Mga Pandaigdigang Debosyonal
Pagliligtas sa Inyong Buhay


45:59

Pagliligtas sa Inyong Buhay

CES Devotional para sa mga Young Adult • Setyembre 14, 2014 • Brigham Young University

Noong si Jesus at ang Kanyang mga Apostol ay magkakasama sa Cesarea ni Filipo, itinanong Niya ito sa kanila, “Ano ang sabi ninyo kung sino ako?”1 Si Pedro nang buong paggalang at katatagan, ay tumugon ng “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay.”2 Naantig ako nang mabasa ko ang mga salitang ito; napuspos ako ng saya nang banggitin ko ang mga ito. Gayunman, matapos ang sagradong sandaling iyon, nagsalita si Jesus sa mga Apostol tungkol sa Kanyang nalalapit na kamatayan at pagkabuhay na mag-uli, at sinalungat Siya ni Pedro. Dahil dito pinagsabihan si Pedro na siya ay hindi nakaayon o hindi “pinagiisip” ang mga bagay ng Diyos “kundi ang mga bagay ng tao.”3 Pagkatapos si Jesus, “[na nagpakita] ng ibayong pagmamahal sa kanya na [Kanyang] pinagsabihan,”4 ay magiliw na tinagubilinan si Pedro at ang kanyang mga kapatid tungkol sa pagpasan ng kanilang krus at pagbibigay ng buhay nila na siyang paraan upang magkaroon ng sagana at walang hanggang buhay, na Siya mismo ang perpektong halimbawa. Panoorin natin ang paglalarawan ng pangyayaring ito sa isa sa mga Bible video na gawa ng simbahan:

Jesus: Ang Anak ng Tao ay kinakailangang magbata ng maraming bagay, at itakwil ng matatanda at ng mga pangulong saserdote at sa mga eskriba, at patayin, at pagkaraan ng tatlong araw ay muling magbangon.

Pedro: Panginoon, malayo ito sa iyo: kailan man ay hindi mangyayari ito sa iyo.

Jesus: Lumagay ka sa likuran ko, Satanas: ikaw ay tisod sa akin; sapagka’t hindi mo pinagiisip ang mga bagay ng Dios, kundi ang mga bagay ng tao. Kung ang sinomang tao’y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin. Sapagka’t ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay makakasumpong niyaon. Sapagka’t ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan, at mawawalan siya ng kaniyang buhay? o ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay? Sapagka’t ang Anak ng tao ay pariritong nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ang kaniyang mga anghel; at kung magkagayo’y bibigyan ang bawat tao ayon sa kaniyang mga gawa.5

Gusto kong magsalita sa inyo tungkol sa tila kabalintunaan na sinabi ng Panginoon na “Ang nakasusumpong ng kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang mawalan ng buhay dahil sa akin ay makasusumpong niyaon.”6 Nagtuturo ito ng isang malalim at malawak na doktrina na kailangang maunawaan at maipamuhay natin.

Ibinahagi ng isang propesor ang kanyang pananaw: “Dahil ang kalangitan ay lalong mataas kaysa lupa, ang gawain ng Diyos sa inyong buhay ay mas malaki kaysa sa kuwento ng buhay na gusto ninyong ibahagi. Ang Kanyang buhay ay mas dakila kaysa sa inyong mga plano, mithiin, o takot. Upang mailigtas ang inyong buhay, kailangang isantabi ninyo ang sarili ninyong kuwento at, bawat minuto, bawat araw, ibalik ninyo ang inyong buhay sa kanya.”7

Habang lalo ko itong pinag-iisipan, lalo akong namamangha kung paano laging inaalay ni Jesus ang Kanyang buhay sa Ama, kung paano Niya ganap na inialay ang Kanyang buhay sa pagsunod sa kalooban ng Ama—sa buhay at sa kamatayan. Ito mismo ang kabaligtaran ng ugali at paraan ni Satanas, na laganap nang sinusunod ngayon ng mundong puno ng kasakiman. Sa mga kapulungan sa premortal na buhay, nang magboluntaryo si Jesus para gampanan ang papel ng Tagapagligtas sa banal na plano ng Ama, sinabi Niya, “Ama, masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan.”8 Si Lucifer, sa kabilang banda, ay nagsabing, “Masdan, naririto ako, isugo ninyo ako, ako ang magiging inyong anak, at aking tutubusin ang buong sangkatauhan, upang wala ni isa mang katao ang mawala, at tiyak na Akin itong magagawa; kaya nga ibigay ninyo sa akin ang inyong karangalan.”9

Ang utos ni Cristo na sundin Siya ay kautusang iwaksing muli ang kasamaan at isuko ang ating buhay, para sa totoong buhay, tunay na buhay, selestiyal na kaharian na nakikinita ng Diyos para sa bawat isa sa atin. Ang buhay na iyan ay magpapala sa lahat ng makakahalubilo natin at magpapabanal sa atin. Sa ating limitadong pananaw sa kasalukuyan, ito ay buhay na hindi natin kayang maunawaan. Tunay ngang, “hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, ni hindi pumasok sa puso ng tao, anomang mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya.”10

Sana mas marami pa tayong mga pag-uusap na tulad nito sa pagitan ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo. Makakatulong sana ang mga karagdagang kaalaman kung ano ang ibig sabihin ng ialay ang ating buong buhay para sa Kanya upang matagpuan natin ito. Habang pinag-iisipan ko ito, naisip ko na ang sinabi ng Tagapagligtas bago at pagkatapos nito ay nagbibigay ng mahalagang karagdagang kaalaman sa pag-unawa rito. Pag-isipan natin ang tatlo sa mga pahayag na may kaugnayan dito.

Tumanggi sa Kaniyang Sarili, at Pasanin sa Araw-araw ang Kaniyang Krus

Una ay ang mga salitang winika ng Panginoon bago Niya sinabing, “Sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito.”11 Tulad ng nakatala sa evangelio ayon kina Mateo, Marcos at Lucas, sinabi ni Jesus, “Kung ang sinomang tao’y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.”12 Idinagdag ni Lucas ang salitang araw-araw—“ ...pasanin sa araw-araw ang kaniyang krus.”13 Sa Mateo, nilinaw sa Pagsasalin ni Joseph Smith ang pahayag na ito gamit ang pakahulugan ng Panginoon sa ibig sabihin ng pasanin ang krus: “At ngayon, ang pasanin ng isang tao ang kanyang krus, ay itanggi sa sarili ang lahat ng masama, at bawat makamundong pagnanasa, at sumunod sa aking mga kautusan.”14

Ito ay umaayon sa pahayag ni Santiago: “Ang dalisay na relihion at walang dungis sa harapan ng ating Dios at Ama ay ito, dalawin ang mga ulila at mga babaing bao sa kanilang kapighatian, at pagingatang walang dungis ang kaniyang sarili sa sanglibutan.”15Ito ay buhay sa araw-araw na puno ng pag-iwas sa lahat ng karumihan habang sinusunod ang dalawang dakilang utos —ibigin ang Diyos at ang inyong kapwa—kung saan nauuwi ang lahat ng iba pang mga kautusan.16 Kaya, ang isang elemento ng pagbibigay ng ating buhay para sa mas dakilang buhay na nakikinita ng Panginoon para sa atin ay kinapapalooban ng pagpasan natin ng Kanyang krus sa araw-araw.

Ang Bawa’t Kumikilala sa Akin, ay Kikilalanin Ko Naman sa Harap ng Ama

Ang pangalawang nauugnay na pahayag ay nagsasabing ang pagkasumpong ng ating buhay sa pagkawala nito dahil sa Kanya at sa ebanghelyo ay nangangailangan ng kahandaang ipakita ang ating pagkadisipulo nang hayagan sa harap ng mga tao: “Sapagka’t ang sinomang magmakahiya sa akin at sa aking mga salita sa lahing ito na mapangalunya at makasalanan, ay ikahihiya rin naman siya ng Anak ng tao, pagparito niyang nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ng mga banal na anghel.”17

Sa Mateo, makikita natin ang isa pang pangungusap na kaugnay nito:

“Kaya’t ang bawa’t kumikilala sa akin sa harap ng mga tao, ay kikilalanin ko naman siya sa harap ng aking Ama na nasa langit.

Datapuwa’t sinomang sa aki’y magkaila sa harap ng mga tao, ay ikakaila ko naman siya sa harap ng aking Ama na nasa langit.”18

Ang isang malinaw at matinding kahulugan ng mawalan ng buhay dahil sa pagkilala kay Cristo ay ang literal na mawalan nito, sa paninindigan at pagtatanggol ng inyong pananampalataya sa Kanya. Nakasanayan na nating isipin na ang napakalaking hinihinging ito ay noon lamang nangyari kapag binabasa natin ang tungkol sa mga martir ng nakaraan, kabilang na ang karamihan sa mga sinaunang Apostol. Gayunman, ngayon ay nakikita natin, na ang nasa kasaysayan noon ay nangyayari na sa kasalukuyan. Ang mga balita mula sa Iraq at Syria ay naglalaman ng tungkol sa daan-daang Kristiyano at iba pang minoridad na pinalayas sa kanilang mga tahanan o pinatay ng Islamic extremists sa nakaraang ilang buwan. Ipinipilit ng mga terorista na magpa-convert ang mga Kristiyano sa kanilang anyo ng Islam o iwanan ang kanilang mga nayon o mamatay. Hindi ikakaila ng mga Kristiyano, kaya’t maraming tumakas at ang ilan ay napatay.19 Nakatitiyak ako na ang mga taong iyon ay kabilang sa mga hindi ikakaila ng Tagapagligtas sa harap ng Kanyang Ama sa darating na araw ng paghuhukom. Hindi natin alam ang maaaring mangyari sa darating na mga araw, ngunit kung maharap man ang sinuman sa atin sa literal na pagkawala ng ating buhay dahil sa Panginoon, tiwala ako na magiging matapang at tapat pa rin tayo.

Gayunpaman, ang mas karaniwan (at kung minsan mas mahirap) na pagsunod sa mga turo ng Tagapagligtas, ay may kinalaman sa pamumuhay natin araw-araw. May kinalaman ito sa mga salitang sinasambit natin, sa halimbawang ipinapakita natin. Kilalanin natin si Cristo sa ating buhay, at patotohanan sa ating mga salita ang ating pananampalataya at katapatan sa Kanya. At dapat nating matatag na ipagtanggol ang patotoong iyan sa harap ng pangungutya, diskriminasyon, o paninira ng mga taong kumakalaban sa Kanya “sa lahing ito na mapangalunya at makasalanan.”20

Sa iba’t ibang pagkakataon idinagdag ng Panginoon ang matinding pahayag na ito tungkol sa ating katapatan sa Kanya:

“Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang magdala ng kapayapaan sa lupa: Hindi ako naparito upang magdala ng kapayapaan, kundi tabak.

“Sapagka’t ako’y naparito upang papagalitin ang lalake laban sa kaniyang ama, at ang anak na babae laban sa kaniyang ina, at ang manugang na babae laban sa kaniyang biyanang babae.

“At ang magiging kaaway ng tao ay ang kaniya ring sariling kasangbahay.

“Ang umiibig sa ama o sa ina ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin; at ang umiibig sa anak na lalake o anak na babae ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin.

“At ang hindi nagpapasan ng kaniyang krus at sumusunod sa akin, ay hindi karapatdapat sa akin.”21

Ang pagsasabing hindi Siya naparito upang magdala ng kapayapaan, kundi tabak, ay tila salungat sa mga banal na kasulatan na nagsasabing si Cristo ay “Pangulo ng Kapayapaan,”22at sa ipinahayag sa Kanyang pagsilang—“Luwalhati sa Dios sa kataas-taasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya,”23—at iba pang banal na kasulatan, tulad ng, “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo.”24 “Totoong naparito si Cristo upang magdala ng kapayapaan—kapayapaan sa pagitan ng mga nananampalataya at ng Diyos, at kapayapaan sa mga tao. Ngunit ang di-maiiwasang bunga ng pagparito ni Cristo ay labanan—sa pagitan ni Cristo at ng antichrist, ng liwanag at kadiliman, ng mga anak ni Cristo at mga anak ng diyablo. Ang labanang ito ay maaaring mangyari maging sa mga miyembro ng pamilya.”25

Tiyak ko na marami sa inyo na mga nakikinig sa iba’t ibang dako ng mundo sa gabing ito ang naranasan na mismo ang ipinahayag ng Panginoon sa mga talatang ito. Kayo ay tinanggihan at itinakwil na ng inyong ama at ina, at mga kapatid nang tanggapin ninyo ang ebanghelyo ni Jesucristo at pumasok sa Kanyang tipan. Sa anumang paraan, dahil sa inyong labis na pagmamahal kay Cristo kinailangan ninyong isakripisyo ang ugnayan ninyo sa mga mahal ninyo sa buhay, at marami na kayong nailuha. Subalit dahil sa inyong walang maliw na pagmamahal, matatag ninyong pinasan ang krus na ito, ipinapakita na hindi ninyo ikinahihiya ang Anak ng Diyos.

Mga tatlong taon na ang nakararaan nagbigay ng kopya ng Aklat ni Mormon ang isang miyembro ng Simbahan sa isang kaibigang Amish sa Ohio. Sinimulang basahin ng kaibigan ang aklat at di na ito binitawan. Sa loob ng tatlong araw ay wala siyang ibang hinangad kundi ang basahin ang Aklat ni Mormon. Nabinyagan siya at ang kanyang asawa, at sa loob ng pitong buwan may tatlong mag-asawang Amish ang na-convert at nabinyagan bilang mga miyembro ng Simbahan. Nabinyagan ang kanilang mga anak pagkaraan ng ilang buwan. Nagpasiya ang tatlong pamilyang ito na manatili sa kanilang komunidad at ipagpatuloy ang kanilang pamumuhay bilang Amish bagama’t iniwan nila ang relihiyon ng mga Amish. Gayunman, dahil sa pagpapabinyag, “itinakwil” sila ng kanilang malalapit na kapitbahay na mga Amish. Ang ibig sabihin ng itinakwil ay wala ni isa mga Amish ang nakipag-usap sa kanila, ang tumulong sa kanila, ang nakipagsosyo, o nakihalubilo sa kanila sa anumang paraan. Hindi lamang mga kaibigan pati na rin mga miyembro ng kanilang pamilya—mga kapatid, mga magulang at lolo‘t lola.

Sa una, nakadama ang mga Amish Saint na ito ang labis na lungkot at pag-iisa dahil pati mga anak nila ay itinakwil at tinanggal sa paaralan ng mga Amish dahil nagpabinyag sila at naging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Tiniis ng kanilang mga anak ang pagtakwil ng mga lolo at lola at mga pinsan at malalapit na kapitbahay. Maging ang ilang nakatatandang anak ng pamilya ng mga Amish na ito na hindi tumanggap ng ebanghelyo ay hindi kinakausap, hindi nakikihalubilo, o kinikilala ang ka nilang mga magulang. Ang mga pamilyang ito ay nagsikap na makabangon mula sa ibinunga ng pagtatakwil sa aspetong sosyal at ekonomiya, ngunit nagtagumpay sila.

Nanatiling malakas ang kanilang pananampalataya. Ang mga paghihirap at pagsalungat na dulot ng pagtatakwil ay nagpatatag at di-nagpatinag sa kanila. Isang taon matapos mabinyagan, ang mga pamilya ay ibinuklod sa templo at patuloy na pumupunta sa templo linggu-linggo. Lumakas sila sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga ordenansa at pagpasok at pagtupad sa mga tipan. Lahat sila ay aktibo sa kani-kanilang organisasyon sa Simbahan at patuloy na naghahanap ng paraan upang maibahagi ang liwanag at kaalaman ng ebanghelyo sa kanilang mga kamag-anak at komunidad sa pamamagitan ng pagpapakita ng kabaitan at paglilingkod.

Oo, ang kabayaran sa pagsapi sa Simbahan ni Jesucristo ay napakalaki, ngunit ang payo na unahin si Cristo sa lahat, maging sa pinakamamahal nating pamilya, ay angkop din sa mga taong isinilang sa loob ng tipan. Marami sa atin ang naging miyembro ng Simbahan nang walang oposisyon, marahil bilang mga anak. Ang hamon na maaari nating harapin ay ang manatiling tapat sa Tagapagligtas at Kanyang Simbahan sa harap ng mga magulang, mga biyenan, mga kapatid, o maging sa ating mga anak na ang pag-uugali, paniniwala, o pagpili ay imposibleng makapanindigan kapwa para sa Kanya at sa kanilang sarili. Hindi pinag-uusapan dito ang pagmamahal. Maaari at dapat nating mahalin ang isa’t isa tulad ng pagmamahal sa atin ni Jesus. Tulad ng sabi Niya, “Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa.”26 Ngunit, ipinapaalala ng Panginoon sa atin, “Ang umiibig sa ama o ina ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin; at ang umiibig sa anak na lalake o anak na babae ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin.”27 Kaya kahit patuloy ang pagmamahal sa pamilya, ang ugnayan ay maaaring maputol at, ayon sa sitwasyon, maging ang tulong o pagpaparaya kung minsan ay natitigil alang-alang sa ating mas dakilang pagmamahal.

Sa katunayan, ang pinakamagandang paraan para tulungan ang mga mahal natin—ang pinakamagandang paraan para mahalin sila—ay ang patuloy na unahin ang Tagapagligtas. Kung ilalayo natin ang ating sarili sa Panginoon dahil sa awa natin sa mga mahal natin sa buhay na naghihirap, kung gayon nawala sa atin ang paraan para matulungan sila. Gayunpaman, kung mananatili tayong matatag na nananampalataya kay Cristo, makatatanggap at makapagbibigay tayo ng tulong mula sa langit. Kung (o sasabihin kong kapag) dumating ang sandali na nais nang bumaling ng isang kapamilya sa tanging tunay at walang hanggang pinagmumulan ng tulong, malalaman niya kung sino ang pagkakatiwalaan niya bilang gabay at kasama. Samantala, sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo na gumagabay, matatag tayong makapaglilingkod upang maibsan ang sakit na dulot ng maling pagpili at magpagaling ng mga sugat kapag tayo ay pinahintulutan. Kung hindi, hindi natin napaglilingkuran ang mga mahal natin sa buhay ni ang ating sarili.

Sapagka’t Ano ang Mapapakinabang ng Tao, na Makamtan ang Buong Sanglibutan, at Mapapahamak ang Kaniyang Buhay?

Ang pangatlong elemento ng pag-aalay ng ating buhay dahil sa Panginoon na gusto kong banggitin ay matatagpuan sa mga salita ng Panginoon:

“At sinomang mawalan ng kanyang buhay sa mundong ito, dahil sa akin, ay matatagpuan niya ito sa daigdig na darating.

“Samakatwid, tanggihan ang sanglibutan, at iligtas ang inyong kaluluwa; sapagkat ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya nag buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay? Ano ang ibibigay ng tao bilang kapalit ng kanyang kaluluwa?28

Ibinigay sa Pagsasalin ni Joseph Smith: “Sapagka’t ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan, at hindi niya tinanggap yaong inorden ng Diyos, at mawawalan siya ng buhay, at itatakwil?”29

Ang sabihing tanggihan ang sanlibutan para tanggapin “yaong... inorden ng Diyos” ay malinaw na hindi karaniwan sa mundo. Ang mga priyoridad at interes na kadalasang nakikita natin sa paligid (at kung minsan ay nasa atin) ay sobrang kasakiman: labis na hangaring makilala; sobrang pagpipilit na igalang ang kanyang karapatan; (kabilang na ang karapatang hindi masaktan ang damdamin); sobrang paghahangad ng pera, mga bagay, at kapangyarihan, karapatang guminhawa at masiyahan sa buhay; mithiing pakuntiin ang responsibilidad at iwasan ang anumang pagsasakripisyo ng sarili para sa kabutihan ng iba; at iilan pa lang ang mga ito.

Hindi naman ibig sabihin nito na hindi natin dapat hangaring magtagumpay, magpakahusay sa makabuluhang mga gawain, kabilang ang edukasyon at marangal na trabaho. Sa unang bahagi ng taong ito, ang mag-asawang Jed Rubenfeld at Amy Chua na mga propesor ng Yale Law School, ay naglathala ng isang aklat na may pamagat na The Triple Package: How Three Unlikely Traits Explain the Rise and Fall of Cultural Groups in America. Ayon sa kanilang pag-aaral may ilang grupo sa Amerika na mas mahusay kaysa iba batay sa tatlong katangian, na inilarawan sa aklat, na nagbibigay sa mga grupong ito ng kalamangan. Tinukoy nina Chua at Ruben ang mga Mormon, Judio, Asians, mga nandayuhang taga West Africa, Amerikanong Indiyan, at Amerikanong Cuban na mga grupo sa Amerika ngayon na taglay ang mga katangiang ito.30

Sa pagkukumpara sa mga grupong ito sa lipunan ng mga Amerikano sa kabuuan gaya ng “kita, tagumpay sa pag-aaral, pamumuno sa kompanya, tagumpay sa trabaho, at iba pang sukatan”, sinabi nina Chua at Rubenfeld:

“Kung mayroon mang isang grupo sa U.S. ngayon na napakamatagumpay, ito ay ang mga Mormon. …

“Samantalang 51  porsiyento ang mga Protestante sa populasyon ng U.S., ang 5 hanggang 6 na milyong Mormon sa Amerika ay kumakatawan lamang ng 1.7 porsiyento. Subalit marami sa kanila ang nangunguna sa malalaking kompanya at pulitika.”31

Talagang kahanga-hanga ang gayong tagumpay, ngunit kung gusto nating pangalagaan ang ating mga buhay, lagi nating tandaan na hindi ang mga tagumpay na ito ang pinakamithiin natin, ngunit ang paraan para sa mas dakilang mithiin. Dahil sa ating pananampalataya kay Cristo, dapat nating maunawaan na hindi ang pulitika, negosyo, edukasyon, at iba pang uri ng tagumpay ang mas nagpapabuti sa atin ngunit ito ang paraan upang mapaglingkuran natin ang Diyos at ang ating kapwa—nagsisimula sa tahanan at paaabutin hanggang maaari sa buong mundo. Ang pag-unlad ng sarili ay may halaga dahil ito ay nakakatulong sa pagkakaroon ng katangiang tulad ng kay Cristo. Sa pagsukat ng tagumpay, natatanto natin ang malalim na katotohanan na batayan ng lahat ng iba pa—na ang ating buhay ay pag-aari ng Diyos, na ating Ama sa Langit, at ni Jesucristo, na ating Manunubos. Ibig sabihin ng tagumpay ay pamumuhay nang naaayon sa Kanilang kalooban.

Kumpara sa buhay na puno ng pagmamapuri sa sarili, nagbigay si Pangulong Spencer  W. Kimball ng mas mainam na paraan:

“Ang paglilingkod sa iba ay nagpapatatag at nagpapatamis sa buhay na ito habang naghahanda tayong mabuhay sa mas mainam na daigdig. … Kapag naglilingkod tayo sa ating kapwa, hindi lang nakakatulong sa kanila ang ating ginawa, kundi nagbabago rin ang pananaw natin sa sarili nating mga problema. Kapag higit nating inalala ang iba, mababawasan ang oras natin sa pag-aalala sa ating sarili! Sa gitna ng himala ng paglilingkod, nangako si Jesus na kapag nilimot natin ang ating sarili, nasusumpungan natin ito! [Tingnan sa Mateo 10:39.]

“Hindi lang natin ‘nasusumpungan’ ang ating sarili kapag kinilala natin ang banal na patnubay sa ating buhay, kundi kapag higit nating pinaglingkuran ang ating kapwa sa mga angkop na paraan, nagiging mas makabuluhan ang ating kaluluwa. … Higit tayong nagkakaroon ng halaga sa paglilingkod sa iba—tunay na mas madaling ‘masumpungan’ ang ating sarili dahil marami pa tayong malalaman!”32

Mga Halimbawa ng Pagbibigay ng Sariling Buhay Dahil kay Cristo at sa Kanyang Ebanghelyo

Tatapusin ko ang aking mensahe sa pagbibigay ng ilang halimbawa ng ibig sabihin ng mawalan ng buhay sa araw-araw dahil kay Cristo at sa Kanyang ebanghelyo at sa gayon ay makasumpong ng tunay (at walang hanggang) buhay (kalaunan).

Si Pangulong Henry  B. Eyring ang presidente ng Ricks College, na ngayon ay Brigham Young University–Idaho, noong Hunyo 1976, nang mawasak ang katatapos pa lamang na Teton Dam, na di-kalayuan sa Rexburg. “Walumpung bilyong galon ng tubig ang rumagasa patungo sa Rexburg sa bilis na apatnapung milya kada oras, tinatangay ang lahat ng bagay na maraanan nito.”33 Maraming tao sa kumunidad ang gumawa ng kabayanihan, tinutulungan ang iba kahit winasak ng baha ang sarili nilang tahanan at ari-arian. Gayunman, may iilan na inabandona ang kanilang mga mahal sa buhay at pinabayaan ang mga ito.

Si Pangulong Eyring, na mismong tumulong sa pagbibigay ng tulong ay nagnais na maunawaan ang “dahilan ng kabayanihan ng iba … at pagpapabaya naman ng iba pa. … Nag-utos siya ng isang mahalagang pag-aaral tungkol dito. ‘Isang bagay lang ang nalaman namin,’ ang sabi niya kalaunan sa isang klase na magtatapos na sa hayskul.

“‘Yaong mga bayani ay ang mga taong palaging inaalala at tinutupad ang mga pangako sa maliliit na bagay, sa mga bagay sa araw-araw  … isang pangakong manatili pagkatapos kumain pagkagaling sa simbahan upang magligpit ng kinainan, o dumating para tumulong sa kapitbahay sa araw ng Sabado.

“‘Yaong mga taong nang-iiwan ng kanilang mga pamilya kapag nahihirapan na ay kadalasang nang-iiwan ng kanilang mga obligasyon gayong hindi naman gaanong mahirap ito. Nasanay na silang hindi tuparin ang kanilang salita na gawin ang maliliit na bagay gayong maliit lang naman ang isasakripisyo nila at hindi ginagawa ang sinabi nilang gagawin nila na madali lang naman. At kapag mahirap na, hindi nila ito gagawin.’”34

Kami ni Sister Christofferson ay may kaibigan na nakilala namin noong nag-aaral ako ng abogasya, isang miyembro ng aming ward sa Durham, North Carolina. Siya at nag kanyang asawa ay mababait at may maliliit pang mga anak. Siya ay biniyayaan ng katalinuhan, kagandahan, at masayahing personalidad. Lahat ay humahanga at nasisiyahan kapag kasama siya. Pagkaraan ng 25 taon, gayunman, nang siya ay nasa kanyang 40s, nagkaroon siya ng malubha at walang lunas na kanser sa tiyan na kumalat na sa kanyang atay at baga. Sa kabila ng pagkabigla at hirap habang papalapit na ang kanyang pagpanaw, isinulat niya ang magigiliw na salitang ito sa kanyang pamilya at mga kaibigan, na ikalulungkot niyang iwanan: Ang plano [ng Diyos] ay banal at matutupad ayon sa kanyang ipinlano. Yamang pinili ako na danasin ang pagsubok na ito, alam kong ito ay para sa lubos kong ikabubuti at ikagagalak. Dumarating ang mga pagpapala sa akin, at dama ko na bago matapos ang buhay ko ay daranasin ko ang lahat ng kailangan ko upang maging handa sa pagharap sa aking Tagapagligtas. Ang Kanyang kapangyarihan ay nasa lupa. Walang mali. … Ang mga pagsubok ay marami at mabigat sa kasalukuyan. Lahat ay tila nagdurusa sa mga pagsubok sa kanila. Umasa sa Panginoon at tanggapin ang kanyang tulong. Tanggapin ang mga bagay na para sa inyo at ang sakit ay kukunin mula sa inyo, at darating ang kapayapaan.”

Isang dalaga ang nagpasiyang magmisyon nang matapos niya ang kanyang kurso at advanced degree at internship at paglahok sa mga study program sa sariling bayan at ibang bansa. Humusay siya sa pakikipag-ugnayan at pakikipag-usap sa mga tao mula sa halos lahat ng relihiyon, pulitika at nasyonalidad, at nag-alala siya na sa pagsusuot ng missionary tag sa maghapon at sa araw-araw ay makilala lamang siya sa ganoon at maaaring makahadlang sa kanyang pambihirang kakayahan na magtatag ng pakikipag-ugnayan. Ilang linggo pa lang sa kanyang misyon, sumulat siya sa kanyang pamilya tungkol sa isang simple ngunit makabuluhang karanasan: “Hinahaplos namin ni Sister Lee ang kulubot na mga kamay ng isang matandang babae—napapagitnaan namin siya—habang nakaupo kami sa kanyang salas. Ayaw niyang makinig sa mensahe, pero hinayaan niya kaming kumanta, gusto niya ang pagkanta namin. Salamat black missionary name tag sa pagbibigay sa akin ng pagkakataon na magkaroon ng magiliw na pakikipag-ugnayan sa mga estranghero.”

Sa kanyang pagdurusa, natutuhan ni Propetang Joseph Smith na ibigay ang kanyang buhay sa paglilingkod sa kanyang Panginoon at Kaibigan. Minsan sinabi niya, “Ginawa ko itong aking pamantayan: Kapag inutos ng Panginoon, gawin ito.”35 Sa palagay ko mapapanatag tayong lahat na mapantayan ang antas ng kanyang katapatan. Gayon pa man, minsan siyang pinagdusa ng ilang buwan sa bilangguan sa Liberty, Missouri, nahirapan ang kanyang katawan ngunit marahil higit na nahirapan ang kanyang kalooban at espiritu dahil hindi niya matulungan ang kanyang mahal na asawa, kanyang mga anak, at ang mga Banal habang ang mga ito ay pinagmamalupitan at inuusig. Ang kanyang mga paghahayag at tagubilin ang nagdala sa kanila sa Missouri para itatag ang Sion, at ngayon sila ay pinalalayas sa kanilang mga tahanan sa panahon ng taglamig patawid sa buong estado. Sa kabila ng lahat, sa gayong kalagayan sa bilangguang iyon, siya ay sumulat ng isang liham para sa Simbahan, na napakaganda at nakakapagpasigla, ang mga bahagi nito ang bumubuo ngayon sa bahagi 121, 122, at 123 ng Doktrina at mga Tipan, nagtatapos sa mga salitang ito, “Ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag.”36

Mangyari pa, ang pinakamagandang paglalarawan ng pagliligtas ng sariling nating buhay ay ang pagbibigay nito ay ito: “Ama ko, kung di mangyayaring makalampas ito, kundi ko inumin, mangyari nawa ang iyong kalooban.”37 Sa pagbibigay ng Kanyang buhay, hindi lamang iniligtas ni Cristo ang Kanyang sariling buhay—iniligtas Niya ang buhay nating lahat. Ginawa Niyang posible para sa atin na ipagpalit ang ating ating limitado at kalaunan ay walang patutunguhang mortal na buhaysa walang hanggang buhay.

Patotoo

Ang tema ng buhay ng Tagapagligtas ay”Ginagawa kong lagi ang mga bagay na sa [Ama ay] nakalulugod”38 Dalangin ko na gagawin ninyo ito ang tema ng inyong buhay. Kung gagawin ninyo ito, maililigtas ninyo ang inyong buhay.

Mga bata kong kaibigan, maging kuntento sa lahat ng inyong pagsisikap at tagumpay at unahin ang Kanyang kalooban. Matutong naisin ang nais Niya. Kilalanin at pasalamatan Siya sa lahat ng aspeto ng inyong buhay. Huwag ikahiya si Cristo o ang Kanyang ebanghelyo, at maging handang isakripisyo ang mahahalagang bagay, ugnayan, at maging ang buhay mismo dahil sa Kanya. Ngunit habang kayo ay nabubuhay, ialay ang inyong buhay. Pasanin ang Kanyang krus bawat araw, pagsunod at paglilingkod. Ito ang mga inaasahan at mga bunga ng ating pananampalataya, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

© 2014 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 1/14. Pagsang-ayon sa Pagsasalin: 1/14. Pagsasalin ng “Saving Your Life.” Tagalog. PD10051044 893