Mga Pandaigdigang Debosyonal
Saligang Kaytibay


61:7

Saligang Kaytibay

CES Devotional para sa mga Young Adult • Nobyembre2, 2014 • Ogden Tabernacle, Ogden, Utah

Tuwang-tuwa kami ni Sister Hallstrom na makasama kayo sa gabing ito. Habang minamasdan namin ang mukha ng mga narito ngayong gabi, nakikinita namin ang mga young adult sa iba’t ibang panig ng mundo, kapwa single at may-asawa, na nakikilahok sa brodkast na ito. May pagkakataon kaming maglakbay sa buong Simbahan. Marami na kaming nakadaupang-palad na kagaya ninyo. May nakilala kaming mga young adult na na-convert at mga patuloy na nagsisikap na ma-convert pa. May mga young adult na naliligaw ng landas at mga muling naibalik—o, sabihin nating, muli silang nagbalik. May nakilala kaming mga young adult na hindi natin kamiyembro, mga bagong binyag lang, at mga ilang henerasyon na ang pamilya sa Simbahan. Nagpapatotoo kami na lahat ay mga anak ng Diyos at mayroong pagkakataong makamit ang bawat pagpapala ng kawalang-hanggan.

Sa ngalan ng pamunuan ng Simbahan, buong sigla kong sinasabing, “Mahal namin kayo!” Sa pagmamasid sa mga propeta at apostol at batay sa pagkakilala ko sa kanila, masasabi ko na talagang may malasakit sila sa mga young adult ng Simbahan. Kayo ang ngayon at ang hinaharap. Kailangan namin kayo!

Ang miting na ito ay nagmumula sa Ogden Tabernacle, isang magandang na-renovate na gusali na katabi ng maringal na Ogden Utah Temple. Ang templong iyan at ang tabernacle na ito ay muling inilaan ni Pangulong Thomas S. Monson anim na linggo pa lang ang nakararaan. Ang templo ay isa sa 143 na mga templong kasalukuyang gumagana sa Simbahan at nakakalat sa buong mundo. Bilang tanda ng edad ko, o sabihin nating, kung paano pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain, noong ipanganak ako walo pa lang ang mga templo.

Gamit ang templo bilang metaphor, ngayong gabi magsasalita ako tungkol sa mga pundasyon. Kasama sa disenyo at pagtatayo ng bawat templo, malaking gawain ang iniuukol sa hindi madaling makita kapag tapos na ang proyekto—ang pundasyon. Halimbawa, makikita sa guhit ng artist ang Philadelphia Pennsylvania Temple, na itinatayo ngayon. Kapag natapos na, ang pambihirang gusaling ito ay aabot sa 82 talampakan ang taas hanggang sa bubong nito at 195 na talampakan ang taas hanggang sa tuktok ng anghel na si Moroni. Gaya ng nakikita ninyo, magiging napakaganda nito! Gayunman, kahit gaano katayog at katatag ang gusaling ito, mararanasan pa rin nito ang mapanirang hangin at tubig sa ilalim ng lupa. Ang di magagandang kondisyon na ito, kung hindi lulutasin, ay makapipinsala nang malaki at makasisira sa maringal na gusaling ito.

Batid na tiyak na sisirain ng mga puwersang ito ang templo, ang mga engineer ay nagdisenyo at ang contractor ay naghukay hanggang sa lalim na 32 talampakan sa kabuuan ng istruktura. Ito ay hinukay sa native Pennsylvania granite para maglaan ng di natitinag na pundasyon na pagtatayuan. Ang sementadong footings at pundasyon ay nakakabit sa granite bedrock gamit ang mga batong pagkakapitan para makayanan nito kahit ang malakas na puwersa ng hangin at ng tubig sa lupa. Ang mga anchor o pagkakapitan ay ibinaon ng 50 hanggang 175 talampakan sa granito at siniksik sa bigat na 250,000 pounds bawat square inch. Ang pagitan ng mga anchor o pagkakapitan ay 15 talampakan sa magkabilang direksyon.

Ibinigay ko ang detalyadong impormasyon para ituro ang puntong ito: Hindi tulad ng pagtatayo ng isang istruktura (na pansamantala lang), sa pagtatayo ng ating (at sana, walang hanggang) buhay, kung minsan ay hindi natin gaanong pinapansin ang engineering at pagtatayo ng ating mga pundasyon. Bunga nito, masyado tayong nalalantad at madaling napaliligiran ng mapanganib na mga puwersa.

Nabubuhay tayo sa mundo na medyo—kung papayagan natin, maaari nitong ipalimot sa atin kung sino tayo. Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson:

“Ang mortalidad ay panahon ng pagsubok, panahon para patunayan ang ating sarili na karapat-dapat tayong makabalik sa kinaroroonan ng ating Ama sa Langit. Para tayo masubok, kailangang harapin natin ang mga pagsubok at problema. Maaari tayong madaig ng mga ito, at maaaring magdusa ang ating mga kaluluwa—iyan ang mangyayari, kung ang saligan ng ating pananampalataya, ang ating mga patotoo tungkol sa katotohanan ay hindi nakatanim na mabuti sa ating mga puso.

“Pansamantala lamang tayong makaaasa sa pananampalataya at patotoo ng iba. Kalaunan kailangang magkaroon tayo ng sariling matibay at malalim na saligan, dahil kung hindi, hindi natin matatagalan ang mga unos ng buhay, na tiyak na darating.”1

Ganito ang paglalarawan ni Jesucristo, sa pagsasalita tungkol sa isang taong nakikinig at sumusunod sa Kanya:

“Siya’y tulad sa isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay at pinakalalim, at inilagay ang patibayan sa bato: at nang dumating ang isang baha, ay hinampas ng agos ang bahay na yaon, at hindi nakilos; sapagka’t natitirik na mabuti.

“Datapuwa’t ang dumirinig, at hindi ginagawa, ay tulad sa isang tao na nagtayo ng bahay sa lupa, na walang patibayan; laban sa yaon ay hinampas ng agos, at pagdaka’y nagiba; at malaki ang naging kasiraan ng bahay na yaon” (Lucas 6:48–49).

Si Jesucristo ang bato na kailangang pagtayuan ng ating pundasyon. Tinukoy ng Panginoon ang Kanyang sarili bilang “bato ng Israel” at mariing ipinahayag ng Panginoon, “Siya na nakatayo sa ibabaw ng batong ito ay hindi kailanman babagsak” (D at T 50:44).

“Dakilain ninyo ang ating Diyos,” sabi ni Moises. “Siya ang Bato, ang kaniyang gawa ay sakdal” (Deuteronomio 32:3–4). Sinabi ni David, “Ang Dios ang aking malaking bato, na sa kaniya ako’y manganganlong, … aking kalasag, … aking matayog na moog” (II Samuel 22:2–3). Sinabi ng Panginoon kay Enoc, “Ako ang Mesiyas, ang Hari ng Sion, ang Bato ng Langit” (Moises 7:53). Pinuri ni Nephi ang Panginoon bilang “bato ng aking kaligtasan” at “bato ng aking kabutihan” (2 Nephi 4:30, 35). Tinawag ni Isaias ang Panginoon na “isang batong subok, isang mahalagang batong panulok na may matibay na patibayan” (Isaias 28:16). Binanggit ni Pablo ang mga apostol at propeta bilang pundasyon ng Simbahan, na “si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok” (Efeso 2:20).2

Hindi bago ang doktrinang ito. Kahit paano, nauunawaan nating lahat ito. Itinuro ito sa atin ng mga magulang, sa Primary, sa klase ng Young Women at korum ng Aaronic Priesthood, sa seminary, sa institute, ng mga full-time missionary, kaibigan, mga lokal na lider ng Simbahan, ng banal na kasulatan, at ng mga buhay na propeta at apostol. Kung gayon, bakit nahihirapan ang marami na ipamuhay ito?

Sa madaling salita, mula sa ating isipan ay kailangan itong tumimo sa ating puso at kaluluwa. Kailangang hindi lang natin ito iniisip kung minsan o kaya ay nadarama natin kung minsan—kailangang maging bahagi ito ng ating pagkatao. Ang kaugnayan natin sa Diyos, na ating Ama, at sa Kanyang walang hanggang plano, at kay Jesucristo, na Kanyang Anak at ating Bato, ay kailangang maging napakatatag upang ito ang maging batong-panulok ng ating pundasyon. Sa gayon ang ating pagkatao ay bilang walang-hanggang nilalang muna—isang anak ng Diyos—at isang mapagpasalamat na tagatanggap ng mga biyayang hatid ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang iba pang mabubuting identidad ay maisasalig sa pundasyong iyan dahil malalaman natin kung alin ang ukol sa walang hanggan at alin ang pansamantala at paano bibigyang priyoridad ang mga ito. At ang iba pang mga identidad at mga kaugaliang kaakibat nito (na masyadong mahalaga sa mundo) ay mas pipiliin nating isantabi.

Gustung-gusto ko ang awiting “Saligang Kaytibay.” (Hindi nakakagulat) na ang paborito ko ay ang sa Mormon Tabernacle Choir. Habang nakaupo sa harap ng choir sa pangkalahatang kumperensya at nakikinig at nadarama ang kapangyarihan ng organo at ng mga boses at musika at mga titik, parang gusto kong tumayo at sumali sa kanila. Dahil alam kong palalabasin ako sa Conference Center, di ko na ginawa ito. Pakinggan itong napakagandang himnong inawit apat na linggo na ang nakalipas sa sesyon sa Linggo ng umaga ng pangkalatahang kumperensya. Namnamin ang mga titik; lalo na ang huling talata. Pampitong talata ito, pero kinanta dito bilang pang-apat na talata.

Kamakailan, nasa miting ako sa Salt Lake Temple kasama ang mga miyembro ng Unang Panguluhan, ang Korum ng Labindalawang Apostol, at lahat ng iba pang mga General Authority na nakadestino sa headquarters ng Simbahan. Kinanta namin ang tatlong talata nitong magandang himno, na nagtapos sa ikatlong talata gaya ng ginagawa natin sa sacrament o sa iba pang mga miting. Ngunit sa okasyong ito sinabi ni Pangulong Monson na, “Kantahin natin ang pampitong talata.” Kasama ang lahat ng magigiting na mga General Authority, at ang buhay na mga propeta at apostol, kumanta kami:

Ang kaluluwang kay Jesus nagtiwala,

Kahit, kailanman, ay di ko itatatwa;

Pilitin mang s’ya’y, yanigin ng kadiliman,

Hinding-hindi, magagawa, Hinding hindi, magagawa,

Di magagawang, talikuran, kailanman!3

Ganito ba kayo? Ganito nga ba ang sinisikap ninyong maging? Ang pagsisikap na magtayo at panatilihing matatag ang espirituwal na pundasyon ay hindi madali. Ang proseso ng pagtatayo ay malaking adhikain, at habambuhay itong gagawin.

Sa inyo na talagang nagsisikap, taos-puso namin kayong pinupuri at gusto naming malaman kung ano ang ginagawa ninyo. Gamitin ninyo ang social media para ibahagi ang ginagawa ninyo gamit ang #cesdevo at sa pagkumpleto sa pangungusap na “Itinatayo ko ang aking espirituwal na pundasyon sa pamamagitan ng …” Iba-iba ang magiging tugon dahil iba-iba ang katayuan natin, at ayos lang iyan. Muli, ang pangungusap na kukumpletuhin ay “Itinatayo ko ang aking espirituwal na pundasyon sa …” Ikalulugod naming makarinig mula sa inyo at maturuan ninyo tungkol sa nangyayari sa buhay ninyo.

Kung wala pa kayo ng ganitong pundasyon, o dahil sa kapabayaan ay nagbitak o gumuho ito, hindi pa huli ang lahat para kumilos at gawin ito. Nasa inyo ang lahat ng kagamitan na kailangan ninyo. Ito rin ang gamit sa pagmementene ng matatag na pundasyon. Alam ninyo kung anu-ano ang mga ito. Kasama rito ang patuloy at makabuluhang panalangin, araw-araw na pag-aaral ng ebanghelyo sa mga banal na kasulatan; aktibong partisipasyon sa mga miting ng Simbahan, lalo na sa pakikibahagi ng sakramento na may tunay na hangarin; walang-sawang paglilingkod; at masigasig na pagtupad ng mga tipan.

Ang isa pang mahalagang kagamitan ay ang payo ng nabubuhay na mga propeta. May labinlimang kalalakihan sa lupa na sinasang-ayunan bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Hawak nila ang mga susi ng priesthood ng Diyos. Madalas nila tayong turuan. Nagtataas tayo ng kamay para sang-ayunan sila nang ilang beses sa isang taon. Ipinagdarasal natin sila araw-araw. Gayunman, ang pambihirang pagpapala ng pag-access sa kanilang mensahe ay maaaring humantong sa kakulangan ng pagpapahalaga dito.

Si Pangulong Henry B. Eyring ay nagbabala: “Ang paghahanap sa ligtas na landas sa payo ng mga propeta ay makabuluhan sa mga malakas ang pananampalataya. Kapag nagsalita ang isang propeta, ang mahihina ang pananampalataya ay mag-iisip na isang matalinong tao lamang ang naririnig nila na nagbibigay ng mabuting payo. At kung ang payo niya ay tila madaling sundin at makatwiran, umaayon sa nais nila, sinusunod nila ito. Kung hindi, itinuturing nilang mali ang payo o iniisip na makatwiran ang kanilang katayuan at hindi sila sakop ng payo na iyon.”

Nagpatuloy si Pangulong Eyring: “Ang isa pang mali ay ang maniwala na ang pagpiling tanggapin o tanggihan ang payo ng mga propeta ay tulad ng pagpapasiya kung tatanggapin ang mabuting payo at makikinabang dito o itutuloy lamang ang dati na nating ginagawa. Ngunit sa desisyon na sundin ang payo ng propeta ay nagbabago na tayo ng ating paninindigan. Ito ay nagiging mas mapanganib.”4

Upang maitayo at manatiling matibay ang isang pundasyon, tandaan ang tatlong alituntuning ito: pananaw, katapatan, at disiplina sa sarili. Ang pananaw ay ang kakayahang makita. Sa ebanghelyo, kung minsan tinatawag natin itong “walang-hanggang pananaw.” Gaya ng sabi ni Jacob, ito ay pagkakita sa “mga bagay kung ano talaga ang mga ito, at … mga bagay kung ano talaga ang magiging ito” (Jacob 4:13).

Ang katapatan ay ang kahandaang gumawa ng pangako. Kadalasan ay tinatawag natin itong “mga tipan.” Sa pormal na paraan, nakikipagtipan tayo sa Diyos sa mga ordenansa ng priesthood. Alalahanin na, “sa mga ordenansa nito, ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita” (D at T 84:20). Bukod sa Diyos, dapat handa tayong gumawa ng tapat na pangako sa ating sarili, sa asawa (o magiging asawa), sa mga kaibigan, at sa mga kasama nating naglilingkod.

Ang disiplina sa sarili ay ang kakayahang mamuhay nang naaayon sa ating pananaw at sa mga pangakong ginawa natin. Ang disiplina sa sarili ay mahalaga sa pag-unlad dahil lagi itong konektado sa pagkatuto at paggawa. Sa huli, ang katatagan ng ating espirituwal na pundasyon ay nakikita sa ating pamumuhay, lalo na sa oras ng pagkasiphayo at hamon sa buhay.

Maraming taon na ang nakalipas isinalaysay ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang kuwento ni Caroline Hemenway, na isinilang noong Enero 2, 1873, sa Salt Lake City, na pangalawa sa 11 anak:

“Sa edad na dalawampu’t dalawa ikinasal si Caroline kay George Harman. Sila ay nagkaroon ng pitong anak, at isa sa mga ito ang namatay noong sanggol pa lamang. At sa edad na tatlumpu’t siyam, namatay ang kanyang asawa at siya ay nabalo.

“Ang kapatid niyang si Grace, ay ikinasal sa kanyang bayaw na si David. Noong 1919, nang magkaroon ng epidemya ng influenza, nagkasakit nang malubha si David, at ang asawa niyang si Grace. Inalagaan sila ni Caroline at ang kanilang mga anak, at ang sarili niyang mga anak. Sa gitna ng mga paghihirap na ito, nagsilang si Grace ng anak na lalaki, at pumanaw siya sa loob lamang ng ilang oras. Dinala ni Caroline ang munting sanggol sa kanyang sariling tahanan at inalagaan ito at iniligtas ang buhay ng bata. Makalipas ang tatlong linggo, ang anak niyang si Annie ay pumanaw.

“Sa sandaling ito si Caroline ay namatayan na ng dalawang anak, asawa, at kapatid. Matinding dagok ito. Nawalan siya ng malay. Nang mahimasmasan, nagkaroon siya ng malubhang kaso ng diyabetis. Ngunit hindi siya tumigil. Patuloy niyang inalagaan ang sanggol ng kanyang kapatid; at ang kanyang bayaw, na ama ng bata, ay araw-araw na dumalaw sa bata. Sina David Harman at Caroline ay ikinasal kalaunan, at labintatlo na ang mga bata sa kanilang tahanan.

“At makalipas ang limang taon si David ay dumanas ng matinding pinsala na sumubok sa kalooban ng mga tao na kasama niyang nahirapan. Minsan gumamit siya ng matapang na disinfectant sa paghahanda ng mga binhing itatanim. Nanuot ito sa kanyang katawan, at malaking pinsala ang naging epekto nito. Ang balat at laman ay nangatanggal sa kanyang mga buto. Ang kanyang dila at mga ngipin ay nalaglag. Literal na kinain ng solusyon ang kanyang laman.

“Inalagaan siya ni Caroline sa matinding karamdamang ito, at nang mamatay siya ay naiwan kay Caroline ang lima niyang anak at walo sa mga anak ng kanyang kapatid, at ang 280 akre ng bukirin kung saan siya at ang mga bata ay nagbungkal, nagpunla, nagpatubig, at umani para may sapat na pantustos sa kanilang mga pangangailangan. Sa panahong ito siya rin ang Relief Society president, tungkuling hinawakan niya nang labingwalong taon.

“Habang inaalagaan ang kanyang malaking pamilya at tumutulong din sa iba, nagbe-bake siya ng walong tinapay araw-araw at nilalabhan ang apatnapung load ng mga damit bawat linggo. Nagdede-lata siya ng tone-toneladang prutas at gulay, at nag-aalaga ng isang libong paitluging manok para kumita nang kaunti. Self-reliance ang kanyang pamantayan. Itinuring niyang kasalanan ang katamaran. Inalagaan niya ang sarili niyang mga anak at tumulong sa iba nang buong kabaitan kaya’t sa mga kakilala niya ay wala ni isang nagutom, hindi nadamitan, o gininaw.

“Kalaunan ay napangasawa niya si Eugene Robison, na di pa katagalan ay naistrok. Sa loob ng limang taon hanggang sa kanyang pagpanaw si Caroline ang nag-alaga sa kanya at nag-asikaso sa kanyang pangangailangan.

“Sa huli, pagod na pagod, ang kanyang katawan ay ginupo ng diyabetis, pumanaw siya sa edad na animnapu’t pito. Ang kasipagan at tiyaga na ikinintal niya sa kanyang mga anak ay nagpala sa kanilang mga pagsisikap sa paglipas ng mga taon. Ang sanggol ng kanyang kapatid, na inalagaan niya mula pagsilang, at ang kanyang mga kapatid, bilang tanda ng kanilang pagmamahal at pasasalamat, [ay nagbigay sa Brigham Young University] ng malaking pamana kaya naitayo ang [isang] magandang gusali na [nagtataglay ng kanyang pangalan].”5

Ang pagkakaroon ng matibay na pundasyon ang tunay na proteksyon mula sa mga pang-aakit ng mundo. Dapat masigasig nating hanapin ang natamo ng mga Lamanita na tinuruan ni Ammon at ng kanyang mga kapatid nang sinabi sa kanila na sila “ay nagbalik-loob sa Panginoon, [at] kailanman ay hindi nagsitalikod” (Alma 23:6).

Ikinasal si Mary Ann Pratt kay Parley P. Pratt noong 1837. Sa paglipat sa Missouri, kasama ang iba pang mga Banal, dumanas sila ng matinding pang-uusig. Nang dakpin si Parley, kasama ng Propetang si Joseph, ng mga mandurumog sa Far West, Missouri, at ibinilanggo, si Mary Ann ay naratay sa banig, at nagkasakit nang malubha, habang inaalagaan ang dalawang maliliit na bata.

Kalaunan, dinalaw ni Mary Anne ang kanyang asawa sa Liberty Jail at pansamantalang nanatili sa piling nito. Isinulat niya, “Magkasama kami sa kanyang bartolina, na mamasa-masa, madilim, marumi, walang maayos na daloy ng hangin, na may maliit na siwang sa isang panig. Dito kami napilitang matulog.”

Nang makalaya si Parley sa bilangguan, si Mary Ann at ang kanyang asawa ay nagmisyon sa New York at England at kabilang sa mga nakadalo sa “huling nakakapagod na pagtitipon sa Utah,” gaya ng inilarawan niya. Sa huli ay namatay si Parley na martir habang naglilingkod sa isa pang misyon.

Sa kabila ng magulong buhay, nanatiling tapat si Mary Ann Pratt. Buong tapang niyang sinabi, “Bininyagan ako sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw … na naniniwala sa katotohanan ng mga doktrina nito sa unang sermon na narinig ko; at sinabi ko sa puso ko, kung mayroong tatlong maninindigan sa pananampalataya, isa na ako roon; at sa kabila ng lahat ng pang-uusig na tiniis ko ganoon pa rin ang pakiramdam ko; hindi kailanman nagbago ang nadarama ko ukol dito.”6

Ang paksa natin ngayon ay napakapersonal. Maaari tayong maturuan ng iba. Maaari nating pagmasdan ang iba. Maaari tayong matuto mula sa mga pagkakamali at tagumpay ng iba. Ngunit walang makagagawa nito para sa atin. Walang makapagtatayo ng ating espirituwal na pundasyon. Sa bagay na ito tayo mismo ang kontratista.

Gaya ng itinuro ni Helaman, “At ngayon, mga anak ko, tandaan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak” (Helaman 5:12).

Isa sa mga pinakamatinding pagtatayo ng pundasyon sa buhay ko ay naganap mahigit 36 na taon na ang nakalipas. Pagkatapos naming mag-aral sa unibersidad, lumipat kami ni Diane sa Honolulu (kung saan ako ipinanganak at lumaki) para simulan ang kasunod na yugto ng aming buhay. Mahabang panahon iyon—27 taon. Tanging tawag ng propeta ang nakapagpaalis sa amin sa Hawaii.

Ang Hawaii Temple, na kilala ngayon bilang ang Laie Hawaii Temple dahil may dalawang templo sa Hawaii, ay unang inilaan ni Pangulong Heber  J. Grant (tama lang) sa Thanksgiving Day, Nobyembre  27, 1919. Iyon ang unang templong itinayo sa labas ng Utah, maliban sa Kirtland at Nauvoo. Sa halos anim na dekada pinagsilbihan nito ang mga Banal sa Hawaii at, sa malaking bahagi niyon, ang mga nasa Pacific at Asia. Sa kalagitnaan ng 1970s, kinailangang isara, lakihan, at baguhin ang templo. Dahil dito, ang templo ay kinailangang muling ilaan, na naganap noong Hunyo  13, 1978.

Namuno sa muling paglalaan ang Pangulo ng Simbahan, si Spencer  W. Kimball. Kasama niya ang kanyang una at pangalawang tagapayo, sina N. Eldon Tanner at Marion G. Romney. Dumalo rin si Ezra Taft Benson, ang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ang ilan sa Labindalawa at Pitumpu. Hindi na ito makikita ngayon sa Simbahan, ang ganoon karaming mga Kapatid na sama-sama sa isang kaganapang malayo sa headquarters ng Simbahan. Ngunit mapalad kami noong 1978.

Ako ay batang lider ng priesthood noon at nahilingan ng temple rededication coordinating committee na asikasuhin ang seguridad ng lugar at transportasyon para kay Pangulong Kimball at ng kanyang mga kasama. Ayaw kong banggitin nang labis ang mga tungkulin ko; suporta at alalay lamang ako. Gayunman, dahil sa tungkulin ko ay nakakalapit ako kay Pangulong Kimball. Sa buong linggo kasama ang tatlong araw ng mga sesyon ng muling paglalaan ng templo, isang kapita-pitagang pulong, at malaking regional conference, namasdan ko ang Pangulo ng Simbahan. Namasdan ko siyang nagturo, nagpatotoo, at nagpropesiya nang may awtoridad at kapangyarihan. Nakita ko ang walang-sawa niyang paglingkod sa “nangangailangan,” hinihiling na makausap nang sarilinan ang mga tao na napansin niya sa mga miting o habang daan. Nasaksihan ko na patuloy siyang ginamit na “kasangkapan sa mga kamay ng Diyos” (Alma 17:9). Talagang hangang-hanga ako!

Pagkatapos ng linggong iyon, nasa airport na kami para sa paglisan ni Pangulong Kimball at ng kanyang mga kasama. Muli, sa pagbibigay-diin sa munti kong tungkulin, ibabahagi ko ito: Nilapitan ako ni Pangulong Kimball para pasalamatan sa munting nagawa ko. Hindi siya matangkad, at ako ay isang malaking lalaki. Hinawakan niya ang jacket ko at hinila ako pababa para pumantay sa kanyang taas. Pagkatapos ay hinagkan niya ako sa pisngi at pinasalamatan ako. Matapos lumakad nang ilang hakbang, bumalik si Pangulong Kimball. Sinunggaban niya akong muli at hinila akong pababa. Sa sandaling ito hinagkan niya ako sa kabilang pisngi at sinabing mahal niya ako. At umalis na siya.

Isang taon bago iyon, isang talambuhay ni Spencer W. Kimball ang nalathala, na isinulat ng anak niya at ng apo niyang lalaki. Nakakuha ako ng kopya nito at binasa ko, at nakakatuwa iyon. Ngunit matapos ang personal na karanasang ito kay Spencer Woolley Kimball, umuwi ako mula sa airport at kinuha ang makapal na aklat sa istante ng library, dama ang matinding hangarin na basahin itong muli. Nang sumunod na ilang araw, tuwing gising ako at walang ginagawa, binabasa ko iyon at nagninilay. Alam ninyo, binabasa ko na ngayon ang tungkol sa taong mahal na mahal ko. Binabasa ko na ang tungkol sa taong alam kong nagmamahal sa akin. Binabasa ko na ang tungkol sa tao na gagawin ko ang lahat para sa kanya dahil alam kong ang hangad niya ay ang ikabubuti ko.

Dahil sa karanasang iyon, nagkaroon ako ng isa pang karanasan. Masyadong personal ito, ngunit dahil dito nakadama ako ng malaking kahihiyan. Naunawaan ko na hindi ganoon ang pagmamahal at paggalang ko sa mga taong pinakamahalaga, ang mga miyembro ng Panguluhang Diyos, at lalo na si Jesus na Cristo, ang Tagapagligtas at Manunubos. Nahikayat ako nitong pag-aralan ang Kanyang “talambuhay” at sa panalangin at pag-aayuno at pagninilay ay nalaman ko na ngayon ay binabasa ko ang tungkol sa taong mahal na mahal ko. Binabasa ko na ang tungkol sa taong alam kong nagmamahal sa akin. Binabasa ko ngayon ang tungkol sa tao na gagawin ko ang lahat para sa kanya dahil alam kong ang hangad Niya ay ang ikabubuti ko.

Mahal kong mga kaibigang kabataan, pinatototohanan ko na ang kaalamang ito ang gumawa ng kaibhan sa buhay ko at ng pamilya ko. Idaragdag ko na hindi nito kami ginawang walang batik at hindi rin nito ginawang madali ang buhay. Magiging salungat iyan sa plano ng Diyos. Ngunit naglaan ito ng matatag na pundasyon ng pag-asa—“isang ganap na kaliwanagan ng pag-asa” (2 Nephi 31:20). Hindi ko kailanman naisip na sumuko, tumigil, o umatras. Sana ganoon din kayo.

Kahit kagila-gilalas kayo, ang malaking kongregasyon na ito, marami pa ring kagalakan at pasakit. Maaaring madama ng bawat isa, ang bigat ng mga pasanin sa buhay. Siguro ang nangyayari sa inyong pamilya ay hindi gaya ng nais ninyo. Siguro sinusubukan ang inyong pananampalataya. Posibleng may hinaharap kayong problema ng nakaraan—marahil isang bagay na nagawa ninyo o isang bagay na ginawa sa inyo. Ang ilan sa inyo ay may hamon sa pisikal o isipan o damdamin na tila mahirap mapagtiisan. Anuman ang inyong kalagayan, ang matibay na pundasyon ay magpapagaan sa inyong pasanin. Taglay ang mensahe ng himnong “Ako ay Anak ng Diyos”7 sa inyong puso at kaluluwa at di lamang sa inyong labi, at sa patuloy na pag-asa sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, na si Jesucristo, madarama ang kapayapaan at kapanatagan kahit sa pinakamahirap na sandali.

Ang araw na ito ay maaaring mahalaga at makasaysayan sa ating buhay. Maaaring ito ang araw ng paggawa ng desisyon at disiplinadong pagsisikap na itayo o patibayin ang ating pundasyon. Para sa ilan sa atin, ito ay maaaring pagtalikod sa nakalululong na gawi o nakasusuklam na gawaing hindi kasiya-siya sa Diyos. Para sa iba, maaaring pag-uuna ito sa Diyos sa ating buhay at pagmamahal sa Kanya. Sulit ang paghirapan ito. Tunay na ito ang pinakadiwa ng gawain natin sa buhay.

Sa bawat isa sa inyo na narito ngayon, ipinapahayag ko ang aking patotoo kay Jesucristo, ang batong panulok ng Simbahan at bato ng ating buhay. Ito ang patotoo ko sa Kanyang banal na pangalan. Saksi ako sa Kanyang awtoridad at Kanyang misyon at, higit sa lahat, sa Kanyang Pagbabayad-sala, na nagbigay-daan para ang bawat isa sa atin, anuman ang ating nakalipas o kalagayan sa ngayon, na lumapit sa Kanya (tingnan sa Moroni 10:32), sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Thomas  S. Monson, “Saligang Kaytibay,” Ensign o Liahona, Nob. 2006,  62.

  2. Ang listahan ng banal na kasulatan ay hango sa Robert J. Matthews, “I Have a Question,” Ensign, Ene. 1984, 52.

  3. “Saligang Kaytibay,” Mga Himno, blg. 47.

  4. Henry B. Eyring, “Finding Safety in Counsel,” Ensign, Mayo 1997, 25.

  5. Gordon B. Hinckley, “Five Million Members—a Milestone and Not a Summit,” Ensign, Mayo 1982, 45–46.

  6. Ang kuwento ni Mary Ann Pratt ay mula sa Sheri Dew, Women and the Priesthood: What One Mormon Woman Believes (2013), 94–95; tingnan din sa Edward W. Tullidge, The Women of Mormondom (1877), 406–7.

  7. “Ako ay Anak ng Diyos,” Mga Himno, blg. 189.