“Lesson 12 Materyal ng Titser: Pagtatatag ng Kapakanan ng Sion,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 12 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 12 Materyal ng Titser
Pagtatatag ng Kapakanan ng Sion
Matapos iutos ng Panginoon na itatag ang kapakanan ng Sion, sinimulan ng mga naunang Banal ang pagtatayo ng isang lugar na pagtitipunan sa Jackson County, Missouri. Layon ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga paraan na makatutulong sila sa pagtatayo ng Sion sa ating panahon.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga tao na itatag ang kapakanan ng Sion.
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ilang beses silang nanalangin sa Ama sa Langit na tulungan sila na malaman kung ano ang nais Niyang gawin nila sa kanilang buhay.
Ipaliwanag na noong tagsibol ng 1829, bago pa man maorganisa ang Simbahan, tumanggap si Joseph Smith ng mga paghahayag para kina Oliver Cowdery, Hyrum Smith, at Joseph Knight. Bawat isa sa mga kalalakihang ito ay naghangad na malaman kung ano ang nais ng Panginoon na ipagawa sa kanila. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference: Doktrina at mga Tipan 6:6; 11:6; 12:6.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang mga talata, at alamin ang sinabi ng Panginoon sa bawat isa sa mga kalalakihang ito.
-
Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng “ihayag at itatag ang kapakanan ng Sion”? (Doktrina at mga Tipan 6:6).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag ni Joseph Smith sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda. O maaari mong ipanood ang video na “Teachings of Joseph Smith: Preparing for Zion” (1:42). Sabihin sa klase na alamin kung ano ang itinuro ni Joseph Smith tungkol sa Sion.
-
Sa inyong palagay, bakit ang Sion ay gawain na bumighani sa mga tao ng Diyos sa bawat panahon? (Sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang natutuhan nila sa kanilang materyal sa paghahanda.)
Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Maitatayo natin ang Sion sa pamamagitan ng …
Ipaliwanag na noong Nobyembre at Disyembre ng 1830, habang ginagawa ni Joseph Smith ang inspiradong pagsasalin ng Biblia, nakatanggap siya ng mga paghahayag tungkol sa sinaunang propeta na si Enoc at sa kanyang mga tao. Ipabasa sa isang estudyante ang Moises 7:18–19, 21 at sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 97:21. Sabihin sa klase na pakinggan ang paglalarawan ng Panginoon sa Sion.
-
Ano ang matututuhan natin mula sa paglalarawan ng Panginoon sa Sion na tumutulong sa atin na malaman kung paano itatayo ang Sion sa ating panahon? (Isulat ang mga sagot ng mga estudyante sa ilalim ng di-kumpletong parirala sa pisara. Magkakaiba ang mga sagot ng mga estudyante ngunit maaaring kapalooban ng mga halimbawang tulad ng sumusunod: Maitatayo natin ang Sion sa pamamagitan ng pagiging isa sa puso at isipan, pamumuhay nang matwid, pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan, at pagsisikap na maging dalisay ang puso.)
-
Anong kaibhan ang magagawa sa isang pamilya, ward, o branch kapag ang lahat ng naroon ay “may isang puso at isang isipan”?
Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda. Sabihin sa mga estudyante na alamin kung paano tayo maaaring magkaroon ng isang puso at isang isipan. Pagkatapos nilang magbahagi, maaari mong idagdag ang pagtutuon ng ating buhay sa Tagapagligtas at pagsunod sa mga lider ng Simbahan sa listahan sa pisara.
-
Sa inyong palagay, paano makatutulong sa atin ang pagtutuon ng ating buhay sa Tagapagligtas at pagsunod sa mga lider ng Simbahan para maging tulad tayo ng mga tao sa Sion?
Sinubukan ng mga Banal na itayo ang lunsod ng Sion sa Jackson County, Missouri.
Ipaliwanag na nalaman ng mga Banal mula sa Moises 7 na bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, ang mga tao ng Panginoon ay muling titipunin at magtatayo ng isa pang lunsod ng Sion (tingnan sa Moises 7:62). Ilang buwan matapos matanggap ang paghahayag na nakatala sa Moises 7, nakatanggap si Propetang Joseph Smith ng isa pang paghahayag sa kumperensya ng Simbahan na naghayag ng iba pa hinggil sa lunsod na ito ng Sion sa hinaharap (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45).
Sabihin sa klase na basahin nang sabay-sabay ang Doktrina at mga Tipan 45:66–71, at hanapin ang mga paglalarawan sa lunsod ng Sion.
-
Sa inyong palagay, ano ang naging epekto ng paghahayag na ito sa mga naunang Banal?
Ipaalala sa mga estudyante na nalaman kalaunan ni Joseph Smith sa pamamagitan ng paghahayag na “ang tampok na lugar” para sa lunsod ng Sion ay sa Independence, Jackson County, Missouri (Doktrina at mga Tipan 57:3).
-
Anong mga hamon ang humadlang sa mga Banal na itayo ang lunsod ng Sion sa Jackson County? (Hikayatin ang mga estudyante na alalahanin ang natutuhan nila mula sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)
-
Ano kaya ang mga itinanong ng mga Banal pagkatapos nilang mapalayas sa Jackson County?
Ang Sion ay maitatayo lamang ayon sa mga alituntunin ng kabutihan.
Ipaliwanag na sa mga sumunod na buwan pagkatapos marahas na palayasin ang mga Banal sa Jackson County ng mga mandurumog sa Missouri, hindi maalis sa isip ni Joseph Smith ang mga tanong na “bakit tinulutan ng Diyos na makaranas ng matinding hirap ang Sion” at “sa paanong paraan niya maibabalik [ang Sion] sa lupang mana [nito]” (“Letter to Edward Partridge and Others, 10 December 1833,” josephsmithpapers.org). Kalaunan ay ipinabatid ng Panginoon kay Joseph kung bakit inusig at pinalayas ang mga Banal.
Sabihin sa kalahati ng klase na rebyuhin ang Doktrina at mga Tipan 101:2–3, 6–8 at sa natitirang kalahati ng klase na rebyuhin ang Doktrina at mga Tipan 105:3–6, na mga scripture passage na napag-aralan nila sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga naisip nila tungkol sa mga sumusunod na tanong na sinabing pag-isipan nila:
-
Ano ang nakahadlang sa mga Banal sa pagtatatag ng kapakanan ng Sion sa Jackson County, Missouri?
-
Anong mga asal at pag-uugali ang hinihingi ng Panginoon sa mga tao sa mga huling araw na naghahangad na itayo ang Sion? (Idagdag ang mga sagot ng mga estudyante sa listahan sa pisara sa ilalim ng pariralang Maitatayo natin ang Sion sa pamamagitan ng …)
Ipaliwanag na bagama’t ang Independence, Missouri “ang tampok na lugar” ng Sion (Doktrina at mga Tipan 57:3), itinuro ni Propetang Joseph Smith na “saanmang lugar magtipon ang mga Banal ay Sion” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 216). Ngayon, kabilang dito ang lahat ng mga stake ng Simbahan sa iba’t ibang dako ng mundo.
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Joseph Smith:
“Dapat ay pagtatayo ng Sion ang ating pinakadakilang layunin” (Mga Turo: Joseph Smith, 216).
-
Batay sa natutuhan ninyo tungkol sa Sion, bakit kaya dapat maging isa sa ating mga pinakadakilang layunin ang pagtatayo ng Sion?
Bigyan ng oras ang mga estudyante na marebyu ang natutuhan nila mula sa mga karanasan ng mga naunang Banal at sa mga paghahayag tungkol sa pagtatayo ng Sion. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung ano ang magagawa nila ngayon para makatulong sa pagtatatag ng Sion sa kanilang mga tahanan, ward, at branch. Maaari mo silang hikayatin na isulat ang mga ideya at impresyong natanggap nila. Maaari mo ring hilingin sa ilang estudyante na ibahagi kung ano ang gagawin nila. Paalalahanan sila na huwag magbahagi ng anumang bagay na masyadong personal.
Para sa Susunod
Ipaliwanag na upang matulungan ang Kanyang mga Banal na itatag ang Sion, inihayag ng Panginoon ang mga batas ng paglalaan, moralidad, kalusugan, at Sabbath, bukod sa iba pa. Bigyang-diin na ang mga estudyante ay magkakaroon ng pagkakataon na pag-aralan ang isa o higit pa sa mga paksang ito habang naghahanda sila para sa susunod na klase. Hikayatin sila na dumating sa susunod na klase na handang magbahagi ng isang natatanging bagay na natuklasan nila tungkol sa isa o higit pa sa mga batas na ito.