“Lesson 3 Materyal ng Titser: Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 3 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 3 Materyal ng Titser
Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman
Inihayag ng Panginoon ang mga alituntunin na gagabay sa atin sa paghahanap ng katotohanan (tingnan sa “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman,” Doctrinal Mastery Core Document [2018]). Daragdagan ng lesson na ito ang kakayahan ng mga estudyante na ipamuhay ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at pagsusuri kung mapagkakatiwalan ang sources o mga materyal.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ang Panginoon ay naglaan ng huwaran sa pagtatamo ng espirituwal na kaalaman.
Ipakita ang mga sumusunod na tanong: Okey lang ba na magkaroon ng mga tanong tungkol sa Simbahan? Bakit oo o bakit hindi? Anyayahan ang dalawa o tatlong estudyante na ibahagi ang kanilang mga ideya.
Sabihin sa buong klase na basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:8–10, at hanapin ang mga salita o mga parirala na ginamit ni Joseph para ilarawan ang kanyang mga tanong at alalahanin tungkol sa relihiyon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nahanap nila at kung ano ang natutuhan nila tungkol sa pagtatanong mula sa salaysay ni Joseph.
Isulat ang sumusunod na pahayag sa pisara: Maaari akong magtamo ng espirituwal na kaalaman kapag ginawa kong …
Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang tatlong alituntunin mula sa mga materyal sa paghahanda na kukumpleto sa pahayag na ito. (Habang sumasagot ang mga estudyante, tiyaking natukoy at naipakita ang mga sumusunod na alituntunin:
-
Kumilos nang may pananampalataya.
-
Suriin ang mga konsepto at mga tanong nang may walang-hanggang pananaw.
-
Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos.
Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung ano ang pagkaunawa nila sa bawat isa sa mga alituntuning ito. Kung kinakailangan, magbigay ng kaunting oras para marepaso nila ang materyal sa paghahanda.
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–14, at alamin kung paano ipinakita sa mga ginawa ni Joseph Smith ang mga alituntuning ito ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman habang naghahanap siya ng mga sagot sa kanyang mga tanong at alalahanin. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Pumili at magpakita ng isa o mahigit pang mga tanong na natanggap mo mula sa mga estudyante na gagamitan nila ng mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman (tingnan sa aktibidad na “Isulat ang Iyong mga Naisip” sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda). Ipaliwanag na bagama’t iilan lamang ang magagamit mo sa mga tanong na isinumite sa oras ng klase na ito, maghahanap ka kalaunan ng mga bahagi sa kurikulum ng kurso para matalakay ang ibang mga tanong na natanggap mo.
Paalala: Ang layunin ng aktibidad na ito ay para hayaang mapag-usapan ng mga estudyante ang mga paraan kung paano nila magagamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa iba’t ibang tanong. Hindi nilayong magbigay ito ng mga sagot sa partikular na mga tanong. Huwag gumugol ng maraming oras sa mga detalye ng isang tanong o isyu.
Talakayin kung paano gagamitin ng mga estudyante ang mga alituntuning nakasulat sa pisara sa paghahanap ng mga sagot sa piniling tanong o mga tanong. Ang mga follow-up na tanong sa ibaba ay maaaring maging bahagi ng inyong talakayan:
-
Paano tayo kikilos nang may pananampalataya kapag naghahanap tayo ng sagot sa tanong na ito?
-
Paano makatutulong ang walang-hanggang pananaw sa pagsagot sa tanong na ito? Ano ang alam natin tungkol sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano ng kaligtasan na makatutulong sa atin na tingnan ang tanong na ito nang may walang-hanggang pananaw?
-
Anong mga tulong o sources na itinalaga ng Diyos ang makatutulong sa atin na mas maunawaan ang paksang ito? Ano ang iba pang mga mapagkakatiwalaang sources o mga materyal na makatutulong? (Paalala: Makatutulong na ipakilala sa mga estudyante ang Gospel Topics page sa ChurchofJesusChrist.org upang maipakita ang isang mapagkakatiwalaang source o materyal na tumutukoy din ng mga banal na kasulatan at mga mensahe ng mga propeta.)
Anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi kung paano sila napagpala ng tatlong alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa paghahanap nila ng espirituwal na kaalaman.
Maaari nating masuri kung mapagkakatiwalaan ang mga sources o materyal.
Ipalabas ang bahagi ng video na “Sources na Itinalaga ng Diyos” (time code 0:00 hanggang 4:19).
Sabihin sa mga estudyante na hanapin kung anong mapagkukunan ng impormasyon ang pinakamaaasahan at kung alin ang may potensyal na makasira sa ating pang-unawa sa katotohanan.
Pagkatapos ipanood ang video, isiping itanong ang ilang tanong na tulad ng sumusunod upang matulungan ang mga estudyante na pag-isipan ang pagkakaiba ng mga sources na itinalaga ng Diyos, maaasahang sources, at di-maaasahan o nakasisirang sources:
-
Ano ang pinakadalisay na sources o mga tulong na mapaghahanapan o mahihingan natin ng mga sagot?
-
Paano ninyo malalaman kung mapagkakatiwalan o hindi ang isang mapagkukunan ng impormasyon?
-
Ano ang gagawin ninyo kapag nagkataong nakakita kayo ng mga mapagkukunan ng impormasyon na ang layunin ay wasakin ang pananampalataya?
Upang maipakita ang kahalagahan ng paggamit ng mga mapagkakatiwalaang sources o mga materyal kapag nag-aaral ng kasaysayan ng Simbahan, sabihin sa mga estudyante na isipin ang sumusunod na sitwasyon: Naghahanap kayo ng mga karagdagang impormasyon tungkol sa Tatlong Saksi ng Aklat ni Mormon. Sa inyong paghahanap nagkataong nakita ninyo ang sumusunod na pahayag ni Stephen Burnett, na kapanahon ni Martin Harris, at hindi kayo sigurado kung totoo ang pahayag o hindi:
Pinagnilayan ko nang matagal at mabuti ang kasaysayan ng simbahang ito at sinuri ang katibayang panig at laban dito. … Ngunit nang marinig kong banggitin ni Martin Harris sa publiko na hindi kailanman nakita ng kanyang mga pisikal na mata ang mga lamina, tanging sa pangitain o imahinasyon lamang, [o] ni Oliver o ni David … ang huling bahagi ng aking patotoo ay nawasak. (Stephen Burnett, sa Richard Lloyd Anderson, Investigating the Book of Mormon Witnesses [1981], 155)
-
Anong mga hakbang ang maaari ninyong gawin bago magpasya kung tatanggapin ninyo o hindi ang sinabi ni Stephen Burnett tungkol kay Martin Harris?
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila tungkol sa pagsusuri ng sources o mga materyal mula sa bahaging “Mga Tanong para sa Pagsusuri ng Sources o mga Materyal” ng materyal sa paghahanda.
Nang isinasaisip ang mga gabay na ito para sa pagsusuri ng sources o mga materyal, bigyan ang mga estudyante ng handout na “Mga Pangyayari sa Kasaysayan sa Pahayag ni Stephen Burnett,” at sabihin sa mga estudyante (o sa buong klase o sa maliliit na grupo) na maghanap ng impormasyon na tutulong sa kanila na masuri ang kredibilidad ng akusasyon ni Stephen Burnett na hindi nakita ni Martin Harris ang mga laminang ginto.
Pagkatapos ng sapat na oras na mabasa at matalakay ng mga estudyante ang handout, itanong ang mga sumusunod:
-
Anong impormasyon mula sa handout na ito ang naging dahilan para pag-alinlanganan ang katotohanan ng pahayag ni Stephen Burnett?
-
Bukod pa sa pagsusuri ng kredibilidad ng sources o mga materyal, paano pa ninyo malalaman kung totoo ang patotoo ng Tatlong Saksi?
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila sa aktibidad na ito. Isiping tapusin ang klase sa pamamagitan ng pagpapalabas ng natitirang bahagi ng video na “Sources na Itinalaga ng Diyos” (time code 4:20 hanggang 9:16) at pagbabahagi ng iyong patotoo sa kahalagahan ng paggamit ng mga alituntunin sa pagtatamo ng espirituwal na kaalaman.
Para sa Susunod
Itanong sa mga estudyante kung nahirapan ba silang mahiwatigan kapag nangungusap sa kanila ang Panginoon o kung gusto ba nilang malaman kung paano mas makatatanggap ng personal na paghahayag at patnubay sa kanilang buhay. Sabihin sa kanila na pag-aralang mabuti ang materyal sa paghahanda para sa susunod na lesson tungkol sa doktrina ng paghahayag at pumasok na handang ibahagi sa klase ang nalaman nila.