Institute
Lesson 18 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang mga Kababaihang Banal sa mga Huling Araw at ang Relief Society


“Lesson 18 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang mga Kababaihang Banal sa mga Huling Araw at ang Relief Society,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)

“Lesson 18 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik

Lesson 18 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Ang mga Kababaihang Banal sa mga Huling Araw at ang Relief Society

mga babaeng nag-uusap at nagyayakapan

Nang magsalita si Propetang Joseph Smith tungkol sa Relief Society, ipinahayag niya, “Nang maorganisa ang kababaihan noon lamang ganap na nabuo ang organisasyon ng Simbahan” [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 528]. Isipin ang mensaheng ipinaaabot ng pahayag na ito sa mundo tungkol sa kahalagahan ng kababaihan sa Simbahan ng Panginoon. Habang pinag-aaralan mo ang mga materyal na ito, isipin kung paano naging mahalaga ang gawain ng mga kababaihang Banal sa mga Huling Araw at ng Relief Society sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo.

Bahagi 1

Paano itinatayo ng mga kababaihang Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Diyos?

inaalo ni Jesus ang isang babae

Sinabi ni Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang pinakadakilang tagapagtanggol ng kababaihan ay si Jesus, ang Cristo” (sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian [2011], 3).

Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Noon pa man, mahalaga at kailangan na ang ating mga kababaihan sa gawain ng Panginoon. Ang matatapat na kababaihan ay magiting na nagpagal para sa kapakanan ng katotohanan at kabutihan bago pa man likhain ang mundong ito. … Ang ating dispensasyon ay maraming babaeng bayani. (M. Russell Ballard, “Women of Righteousness,” Ensign, Abr. 2002, 69)

Si Emma Smith, asawa ni Propetang Joseph Smith, ay nagsilbing halimbawa ng isang babaeng Banal sa mga Huling Araw na tumupad ng isang mahalagang tungkulin sa Panunumbalik. Sa isang paghahayag kay Joseph Smith, tinawag ng Panginoon si Emma bilang “isang hinirang na babae” (Doktrina at mga Tipan 25:3). Habang binabasa mo ang ilan sa paghahayag na ito, maaari mong markahan ang mga responsibilidad at mga payo na ibinigay ng Panginoon kay Emma. Pansinin na sa talata 16 ipinahayag ng Panginoon na ang mga payo na ibinigay Niya kay Emma ay naaangkop din sa bawat isa sa atin.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 25:5–7, 10–11, 13, 15–16.

Sina Emma at Joseph ay nakaranas ng matitinding pagsubok sa panahon ng kanilang pagsasama. Nagdulot din sila ng labis na kapanatagan at kagalakan sa isa’t isa. Sa pagtupad sa kanyang tungkulin, si Emma ay nagdulot ng malaking kaginhawaan kay Joseph, at hinikayat at inalo niya ito noong marami silang nararanasang pang-uusig at pagsubok. Iniisip ang panahong binisita siya ni Emma habang nagtatago siya sa panganib, isinulat ng Propeta, “Narito pa rin siya, anuman ang pagsubok, hindi nawawalan ng pag-asa, matatag, at hindi natitinag, ang hindi nagbabago at mapagmahal na si Emma!” (“Journal, December 1841–December 1842,” 135, josephsmithpapers.org).

Joseph at Emma Smith

Si Emma ay pansamantalang naglingkod bilang tagasulat ni Joseph, at tumulong sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Sa buong buhay niya, buong tapang niyang pinatotohanan ang Aklat ni Mormon. Bago ang kanyang kamatayan, sinabi niya sa kanyang anak: “Naniniwala ako na ang Aklat ni Mormon ay totoo—wala ako ni kaunting pag-aalinlangan dito” (Emma Smith, sa “Last Testimony of Sister Emma,” Saints’ Herald, Oct. 1, 1879, 290). Bilang pagsunod sa utos ng Panginoon, tinipon din ni Emma ang unang aklat ng mga himno ng Simbahan.

Si Emma ay nagturo sa pamamagitan ng halimbawa: “Sa New York, nagtahi siya ng mga kasuotan para sa … [mga] misyonero na tinawag na mangaral [ng ebanghelyo]. … Sa Kirtland, tumulong siya sa ibang kababaihan na magtipon ng mga kumot, pagkain, at damit na dadalhin ng mga tauhan ng Kampo ng Sion sa namimighating mga Banal sa Missouri. Tumulong siya sa paghahanda ng pagkain at paggawa ng mga [kasuotan] para sa mga nagtatayo ng Kirtland Temple. Pinatuloy niya ang napakaraming manggagawa sa kanilang tahanan kaya’t natutulog na lamang sila ni Joseph sa sahig. Sa mga unang araw sa Nauvoo, ibinuhos niya ang marami niyang oras sa pag-aalaga ng maraming biktima ng malaria na nagtayo ng tolda sa labas ng kanyang bahay sa pampang ng Ilog ng Mississippi. Sa ganito at sa iba pang paraan, naging halimbawa siya ng paglilingkod na ibinigay ng maraming miyembrong babae noong kanyang kapanahunan” (Mga Turo: Joseph Smith, 527).

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Mag-isip ng isang ulirang babae na kilala mo na ginagamit ang kanyang impluwensya, tinig, at mga kakayahan para makatulong nang malaki sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Paano niya itinatayo ang kaharian ng Diyos sa ating panahon?

Bahagi 2

Ano ang kakaiba tungkol sa organisasyon ng Relief Society?

Noong tagsibol ng 1842, nahirapan ang mga Banal na itayo ang Nauvoo Temple dahil sa kanilang karalitaan. Marami sa kababaihan ang nagnais na gumawa ng higit pa upang makatulong. Sa pamumuno nina Sarah Kimball at Margaret Cook, isang grupo ng mga kababaihan ang nagtipon para magsulat ng isang konstitusyon at mga patakaran at alituntunin para makapanahi ang bagong samahan ng mga kababaihan ng mga kasuotan para sa mga manggagawa sa templo. Nang sumangguni sila kay Propetang Joseph Smith, sinabi niya sa kanila na ang kanilang konstitusyon ang “pinakamainam sa lahat ng nakita na niya” (Mga Turo: Joseph Smith, 525). “Ngunit,” sabi niya, “hindi ito ang gusto ninyo. Sabihin sa kababaihan na tinatanggap ng Panginoon ang kanilang mga handog, at siya ay may inilalaang mas mainam para sa kanila. … Inaanyayahan ko silang lahat na makipagkita sa akin at sa ilang kalalakihan … at aking isasaayos ang kababaihan sa ilalim ng priesthood ayon sa kaayusan ng priesthood” (sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 14). Ikinuwento ni Eliza R. Snow na itinuro ni Joseph Smith sa Relief Society na “mayroon ding ganitong organisasyon sa simbahan noong unang panahon” (sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 8).

Come Let Us Rejoice, ni Walter Rane

Itinuro ni Sister Julie B. Beck, dating General President ng Relief Society, kung ano ang ibig sabihin ng isaayos ayon sa kaayusan ng priesthood:

Kakaiba ang Relief Society dahil ito ay binuo ayon sa “pagkakaayos sa priesthood” [Joseph Smith, sinipi sa Sarah M. Kimball, “Auto-biography,” Woman’s Exponent, Set. 1, 1883, 51]. … Gumagana tayo ayon sa pamamaraan ng priesthood—ibig sabihin naghahangad, tumatanggap, at kumikilos tayo ayon sa paghahayag; nagdedesisyon sa mga kapulungan; at inaalala natin ang pangangalaga sa bawat tao. Layunin natin ang layunin ng priesthood na ihanda ang ating sarili para sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan sa paggawa at pagtupad ng mga tipan. Samakatwid, tulad ng mga kapatid nating may hawak ng priesthood, ang ating gawain ay magligtas, maglingkod, at maging banal na mga tao. (Julie B. Beck, “Relief Society: Isang Sagradong Gawain,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 110)

Binigyang-diin pa ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan na ang gawain ng Relief Society ay ginagawa nang may awtoridad ng priesthood:

Sa isang mensahe sa Relief Society, si Pangulong Joseph Fielding Smith, na noon ay Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay nagsabi nang ganito: “Bagama’t ang mga kababaihan ay hindi [inordenan sa] Priesthood, … hindi ibig sabihin nito na wala nang awtoridad na ibinigay sa kanila ang Panginoon. … Makapagsasalita kayo nang may awtoridad, sapagkat binigyan kayo ng awtoridad ng Panginoon.” Sinabi rin niya na ang Relief Society ay “binigyan … ng kapangyarihan at awtoridad na gawin ang maraming dakilang bagay. Ang gawain nila ay ginagawa nang may awtoridad mula sa Diyos” [“Relief Society--An Aid to the Priesthood,” Relief Society Magazine, Ene. 1959, 4–5]. …

… Sinumang gumaganap sa katungkulan o tungkulin na natanggap mula sa taong mayhawak ng mga susi ng priesthood ay ginagamit ang awtoridad ng priesthood sa pagtupad sa mga gawaing itinalaga sa kanya. (Dallin H. Oaks, “Ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 50–51)

Bahagi 3

Paano tumutulong ang mga kababaihan at ang Relief Society sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Diyos at ng Kanyang Simbahan?

Ginanap ang unang pulong ng Relief Society noong Marso 17, 1842, sa silid sa itaas ng Tindahan ni Joseph Smith na Yari sa Pulang Laryo sa Nauvoo, Illinois. Si Emma ay pinili at sinang-ayunan bilang pangulo ng bagong organisasyon. Tumayo si Joseph at ipinaliwanag niya na ito ay katuparan ng sinabi ng Panginoon na si Emma ay “isang hinirang na babae, na aking tinawag” (Doktrina at mga Tipan 25:3). Kalaunan ay sinabi ng Propeta; “Ang samahang ito ay tuturuan ayon sa kaayusang itinakda ng Diyos—sa pamamagitan ng mga inatasang mamuno—at [ibinibigay] ko ngayon ang [responsibilidad] sa inyo sa ngalan ng Diyos, at ang samahang ito ay magagalak, at kaalaman at katalinuhan ang dadaloy mula sa oras na ito” (sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 17).

Sinabi ni Sister Emma Smith na ang mga kababaihan ng Simbahan ay magkakasamang gagawa ng “isang pambihirang bagay” (“Joseph Smith’s Teachings about Priesthood, Temple, and Women,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org). Habang pinag-aaralan mo ang mga sumusunod na pahayag, maaari mong markahan ang tila pinakamahalaga para sa iyo tungkol sa mga layunin at misyon ng Relief Society.

Naalala ni Zina D. H. Young, dating General President ng Relief Society:

Ang Relief Society … ay unang itinatag … upang magbigay ng mga temporal na pagpapala sa mga maralita at nangangailangan: at palakasin ang loob ng yaong mahihina, at tulungan ang mga nagkakasala, at para sa mas mainam na pag-unlad, at maipakita ang pagdamay, at pagkakawangga ng isang babae upang magkaroon siya ng pagkakataong magtamo ng espirituwal na lakas at ng kapangyarihang maisakatuparan ang mas higit na kabutihan sa gawain ng pagtubos sa pamilya ng tao. (“First General Conference of the Relief Society,” Woman’s Exponent, Abr. 15, 1889, 172)

Itinuro ni Sister Beck:

Sinabi ni Joseph Smith na ang kababaihan ng Simbahang ito ay binuo upang “tumulong sa mahihirap, hikahos, balo, ulila, at gawin ang lahat ng pagkakawanggawa” [sa History of the Church, 4:567] at “hindi lamang tumulong sa mahihirap, kundi magligtas din ng mga kaluluwa” [sa History of the Church, 5:25]. Ipinaliwanag pa nang mas malinaw ni Elder John A. Widtsoe ang pagtulong na iyan bilang “pag-aahon sa kahirapan, pagpapagaling sa karamdaman, pagpawi sa pag-aalinlangan, pagdaig sa kamangmangan—pag-aalis sa lahat ng humahadlang sa kagalakan at pag-unlad. …” [Evidences and Reconciliations, arr. G. Homer Durham, 3 vols. in 1 (1960), 308]

… Sa pamamagitan ng Relief Society natututo tayong maging mga disipulo ni Cristo. Pinag-aaralan natin ang gusto Niyang matutuhan natin, ginagawa ang gusto Niyang gawin natin, at nagiging kung ano ang gusto Niyang marating natin. (Julie B. Beck, “Ang Pinakamainam na Nagagawa ng mga Babaeng Banal sa mga Huling Araw: Pagiging Matatag at Di Natitinag,” Ensign at Liahona, Nob. 2007, 111, 109)

pinagaling ni Jesus ang babaeng inaagasan ng dugo

Ipinaliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball kung bakit dapat maunawaan kapwa ng kalalakihan at ng kababaihan ang mga layunin at kapangyarihan ng Relief Society:

May kapangyarihan sa organisasyong ito [ng Relief Society] na hindi pa lubusang nagagamit para palakasin ang mga tahanan ng Sion at itayo ang Kaharian ng Diyos—at hindi ito magagamit hangga’t hindi nauunawaan kapwa ng kababaihan at ng priesthood [kalalakihan] ang mithiin ng Relief Society. (Spencer W. Kimball, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 166; idinagdag ang italiko)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang magagawa kapwa ng kababaihan at ng kalalakihan para maunawaan ang mithiin ng Relief Society at magtulungan para maisakatuparan ang mga layunin nito?