangakuan ng asawa ko ang anak naming lalaki ng aso kung babae ulit ang sanggol. Nang isilang ang sanggol naming babae, tinupad ng asawa ko ang kanyang pangako. Ang aso ay naging matalik na kaibigan ng aming anak. Minahal niya ang asong iyon. Pero isang araw, nawala ang aso. Naghanap kami, pero hindi namin ito nakita. Tinawagan namin ang animal control officer. Hindi niya kami binigyan ng pag-asa dahil malapit lang kami sa freeway. Nadama ng officer na sapat na ang ibinigay na oras kaya’t posibleng napunta ang aso sa freeway at nasagasaan doon.
Ginawa namin ang lahat para aliwin ang anak namin nang sabihin namin iyon, at nalungkot siya nang husto. Niyaya ko pa siyang magdasal sa Ama sa Langit para mapanatag. Tumitig sa mata ko ang malambing naming anak at sinabing, “Tuloy-tuloy po ang dasal ko, Inay.”
Lumipas ang ilang araw. At isang umaga may kumatok sa aming pintuan. Isa sa mga bata ang nagbukas ng pinto at humahangos na sinundo ako. Nag-alala ako nang mapansin ko ang nakahintong kotse sa driveway na may nakasulat na “Animal Control” sa gilid. Tiningnan ako ng lalaking nasa pintuan at nagsabing, “Mrs. Burton, palagay ko sa anak ninyo ang bagay na nasa kotse ko.”
Nadismaya ako. Nag-alala ako na baka nadampot niya ang aso namin at baka patay na ito o sugatan. Laking gulat ko nang makita ang aso namin sa likod ng kotse—buhay, masigla, at patalon na palabas ng kotse papunta sa aming anak.
Tinanong ko ang animal control officer kung saan niya natagpuan ang aso. Sabi niya: “May kakaibang nangyari kaninang umaga nang paalis na ako ng bahay. Nasa harap mismo ng bahay ko ang isang aso na tugma sa sinabi ninyo sa akin sa telepono. Tumugon ang aso nang tawagin ko ang pangalan niya. Kaya naisip kong ihatid ito para mapanatag na ang isip ng bata bago siya pumasok sa eskuwela.”
Alam kong sinasagot ng Panginoon ang taos, magiliw, na dasal ng bata. Nais ng Ama sa Langit na malaman ng mga bata na nariyan Siya para patuloy silang magtiwala sa Kanya hanggang pagtanda nila. Dahil ang mga bata ay karaniwang mapagpakumbaba, marapat silang tumanggap ng pangako ng Ama sa Langit na ibinigay sa Doktrina at mga Tipan: “Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin.”8
Habang ibinabagi ko ang mga tanong noon ni Pangulong Spencer W. Kimball sa isang grupong katulad ninyo, isipin ang inyong pagpapakumbaba at ang kataimtiman ng inyong mga dasal: “Gusto ba ninyo ng patnubay? Nanalangin na ba kayo sa Panginoon para sa inspirasyon? Gusto ba ninyong gumawa ng tama o gusto ninyong gawin ang nais ninyo tama o mali man ito? Gusto ba ninyong gawin ang pinakamainam para sa inyo sa bandang huli o ang tila kasiya-siya ngunit panandalian lamang? Nanalangin na ba kayo? Gaano kataimtim ang inyong panalangin? Paano kayo nanalangin? Nanalangin ba kayo tulad ng ginawa ng Tagapagligtas … o ang hiniling ninyo’y ang gusto ninyo nang hindi iniisip kung angkop ba ito?”
At nagpatuloy si Pangulong Kimball: “Sinasabi ba ninyo sa inyong mga panalangin: ‘Gawin nawa ang Iyong kalooban’? Sinabi ba ninyong, ‘Ama sa Langit, kung bibigyan po Ninyo ako ng inspirasyon at ipadarama sa akin ang tama, gagawin ko po iyon’? … O, ang dalangin ninyo’y, ‘Ama sa Langit, mahal ko po Kayo, naniniwala po ako sa Inyo, alam kong batid Ninyo ang lahat ng bagay. Ako po ay matapat. Hangad ko po nang taos-puso na gawin ang tama. Alam kong nakikita ninyo ang wakas mula sa simula. Nakikita po Ninyo ang hinaharap. Nakikita po Ninyo kung sa sitwasyong ito na aking sinasamo ay magkakaroon ako ng kapayapaan o kaguluhan, kaligayahan o kalungkutan, tagumpay o pagkabigo. Nakikiusap po akong sabihin Ninyo sa akin, mahal na Ama sa Langit, at ipinapangako kong gagawin ang ipagagawa Ninyo sa akin.’ Ganito ba kayo kung manalangin? Sa palagay ba ninyo’y tama lang na gawin ito? May lakas ba kayo ng loob na magdasal sa ganyang paraan?”9
Ang isang paraan ng taos na panalangin ay ang mag-isip ng tapat at taos-pusong mga tanong at idulog ito sa Panginoon. Isipin ang mga tanong ni Joseph Smith: “Ano ang nararapat gawin? Sino sa lahat ng pangkat na ito ang tama; o, lahat ba sila ay pare-parehong mali? Kung mayroon mang isang tama sa kanila, alin ito, at paano ko ito malalaman?”10 Buong talino siyang bumaling sa mga banal na kasulatan, na pinagmumulan ng banal na katotohanan, kaya’t siya’y “matamang nagmuni-muni” at nakarating siya sa “matibay na hangarin na ‘humingi sa Diyos,’”11 naniniwalang ang kanyang dasal ay sasagutin.
Ang ibig sabihin ng taimtim na panalangin ay kikilos tayo ayon sa sagot na matatanggap natin. Sa kanyang taimtim na panalangin sa Sagradrong Kakahuyan, nagunita ni Joseph, “Ang aking layunin sa pagtatanong sa Panginoon ay upang alamin kung alin sa lahat ng sekta ang tama, upang malaman kung alin ang sasapian ko.”12 Malinaw na balak ni Joseph na kumilos anuman ang ihayag sa kanya ng Panginoon. Gayunman, bago pa siya nakapagtanong, natanggap niya ang higit pa sa inasahan niya. Binigyan siya ng pambihirang pagkakataon na makita ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo! Nagagalak ako sa maluwalhating sagot na ito sa simple ngunit taimtim na paghahangad ng kaalaman ng batang propetang si Joseph Smith!
Number 2: Kaagad kumilos sa espirituwal na mga pahiwatig.
Isang insidente sa buhay ng mahal nating propetang si Pangulong Thomas S. Monson, ang naglalarawan sa kahalagahan ng kaagad na pagtugon sa mga pahiwatig mula sa Espiritu.
“[Narrator:] Sa pagdami ng mga responsibilidad ni Bishop Monson, marami siyang natutuhan, pati na ang kahalagahan ng pagsunod sa Espiritu at pagtitiwala sa Panginoon.
“Isang gabi habang nasa stake priesthood leadership meeting, nadama niyang dapat siyang umalis kaagad at magpunta sa Veterans Hospital sa gawing hilaga ng Salt Lake City. Bago umalis ng bahay nang gabing iyon may natanggap siyang tawag sa telepono at maysakit daw ang isang matandang miyembro sa kanyang ward at nasa ospital. Sabi ng tumawag, puwede bang sumaglit ang bishop sa ospital at magbigay ng basbas? Sinabi ng abalang bishop na papunta siya sa miting pero tiyak na daraan siya sa ospital pagkatapos. Lalong lumakas ang nadarama niya: “Iwan mo ang miting at pumunta ka na sa ospital ngayon din.”
“Tumingin si Bishop Monson sa pulpito. Ang stake president ang nagsasalita! Di niya alam kung paano siya tatayo habang nagsasalita ito at daraan sa hanay ng kalalakihan. Hinintay na lang niyang matapos ang mensahe ng stake president, at kumaripas palabas ng pinto bago pa maibigay ang pangwakas na panalangin. Tinakbo niya ang pasilyo ng isang palapag ng ospital, at nakita niya ang kaguluhan sa labas ng pupuntahang silid.
“Isang nars ang tumigil at sinabing, ‘Kayo ba si Bishop Monson?’
“‘Oo,’ sagot niya.
“‘Ikinalulungkot ko,’ sabi ng nars. ‘Tinatawag ng pasyente ang inyong pangalan bago siya namatay.’
“Pigil ang luhang umalis si Bishop Monson. Sumumpa siyang di na kailanman ipagpapaliban ang paramdam mula sa Panginoon. Kaagad na niyang susundin ang paramdam ng Espiritu saan man siya akayin nito.”
“[Elder Jeffrey R. Holland:] Hindi mauunawaan ng kahit sino si Pangulong Thomas S. Monson kung di nila nauunawaan ang dalas, at pag-uulit ng gayong mga espirituwal na paramdam sa kanyang buhay at ang katapatan niya sa pagtugon sa mga ito.”13
Number 3: Saliksikin ang mga banal na kasulatan araw-araw.
Itinuro ni Elder Robert D. Hales: “Kapag nais nating makipag-usap sa Diyos, nagdarasal tayo. At kapag gusto nating kausapin Niya tayo, sinasaliksik natin ang mga banal na kasulatan; dahil ang Kanyang mga salita ay inihahayag sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.”14
Noong 20 anyos ako, nahirapan akong gawin ang isang mahirap na desisyon at parang walang sagot sa taos kong mga panalangin. Isang gabi, ginabi na ng uwi si Itay mula sa miting sa Simbahan at napansin niyang nakasindi ang ilaw sa silid ko. Umupo siya sa gilid ng kama ko at nagtanong kung may maitutulong siya, nadaramang nahihirapan ako. Sinabi ko sa kanya ang nasa loob ko. Sinabi niyang bumaling ako sa mga banal na kasulatan para matulungan ako sa aking desisyon, at nagbanggit ng mga talata na pagninilayan ko at ipagdarasal. Sinunod ko ang payo niya at sinaliksik ang mga banal na kasulatan. Makalipas ang ilang sandali at sa patuloy na pagsisikap, natanggap ko ang sagot sa aking dalangin. Sinabi ko ang magaganda kong ideya at desisyon sa Panginoon at taimtim akong humingi ng katibayan at nakadama ng banayad, payapang katiyakan sa aking puso.
Nalaman natin sa mga banal na kasulatan na ang mabubuting anak ni Helaman na sina Lehi at Nephi, ay tumanggap ng “maraming paghahayag sa araw-araw.”15 Sa araw-araw nating pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo at sa pagninilay sa mga nababasa natin, tayo rin ay tatanggap ng mga paghahayag sa araw-araw dahil sa kaloob na Espiritu Santo, lalo na kapag maingat nating isinulat ang mga kaisipan at damdaming natatanggap natin.
Number 4: Sundin ang batas ng ayuno.
Upang lalo pa nating marinig ang tinig ng Espiritu, makabubuting mag-ayuno tayo sa loob ng 24 oras tuwing Linggo ng ayuno at bukas-palad na magbigay ng handog-ayuno upang tulungan ang mga nangangailangan. Nagpayo si Pangulong Harold B. Lee: “Sinabi ng Panginoon kay Isaias, na ang mga mag-aayuno at magbabahagi ng kanilang tinapay sa nagugutom, ay maaaring tumawag at sasagot ang Panginoon, ‘Narito ako.’ [Tingnan sa Isaias 58:6–9.] Iyan ay isang paraan upang magkaroon ng pakikipag-ugnayan sa Panginoon. Subukan ninyo ito ngayong taon. Ipamuhay nang ganap ang batas ng pag-aayuno.”16
Sa aklat ni Alma, nalaman natin na ang mga anak ni Mosias ay “itinuon … ang kanilang sarili sa maraming panalangin, at pag-aayuno; kaya nga taglay nila ang diwa ng propesiya, at ang diwa ng paghahayag, at kapag sila ay nagturo, sila ay nagtuturo nang may kapangyarihan at karapatan ng Diyos.”17 Ang katagang “itinuon nila ang kanilang sarili” ay dapat pag-isipan habang sinusuri natin ang ating pagsisikap na tunay na mag-ayuno.
Number 5: Maging karapat-dapat at sumamba sa templo.
Sang-ayon kay Pangulong George Albert Smith, “Bawat isa sa atin ay may karapatan sa inspirasyon ng Panginoon ayon sa paraan ng ating pamumuhay na makadiyos.”18 Pansinin na hindi niya sinabi na kailangan tayong maging perpekto para tumanggap ng inspirasyon. Kundi kailangan nating gawin ang lahat para mamuhay nang marapat.
Tandaan at matuto sa negatibong halimbawa ng mga tauhan ni Haring Limhi sa Aklat ni Mormon: “Ang Panginoon ay mabagal sa pakikinig sa kanilang pagsusumamo dahil sa kanilang mga kasamaan.”19
Ang pagiging marapat ay tila maliit na sakripisyo upang mabuksan ang mga dungawan ng langit. Sa pagtupad sa ating mga tipan at marapat na pagtanggap ng sakramento, may pangako sa atin na palaging mapapasaatin ang Espiritu.20 Ngunit dumarating iyan pagkatapos tayong mangako at matapos sundin ang tipan na palaging aalalahanin ang Tagapagligtas! Dagdag pa rito, ang pagtutuon ng pansin at pamumuhay nang marapat sa pagpasok sa templo, at madalas na paggawa nito hangga’t maaari, ay nagpapagindapat sa atin na “lumaki sa [Panginoon], at makatanggap ng kaganapan ng Espiritu Santo.”21
Number 6: “Huwag lapastanganin ang mga bagay na banal.”22
Dapat mong matanto na ang paghahayag mula sa Panginoon ay sagradong pagtitiwala. Itinuro ni Elder Richard G. Scott na “ang maingat na pagtatala ng inspirasyon ay nagpapakita sa Diyos na sagrado sa atin ang Kanyang mga komunikasyon. … [Ang gayong pagtatala] … ay hindi dapat tulutang mawala o mapakialaman ng iba.”23
Ang pangalawang patunay sa aral na iyan ay mula sa karanasan ni Pangulong Harold B. Lee, na nagsabing: “Minsan sa kalagitnaan ng gabi nagising ako at hindi na makatulog hanggang sa bumangon ako sa higaan at isinulat ang bagay na gumugulo sa aking isipan. Subalit kailangan talaga ang lakas ng loob upang makakilos kapag inuutusan bilang sagot sa mga panalangin.”24
Number 7: Maghandang sumulong nang may pananampalataya.
Nang kaming mag-asawa ay nakatakda nang ikasal, mahaba ang mga pag-uusap namin tungkol sa aming kinabukasan. Ano ang gagawin namin sa aming pag-aaral? Kailan kami dapat magkaroon ng mga anak? Anong trabaho ang tutustos sa mga pangangailangan ng aming pamilya at magtutulot sa amin na maglingkod sa Simbahan? Dahil naniwala kami sa payo ng buhay na propeta na nagturo na maaari kaming magkaanak habang nag-aaral at nagtatrabaho, sumulong kami nang may pananampalataya.
Hindi iyon madali. Nagkaroon ng tatlong part-time job ang asawa ko habang nag-aaral siya para masimulan ko ang bago kong trabaho bilang ina at tagapangalaga. Ang landas na iyon ay direktang salungat sa lohika ng mundo, kahit noong panahong iyon. Ngayon, nakikita namin kung paanong ang mga hakbang na iyon ng pananampalataya ay nagbunga ng mga walang-hanggang pagpapala, na maaaring naipagkait sa amin kung hindi kami nakinig sa tinig ng Espiritu sa pamamagitan ng piling propeta ng Panginoon.
Para ilarawan pa ito, tingnan natin ang karanasan ni Elder Robert D. Hales. Naatasan siyang maging junior companion ni Pangulong Ezra Taft Benson sa stake conference kung saan isang bagong stake president ang tatawagin. Ikinuwento niya ang sumusunod: “Pagkatapos manalangin, mag-interbyu, pag-aralan at muling manalangin, nagtanong si Elder Benson kung alam ko na kung sino ang magiging bagong pangulo. Sinabi ko na hindi ko pa natanggap ang inspirasyong iyon. Matagal niya akong tinitigan at sumagot na hindi pa rin niya natatanggap ang inspirasyon. Gayunman, kami ay nabigyan ng inspirasyon na hilingan ang tatlong karapat-dapat na mga mayhawak ng priesthood na magsalita sa sesyon sa Sabado ng gabi ng kumperensya. Mga ilang sandali matapos magsimula ang ikatlong tagapagsalita, ipinahiwatig sa akin ng Espiritu na siya ang dapat maging bagong stake president. Tumingin ako kay Pangulong Benson at nakitang tumutulo ang mga luha sa kanyang pisngi. Ibinigay sa aming dalawa ang paghahayag—ngunit tanging sa patuloy na paghahangad sa kalooban ng ating Ama sa Langit habang sumusulong nang may pananampalataya.”25
Number 8: Ipaubaya sa Panginoon ang mga detalye ng pipiliin Niyang ihayag at kung kailan Niya gustong ihayag ito.
Ang obserbasyon ng awtor na si Corrie Ten Boom ay tila angkop dito: “Ang bawat karanasang bigay sa atin ng Diyos, bawat taong inilalagay Niya sa ating buhay, ang perpektong paghahanda para sa hinaharap na Siya lamang ang nakakakita.”26
Siguro ang ilan sa inyo ay may karanasang tulad ng sa anim naming mga anak sa paghahanap nila ng karapat-dapat na makakasama sa habampanahon. Dahil palagi nating nauunawaan ang mga bagay kapag natapos na ito, nakikita nila ngayon na kinailangan nila ang ilang mga karanasan para makilala ang kamay ng Panginoon na umaakay sa kanila tungo sa makakasama nila sa habampanahon. Ang ilan sa mga karanasang iyon ay nangailangan ng mga taon ng matiyagang paghihintay at pagsulong nang may pananampalataya. May mga sandali na parang nakasara ang kalangitan habang nagdarasal sila. Kapag hindi tugma ang timing ng Panginoon sa ating mga hangarin, magtiwala na mayroong mga paghahanda na gusto ng Panginoon na danasin natin bago sagutin ang ating mga dasal.
Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks:
“Dapat nating matanto na ang Panginoon ay mangungusap sa atin sa pamamagitan ng Espiritu sa Kanyang sariling panahon at sa Kanyang sariling paraan. Maraming tao ang hindi nakauunawa sa alituntuning ito. Naniniwala sila na kapag handa sila at madali para sa kanila, makakatawag sila sa Panginoon at agad Siyang tutugon, maging sa eksaktong paraang sinabi nila. Ang paghahayag ay hindi dumarating sa ganyang paraan. …
“… Hindi natin mapipilit ang mga espirituwal na bagay.”27
Mga 15 taon na ang nakalipas, nabulag ang aking ina. Maraming buwan siyang nahirapan sa pagsubok na ito. Napanatag siya nang manalangin siya nang taimtim na maunawaan ang simpleng tula na naging paborito niya. Binanggit ito kamakailan ni Pangulong Monson.
Hindi ko alam kung paano,
Ngunit alam kong sinasagot ng Diyos ang ating pagsamo.
Alam kong pangako’y Kanyang iniwan,
Na panalangin ay laging tutugunan,
At sasagutin, kaagad o kalaunan.
Kaya nagdarasal ako’t payapang naghihintay.
‘Di ko alam kung ang hangad na pagpapala
Ay darating tulad ng aking inakala;
At sa Kanya lamang ako dumadalangin,
Sa Kanya na ang katalinuha’y higit pa sa akin,
Nakatitiyak na kahilinga’y ipagkakaloob Niya,
O Siya’y magpapadala ng mas malaking pagpapala.28
Gaya ng karamihan, hangad pa rin ng aking ina na magtiwala sa Kanyang kalooban at takdang- panahon. Sa paggawa nito, dapat nating tandaan ang turong ito ni Elder Richard G. Scott: “Ano ang gagawin ninyo kapag kayo ay nakapaghandang mabuti, taimtim na nanalangin, naghintay nang sapat na panahon para sa sagot, at wala pa rin kayong madamang kasagutan? Maaari kayong magpasalamat kapag nangyari iyon, dahil patunay ito ng … pagtitiwala ng [Ama sa Langit]. Kapag namumuhay kayo nang marapat at ang inyong pasiya ay naaayon sa mga turo ng Tagapagligtas at kailangan ninyong kumilos, magpatuloy nang may tiwala. Kapag sensitibo kayo sa mga paramdam ng Espiritu, isa sa dalawang bagay ang tiyak na mangyayari sa tamang panahon: maaaring matuliro ang isipan, na ibig sabihin ay mali ang pasiya, o kaya’y kapayapaan o pag-aalab sa dibdib ang madarama, patunay na tama ang inyong pasiya. Kapag namumuhay kayo nang matwid at kumikilos nang may tiwala, hindi hahayaan ng Diyos na magpatuloy pa kayo nang hindi nababalaan kung mali ang inyong desisyon.”29
Ang tinig ng babala ng Espiritu ay kadalasan dumarating sa pamamagitan ng tinig ng mga piling lingkod ng Panginoon, na umaakay sa atin sa susunod na punto.
Number 9: Pakinggan ang babala ng mga propeta.
Isiping mabuti ang ilang babala ng propeta sa ating panahon. Una, mula kay Pangulong Boyd K. Packer:
“Ngayon isang babala! May musika na lubhang pumipinsala sa espiritu. … Ang tempo, ang tunog, at estilo ng mga nagtatanghal nito ay kinasusuklaman ng Espiritu. Mas mapanganib ito kaysa inaakala ninyo, dahil kaya nitong patayin ang inyong espirituwal na pandamdam.
At narito ang isa pa:
“Maaaring mayroong huwad na mga paghahayag, mga pang-uudyok ng diyablo, mga tukso! …
“Kung may matatanggap kayong paramdam na gawin ang isang bagay na dama ninyong ikaaasiwa ninyo, na alam ninyo sa inyong isipan na mali at salungat sa mga alituntunin ng kabutihan, huwag itong sundin!”
At narito ang isa pa: “Kapag ang isang tao ay naging mapamintas at nagtatanim ng sama ng loob, ang Espiritu ay lalayo.”30
At ang ating mahal na propeta, si Pangulong Monson, ay nagbabala nang sabihin niyang, “Mag-ingat sa anumang bagay na aagaw sa mga pagpapala ng kawalang-hanggan.”31
Bakit dapat ituon ang ating mga puso sa tinig ng Espiritu? Ano ang mga pagpapala sa paggawa nito?
Kababalik ko lang mula sa Pilipinas, kung saan nakita ko ang epekto ng super bagyong Haiyan. Narinig ko ang mga karanasan ng mahal nating mga kapatid sa Pilipinas nang magpatotoo sila na ginabayan sila ng Espiritu sa oras ng pangangailangan na malaman ang gagawin at saan pupunta. Narinig ko ang kuwento nila ng pagsulong nang may pananampalataya sa oras na hindi malinaw ang landas. Narinig ko ang mga kuwento ng mga batang missionary, ng mga sister at elder, na sumunod sa paramdam na umakay sa kanila sa ligtas na lugar sa gitna ng mahirap na kalagayan. Nagpapasalamat ako sa “hindi masambit na kaloob na Espiritu Santo,”32 na nagbababala, umaakay, umaalo, at gumagabay sa mga naghahangad na mamuhay nang marapat.
Sa lahat ng mga regalong mapipili ng ating Ama sa Langit na ipagkaloob sa Kanyang mga anak sa pag-ahon natin sa tubig ng binyag, pinili Niyang ibigay ang kaloob na Espiritu Santo.
“Ang Espiritu Santo ay lubos na kaisa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. …
“Siya ay ‘sumasaksi sa Ama at sa Anak’ (2 Nephi 31:18) at inihahayag at itinuturo ‘ang katotohanan ng lahat ng bagay’ (Moroni 10:5). Matatanggap natin ang tiyak na patotoo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan lamang ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang pakikipag-ugnayan Niya sa ating espiritu ay mas nagbibigay ng katiyakan kaysa alinmang komunikasyon na matatanggap natin sa pamamagitan ng ating likas na pandamdam.”33
Mga kapatid, gaya ng alam ninyo, ang malaki at maluwang na gusali ay puno ng mga taong nanlalait at nambabatikos at nanduduro na nakapalibot sa atin. Ang tinig ng daigdig ay malakas, walang habag, mapanghikayat, at mapilit. Maliban na matutuhan nating ituon ang ating mga puso sa tinig ng Espiritu at pakaigihin ang ating kakayahang hangarin, tanggapin, at kumilos sa personal na paghahayag, tayo ay nasa mabuway na pundasyon. Kailangan natin ang tinig ng Espiritu para gabayan tayo palayo sa lahat ng marumi, hangal, mahalay, marahas, makasarili, at makasalanan. Kailangan natin ang Espiritu Santo hindi lamang para akayin tayo sa lahat ng “marangal, kaaya-aya, o magandang balita at maipagkakapuri”34 kundi para tulungan tayong linangin ang hangarin sa mga bagay na iyon upang lubusang mapaglabanan ang hatak ng mundo.
Isa sa mga pinakamainam na pagpapalang matatanggap natin sa pagkatutong makinig sa tinig ng Espiritu ay ang kakayahan na makita ang ating sarili gaya ng pagkakita sa atin ng ating Ama sa Langit at, “dahan-dahan, unti-unting,” maging napakabuti.
Isipin ang magandang sinabi ng isang Apostol sa mga huling araw: “Ang kaloob na Espiritu Santo … ay nagpapabilis ng takbo ng pag-iisip, nagdaragdag, nagpapalaki, nagpapalawak at nagpapadalisay ng lahat ng likas na simbuyo ng damdamin at magiliw na saloobin; at iniaangkop ang mga ito, sa pamamagitan ng kaloob na karunungan, sa makabuluhang gamit ng mga ito. Pinasisigla nito, pinalalawak, nililinang ang lahat ng mabubuting saloobin, galak, panlasa, kaugnayan, at damdamin na likas sa atin. Nanghihikayat ito ng kabanalan, kabaitan, kabutihan, kagiliwan, kahinahunan, at pag-ibig sa kapwa. Lalo nitong pinagaganda ang uri at katangian ng isang tao. Nakadaragdag ito sa kalusugan, lakas, sigla, at sa pakikihalubilo sa iba. Pinauunlad at pinasisigla nito ang mga kakayahan ng pisikal at intelektuwal na tao. Ito’y nagpapalakas, at bumubuhay sa mga ugat. Sa madaling salita, gaya ng dati, hatid nito ang mahalagang sangkap na nakagagalak sa ating puso, nagbibigay ningning sa mga mata, musika sa tainga, at buhay sa buong pagkatao.”35
Maibibigay sa atin ng Espiritu Santo ang pisikal, espirituwal, emosyonal, pangkaisipan at intelektuwal na lunas na hindi magagaya ng sinumang tao.
Hindi ba kayo sang-ayon na ang marapat na pamumuhay sa gayong mga pagpapala ay sulit, kahit mangailangan ito ng malaking sakripisyo? Ito ang “buong tinapay” na matatanggap natin kapalit ng “kapirasong” pagsisikap. Inaanyayahan ko ang lahat na simulan ngayong gabi na ituon ang ating mga puso sa tinig ng Espiritu Santo.
Hindi nagkataon lang na hinirang ng Panginoon si Pangulong Thomas S. Monson bilang Kanyang buhay na propeta na gagabay sa atin ngayon. Si Pangulong Monson ay natutong mabuti na makinig at tumugon sa mga paramdam ng Espiritu. Pagpapalain tayo sa pagsunod sa kanyang halimbawa.
Nagpapatotoo ako na siya ang tagapagsalita ng Panginoon sa ating panahon. Nagpapatotoo rin ako na nais ng ating Ama sa Langit na makabalik tayo sa Kanyang piling at gumawa Siya ng paraan para magawa ito sa pagbibigay ng Kanyang Bugtong na Anak at sa kaloob na Espiritu Santo. Nagpapatotoo ako na sulit ang lahat ng pagsisikap natin sa pagkakamit ng hindi masambit na kaloob, sa pangalan ni Jesucristo, amen.
© 2014 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 1/14. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 1/14. Pagsasalin ng Tuning Our Hearts to the Voice of the Spirit. Tagalog. PD10050686 893