“Lesson 11 Materyal ng Titser: Ang Pagtitipon ng Israel,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 11 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 11 Materyal ng Titser
Ang Pagtitipon ng Israel
Nangako si Jesucristo na titipunin ang Kanyang mga tao sa mga huling araw (tingnan sa 3 Nephi 21:22–29). Layon ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang kanilang tungkulin sa pagtulong sa Panginoon na tipunin ang Israel. Tutulungan din nito ang mga estudyante na magplano kung paano sila mas lubos na makikibahagi sa pagtitipong ito.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga Banal na magtipon.
Ipakita ang sumusunod na larawan, at ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29:1–2.
-
Ano ang maaaring itinuturo sa atin ng matalinghagang paglalarawan sa mga talatang ito tungkol sa Tagapagligtas? Ano ang nais gawin ni Jesucristo para sa Kanyang mga tao?
Bigyang-diin ang salitang “nagbayad-sala” sa talata 1. Ipaliwanag na itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na “sa Hebreo, ang pangunahing salita para sa pagbabayad-sala ay kaphar, isang pandiwa na ang ibig sabihin ay ‘takpan’” (“The Atonement,” Ensign, Nob. 1996, 34).
-
Ayon sa talata 2, sino ang mga tao ng Panginoon na nais Niyang tipunin at takpan ng Kanyang mga bisig ng awa?
Ipaliwanag na ang Biblia, ang Aklat ni Mormon, at ang ilan sa mga paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith ay nagtuturo na titipunin ng Panginoon ang Kanyang mga tao, ang ikinalat na Israel, sa mga huling araw (tingnan sa Ezekiel 28:25.; 2 Nephi 10:8; Doktrina at mga Tipan 33:6).
Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung ano ang nauunawaan nila tungkol sa pagtitipon ng Israel. (Hikayatin sila na tingnan ang bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.) Maaari ka ring magtanong ng tulad ng mga sumusunod para makatulong na mas mapalalim ang talakayan:
-
Sa inyong palagay, bakit tinatawag ni Pangulong Nelson ang pagtitipon na “pinakamalaking hamon, pinakamagiting na layunin, at pinakadakilang gawain sa mundo ngayon”? (“Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], suplemento sa Liahona at New Era, 8, ChurchofJesusChrist.org; italiko sa orihinal).
-
Ano ang maaari nating matutuhan tungkol sa Panginoon at sa Kanyang katangian sa pamamagitan ng pagkalat at pagtitipon ng Kanyang mga pinagtipanang tao?
-
Ano ang ilan sa mga dahilan kung bakit nais ng Panginoon na sama-samang magtipon ang Kanyang mga Banal?
Ipaliwanag na noong Disyembre 1830, natanggap ni Joseph Smith ang isang paghahayag na nag-uutos sa mga Banal na lumipat sa Ohio (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 37:1–3). Sa isang kumperensya ng Simbahan noong Enero 1831, nakatanggap si Joseph ng karagdagang paghahayag na nagbibigay ng mga kadahilanan ng Panginoon sa pag-uutos sa mga Banal na magtipon at ipinaliwanag ang mga ipinangakong pagpapala sa paggawa nito.
Sabihin sa klase na basahin ang Doktrina at mga Tipan 38:28, 31–33, at alamin kung paano mapagpapala ang mga Banal kung susundin nila ang kautusan na magtipon sa Ohio. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Maaari mong bigyang-diin ang sumusunod na katotohanan: Tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga tao para mapangalagaan at mapalakas sila sa espirituwal.
-
Paano nagiging posible para sa atin na makatanggap ng pangangalaga at espirituwal na lakas mula sa Panginoon sa pamamagitan ng sama-samang pagtitipon ngayon sa ating mga ward, stake, at templo?
-
Anong uri ng pangangalaga ang naranasan ninyo habang nakikipagtipon kayo kasama ang iba pang mga Banal?
Tinatawag at tinutulungan ng Panginoon ang Kanyang mga tagapaglingkod na tipunin ang Israel.
Patingnan muli ang larawan ng inahing manok na tinitipon ang kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak. Ipakita ang sumusunod na katotohanan: Tinawag tayo ng Panginoon at tutulungan tayo na tipunin ang Israel.
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 29:4–7 at 84:86–88, at alamin ang mga paraan na tutulungan tayo ng Panginoon kapag tumulong tayo sa pagtitipon ng Israel. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Para sa halimbawa kung paano tayo tutulungan ng Panginoon na tipunin ang Israel, sabihin sa mga estudyante na ikuwento o sabay-sabay na basahin ang tungkol sa misyon ni Heber C. Kimball sa England na matatagpuan sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda. Maaari itong gawin sa maliliit na grupo. Sabihin sa bawat grupo (o sa klase) na sama-samang talakayin ang mga sumusunod na tanong matapos rebyuhin ang salaysay ni Elder Kimball:
-
Ano ang matututuhan ko mula sa karanasan ni Heber C. Kimball na maaaring magbigay sa akin ng higit na kumpiyansa na tumulong sa pagtipon ng Israel sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba?
-
Kailan ko nadama ang tulong ng Panginoon sa pangangaral ng ebanghelyo?
-
Ano ang maaari kong gawin para mas lalo ko pang magamit ang aking pananampalataya at maibahagi ang ebanghelyo sa iba?
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang pahayag at pagkatapos ay ibahagi kung paano nila naibahagi ang mensahe ng ebanghelyo sa iba nang epektibo ngunit sa likas o natural na paraan.
Saanman kayo naroon sa mundong ito, maraming pagkakataon upang ibahagi ang mabuting balita ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga taong nakikilala ninyo, kasamang nag-aaral, at kabahay o katrabaho at kasalamuha. … Maraming karaniwan at likas na paraan upang magawa ito. (Dieter F. Uchtdorf, “Gawaing Misyonero: Pagbabahagi ng Nasa Puso Mo,” Ensign o Liahona, Mayo 2019, 15, 17)
Maaari tayong makibahagi sa kagila-gilalas na gawain ng pagtitipon ng Israel.
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Nelson, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
Sa bawat oras na gumawa kayo ng kahit ano na tutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—na makalapit sa paggawa ng mga tipan sa Diyos at tanggapin ang kanilang mahalagang ordenansa ng pagbibinyag sa templo, tumutulong kayo na tipunin ang Israel. (Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel,” 15; italiko sa orihinal)
-
Batay sa mga turo ni Pangulong Nelson, ano pa ang magagawa natin para tulungan ang Panginoon na tipunin ang Israel? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanang tulad ng sumusunod: Tinitipon natin ang Israel kapag tinutulungan natin ang mga anak ng Diyos na gumawa ng mga hakbang na hahantong sa paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Kanya.)
Paalala: Matatalakay pa ng mga estudyante ang pagtitipon ng Israel sa pamamagitan ng family history at paglilingkod sa templo sa lesson 19, “Pagtubos sa mga Patay.”
Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang ilang partikular na paraan na makatutulong sila sa pagtipon ng Israel. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Maaari mong hilingin sa mga estudyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan na may kaugnayan sa mga bagay na nakasulat sa pisara.
Bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante na mapag-isipan ang sumusunod na tanong na matatagpuan sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda at makapagsulat ng isang mithiin na nadarama nilang matutupad nila. Maaari silang gumawa ng plano na kumilos ayon sa kanilang mga mithiin kasama ang isang kaibigan o grupo sa klase. Maaari mo ring itanong kung papayag ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang karanasan sa isang talakayan sa ibang araw.
-
Ano ang gagawin ninyo sa mga darating na araw at linggo para mas aktibo kayong makabahagi sa pagtitipon ng Israel?
Tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo na tinitipon ng Panginoon ang Israel sa mga huling araw. Tiyakin sa mga estudyante na pangangalagaan at bibigyan sila ng lakas ng Diyos kapag nagtitipon sila kasama ang iba pang mga Banal at kapag tumutulong sila na tipunin ang Israel.
Para sa Susunod
Ipaliwanag na ang pagtitipon ng Israel ay nauugnay sa gawain ng Panginoon sa pagtatatag ng Sion sa lupa bilang paghahanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang materyal sa paghahanda para sa susunod na klase at dumating na handang talakayin kung ano ang Sion at ang mga pagpapalang dumarating mula sa pagtulong na itatag ang Sion sa kanilang mga tahanan at mga stake.