Institute
Lesson 23 Materyal ng Titser: Ang Misyon ni Joseph Smith Bilang Propeta at ang Kanyang Pagkamartir


“Lesson 23 Materyal ng Titser: Ang Misyon ni Joseph Smith Bilang Propeta at ang Kanyang Pagkamartir,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)

“Lesson 23 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik

Lesson 23 Materyal ng Titser

Ang Misyon ni Joseph Smith Bilang Propeta at ang Kanyang Pagkamartir

Noong Hunyo 27, 1844, sina Joseph at Hyrum Smith ay pinaslang bilang martir sa Carthage, Illinois. Ang kanilang pagkamatay ay nagdagdag ng isang makapangyarihang pagpapatibay sa kanilang mga patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 135:1, 3). Layon ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na mapalakas ang kanilang patotoo tungkol sa misyon ni Joseph Smith bilang propeta.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

PAGPAPAHUSAY NG ATING PAGTUTURO AT PAG-AARAL

Gumamit ng mga himno. Ang sagradong musika, lalo na ang mga himno ng Simbahan, ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang impluwensya ng Espiritu Santo habang pinag-aaralan nila ang ebanghelyo. Upang makapagbigay ng mga karagdagang kaalaman sa isang lesson, maaari kang pumili ng isang himno na may kaugnayan sa materyal ng lesson na aawitin sa simula ng klase.

Sina Joseph at Hyrum Smith ay pinaslang bilang martir sa Carthage Jail.

Maaari kayong umawit ng ilang talata (kabilang ang talata 7) ng himnong “Isang Taong Manlalakbay.” Ipaliwanag na ang himnong ito at ang mensahe nito tungkol sa paglilingkod sa Tagapagligtas ay paborito ni Joseph Smith. Hiniling ng Propeta kay John Taylor na awitin ito sa Carthage Jail ilang sandali bago lumusob ang mga mandurumog.

Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung ano ang nalalaman nila tungkol sa mga pangyayaring humantong sa pagdakip at pagkakulong nina Joseph at Hyrum Smith sa Carthage, Illinois. (Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang natutuhan nila mula sa materyal sa paghahanda.)

  • Sa inyong palagay, paano maaaring nailarawan sa mga salita ng “Isang Taong Manlalakbay” ang katapatan ni Joseph sa Tagapagligtas? (Kung kailangan, maaari mong bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na rebyuhin ang mga salita sa himno sa pagsagot nila sa tanong na ito.)

Ipaliwanag na alam ni Joseph na mahaharap siya sa tiyak na kamatayan kung pupunta siya sa Carthage para sa paglilitis. Naalala ng miyembro ng Simbahan na si Dan Jones, na kasama ng Propeta sa Nauvoo habang naghahanda itong maglakbay patungo sa Carthage:

Hinding-hindi ko malilimutan ang sandaling iyon nang tumayo [ang Propeta] … , at minasdan ang mga nakapaligid sa kanya, pagkatapos ay tumingin sa lungsod at sa mga naninirahan dito na malapit sa kanyang puso, sinabi niya, “Kung hindi ako tutungo [sa Carthage], ang magiging resulta ay ang pagkawasak ng lungsod na ito at ng mga naninirahan dito; at hindi ko kayang isipin na muling pagdurusahan sa Nauvoo ng mga mahal kong kapatid at ng kanilang mga anak ang mga nangyari sa Missouri; hindi, mas makabubuti na ang inyong kapatid na si Joseph ang mamatay para sa kanyang mga kapatid, sapagkat ako ay handang mamatay para sa kanila. Tapos na ang aking gawain.” (Dan Jones, sa Ronald D. Dennis, trans., “The Martyrdom of Joseph Smith and His Brother, Hyrum,” BYU Studies, vol. 24, no. 1 [1984], 85)

  • Ano ang inihahayag ng mga sinabi at ginawa ng Propeta tungkol sa kanyang pagkatao?

labas ng Liberty Jail

Maaari mong bigyang-diin na tinularan ni Joseph Smith ang halimbawa ng pagmamahal ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng kanyang kahandaang ibigay ang kanyang buhay para protektahan ang mga Banal (tingnan sa Juan 15:13).

Ipakita ang isang larawan ng Carthage Jail. Sabihin sa mga estudyante na ilahad ang nalalaman nila tungkol sa mga pangyayari sa Carthage Jail noong Hunyo 27, 1844, nang paslangin sina Joseph at Hyrum. (Hikayatin ang mga estudyante na alalahanin ang natutuhan nila mula sa materyal sa paghahanda.)

Ipaliwanag na ang pagpapabatid tungkol sa pagkamatay ng Propeta, na kasama ngayon sa Doktrina at mga Tipan 135, ay ibinatay sa nasaksihan nina Elder John Taylor at Willard Richards.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 135:1–2, 4–6 kasama ang klase.

  • Ano ang mga naisip at nadama ninyo habang iniisip ninyo ang sakripisyo na handang gawin nina Joseph at Hyrum Smith para sa kanilang mga patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo?

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang huling dalawang pangungusap ng Doktrina at mga Tipan 135:3 (simula sa “Siya ay nabuhay na dakila …”) at Doktrina at mga Tipan 136:39, at hanapin kung ano ang matututuhan natin tungkol sa pagkamatay nina Joseph at Hyrum.

  • Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa kahalagahan ng pagkamatay nina Joseph at Hyrum? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Tinatakan nina Joseph at Hyrum Smith ng kanilang dugo ang kanilang mga patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo.)

Ipaliwanag na ang pagtatatak na ito ng kanilang dugo sa kanilang mga patotoo ay permanenteng nagpatibay sa kanilang mga patotoo at sa kanilang mga banal na misyon na may kaugnayan sa Panunumbalik ng ebanghelyo.

  Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang ipinakitang di-natitinag na katapatan nina Joseph at Hyrum sa kanilang mga patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo maging sa harap ng kamatayan.

  • Paano napalakas ng kahandaan ni Joseph Smith na ibigay ang kanyang buhay para sa ipinanumbalik na ebanghelyo ang inyong patotoo tungkol sa kanya bilang Propeta ng Panginoon?

Sa pamamagitan ng ministeryo ni Joseph Smith bilang propeta, makakamtan ng mga anak ng Ama sa Langit ang mga banal na pagpapala.

Ipabasa sa mga estudyante ang unang pangungusap ng Doktrina at mga Tipan 135:3, na nagtuturo na si Joseph Smith ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesucristo, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito. (Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang katotohanang ito sa kanilang mga banal na kasulatan.)

Maaari mong hilingin sa mga estudyante na ibahagi kung paano nila maipapaliwanag ang katotohanang ito sa isang kaibigan na kabilang sa ibang relihiyong Kristiyano.

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang natitirang bahagi ng Doktrina at mga Tipan 135:3, at alamin ang mga nagawa ni Propetang Joseph Smith na nakatulong para magtamo ng kaligtasan ang mga anak ng Ama sa Langit. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaari mong isulat ang kanilang mga sagot sa pisara.

  • Ano pa ang maidadagdag ninyo sa listahan ng mga nagawa ni Propetang Joseph Smith para sa kaligtasan ng sanlibutan?

Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga sumusunod na tanong na sasagutin nila. Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para maisulat ang mga naisip nila.

  • Ano ang mga naranasan mo na nakatulong sa iyo na magkaroon ng patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith?

  • Paano naimpluwensyahan at napagpala ang iyong buhay dahil tinupad ni Joseph Smith ang kanyang misyon bilang propeta?

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang isinulat. Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith.

Para sa Susunod

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang maaaring madama nila kapag tinawag sila na mamuno sa Simbahan gayong bahagya lang ang kanilang nalalaman o karanasan at maraming kahinaan. Sabihin sa kanila na pagnilayan kung mananampalataya at magtitiwala ba sila o hindi na tutulungan sila ng Panginoon sa tungkuling iyon. Hikayatin ang mga estudyante na isaisip ang tanong na ito habang pinag-aaralan ang materyal sa paghahanda para sa susunod na lesson.