Institute
Lesson 20 Materyal ng Titser: Mga Ordenansa at Pagsamba sa Templo


“Lesson 20 Materyal ng Titser: Mga Ordenansa at Pagsamba sa Templo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)

“Lesson 20 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik

Lesson 20 Materyal ng Titser

Mga Ordenansa at Pagsamba sa Templo

Noong itinatayo pa lamang ang Nauvoo Temple, itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Ang Simbahan ay hindi lubos na organisado … hangga’t hindi natatapos ang Templo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 487). Ang layunin ng lesson na ito ay madagdagan ang pagkaunawa ng mga estudyante tungkol sa kahalagahan ng mga ordenansa sa templo at mahikayat sila na gawing mas madalas (kung ipinahihintulot ng kalagayan) at taimtim ang kanilang pagsamba sa templo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ipinanumbalik ng Panginoon ang mga nakapagliligtas na ordenansa sa templo sa pamamagitan ni Joseph Smith.

Magpakita ng larawan ng isang templo na makikilala ng mga estudyante. Anyayahan ang ilang estudyante na nakaranas nang sumamba sa templo na ibahagi kung ano ang nadama nila noong pumasok sila sa bahay ng Panginoon. Maaari mo ring itanong kung ano ang nadama nila noong nilisan nila ang templo.

PAGPAPAHUSAY NG ATING PAGTUTURO AT PAG-AARAL

Magtanong ng mga bagay na maghihikayat sa mga estudyante na makita kung paano naaangkop ang mga aralin sa kanilang mga buhay. Anyayahan ang mga estudyante na sagutin ang mga tanong na ito. Ang mga ganitong uri ng tanong ay maaaring magkaroon ng mahalagang papel sa pagtulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano naaangkop ang mga katotohanang tinalakay sa kanilang mga kasalukuyang kalagayan at mapag-isipan din kung paano maisasabuhay ang mga ito sa hinaharap (tingnan sa Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo [2012], 5.1.4).

Ipaliwanag na matapos maitatag ng mga Banal ang kanilang mga sarili sa Nauvoo, Illinois, nakatanggap si Propetang Joseph Smith ng kautusan na magtayo ng templo. Tulad sa Kirtland Temple, nangailangan din ang gawaing ito ng malalaking sakripisyo mula sa mga Banal. Noong itinatayo pa lamang ang Nauvoo Temple, itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Ang Simbahan ay hindi lubos na organisado … hangga’t hindi natatapos ang Templo” (Mga Turo: Joseph Smith, 487).

  • Sa inyong palagay, bakit hindi lubos ang Pagpapanumbalik ng Simbahan ng Tagapagligtas kung walang templo? (Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na ibahagi ang ilan sa natutuhan nila sa pag-aaral ng materyal sa paghahanda.)

Ipaliwanag na sa isang paghahayag na nag-uutos sa mga Banal na itayo ang Nauvoo Temple, inihayag ng Panginoon kung bakit magiging napakahalaga ng templo sa mga Banal. Ipinaliwanag niya na ang mga paghuhugas, pagpapahid ng langis, pagbibinyag para sa mga patay, at iba pang mga ordenansa ay kabilang sa Kanyang banal na bahay. Anyayahan ang mga estudyante na mag-ukol ng ilang minuto para mapag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 124:31, 34, 40–41, 55, at alamin ang ipinangako ng Panginoon kung paano Niya pagpapalain ang Kanyang mga tao sa mga templo.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Gamit ang mga isinagot ng mga estudyante, ipakita o isulat sa pisara ang isang katotohanan na tulad sa sumusunod: Sa templo, binibiyayaan tayo ng Panginoon ng mahahalagang ordenansa para maputungan tayo ng karangalan, kawalang-kamatayan, at buhay na walang hanggan.

  • Sa inyong palagay, paano tayo inihahanda ng mga ordenansa sa templo para sa karangalan, kawalang-kamatayan, at buhay na walang hanggan?

Tindahan na Yari sa Pulang Laryo

Magpakita ng larawan ng Tindahan na Yari sa Pulang Laryo ni Joseph sa Nauvoo, at sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung ano ang nalalaman nila tungkol sa panunumbalik ng seremonya ng endowment sa templo. Sabihin sa kanila na rebyuhin ang bahagi 2 ng materyal sa paghahanda kung kinakailangan.

  • Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa mga pagpapala ng endowment mula sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda?

Habang tinatalakay ninyo ang endowment, maaari mong gamitin ang mga follow-up na tanong na nakalista sa ibaba. Ipaliwanag na itinuro ni Elder Bednar na kapag nag-uusap tayo tungkol sa templo hindi natin dapat “ipaalam o ilarawan ang mga natatanging simbolong kaugnay ng mga tipan na natatanggap natin sa mga sagradong seremonya sa templo,” ngunit “maaari nating talakayin ang mga pangunahing layunin, doktrina, at alituntunin na kaugnay ng mga ordenansa at tipan sa templo” (“Handa na Matamo ang Bawat Kinakailangang Bagay,” Ensign o Liahona, Mayo 2019, 103).

  • Ano ang kasama sa kaloob ng endowment? (Tingnan sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.)

  • Ano ang kaugnayan ng mga ordenansa at mga tipan?

  • Sa inyong pag-aaral ng materyal sa paghahanda, ano ang natutuhan ninyo tungkol sa mga tipang ginagawa natin sa seremonya ng endowment?

  • Sa inyong palagay, bakit nais ng Panginoon na matanggap ng Kanyang mga tao ang endowment sa templo?

Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng isa o dalawang minuto para ibahagi sa isang estudyanteng kalapit nila ang kanilang mga iniisip tungkol sa mga sumusunod na tanong na matatagpuan sa katapusan ng materyal sa paghahanda:

  • Ano ang maimumungkahi mong gawin ng isang tao para makapaghanda na matanggap ang kanyang endowment? Bakit mahalaga mismo sa iyo ang templo at mga ordenansa nito?

Ang pagsamba sa templo ay nag-aanyaya ng kapangyarihan at mga pagpapala ng Panginoon sa ating mga buhay.

Kirtland Temple

Ipaalala sa mga estudyante na ang Kirtland Temple ang unang templong natapos sa ating dispensasyon. Ang layunin nito ay iba sa layunin ng mga templong sumunod dito—naglaan ito ng isang lugar para maipanumbalik ng Panginoon ang kaalaman at mga susi ng priesthood para sa pagsamba sa templo sa hinaharap. Sa panalangin ng paglalaan para sa templong iyon, hiniling ni Joseph Smith sa Panginoon na magbigay ng mga tiyak na pagpapala sa mga taong sumasamba sa templo. Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang Doktrina at mga Tipan 109:13, 22–26 at alamin ang mga pagpapalang matatanggap nila sa pamamagitan ng pagsamba sa templo.

  • Ayon sa mga talatang ito, anong mga pagpapala ang matatanggap natin kapag sumasamba tayo sa templo? (Maaari mong ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante at sabihin sa kanila na ipaliwanag kung bakit mahalaga ang mga pagpapalang ito sa kanila. Maaari mong tulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag sumasamba tayo sa templo ng Panginoon, sasakbitan Niya tayo ng Kanyang kapangyarihan at proteksyon.)

Talakayin sa mga estudyante ang mga dahilan kung bakit kailangan natin ang kapangyarihan at proteksyon ng Panginoon sa ating panahon. Sabihin sa mga estudyante na nagtanong sa isang kapamilya o kaibigan kung anong mga partikular na pagpapala ang nadama nito sa pamamagitan ng mga ordenansa at pagsamba sa templo na ibahagi ang natutuhan nila (tingnan ang paanyaya sa katapusan ng bahagi 1 ng materyal sa paghahanda). Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na patotohanan ang mga pagpapalang nadama nila sa kanilang personal na pagsamba sa templo.

Ipakita at basahin sa mga estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Nakikiusap ako sa inyo na mapanalanging tingnan kung saan ninyo ginugugol ang inyong oras. … Kung malapit kayo sa templo, hinihikayat ko kayo na humanap ng paraan na regular na makipagkita roon sa Panginoon—sa Kanyang banal na bahay—gawin ito at gawin ito nang may kagalakan. Ipinapangako ko sa inyo na ibibigay ng Panginoon ang mga himala na alam Niyang kailangan ninyo habang nagsasakripisyo kayo upang makapaglingkod at makasamba sa Kanyang mga templo. (Russell M. Nelson, “Pagiging Kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 114)

Upang matulungan ang mga estudyante na pag-isipang mabuti ang tungkol sa kanilang katapatan sa Panginoon at sa kanilang sariling karanasan sa templo, ipakita ang mga sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga tanong na angkop sa kanilang mga kasalukuyang kalagayan. Bigyan ang mga estudyante ng sapat na oras para makapag-isip at marahil ay maisulat ang kanilang mga impresyon.

  1. May mga gambala ba o usapin tungkol sa hindi pagkamarapat na humahadlang sa akin na makapunta sa templo? Ano ang kinakailangan kong gawin para maalis ang mga balakid na ito?

  2. Anong uri ng mga sakripisyo ang maaaring nais ng Panginoon na gawin ko para lalo ko pang matanggap ang mga pagpapalang matatamo sa pamamagitan ng pagsamba sa templo?

  3. Paano ko kaya magagawang mas makabuluhan ang pagsamba ko sa templo?

  4. Sa paanong mga paraan kaya nais ng Panginoon na tulungan ko ang iba na matamo ang mga pagpapala ng templo?

Para sa Susunod

Ipaliwanag na sa susunod na klase, ang mga estudyante ay magkakaroon ng pagkakataong talakayin ang pinakamahalagang ordenansa sa templo na walang hanggang kasal. Hikayatin ang mga estudyante na basahing mabuti ang materyal sa paghahanda para sa lesson 21 at pag-isipan kung bakit ang kasal at pamilya ay napakahalaga sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit.