“Lesson 8 Materyal ng Titser: Ang Pagkakatatag ng Simbahan ni Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 8 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 8 Materyal ng Titser
Ang Pagkakatatag ng Simbahan ni Jesucristo
Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, muling inorganisa o itinatag ng Panginoon ang Kanyang Simbahan dito sa lupa. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maipaliwanag ang dahilan kung bakit Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang “tanging tunay at buhay na Simbahan” (Doktrina at mga Tipan 1:30). Matutukoy rin ng mga estudyante kung paano sila mas lubos na makikibahagi sa ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.
Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na nang anyayahan nila ang isang kaibigan na magsimba, sinabi nito na: “Walang masama sa pagsisimba, pero sa palagay ko maaari akong maging mabuting tao nang walang inorganisang relihiyon. May kani-kanya tayong sariling landas papunta sa Diyos, di ‘ba?”
-
Ano ang ilang maling palagay na maaaring makahadlang sa inyong kaibigan para maunawaan ang kahalagahan ng Simbahan ng Panginoon?
Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante para matalakay sa maliliit na grupo kung paano nila maaaring ipaliwanag sa kaibigang ito kung bakit nag-organisa o nagtatag ang Panginoon ng simbahan sa lupa. (Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang natutuhan nila sa pag-aaral ng materyal sa paghahanda.)
Idispley ang kalakip na larawan ng tahanan ni Peter Whitmer Sr. sa Fayette, New York. Sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang napag-aralan nila sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda para mailarawan kung ano ang naganap sa tahanan ng mga Whitmer noong araw na itatag ang Simbahan.
Basahin ninyo ng buong klase ang Mga Saligan ng Pananampalataya 1:6, at alamin kung ano ang isinulat noon ni Joseph Smith tungkol sa organisasyon ng Simbahan ni Jesucristo. Kung kinakailangan, maaari mong ipaliwanag na ang mga “ebanghelista” ay maaaring tumukoy sa mga patriarch at ang mga “pastor” sa mga namumunong opisyal, tulad ng mga bishop.
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa pahayag na ito? (Ang isang katotohanan na matututuhan natin ay inorganisa ang Simbahan ng Panginoon sa mga huling araw tulad sa paraang inorganisa ito sa panahon ni Jesus.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang ikalawang talata ng pahayag ni Brother Tad R. Callister sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda, na nagsisimula sa mga salitang “kung itutugma ng isang tao ang blueprint …”
Ipakita ang mga sumusunod na scripture reference. Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa o mahigit pa sa mga ito at basahin nang tahimik, at alamin kung ano ang ipinahahayag ng mga ito tungkol sa organisasyon, mga gawain, at mga turo ng Simbahan ng Tagapagligtas sa Bagong Tipan.
Paalala: Ang aktibidad na ito ay hindi nilayong maging komprehensibo o mangailangan ng maraming oras. Layon lamang nito na tulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano itinulad ang ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon sa Kanyang Simbahan noon.
-
Anong mga pagkakatulad ang nakikita ninyo sa orihinal na Simbahan ni Cristo at sa Simbahan sa ating panahon? Bakit mahalagang malaman na ang Simbahan ng Panginoon ngayon ay inorganisa ayon sa huwaran ng Kanyang Simbahan noon?
Ipaliwanag na makalipas ang isa at kalahating taon matapos maorganisa ang Simbahan, itinuro ng Panginoon ang tungkol sa mga kakaibang katangian ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 1:30, at alamin ang ipinahayag ng Panginoon.
-
Paano inilarawan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa talata 30? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na doktrina: Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tanging tunay at buhay na simbahan sa buong mundo.)
Upang matulungan ang mga estudyante na mas malalim na maunawaan ang katotohanang ito, maaari mong sabihin sa klase na talakayin ang ilan sa mga sumusunod na tanong. Hikayatin ang mga estudyante na rebyuhin at pag-isipan ang natutuhan nila mula sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda sa oras ng talakayan.
-
Paano ninyo buong ingat ngunit buong tapang na ipaliliwanag sa isang tao kung ano ang ibig sabihin ng ang Simbahang ito “ang tanging tunay at buhay na Simbahan sa buong mundo”?
-
Paano naging “buhay” ang simbahang ito? (Maaaring makatulong na ipakita ang isang bagay na buhay, tulad ng halaman, at sabihin sa mga estudyante na ilarawan ang mga katangian ng isang buhay na bagay kumpara sa isang bagay na hindi buhay o patay.)
-
Sa inyong palagay, bakit mahalagang maunawaan na bagama’t hindi nagbabago ang mga walang-hanggang katotohanan ng ebanghelyo ng Tagapagligtas, ang Simbahan ay patuloy na lumalago at umaangkop sa mga paghahayag na ibinibigay ng Panginoon?
-
Anong mga karanasan ang nakatulong sa inyo para malaman ninyo na ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tanging tunay at buhay na Simbahan?
Dahil sa Simbahan ng Panginoon matatamo ng lahat ng tao ang mga pagpapala ng ebanghelyo.
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
Mahalagang pag-isipan kung bakit pinili ni Jesucristo na gumamit ng simbahan, ang Kanyang Simbahan, … upang isakatuparan ang gawain Nila ng Kanyang Ama. (“Bakit Kailangan ang Simbahan,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 108)
-
Sa inyong palagay, bakit pinili ni Jesucristo na gumamit ng simbahan, ang Kanyang Simbahan, upang isakatuparan ang gawain Nila ng Kanyang Ama?
Basahin ninyo ng buong klase ang Moroni 6:3–6 at Doktrina at mga Tipan 43:8–9, at alamin ang ilan sa mga layunin at mga pagpapala na dumarating sa pamamagitan ng pagiging miyembro at paglilingkod sa Simbahan ng Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila mula sa mga banal na kasulatan na ito.
Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na marebyu sandali ang pahayag nina Elder Christofferson at Sister Bonnie L. Oscarson mula sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.
-
Alin sa mga turo sa mga pahayag na ito ang partikular na mahalaga sa inyo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, ipakita ang sumusunod na katotohanan: Inorganisa ng Panginoon ang Kanyang Simbahan upang tulungan tayo na lumapit sa Kanya, matanggap ang buong pagpapala ng Kanyang ebanghelyo, at magkaroon ng mga pagkakataon na maglingkod sa ibang tao.)
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang bawat bahagi ng katotohanang ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano nila nakita na natupad ang katotohanang ito sa sarili nilang buhay. Maaari mong isunod ang ilang tanong na gaya nito:
-
Ano ang “buong pagpapala” ng ebanghelyo ng Panginoon?
-
Ano ang ginagampanan ng Simbahan sa pagtulong sa inyo na maging higit na katulad ng inyong Ama sa Langit?
Bigyan ang mga estudyante ng sapat na oras na pag-isipan at isulat ang kanilang mga naisip tungkol sa sumusunod na tanong:
-
Sa anong mga paraan maaari akong mas aktibong makibahagi sa Simbahan at sa pagtulong na maisakatuparan ang mga layunin nito?
Pagkatapos ng sapat na oras, maaari mong itanong sa mga estudyante kung ano ang natutuhan nila ngayon na makatutulong sa kanila na masagot ang mga tanong ng isang kaibigan gaya ng inilahad sa sitwasyon na inilarawan sa simula ng lesson. Maaari mong tapusin ang lesson sa pagpapatotoo tungkol sa mga katotohanang itinuro sa lesson na ito.
Para sa Susunod
Ipaliwanag na dahil sa Panunumbalik ng ebanghelyo, maaari nating maunawaan ang marami pa tungkol sa pagkatao at nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas kaysa sa kayang maunawan at malaman ng sinuman sa loob ng halos 2,000 taon. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagpapala ng paglapit sa kanilang Tagapagligtas na si Jesucristo. Anyayahan sila na palalimin pa ang pagkaunawa nila at pananampalataya sa Kanya sa pamamagitan ng masusing pag-aaral ng materyal sa paghahanda para sa susunod na klase.